Sabado, Pebrero 9, 2013

Superhero


Hinahanap kita, tuwi-tuwina,
kung binubomba ng tubig
ang mga aktibista sa Mendiola,
kung may palengkeng nginunguya ng apoy,
kung dinudurog ng mga bulldozer
ang mga dampa sa isang pook,
kung umuulan ng teargas at tingga sa isang digma,
kung may magnanakaw na muling nagreretorika
sa harap ng masa.

Inaantabayan kita, tuwi-tuwina,
sa mga diyaryo, telebisyon, radyo.
‘Ka ko, baka bigla kang sumulpot
mula sa kalangitan,
at umikot nang umikot
hanggang makalikha ng ipu-ipong magtataboy
sa kumukumpas na apoy.
‘Ka ko, baka biglang umihip
ang napakalakas na hangin,
makita kang nakatayo sa gitna
ng nagsasayawang alikabok,
saka durugin ng naglalagablab mong kamao
ang mga bulldozer,
isa-isang ihagis ang mga pulis,
sanggahin ng bakal mong katawan
ang tubig, mga tingga at teargas,
o biglang damputin ang sportscar
ng nakakurbata at namamasyal na kriminal,
saka iwan sa bubong ng bilangguan.

Ngunit kahit kailan, hindi kita nasilayan,
ang malabakal mong katawan,
ang makintab mong maskara,
ang wumawagayway mong kapa.
Kahit kailan, hindi kita nasilayan,
ni nabalitaan man lamang.

‘Ka ko, baka hindi kami ang kakampi mo,
kundi ang mga pumapaslang
sa maliliit na negosyo,
ang umaangkin ng mga lupa,
ang nagpapapatay sa mga aktibista,
ang mga nagbubulsa sa pera ng masa,
ang mga lumilikha
ng mga di nakikitang digma.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento