Miyerkules, Agosto 8, 2012

Nang Minsang Bumaha sa NCR



Walang babalang pinasok ng baha
ang mga gusali’t tahanan.
Sanlaksang pasahero ang nagkalat sa daan
walang bus, dyip, ni taksing masakyan.

Sa Kalookan, may sundalong nakapagligtas
ng tatlong bata at dalawang matanda
bago pinulikat at sinakal ng baha.
Sa Espanya, ibinuwal ng nagkaisang tubig at hangin
ang isang pulang kotse
at isang poste ng kuryente.
Sa Valenzuela, isang matandang babae
ang sumagupa sa baha
karga-karga ang tatlong alagang pusa.
Sa Malabon, sandamakmak na ang nasa bubungan
umiiyak at ipinagdarasal
ang pagtila ng ulan.
Sa Commonwealth, patay ang apat na bata
nang dalawang bahay ang mabagsakan ng lupa.
Sa Marikina, isang trabahadora
ang nang umuwi, patay na ang asawa.

Sa bawat lugar sa NCR
marami ang nakangiting estudyante
‘pagkat dalawang araw nang
suspendido ang klase.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento