Linggo, Agosto 25, 2013

Offering


Biyernes ‘yon at papunta ako sa UP, para magpasa ng research sa MA. Ang sabi ng propesor namin, iwan na lang daw sa pigeon hole niya. Hanggang Biyernes lang daw.

Pagkatapos kong magpasa, didiretso ako sa FEU—East Asia College. Part timer lang ako roon.

Masikip na naman sa bus na pa-Cubao, galing Malinta Exit. Normal na ito sa mga bus na ito. Bagama’t hindi ganoon kasikip nang araw na ‘yon, dahil nga Biyernes at alas-diyes naman na ng umaga. Hindi na rush hour.

Sa ordinary bus ako nasakay (para namang weird o extraordinary ang mga airconditioned). ‘Yon kasi ang unang dumaan. Sa dami nang pasahero at sa unti ng bus, idagdag pa ang init at sikip ng kalsada, inalisan na ng mga pasahero ang kani-kanilang sarili ng karapatang mamili ng bus. Pero kahit ang sikip-sikip na ng bus, nakuha pang sumakay ng dalawang lalaking nag-aabot ng sobre. Hindi sila magkakilala. Ito ang sinasabi ng mga suot nila.

Binatilyo ang una, mukhang nasa disi-otso anyos lang. Nanlilimahid ang abong t-shirt at mukha. At nanlalagkit ang buhok.

“May space pa rito sa likod o,” dumaan siya, parang konduktor lang.

Nakasunod nang tingin sa kanya ang mga pasahero. Sa sinabi niya, akala ko nang una, pasahero siya. Ganoon lang talaga ang itsura. Kaya nagulat ako nang pag-aabutan niya kami ng brown envelope na gaya ng mga nasa kapilya. At may nakasulat sa burarang sulat-kamay na kailangan lang niya ng pangkain.

Naglagay ang katabi kong babae, pero ako, hindi. Ewan, pero ang pananaw ko kasi sa ganyan, baka namimihasa, komo may mga nagbibigay.

Kinolekta ng binatilyo ang mga sobre, parang nangungulekta lang ng offering. Pero iba sa mga usher ng simbahan, kinukuha niya agad ang mga laman. Tapos, ni walang pasalamat, na para bang obligasyon ng mga tao na magbigay sa kanya.

Hindi ako nagsisi na hindi ako nagbigay.

Nasa NLEX na noon ang bus. Nagsasalita naman sa daanan ng mga pasahero, sa gawing unahan, ang isang lalaking clean-cut ang gupit, nakasalamin at naka-checkered na polo. Mukhang nasa kuwarenta na siya at may hawig kay Ted Failon, sa itsura at sa porma. May hawak siyang Bibliya at nagsasalita sa malakas niyang boses.

Sabi po sa aklat ni ganito, pangkat ganito, talatang ganyan.

Nalimutan ko kung saan matatagpuan ang talatang binanggit niya. Idagdag pang nasa bandang likod na ako. Malapit na ako sa upuang animan. Pero tumatak sa akin ang pagsasabi niya ng “pangkat” sa halip na “kabanata.” Noon lang ako nakarinig nang ganoon, sa dami ng pastor na kilala ko. Naisip ko tuloy, alam kaya talaga niya ang ginagawa niya?

Naalaala ko ang isang hapong naglalakad ako sa footbridge sa Paramount. May nakita akong lalaking nakabihis din nang ganoon, at kinakausap ang isa pang lalaki naka-t-shirt lang. “Tapos, basahin mo ‘to, tapos…” Tutok na tutok naman sa pakikinig ang lalaki sa itinuturo ng lalaking naka-polo, na akala mo nagpapaliwanag ng isang napakahalagang strategy.

“Kaya lalapit po ako sa inyo para kuhanin ang inyong mga offering,” sabi ng kahawig ni Ted Failon, pagkatapos magsasalita. Nasa Muñoz na ang bus.

At lumapit nga siya at nag-abot ng mga sobre. “Mag-offering po tayo, mag-offering po tayo.” Lahat ng pasahero, inaabutan niya. “Mag-offering po tayo, mag-offering po tayo.”

Naasiwa ako sa salita niya. Parang namimilit.

Naalaala ko ang pastor sa church namin. “Sana naman po, ipaalam n’yo sa akin na nagso-solicit po kayo. At ‘wag naman po sana tayong lalapit sa pulitiko.”

Pagkatapos, isa-isa niyang kinolekta ang “offering” namin. Hindi uli ako nagbigay. Hindi ko naman alam kung sa simbahan nga ba ‘yon mapupunta. Nagbigay uli ang katabi kong babae, at ang lalaki sa tabing-bintana.

“God bless po,” sabi niya pagkahawak sa sobre ng lalaki sa tabing-bintana. “God bless po,” ang sobre naman ng katabi kong babae ang hawak niya.

At pagkahawak niya sa sobre ko, wala man lang siyang sinabi. Wala akong “God bless po.”

Nagdasal pa siya pagkatapos. Na ipagpatuloy ang pagbibigay ng “kaloob,” at na pagpalain ang mga nagbigay ng “offering.”

Sa Paramount siya bumaba. Bumaba na rin ako. Sa SM North ako sasakay ng dyip na pa-UP.

Ewan, pero naisip ko, siguro, lalapit siya sa nagtitinda ng sigarilyo. Tapos, maninigarilyo.

Pero hindi. Dahil pagkalingon ko pa lang, wala na siya. Siguro, sumakay na sa dumaang bus. Para manguha uli ng “offering.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento