Miyerkules, Agosto 8, 2012

Konting Ipit Lang


Sa paningin ni Allan, habang iniisip ang mga gastusin sa bahay, parang malungkot ang gabi. Malakas ang tugtog ng “Moves Like Jagger” ng Maroon 5 sa katapat nilang tindahan ng CD’s, sumasayaw ang usok ng inihaw sa katabing tindahan, mahaba ang pila ng mga sasakay ng dyip.

Sa lahat ng barker, si Allan ang pinakamadaldal, at kakatwang sa kanilang lahat, siya rin pinakabihirang magmura.

“Dalawa pa po ‘yan, sa kaliwa, dalawa pa,” nakahawak siya sa automatic na pinto ng dyip.

“Ang sikip-sikip na, dalawa pa,” narinig na naman niyang angal ng may edad nang lalaking naka-longsleeve na pink at nakaupo malapit sa pinto.

Napatunog na lang niya ang buto ng hinliliit niya sa kanang kamay.

“O, isa pa po. Isa pa. Konting ipit na lang po,” kinuha niya ang tiket ng pasahero, saka ito sumakay, at umalis na siya.

“Peste ka! Ikaw kaya’ng sumakay rito! Masyadong pinupuno!” pahabol ng lalaki.

Bigla niyang naalaala kung paano niya pinagkakasya ang tatlong daan niyang sahod kada-araw. Napatunog niya ang buto ng hinliliit niya sa kaliwang kamay, at dagli siyang humakbang pabalik sa dyip. Saka sinabi sa lalaki ang salitang napakabihira niyang banggitin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento