Miyerkules, Agosto 8, 2012

Silang Mahilig Makipag-usap sa Sarili


Pag itinuturo ko sa Filipino 1 (Komunikasyon sa Akademikong Filipino) ang mga antas ng komunikasyon— ang intrapersonal na komunikasyon, interpersonal, pangkatan, at pampubliko— pinatatagal ko ang talakayan sa intrapersonal na komunikasyon— mga dalawampung minuto, sa loob ng isa’t kalahating oras na klase. Sa umpisa, itatanong ko kung ano ang intrapersonal na komunikasyon.

“Pakikipag-usap sa sarili,” madalas na sagot ng estudyante.

“Okey, pakikipag-usap sa sarili,” madalas kong sagot, na susundan ng malakas na tawanan ng mga estudyante, na susundan naman ng pagkainis ko.

Tapos, bibigyang linaw ko na hindi naman ngunit sinabing “pakikipag-usap sa sarili” ay ganito na— “G’wapo ba ako?” “Tangek, panget ka,” habang nakaharap sa salamin. Hindi literal na pagsasalita ang pakikipag-usap sa sarili. Sunod, sasabihin kong ang pakikipag-usap sa sarili ay tumutukoy sa pagdidesisyon, na sa bawat araw, nakikipag-usap tayo sa sarili natin, at ito ang pinakamadalas nating gawin sa lahat ng uri ng komunikasyon— higit sa pampubliko, pangkatan at interpersonal na komunikasyon. Mula sa pagdilat ng mga mata natin, ginagawa na natin ito— babangon na ba ako o mamaya pa? O kung bumangon na, at nakapagmumog na, pag-iisipan naman natin kung ano ang iinumin natin, kung kape ba o Milo. Hanggang sa pagtulog, ginagawa rin natin ito— kung ano-ano ba ang mga ipagdarasal natin.

Anumang pagdidesisyon, gaano man kaliit o kalaki, itinuturing mo mang mahalaga o kaartehan lamang, ay isa nang intrapersonal na komunikasyon.

Sunod kong ipaliliwanag sa kanila, na pag lagi nating kinakausap ang mga sarili natin, makikilala natin ito nang lubusan. At “intrapersonal na karunungan” ang tawag sa gayong uri ng talino.

Ayon kay Amerikanong si Howard Garner, developmental psychologist at propesor sa Paaralang Gradwado sa Edukasyon ng Unibersidad ng Harvard, sa aklat niyang “Frames of Mind: The Theory of Multiple Intelligences,” na nagbigay sa kanya ng “Prince of Asturias Award 2011 in Social Sciences,” may 9 na uri ang talino ng tao— ang musical intelligence, husay sa musika, gaya ng nota, awit at mga instrumento, gaya ng piyano at saxophone; nature smart, o talino sa mga halaman, sa hayop, sa kalikasan; mathematical-logical intelligence, dunong sa matematika, estadistika, tses, simbolo, hypothesis, numero; bodily-kinesthetic intelligence, kahusayan ng katawan, maaring sa pagsayaw, sa isports o sa pagsisirko; linguistic intelligence, karunungan sa wika, husay sa pagsusulat at pagsasalita, sa satire at retorika; spatial intelligence, karunungan sa visual art, gaya ng photography, painting at sculpture; interpersonal intelligence, husay sa pakikipagkaibigan, sa pakikipagkapwa-tao; existential intelligence, na huling nadagdag sa mga uri ng talinong nabanggit ni Garner, at itinuturing din niyang karunungan sa “big questions,” sapagkat tumatalakay sa eksistensiyalismo; at ang intrapersonal intelligence nga, o ang pahkaunawa sa sarili.

Ayon pa rin kay Garner, lahat ng tao ay taglay lahat ng nabanggit na karunungano, ngunit sa magkakaibang antas— may mahusay sa math ngunit mahina sa isports, may magaling umawit ngunit mababa ang retorika, may magaling magpinta ngunit mahina sa pakikipagkapwa-tao— mga higanteng patunay na walang taong bobo, at na may mga bagay na mas magaling sa atin ang ibang tao.

Samantala, kung gaano ako naniniwala na nakababahala ang talinong existential, sapagkat mabibigat ang mga tanong na nililikha nito, gaya ng “Kung nilikha tayo ng Diyos, sino ang lumikha sa Diyos?” at “Bakit nadamay tayo sa kasalanan nina Eva at Adan?” bagama’t sobra itong kapaki-pakinabang kung isa kang manunulat o ano pa mang alagad ng sining, naniniwala rin ako na may dalawang katangian ang talinong intrapersonal, kung ikukumpara sa ibang uri ng talino.

Una, pinakahindi napapansin ang talinong intrapersonal. Pansinin, pag sinabing bodily-kinesthetic intelligence, may mga personalidad agad na papasok sa isip ng makaririnig— Manny Pacquiao, Michael Jordan, Kobe Bryant, Muhammad Ali pag ang binanggit ay bofily kinesthetic intelligence; pag sinabi namang logical-mathematical intelligence, Albert Einstein, Steve Jobs, Eugene Torre, Rene Descartes; sakaling musical intelligence, Mariah Carey, Madonna, Ryan Cayabvab, Lea Salonga; kung linguistic intelligence naman, Mark Twain, Ernest Hemingway, Francisco Balagtas, Jose Rizal, Lazaro Francisco; at sina Fernando Amorsolo, Pablo Picasso, Leonardo da Vinci at Michael Angelo naman kung spatial intelligence. Ngunit pag sinabing existential intelligence o intrapersonal intelligence, walang personalidad na papasok sa isip nila, o kung meron man, iilan lamang— di hamak na mas maunti kaysa sa ibang uri ng karunungan. Sapagkat di gaya ng ibang uri ng talino, ang matataas sa talinong existential at sa talinong intrapersonal, ay hindi naririnig sa radyo, o nababasa sa aklat, o napanonood sa TV. O kung oo man, sa napakabihirang pagkakataon lamang. Kadalasan, ang mga taong nasa ganitong uri ng talino ay mga taong personal nating kakilala, ngunit hindi natin agad nalalamang may ganito palang uri ng talino, kahit araw-araw o matagal na nating kasama, hangga’t hindi natin sila nakakakuwentuhan hinggil sa mga seriyosong paksa at hangga’t hindi sila nagiging totoo sa atin.

Ikalawa, ang intrapersonal na karunungan ang pinakamahalaga sa lahat ng uri ng talino kung ang pag-uusapan ay ang pagiging matagumpay. Sapagkat kung kilalang-kilala mo ang sarili mo, napakaliit ng tiyansang pagsisihan mo ang mga desisyon mo. Sapagkat sigurado ka sa bawat hakbang ng iyong mga paa, nakakapa mo sa sarili mong ‘yon nga ang gusto mo, at alam mo kung ano ang mga prayoridad mo at kung saan mo gustong pumunta. Kaya kadalasan, ang mga taong nasa ganitong uri ng talino ay hindi bumabalik o nagyu-U-turn. Dire-diretso sila sa kanilang paglalakbay, at patuloy sa biyahe, hindi na pasanin ang daang tinatahak.

At kung gaano kahalaga para sa isang titser na makilala ang kanyang mga estudyante para mahuli niya ang hilig ng mga ito nang mas matuto ang mga ito sa kanya, kung gaano kahalaga para sa isang estudyante na mas makilala niya ang mga titser niya para mahuli niya ang kiliti ng mga ito at magkaroon siya ng magandang grado, kung gaano kahalaga para sa lalaki na mas makilala ang kanyang magiging mga biyenan, kung gaano kaimportante sa mga magulang ang pagkilala sa kanilang mga anak upang mas magabayan nila ang mga ito, di hamak na mas mahalaga ang pagkaunawa ng bawat isa sa kani-kanilang sarili. Sapagkat, gaya nga ng nabanggit na, isa ito sa mga pangunahing kahingian upang magtagumpay. Idagdag pang napakahirap sa kanyang makilala’t maunawaan ang iba, kung siya mismo, hindi niya pa kilala ang sarili niya.

Kaugnay na rin nito, magandang linawin kung ano nga ba ang tagumpay. Ang pagiging matagumpay ay hindi lang basta pagiging mayaman o makapangyarihan, kundi ang pagkakaroon ng buhay na masaya at pamumuhay sa mga bagay na pinangarap mo, na walang dudang naaabot ng mga taong mataas ang intrapersonal na karunungan. Dahil kilalang-kilala nila ang kanilang mga sarili, alam na alam nila ang mga ayaw at gusto nila, kung alin ang mas mahalaga sa kanila, at kung saan sila mahusay.

At marahil, ang pagkakaroon ng mababang pag-unawa sa sarili ang pangunahing dahilan kung bakit maraming mag-aaral sa kolehiyo ang palipat-lipat ng programa, mula inhinyerya, lilipat sa business management o mula sa hotel and restaurant management papuntang pagtuturo; kung bakit maraming babae o lalaki ang nagsisisi sa kanilang napangasawa; kung bakit maraming nagsasabing hahanapin nila muna ang kanilang sarili, o ‘yong tinatawag na “soul searching.”

Ang pagkilala sa sarili, bagama’t araw-araw, o sabihin pang maya’t mayang ginagawa, nakasakay ka man sa dyip o habang naliligo o kung kumakain o kung naglalakad, ay maari na ring maituring ng marami, bilang isang uri ng luho. At ‘yon ay bunga ng pagiging abala ng mga tao, lalo na sa trabaho. Kaya nawawala na sila ng panahong kausapin ang kani-kanilang sarili nang masinsinan. Sapagkat kung maituturing na luho na ang gayong gawain, malaking pagsuong naman sa panganib ang araw-araw na paghinga at pagkilos nang hindi kilala ang sarili.

Sa madaling sabi, kailangang pakapahalagahan ng tao ang pagkilala sa sarili niya. Kahit ang ganitong uri ng talino ay hindi ganoong kaastig o ganoong kapansinin, di gaya ng husay sa math o sa basketball o sa pagpipinta. Sapagkat ang intrapersonal na karunungan, kahit panloob lamang, ay di matatawaran ang halaga. Tandaan ding mas magiging maganda ang labas kung maganda ang loob, at mabibilis na mawawasak ang labas kung mahina ang nasa loob.

Ngunit hindi madaling gawain ang pagkilala sa sarili. Sapagkat patuloy sa paghinga ang tao, kaya’t patuloy rin ito sa pagbabago, walang hinto gaya ng pagdaan ng mga araw. At lalo pa itong pinabibilis ng mabibigat na pangyayari sa buhay ng bawat indibidwal, pagkamatay ng isang mahal sa buhay, halimbawa, o pagkasira ng isang minahal na relasyon. Kaya’t ang tao ay hindi dapat huminto, ni magpahinga man lamang, sa pagkilala sa kanyang sarili. Napakahalagang mapaiksi niya ang agwat sa pagitan nila, at mapanatili ang napakaiksing agwat na ‘yon, habangbuhay. Lalo pa’t wala namang indibidwal na nakakikila sa kanyang sarili nang 100%.

Bilang pagsasara sa paksang intrapersonal na komunikasyon, sasabihin ko sa mga estudyante kong upang maging matagumpay, kailangang kilalang-kilala nila ang kanilang sarili, kailangang mataas ang intrapersonal na karunungan nila. At upang mangyari ‘yon, kailangang lagi nilang kinakausap ang sarili nila. Bakit ako nainis kangina? Bakit masaya ako pag kasama ko siya? Bakit ayaw ko sa gayong uri ng mga tao? Saan ako mahusay? Ano ang mahahalaga sa akin?

At sa puntong ‘yon, hindi na sila tatawa. Wala na sa mga mata nila ang biro. Ang naroon na ay malaking pag-unawa.

2 komento:

  1. hinding hindi mo makikilala ang sarili mo... :)

    pero maganda itong essay. nice.

    teka, sino ba ang kilala mo sa existencial int.? halos karamihan ng mga existential genius e sablay sa sariling buhay.

    TumugonBurahin