Sabado, Agosto 31, 2013

Parang Hindi Ka Naman Lumisan*


Parang hindi ka naman
nawala
nagpaalam
lumisan.
‘Pagkat naaamoy ko pa
ang hininga ng sigarilyo
humahalo sa tinig mo
tinig na iyong-iyo.
Naririnig ko pa
ang malulusog mong ubo
at masisiglang halakhak
wala
ni dampi ng pagpapanggap.

Nakikita ko pa
ang kislap sa iyong mga mata
at ang pag-ibig
sa tahimik mong mga titig.

Parang hindi ka naman
nawala
nagpaalam
lumisan.
Parang nandito ka lamang
kapiling namin
araw-araw.

Pumikit ako
nakita kita sa tumba-tumba
nakataas ang paa
kakuwentuhan kaming
buo mong pamilya.


*para kay Tatay. Miss na miss ka na namin, lalo na ni Nanay.

Miyerkules, Agosto 28, 2013

Asterisk


Sir bt lgi kng my * sa mga post mo?

Message ‘yan sa Facebook account ko ng isa kong estudyante.

May asterisk ang bawat post ko sa Facebook. Status mo man o comment. Sa asterisk din nag-uumpisa ang bawat text message ko, maging ang mga message ko sa e-mail o maski mga sulat-kumay na note. Pati ang pirma ko, asterisk ang dulo.

“Maangas,” “Cool,” sabi ng mga nakakakita sa pirma ko. May isang cotecaher ako na naka-text ko, akala, may sira lang ang phone ko. Kaya may * sa umpisa. May mga kaibigan namana ako, na pag nag-text ako na ibang cellphone ang gamit, kilala na agad ako. Dahil nga sa asterisk.

“Mahirap ipaliwanag, pag nagkita na lang tayo,” sagot ko sa chatbox.

Dahil estudyante ko lang siya at friend sa Facebook, ang asterisk lang sa mga post ko sa Facebook at sa pirma ko ang nakikita niya. Pinipirmahan kasi naman ang test permit nila bago namin bigyan ng major exam. Sa madaling sabi, no permit, no exam.

Kinabukasan, nagpunta nga sa faculty room ang estudyante.  Apat silang babae, mga BSIT. Mga estudyante ko sa Filipino 2, “Pagbasa’t Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.” Kumuha ako ng ballpen, nanghiram sa kanila ng notebook, saka ipinaliwanag sa kanila ng asterisk.

Nagmula lang sa wala ang paggamit ko ng asterisk. May naging kaklase ako dati sa first year high school, may asterisk ang dulo ng pirma niya. Ginaya ko. Kalaunan, dahil ano ba naman sa isang dose anyos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang pirma lang, nagkaroon ako ng iba pang pirma. Marami.

Nang nasa kolehiyo na ako, at kailangan na ng isang lagda lang, bumalik ako sa pirmang ‘yon. Hindi ko alam kung bakit doon, sa dinami-rami ng naging pirma ko. Siguro, dahil ‘yon ang pinakasimple at pinakakakaiba. Hindi ‘yon kakaiba na hindi magagaya, kundi ‘yong kakaiba sa lahat ng pirma ko.

Sa kaso naman ng text message, may mga taong naglalagay ng signature sa kanilang text. Katunayan, naise-set ito sa message setting ng cellphone. Pagpunta mo sa write message, nandoon na agad ang inilagay mo sa signature sa message settings. May naglalagay ng underscore sa unahan, may baligtad na question mark at kung anu-ano pa. Nang una, hindi ako nakisakay sa uso. Pero nang magkaroon nga ako ng tiyak na pirma, naglagay na ako ng asterisk sa umpisa ng mga text ko.

Nang makatapos ako ng kolehiyo, nang makapaglagalag ako, makapagtrabaho sa ilang eskuwelahan, makakilala ng maraming tao, magkaroon ng bagong mga kaibigan, nang mas kilala ko na ang sarili ko, nalaman kong hindi pala gayon kasimple ang buhay. Noon nagkaroon ng kahulugan sa akin ang asterisk, na dati’y disenyo lang sa akin.

At ngayon nga, may tatlo na itong kahulugan sa akin.

Una, sa hugis, komplikado ang *. Hindi gaya ng parisukat at bilog. Parang itong ng bolang tinik. Parang maningning na bituin. Pero pag pinagdugtong-dugtong ang dulo ng mga tinik nito, mabubuo ang isang bilog. Katunayan, sa MS Word, maaaring maging bilog na bullet ang asterisk.

At ang bilog, nagpapakita ng kasimple.

Sa akin, gayon ang buhay. Simple at komplikado. Simple, pero komplikado. Komplikado, pero simple.

Simple sapagkat parang pare-parehas lang naman ang nangyayari sa araw. Sa simpleng mga bagay nagsisimula ang malalalim na kaligayahan. Sa simpleng mga tao ko nakita ang mga ngiti ng saya. Ngunit komplikado ‘pagkat hindi madaling maunawaan ang buhay. Napakaraming talinghaga. Maraming nangyayari nang di natin inaasahan. Maraming nagaganap nang biglaan.

Ikalawa, naniniwala akong mahirap maging tao. Dahil marami tayong papel na ginagampanan. Estudyante ka kung nasa paaralan. Kapatid ka sa iyong mga kapatid, anak sa iyong mga magulang. Kasintahan ka sa iyong kasintahan. At saan ka man pumunta, Pilipino ka kung Pilipino ka.

Pag pinagsama-sama ang mga ito, mabubuo ka. Parang mga linya mula sa iba’t ibang direksiyon. Pag pinag-isa, mabubuo ang asterisk.

At ikatlo, dahil sa integridad. Isa ito sa mga pinakamahirap maabot ng isang tao. Salitang Latin, ibig sabihin, “buo.” Hindi buo ang isang ama na sa pagnanakaw binubuhay ang pamilya. Ni ang isang mabuting boyfriend pero bastos sa mga magulang. Hindi rin buo, siyempre, ang isang mahusay at patas na guro, pero hindi ginagampanan ang mga tungkulin niya bilang Pilipino.

At gayon nga ang gusto ko. Maging buo. Magkaroon ng integridad.

Alam ko, wala pa ito akong integridad. Hindi pa ako buo. Hindi pa rin nagagampanan nang  mahusay ang mga larangang pinasok ko. Hindi pa ako gayon kahusay magsulat. Hindi pa ganoon kahusay na guro. At may mga pagkakataong hindi ako nagiging patas.

Pero may panahon pa naman. Gagampanan ko ang mga papel ko nang may integridad. Walang panahong dapat sayangin. ‘Pagkat maiksi lang ang buhay at walang katiyakan. Parang bituin sa langit, maaaring nakita kagabi, ngunit hindi masilayan sa gabing ito.

Parang bituin na parang asterisk.

Martes, Agosto 27, 2013

Snatch


nanginginig ang dyip
kagat-kagat ng traffic

nakangiti siyang nagti-text
nang biglang dukutin sa bintana
ang kanyang i-phone

kasamang nahablot
                                                                                                                 ang tiwala niya sa lungsod

Lunes, Agosto 26, 2013

Ala-GAD


‘’Ala’          mala               parang               animo               tulad                    gaya
                                                               ala-ina               ala-kapatid               ala-ama

guro
alagad ng edukasyon

nagbabaon ng pananghalian
hotdog        galunggong         tortang talong
                              nanginginig ang tuhod sa gutom
                              humpak na pisngi
                              bag na punit
                                                                                                           matang naghuhumapdi
napapipikit

namumroblema sa baon ng mga anak
                   disconnection notice
                                nakasimangot na land lady
                                                                                                                        

pagkatapos ng trabaho
nasapo niya ang pinipikong ulo
                                                                                                                                          ala-GAD

‘GAD’         General Anxiety Disorder
                                bunga ng di makontrol na pagkabahala

sa pang-araw-araw
na mga dalita

Linggo, Agosto 25, 2013

Offering


Biyernes ‘yon at papunta ako sa UP, para magpasa ng research sa MA. Ang sabi ng propesor namin, iwan na lang daw sa pigeon hole niya. Hanggang Biyernes lang daw.

Pagkatapos kong magpasa, didiretso ako sa FEU—East Asia College. Part timer lang ako roon.

Masikip na naman sa bus na pa-Cubao, galing Malinta Exit. Normal na ito sa mga bus na ito. Bagama’t hindi ganoon kasikip nang araw na ‘yon, dahil nga Biyernes at alas-diyes naman na ng umaga. Hindi na rush hour.

Sa ordinary bus ako nasakay (para namang weird o extraordinary ang mga airconditioned). ‘Yon kasi ang unang dumaan. Sa dami nang pasahero at sa unti ng bus, idagdag pa ang init at sikip ng kalsada, inalisan na ng mga pasahero ang kani-kanilang sarili ng karapatang mamili ng bus. Pero kahit ang sikip-sikip na ng bus, nakuha pang sumakay ng dalawang lalaking nag-aabot ng sobre. Hindi sila magkakilala. Ito ang sinasabi ng mga suot nila.

Binatilyo ang una, mukhang nasa disi-otso anyos lang. Nanlilimahid ang abong t-shirt at mukha. At nanlalagkit ang buhok.

“May space pa rito sa likod o,” dumaan siya, parang konduktor lang.

Nakasunod nang tingin sa kanya ang mga pasahero. Sa sinabi niya, akala ko nang una, pasahero siya. Ganoon lang talaga ang itsura. Kaya nagulat ako nang pag-aabutan niya kami ng brown envelope na gaya ng mga nasa kapilya. At may nakasulat sa burarang sulat-kamay na kailangan lang niya ng pangkain.

Naglagay ang katabi kong babae, pero ako, hindi. Ewan, pero ang pananaw ko kasi sa ganyan, baka namimihasa, komo may mga nagbibigay.

Kinolekta ng binatilyo ang mga sobre, parang nangungulekta lang ng offering. Pero iba sa mga usher ng simbahan, kinukuha niya agad ang mga laman. Tapos, ni walang pasalamat, na para bang obligasyon ng mga tao na magbigay sa kanya.

Hindi ako nagsisi na hindi ako nagbigay.

Nasa NLEX na noon ang bus. Nagsasalita naman sa daanan ng mga pasahero, sa gawing unahan, ang isang lalaking clean-cut ang gupit, nakasalamin at naka-checkered na polo. Mukhang nasa kuwarenta na siya at may hawig kay Ted Failon, sa itsura at sa porma. May hawak siyang Bibliya at nagsasalita sa malakas niyang boses.

Sabi po sa aklat ni ganito, pangkat ganito, talatang ganyan.

Nalimutan ko kung saan matatagpuan ang talatang binanggit niya. Idagdag pang nasa bandang likod na ako. Malapit na ako sa upuang animan. Pero tumatak sa akin ang pagsasabi niya ng “pangkat” sa halip na “kabanata.” Noon lang ako nakarinig nang ganoon, sa dami ng pastor na kilala ko. Naisip ko tuloy, alam kaya talaga niya ang ginagawa niya?

Naalaala ko ang isang hapong naglalakad ako sa footbridge sa Paramount. May nakita akong lalaking nakabihis din nang ganoon, at kinakausap ang isa pang lalaki naka-t-shirt lang. “Tapos, basahin mo ‘to, tapos…” Tutok na tutok naman sa pakikinig ang lalaki sa itinuturo ng lalaking naka-polo, na akala mo nagpapaliwanag ng isang napakahalagang strategy.

“Kaya lalapit po ako sa inyo para kuhanin ang inyong mga offering,” sabi ng kahawig ni Ted Failon, pagkatapos magsasalita. Nasa Muñoz na ang bus.

At lumapit nga siya at nag-abot ng mga sobre. “Mag-offering po tayo, mag-offering po tayo.” Lahat ng pasahero, inaabutan niya. “Mag-offering po tayo, mag-offering po tayo.”

Naasiwa ako sa salita niya. Parang namimilit.

Naalaala ko ang pastor sa church namin. “Sana naman po, ipaalam n’yo sa akin na nagso-solicit po kayo. At ‘wag naman po sana tayong lalapit sa pulitiko.”

Pagkatapos, isa-isa niyang kinolekta ang “offering” namin. Hindi uli ako nagbigay. Hindi ko naman alam kung sa simbahan nga ba ‘yon mapupunta. Nagbigay uli ang katabi kong babae, at ang lalaki sa tabing-bintana.

“God bless po,” sabi niya pagkahawak sa sobre ng lalaki sa tabing-bintana. “God bless po,” ang sobre naman ng katabi kong babae ang hawak niya.

At pagkahawak niya sa sobre ko, wala man lang siyang sinabi. Wala akong “God bless po.”

Nagdasal pa siya pagkatapos. Na ipagpatuloy ang pagbibigay ng “kaloob,” at na pagpalain ang mga nagbigay ng “offering.”

Sa Paramount siya bumaba. Bumaba na rin ako. Sa SM North ako sasakay ng dyip na pa-UP.

Ewan, pero naisip ko, siguro, lalapit siya sa nagtitinda ng sigarilyo. Tapos, maninigarilyo.

Pero hindi. Dahil pagkalingon ko pa lang, wala na siya. Siguro, sumakay na sa dumaang bus. Para manguha uli ng “offering.”

Zipper


Mga ngipin ng zipper
ang ating mga daliri
nang magdibdib-sa-dibdib
ang ating mga palad
dinarama
ang lambot, kinis, tatag
ng kamay ng isa’t isa.

Kahapon, lumisan ka
malinaw
na wala nang balikan.
Minasdan ko ang aking mga siha*
nasilip ko
ang nagngangang mga sugat
at malalim na talinghaga.


*puwang sa pagitan ng mga daliri

Huwebes, Agosto 22, 2013

“Ulan” ni Rebecca Leonard


Ulan
Matiwasay, payapa, masaya

Ulan
Malungkot, kirot, karahasan

Ulan
Pag-iyak, sakit, muhi

Ulan
Pananatili

Ulan
Paglisan

ULAN, Ulan, ulan…

Miyerkules, Agosto 21, 2013

Turon*


Ito lang siguro ang kaya mo
tindang malulutong na turon
para sa nangangatog
gutom na gutom
na mga nasalanta.

Siguro, sinalubong ka
ng mapupungay nilang mata.
Sinabi sa iyo ng matatanda
“Gagantihan ka ng Lumikha.”
Isinigaw ng mga palabiro
“Hindi lang saging ang may puso!”

Sa pagtulog mo
siguro, ihahatid ka ng lamig
at marikit mong ngiti
sa pinakamatamis na panaginip,
at sana, roon
may magbulong sa iyo nito
“May lumayang Pilipino
nang bumukas ang palad mo.”


* para sa Pilipinong nagbigay ng tindang turon sa mga nasalanta ng bagyong Maring at ng habagat.

Comatose


Pang-apat na araw mo na ngayon
dito sa puting bilangguan
walang kapalit
dahil hanggang dalaw lamang
ang pito mong kapatid
pinsan
at di mabilang na pamangkin.

Ngayon, nililibang mo ang sarili
sa lutong ng sky flakes
mararahang guhit
ng kapeng three-in-one
sa iyong lalamunan
pilit na halakhak
ng estrangherong mga bantay
masusuyong halik ng lamig
at kinis ng mukha
ng nakaputing mga tagapagligtas.
Kailangan mo ang ganitong
paglilibang
panlaban
sa panlalamig
ng pag-ibig
sa mga kaanak mo’t
mga kapatid.

Martes, Agosto 20, 2013

Paghahanap


Sa ganitong panahon
dapat, nakangiti ako
dinarama ang kapayapaan
ng kaluluwa
kiliti ng lamig
at tahimik na himig
ng ulan
habang nagkakape
at pinanonood
ang lumulusog na baha
o nagbabasa
at kayakap ng unan.

Ngunit saan ko
hahanapin ang saya
kung alam kong
habang hinahanap ko ang sarili
ay laksa
ang nasa palad ng baha
naghahanap ng pag-asa.

Lunes, Agosto 19, 2013

Elevator*


Akyat-baba
baba-taas
sara-bukas
ganito mo hinihintay
ang pagtungtong ng alas-singko.

Bahagi ng paghihintay
ang pag-idlip ng oras
pagpapang-abot
ng iyong mga hikab
pagbilis
ng pagpapalit ng pahina
ng karamay mong
gusgusing romance pocketbook.

At sa pagitan ng mga ito
ilang ulit mo ring sisilipin
ang katuturan
ng papanaw na araw.


*para kay ate na operator ng elevator sa FEU-EAC.

'Tol


Hindi ko na sinubok suriin
ang pagkadalisay
ng iyong mga ngiti
ni pinakinggang mabuti
kung ano ang dala
ng sadyang inilalakas na tawa.
Hindi ko kaya.
Lalong hindi ako umiling
nang muli mong kawayan ang waiter
para sa ilang fried chicken
at panibagong bucket.
Maaga pa
may bukas pa
para sa nagkalat
na papel sa mesa.

Alam ko
mamaya, sa apartment mo
muli kang dadalawin
ng tinatakasan mong multo.

Buhol


Buhul-buhol ang maputlang usok
na ibinuga
ng makinis na dalagita
lumabo sa aking mata
ang maladiwata niyang ganda.

Endearment


Kailangan natin ng bagong pangalan
sa sandaling pumasok tayo
sa relasyong tulad nito:
Sweetheart, Honey, Dear
Mahal, Darling, Bebe Ko.

Kailangan natin ng bagong pangalan
iba sa ngalang kinagisnan
iba sa nakasanayan
‘pagkat sa harap
ng kasintahan
iba ang ating katauhan.

Linggo, Agosto 18, 2013

Tahanan


“Kung nasaan ang taong nag-iisip sa iyo, naroon ang tahanan mo.”—Naruto


Tahan na…
               tama na…
                             tahan na…

                                                                      TAHANAN
                                                                       
dito
dito ka hihinto sa pag-iyak
hindi na magsasayang ng luha

dahil kapiling
ang mga taong nagmamahal
                                                                                                                                    kumakalinga

Pag(-)Ibig


Pag                        pangatnig
ibig sabihin            kung                     tuwing
                                            sakali

ibig                         salitang-ugat
kahulugan              nais                    hangad
                                             gusto

kung gusto?
                           kung hangad?
                                                       kung nais?
                                                                              kung ibig?

dapat                           handang masaktan
                                                                 pagpawisan
                                                                                        lumaban

 papaano kung hindi?
                                   kung ayaw?

                                                                 walang paghahangad
                                                                                        walang pagkagusto
                                                                                                                 walang pagnanais

walang pag-ibig?