Sir bt lgi kng my * sa mga post mo?
Message ‘yan sa
Facebook account ko ng isa kong estudyante.
May asterisk ang
bawat post ko sa Facebook. Status mo man o comment. Sa asterisk din nag-uumpisa
ang bawat text message ko, maging ang mga message ko sa e-mail o maski mga
sulat-kumay na note. Pati ang pirma ko, asterisk ang dulo.
“Maangas,”
“Cool,” sabi ng mga nakakakita sa pirma ko. May isang cotecaher ako na
naka-text ko, akala, may sira lang ang phone ko. Kaya may * sa umpisa. May mga
kaibigan namana ako, na pag nag-text ako na ibang cellphone ang gamit, kilala
na agad ako. Dahil nga sa asterisk.
“Mahirap
ipaliwanag, pag nagkita na lang tayo,” sagot ko sa chatbox.
Dahil estudyante
ko lang siya at friend sa Facebook, ang asterisk lang sa mga post ko sa Facebook
at sa pirma ko ang nakikita niya. Pinipirmahan kasi naman ang test permit nila
bago namin bigyan ng major exam. Sa madaling sabi, no permit, no exam.
Kinabukasan,
nagpunta nga sa faculty room ang estudyante.
Apat silang babae, mga BSIT. Mga estudyante ko sa Filipino 2, “Pagbasa’t
Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.” Kumuha ako ng ballpen, nanghiram sa kanila ng
notebook, saka ipinaliwanag sa kanila ng asterisk.
Nagmula lang sa
wala ang paggamit ko ng asterisk. May naging kaklase ako dati sa first year
high school, may asterisk ang dulo ng pirma niya. Ginaya ko. Kalaunan, dahil
ano ba naman sa isang dose anyos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang pirma
lang, nagkaroon ako ng iba pang pirma. Marami.
Nang nasa
kolehiyo na ako, at kailangan na ng isang lagda lang, bumalik ako sa pirmang
‘yon. Hindi ko alam kung bakit doon, sa dinami-rami ng naging pirma ko. Siguro,
dahil ‘yon ang pinakasimple at pinakakakaiba. Hindi ‘yon kakaiba na hindi
magagaya, kundi ‘yong kakaiba sa lahat ng pirma ko.
Sa kaso naman ng
text message, may mga taong naglalagay ng signature sa kanilang text.
Katunayan, naise-set ito sa message setting ng cellphone. Pagpunta mo sa write
message, nandoon na agad ang inilagay mo sa signature sa message settings. May
naglalagay ng underscore sa unahan, may baligtad na question mark at kung
anu-ano pa. Nang una, hindi ako nakisakay sa uso. Pero nang magkaroon nga ako
ng tiyak na pirma, naglagay na ako ng asterisk sa umpisa ng mga text ko.
Nang makatapos
ako ng kolehiyo, nang makapaglagalag ako, makapagtrabaho sa ilang eskuwelahan,
makakilala ng maraming tao, magkaroon ng bagong mga kaibigan, nang mas kilala
ko na ang sarili ko, nalaman kong hindi pala gayon kasimple ang buhay. Noon
nagkaroon ng kahulugan sa akin ang asterisk, na dati’y disenyo lang sa akin.
At ngayon nga,
may tatlo na itong kahulugan sa akin.
Una, sa hugis,
komplikado ang *. Hindi gaya ng parisukat at bilog. Parang itong ng bolang
tinik. Parang maningning na bituin. Pero pag pinagdugtong-dugtong ang dulo ng
mga tinik nito, mabubuo ang isang bilog. Katunayan, sa MS Word, maaaring maging
bilog na bullet ang asterisk.
At ang bilog,
nagpapakita ng kasimple.
Sa akin, gayon
ang buhay. Simple at komplikado. Simple, pero komplikado. Komplikado, pero
simple.
Simple sapagkat
parang pare-parehas lang naman ang nangyayari sa araw. Sa simpleng mga bagay
nagsisimula ang malalalim na kaligayahan. Sa simpleng mga tao ko nakita ang mga
ngiti ng saya. Ngunit komplikado ‘pagkat hindi madaling maunawaan ang buhay. Napakaraming
talinghaga. Maraming nangyayari nang di natin inaasahan. Maraming nagaganap
nang biglaan.
Ikalawa,
naniniwala akong mahirap maging tao. Dahil marami tayong papel na ginagampanan.
Estudyante ka kung nasa paaralan. Kapatid ka sa iyong mga kapatid, anak sa
iyong mga magulang. Kasintahan ka sa iyong kasintahan. At saan ka man pumunta,
Pilipino ka kung Pilipino ka.
Pag pinagsama-sama
ang mga ito, mabubuo ka. Parang mga linya mula sa iba’t ibang direksiyon. Pag pinag-isa,
mabubuo ang asterisk.
At ikatlo, dahil
sa integridad. Isa ito sa mga pinakamahirap maabot ng isang tao. Salitang Latin,
ibig sabihin, “buo.” Hindi buo ang isang ama na sa pagnanakaw binubuhay ang
pamilya. Ni ang isang mabuting boyfriend pero bastos sa mga magulang. Hindi rin
buo, siyempre, ang isang mahusay at patas na guro, pero hindi ginagampanan ang
mga tungkulin niya bilang Pilipino.
At gayon nga ang
gusto ko. Maging buo. Magkaroon ng integridad.
Alam ko, wala pa
ito akong integridad. Hindi pa ako buo. Hindi pa rin nagagampanan nang mahusay ang mga larangang pinasok ko. Hindi pa
ako gayon kahusay magsulat. Hindi pa ganoon kahusay na guro. At may mga
pagkakataong hindi ako nagiging patas.
Pero may panahon
pa naman. Gagampanan ko ang mga papel ko nang may integridad. Walang panahong
dapat sayangin. ‘Pagkat maiksi lang ang buhay at walang katiyakan. Parang
bituin sa langit, maaaring nakita kagabi, ngunit hindi masilayan sa gabing ito.
Parang bituin na
parang asterisk.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento