Batid naming mga paru-parong
ang buhay nami’y ilang araw lamang
kaya hindi mo kami makikitang
nakatanga sa mala-papel na dahon
sa kable ng kuryente o sanga ng puno.
Oo, makikita mong nakahalik
ang malambot naming mga kamay
sa daliri ng bakod ng bahay
sa dibdib ng pader o sa damit na
sinampay
ngunit sasabihin ko sa iyo
‘yon ay saglit lamang na pamamahinga
mula sa maghapong pagsasaya
pagbawi ng lakas
para sa muling pag-indak ng pakpak
muling pagtikim ng nektar
muling pakikipagniig sa mga bulaklak
muling pagkikipagsayaw sa hangin.
Batid naming napakaiksi ng buhay
kaya wala kaming sandaling sinasayang.
At ano ba kasi ang gandang idinudulot
ng pag-iisip nang malalim
kung wala namang suliranin?
Di ba’t hindi naman naibabalik
ng panghihinayang
ang mga dumaang hangin?
kuya mark, may gitling ba talaga ung salitang paruparo?
TumugonBurahin