Linggo, Pebrero 24, 2013

Tik-tak


Tik-tak ng orasan
ang ating mga kaluluwa,
            tik-tak
laging nariyan      tik-tak            tik
      tak
bawat saglit, bawat araw,            tik-tak
ngunit mapakikinggan lamang
            tik      tak
sa gitna            tik
      tak

ng katahimikan.

Martes, Pebrero 19, 2013

Kung Nagiging Bahagi Ako ng Gabi


Nagiging bahagi tayo
ng gabing tahimik,
gabing tinalukbungan
ng makapal na dilim
at minamatyagan
ng awit ng mga kuliglig o mga butiki.
Sa gayong mga sandali,
kinakausap ko ang aking sarili,
‘pagkat madilim,
walang nakasisilaw na liwanag,
nakikita ko ang aking mga bahagi,
tahimik,
walang nagdidiktang mga tinig,
naririnig ko
ang aking sarili.

Lunes, Pebrero 18, 2013

Sa Pagtitipid sa Titik


Gusto kong malaman mong
bahagya ko lang nasisilip ang iyong ngiti
at ang biglang pamimilog ng iyong mga mata
at pagbuka ng bibig
tuwing ang iniiwan mo sa screen
          ay NC                    EN SI
          EN LANG
AT SI

na di makitang mabuti
ang kislap ng mga bituin sa iyong mga titig
kung ang tanging nandoo’y
          TNX                    TI EN EKS
          TI LANG
AT EN     AT EKS
          o TY                    TI WAY
          TI LANG
AT WAY

na nagiging daplis lang
ang dapat sana’y mahinang tapik sa balikat
kasunod ng pagpapasalamat
pag ang tanging nakikita’y
          WC                    DOBOLYU SI
          DOBOLYU LANG
AT SI

di ganap na madama
ang pisil sa kamay
o saglit na yakap
sa natatanging araw
kung ang bumubungad
          ay HBD                    EYCH BI DI
          EYCH LANG
AT BI     AT DI


Gusto kong ipabatid
     I     PA      BA     TID:
sa pagtitipid sa titik
humihina
     HU     MI     HI     NA
            o nawawala
     NA     WA     WA     LA
ang mensahe ng pag-ibig                    PAG-      I      BIG

Linggo, Pebrero 17, 2013

Baguhan


Mga bandang 6:30 AM iyon, papasok ako sa PUP. Walang bus na pa-Sta. Cruz sa Malinta Exit, kaya nag-Cubao na lang ako. Maluwag pa noon sa Edsa, mabilis-bilis pa ang biyahe kahit rush hour.

Sa upuang pandalawahan ako naupo. May tumabi sa akin, lalaki. Kutis magsasaka at mukhang nasa trenta anyos na.

Nang nakapila na sa tollgate ang bus, papasok sa NLEX, lumapit ang konduktor.

“Cubao, estudyante,” sabi ko.

Tiniketan ako ng konduktor.

“Eleven,” sabi ng katabi ko.

Nagkaroon ng mga alon sa noo ng konduktor. “Sa’n ‘yon?”

“Sa Eleven.”

Muntik na akong matawa. Parang pampilosopo iyong sagot.

“Trese lang ang pamasahe ro’n,” dugtong ng katabi ko.

Iniabot niya ang trese, at tiniketan siya ng konduktor.

“Bago lang siguro ‘yong konduktor,” sabi niya pagkalayo ng konduktor. “Di alam ‘yong Eleven, e. ‘Kaw ba, Boy, alam mo ‘yon?”

Tumango ako. Alam kong ang Eleventh Avenue sa Bonifacio Avenue ang tinutukoy niya. Naririnig ko iyon sa konduktor pag papasok ako.

“Sa Mayon po ‘yon di ba?” sabi ko.

Tumango siya. “Do’n nga.”

“Kaya lang po, pa-Sta. Cruz po ‘yon, e. Cubao po ‘to, e. Dadaan po ba ‘to ro’n?”

“Gano’n ba?” Natahimik siya. “Bago lang kasi ‘ko rito, e.”

Nakita ko sa kanya ang kaba, ang pagkagulat at matinding pag-iisip.

Sa Camachile, nag-aatubili siyang bumaba.

Mahusay na Tulay ang Musika


Naniniwala akong mahusay na tulay
ang musika, papuntang nakaraan.
Kaya pag may naririnig na awit,
bigla tayong nababalik,
ayaw man natin o ibig, sa mga panahong
madalas itong mapakinggan
at muling madarama ang mga nadama noon,
saya, poot, galit, tuwa, takot
at di nauunawaan
o walang pangalang mga emosyon.

Naniniwala akong mahusay na tulay
ang mga musika.
Marahil, sapagkat pinahihintulutan silang
maging makapangyarihan
ng ating kaluluwa.

Sabado, Pebrero 16, 2013

Minsan, Pasahero Tayo sa Pangarap ng Ibang Tao*


Minsan, pasahero tayo
sa pangarap ng ibang tao,
mga taong ating gusto,
mga pinaniniwalaan, mga kaibigan,
nangangarap nang para sa kanila,
naghihintay sa pagdating sa destinasyon,
nakikiamot ng ligaya.

Minsan, pasahero tayo
sa pangarap ng ibang tao,
at kung sila’y mabalaho’t
piliing huwag nang magpatuloy
o mag-iba ng ruta,
kabilang tayo sa mga nadidismaya
o nadidisgrasya.


* Para kay J

Miyerkules, Pebrero 13, 2013

Pag Tinatawag Tayo sa Ating Pangalan


May tuwa tayong nararamdaman
pag tinatawag tayo sa ating pangalan,
ng kaibigan, ng kapalagayang-loob,
higit kung ng isang estranghero.

May galak tayong nararamdaman
pag tinatawag tayo sa ating pangalan,
‘pagkat nakikita natin sa kanila
ang ating mga kapatid, tatay, ina,
mga nawalay na kaibigan,
mga eksena sa nakaraan.

May saya tayong nararamdaman
pag tinatawag tayo sa ating pangalan,
parang nagiging bahagi natin sila,
at parang hinahaplos nila,
banayad,
ang ating kaluluwa.

Sabado, Pebrero 9, 2013

People You May Know


Nagugulat ako,
pag may nakikitang dating kaibigan, sa Facebook,
doon sa gilid, sa “People you may know.”

Nagugulat ako,
iba na’ng itsura nila:
may pumuti, may tumaba, may gumanda,
may umitim, may pumayat, may bumata,
may pumanget, may halatang yumaman,
may nagmukhang matanda.

Ang hirap paniwalaang sila ‘yon,
‘yong dating kalaro ko sa maghapon,
‘yong dating nagpapaiyak sa akin
at isinusumbong ko sa mama’t papa ko,
‘yong dating pinapaiyak ko.

Pero rito ako hindi nagulat,
na sa “People you may know” ko sila natagpuan,
na roon nila ako makikita,
dahil alam na alam ko, alam na alam nila,
hindi na namin kilala ang isa’t isa.

Sa Pakikitulog sa Ibang Bahay


Sa pakikitulog sa ibang bahay,
mapapansing iba ang boses ng mga bentilador,
iba ang hilik ng refrigerator,
ang pinag-uusapan ng mga butiki,
ang inaawit ng mga kuliglig.
Iba ang nakaakbay na dilim,
ang lamig,
ang init,
ang hiwaga,
ang hangin.

Iba, parang may nadagdag,
parang may nawala,
parang may kulang.
Mayroon kang hinahanap,
hinahanap-hanap.

At ito,
ito ang pangunahing katangian
ng tinatawag na “tahanan.”

Lugar: Nagkakila-kilala, Pinagkila-kilala*


Hindi ko alam kung alin sa dalawa:
nagkatagpu-tagpo tayo sa isang kumpanya
                               nagkakila-kilala;
o pinagtagpu-tagpo tayo ng isang kumpanya
                               pinagkila-kilala.

Wala na lahat tayo sa kumpanyang yaon
kung saan tayo
                               nagkakila-kilala
kung saan tayo
                               pinagkila-kilala

may kanya-kanya nang
                               lugar                buhay
                tinatahak.

Pero di tayo malulungkot                hindi dapat
                               at walang dahilan
‘pagkat may lugar pa ring
                               mababalikan
lugar na tayu-tayo lamang
                               ang nakaaalam

                kung nasaan.


* para kina JS, JMR, MVB, IE, JDV

Superhero


Hinahanap kita, tuwi-tuwina,
kung binubomba ng tubig
ang mga aktibista sa Mendiola,
kung may palengkeng nginunguya ng apoy,
kung dinudurog ng mga bulldozer
ang mga dampa sa isang pook,
kung umuulan ng teargas at tingga sa isang digma,
kung may magnanakaw na muling nagreretorika
sa harap ng masa.

Inaantabayan kita, tuwi-tuwina,
sa mga diyaryo, telebisyon, radyo.
‘Ka ko, baka bigla kang sumulpot
mula sa kalangitan,
at umikot nang umikot
hanggang makalikha ng ipu-ipong magtataboy
sa kumukumpas na apoy.
‘Ka ko, baka biglang umihip
ang napakalakas na hangin,
makita kang nakatayo sa gitna
ng nagsasayawang alikabok,
saka durugin ng naglalagablab mong kamao
ang mga bulldozer,
isa-isang ihagis ang mga pulis,
sanggahin ng bakal mong katawan
ang tubig, mga tingga at teargas,
o biglang damputin ang sportscar
ng nakakurbata at namamasyal na kriminal,
saka iwan sa bubong ng bilangguan.

Ngunit kahit kailan, hindi kita nasilayan,
ang malabakal mong katawan,
ang makintab mong maskara,
ang wumawagayway mong kapa.
Kahit kailan, hindi kita nasilayan,
ni nabalitaan man lamang.

‘Ka ko, baka hindi kami ang kakampi mo,
kundi ang mga pumapaslang
sa maliliit na negosyo,
ang umaangkin ng mga lupa,
ang nagpapapatay sa mga aktibista,
ang mga nagbubulsa sa pera ng masa,
ang mga lumilikha
ng mga di nakikitang digma.

Awit


Pakinggan mong mabuti
ang awit nitong gabi,
marinig nang maigi
ang himig ng sarili.

Kalupitan


Malupit nga ang mundo,
puro dalita’t gulo.
At kung bakit ganito,
tanungin mo ang tao.

Lunes, Pebrero 4, 2013

Keychain


Ginawa kitang bahagi ng zipper ng backpack,
hindi para madaling buksan o isara,
kundi bilang dagdag na ganda.

Ngunit sa LRT,
sa gitgitan, tulakan, sa sikip,
hindi ko inakalang ikaw pa
sang magiging kasangkapan
upang mabuksan ng iba ang bag
nang gayong kadali, kabilis.

Kaya’t sa paghahanap sa pitaka,
sa pagkagulat, pagkatunganga,
naisip kong ganito bang talaga,
may dalang kapangitan ang mga ganda?