Biyernes, Agosto 31, 2012

Henyo sa Bobo, Bobo sa Henyo


Wirdo ang mga henyo
sa mata ng ‘sang bobo.
Kaawa-awa’ng bobo
sa mata ng ‘sang henyo.

Fish Ball


Tama ka, mula noon, hanggang ngayon
o baka hanggang sa mga susunod na taon
hindi bumaba o hindi bababa
ang pagtingin sa akin ng piso.
Ngunit dapat ko ba ‘yong ikatuwa
o ipagmalaki kaya?
Kung sa kabila ng dating kulay
iba na ang aking katawan
iba na ang mga himaymay ng laman
iba na ang linamnam.
Dapat ko bang ikagalak
ang paulit-ulit nilang pasasalamat
sa aking ginawa o nagawa?
Kung sa kabila ng pananatili ng bango
nawala ang dati kong pagkatao?

Hindi ba’t ang buhay
ay hindi naman hinggil sa mga nakikita
ng mga mata ng iba
kundi sa nararamdaman ng sarili mong kaluluwa?

Dapat ko ba itong ikatuwa
o ipagmalaki kaya?
Sabihin mo, sa bagong siglo
mga mata na ba nila ang magdidikta
ng kahulugan ng ligaya?

Lunes, Agosto 27, 2012

Ang Kahulugan ng Pagiging Tsinelas Para sa Tsinelas na Nawalan ng Kapares


“Kasama ka”
para sa akin, ito ang kahulugan ng buhay.
‘Pagkat sabay na nagpakilala sa atin ang mundo
ang unang liwanag, na hindi ang araw ang may bigay
kundi ang mga bumbilya
ang unang hangin, na hindi ang mga puno ang may handog
kundi ang mga bentilador
ang mga ingay at tunog, hindi ng mga ibon
kundi ng mga makina.

“Kasama ka”
para sa akin, ito ang kahulugan ng buhay.
‘Pagkat lagi kitang kasama
sa pintuan ng banyo, sa paanan ng silya sa mesa
sa tabi ng mga binti ng sopa.
At sa ilalim ng kama, kung gabi
ikaw, ikaw mahal
ang liwanag ko sa buong magdamag.

Kaya naman naisip kong
sabay tayong mawawalan ng saysay
at babalik sa mga pirasong pinagmulan.

Ang saglit nating pagkakalayo
ay isang mahabang kalungkutan.
Kaya noong isang araw
na inilayo ka sa akin ng mga agos ng ilog
hindi ko na kilala ang mundo.

At ngayon, ang gusto ko na lang
ay maging pampasigla sa apoy
o magkapirara-piraso’t maging karugtong
ng paa ng muwebles.
‘Pagkat ang pagkawala mo
ay kawalang kahulugan ng pagka-tsinelas
at ang kawalang kahulugan
ay kawalang katuturan.

Linggo, Agosto 26, 2012

Lihim ng Tagumpay


Kung gusto mo sa buhay
ay yaong magtagumpay
una mong dapat gawin
sarili’y kilalanin.

Joined Force


Hanggang ngayon, tandang-tanda pa rin ng ilong ko
ang amoy ng buhok mo at pabango.
Kabisado pa rin ng aking mga kamay
ang linya ng iyong baywang at balikat.
Kilalang-kilala pa rin ng aking tenga
ang iyong himig at tinig
kung tumatawa ka, nagtatampo o nagagalit.
At saulado pa rin ng aking isip
ang pagkislap ng iyong mata
at pagkurba ng iyong labi.

Oo, kilalang-kilala ka pa rin nila
at nagkasundo silang
hindi ka nila kalilimutan
‘pagkat ayaw nila
‘pagkat hindi nila kaya.
At hindi ko rin naman sila masisisi.
Gaya ng kaliwa kong dibdib
na hindi ko kayang sisihin
kung bakit matindi
ang galit niya sa kanila.

Nakaraan


Marami na ang nagbiling
‘wag magtayo ng bahay
sa sahig na nalalatagan
ng mga napilas na dahon ng kalendaryo
o manirahan sa mga bayang
pinaglibingan ng mga kamay ng relo.
‘Pagkat wika nila
ang nakaraan ay nakaraan
at ang bukas at ngayon ay iba sa kahapon
at ang mamaya ay hindi ang kangina.
Ngunit paanong gagawin?
Masisisi ba natin silang
nagsipatayo ng pahingahang kubo
sa mga lupang tinulugan na ng mga anino?
Silang naniniwalang
ang nasa mga palad lang ng ngayon at bukas
ay pananabik, pagsubok at pag-asa
habang hawak-hawak sa leeg ng nakaraan
ang katiyakan?

Biyernes, Agosto 24, 2012

Pesteng Pag-ibig


Disi-siyete lang si Abby nang maging sila ni Abdon, at third year college siya noon. “Honey” ang naging tawagin nila, at tuwing magkikita sila, lagi niyang iniintindi ang ayos ng kanyang buhok, ang kanyang mga kuko, ang amoy ng kanyang pabango, ang laman ng coin purse niyang Winnie the Pooh at ang maskarang isusuot niya sa kanyang pagkatao.

Disi-nuwebe na siya nang magkalabuan sila, at gabi-gabi niyang pinoproblema, sa kanyang pananaginip at pag-iisa, kung mahal nga ba siya nito at kung bakit hindi na siya inaasikaso.

Beynte anyos na siya nang maghiwalay sila, at gabi-gabing napapatakan ang mga unan niya ng dalamhating inilaglag ng kanyang mga mata. At noon naging peste sa kanya ang pag-ibig— ginugulo siya sa kanyang thesis at ayaw siyang patulugin.

Katatapos lang niya ng kolehiyo nang ganap siyang maka-moveon. Beynte-uno na siya noon. Nahirapan siyang makahanap ng trabaho. At nang matanggap na siya, lagi siyang nagbabaon ng pananghalian, ‘pagkat napakababa ng kanyang suweldo at napakaliit pa ng kamao ng piso. Lagi na rin siyang puyat at ang laki ng kanyang ipinayat.

At noon naging peste sa kanya ang lipunan. Gusto niyang balikan ang dati, na ang pinoproblema lang niya, ay ang pesteng pag-ibig.

Minsan sa Tulay na Ipinangalan sa Kurakot na Mayor


Nagdaraan ang isang bus na de-aircon
sa Dalisay Bridge, tulay na ipinangalan
sa kurakot na mayor
ga-bewang ang bakod
at ang paanan ay malinaw na ilog.

Nang nasa gulugod na ng tulay
ang magarang sasakyan
nalula ang lalaking pasaherong
kumakain ng Piattos
nakatodo ng lakas ang iPod
at nasa tabing-bintana.
‘Singbilis ng palo sa dram
sa “Numb” ng Linkin Park
tumulay sa isip niya ang eksena:
sinuro ng bus ang mababang bakod
tumapon ang Piattos, nalaglag ang iPod
nagtalunan sa sahig ang mga bag
sumabog ang mga tili
at gumulong-gulong ang bus sa ilog.
Grabeng eksena! Nakakatakot!

Sa ibaba ng tulay, isang binata
ang wala pa ring nahuhuli
ni biya o hipon o tilapya
maski isang oras nang nangunguryente.
‘Singliksi ng paglukso ng agos
sa malaking bato
tumulay sa isip niya ang eksena:
umuwi siya sa bahay
walang dalang ulam
panay ang iyak ng kanyang mga anak
at iniulam ng bituka niya
ang kanyang dignidad.
Grabeng eksena! Kalunos-lunos!

Martes, Agosto 21, 2012

Isang Pagkukumpara


May magandang nadapa
nagkagulo ang madla.
May panget na nangudngod
‘sang bata ang tumulong.

Pandama


Anong sarap sa tenga
ng dalisay na tawa.
Anong hapdi sa mata
ngiti ng ipokrita.

Hiling ni Mahirap, Hiling ni Mayaman


Sumigaw ang mahirap,
“Gusto namin ng bahay!”
Sumigaw ang mayaman,
“Gusto ko ng tahanan!”

Darating ang Araw


Sasapit ang panahon
wala nang isda’t ibon
marami nang gusali
mahal na’ng mga ngiti.

Manunulat


Siya ay nagtuturo
tinatawag na “guro.”
Ikaw ay nagsusulat
ngunit di “manunulat.”

Maruming Hangin


Sobra ‘kong naiinggit
do’n sa maruming hangin
na s’ya’t nakadidiri
ay hindi nakatali.

Sabado, Agosto 18, 2012

Mahiwaga sa Akin ang mga Awitin sa Radyo


Minamahal ko ang mga awitin sa radyo
at mahiwaga sa akin ang mga ito
‘pagkat pinasisigla nito
ang umaalpas na damdamin
pinalalakas ang kapangyarihan ng oras
ginagawang makahulugan
ang pader na dilim.

Minamahal ko ang mga awitin sa radyo
at mahiwaga sa akin ang mga ito
‘pagkat ang mga tinig at mensahe
mga palo sa dram, haplos sa gitara, kalabit sa piyano
mga tono
ng mga awiting ito
na pumapasok sa ating kaluluwa
ay hindi inutusan ni nauutusan
hindi pinili ni napipili
ng ating mga kamay at tenga.
‘Pagkat ang pumipili sa mga ito
ay mga kamay
na hindi natin nakikita.

Biyernes, Agosto 17, 2012

At Bakit Hindi Ako Magagalit sa mga Lamok?


At bakit hindi ako maiinis
sa badtrip na mga lamok?
E mga tora-tora silang
walang paggalang na rumoronda
sa aking mga tenga
hindi inirerespeto ang mga pilik-matang
sabik na sabik na sa pag-iisa.

At bakit hindi ako magagalit
sa damuhong mga lamok?
E napakalinaw sa aking mga mata
ng iniwan nilang pulang ebidensiya
ng pagsasamantala
sa aking mga kamay, hita at paa.

At bakit hindi ako mapopoot
sa walanghiyang mga lamok?
E harapan na sila
kung magnakaw ng dugo.

At bakit hindi ako mamumuhi
sa punyetang mga lamok?
E nag-iiwan sila sa utak ko
ng mga larawan ng sangkaterbang politiko.

Lunes, Agosto 13, 2012

Isang Linggo sa Buhay ni Fides


Lunes, bumili si Fides ng 1 litrong RC
at pinadepositohan sa kanya ang bote.
Martes, pumirma siya ng kontrata sa kompanya
at naglambitin sa hangin ang mga salita ng boss nila
“Idedemanda ang hindi tumapos sa kontrata.”
Miyerkules, humalik ang puwet niya sa dyip
at sa pinto pa lang, naniningil na ang barker
naging bahagi siya ng bus na de-aircon pagkatapos
at sa kalagitnaan ng biyahe
inaya siya ng panaginip ngunit pinigilan ng inspektor.
Huwebes, pinautang na siya ng kapitbahay
sa kondisyong babayaran niya pati hininga
ng ipinautang sa kanya.
Biyernes, may pinuntahan silang kompanya
na mga mata ng pinya
ang CCTV camera.
Sabado, narinig niyang sabi ng telebisyon
“Gawa na sa batas ang mundo
at napisa na ang malaking itlog
lama’y sangkaterbang abogado.”

Linggo, nagbuklat siya ng diksiyunaryo
at nakita niyang pawala-wala
ang salitang “tiwala.”

Sabado, Agosto 11, 2012

‘Pagkat Maiksi Lang ang Buhay ng Paru-Paro


Batid naming mga paru-parong
ang buhay nami’y ilang araw lamang
kaya hindi mo kami makikitang
nakatanga sa mala-papel na dahon
sa kable ng kuryente o sanga ng puno.
Oo, makikita mong nakahalik
ang malambot naming mga kamay
sa daliri ng bakod ng bahay
sa dibdib ng pader o sa damit na sinampay
ngunit sasabihin ko sa iyo
‘yon ay saglit lamang na pamamahinga
mula sa maghapong pagsasaya
pagbawi ng lakas
para sa muling pag-indak ng pakpak
muling pagtikim ng nektar
muling pakikipagniig sa mga bulaklak
muling pagkikipagsayaw sa hangin.

Batid naming napakaiksi ng buhay
kaya wala kaming sandaling sinasayang.
At ano ba kasi ang gandang idinudulot
ng pag-iisip nang malalim
kung wala namang suliranin?
Di ba’t hindi naman naibabalik
ng panghihinayang
ang mga dumaang hangin?

Huwebes, Agosto 9, 2012

Palaka



Humahanga ako sa palaka
sapagkat sila na kakampi ng tubig at bukid
kaibigan ng damo at pilapil
at uyayi ng mga magsasaka kung tag-ulan
ay hindi nakakikilala ng kalungkutan.

Gustong-gusto ko silang iniuulam
adobo man o sinampalukan, prito o ginataan
nilaga man o sinigang.
At hindi ako nandidiri sa kanila
sapagkat sila na batik-batik ang kulay
at mukhang malansa
ay ang tanging kinakain ay insekto
di gaya ng mga baboy
na ang laman ng tiyan ay kung ano-ano.

Hindi ako nandidiri sa kanila
dahil alam kong hindi sila dapat pandirian.
Sapagkat malinis ang kanilang lamang-loob at katawan
at mabango ang kanilang mga bisig at laman
‘pagkat kalikasan ang nag-aruga
sa kanilang kaluluwa.

Tama, kalikasan ang nagpalaki sa kanila
kaya di na kataka-takang pinandidirian sila
ng mga taga-siyudad na ang kumalinga
ay mga mall at pabrika.

Tuli


Abril, parang nasusunog ang bubungan ng kanilang bahay sa sobrang init. Wala tuloy siyang ganang kumain.

“Ano, magpapatuli ka na?” inilapag ng papa niya sa mesa ang lagayan ng Nissin cup noodles na ginawang baso.

Alam na ni Greg ang mga isusunod ng papa niya— “Parang kagat lang ‘yon ng langgam.” “Second year high school ka na, kelan ka pa magpapatuli?” “Gusto mo pa bang mapagtawanan ka?”

Tumayo siya.

Narinig niyang pumalatak ang papa niya.

“Baya’n mo nga muna s’ya,” narinig niya ang boses ng mama niya.

Hindi siya naniniwala sa papa niya at sa mga kaklase niya— na parang kagat lang ‘yon ng langgam. Ang tulis-tulis kaya ng karayom! Tapos, gugupitin pa ang balat ng titi mo! Tapos tatahiin!

Pumasok siya sa kuwarto— isa lang ang kuwarto nila, sa sala natutulog ang mga mama niya. Binuksan niya ang zipper ng pantalon niya, tiningnan niya ang titi niya. Hindi na ganoon ang titi ng mga kaklase niya. Sinakat niya ang titi niya. Sakat na sakat na siya. Pero takot talaga siyang magpatuli.

Maya-maya, isinarado niya ang zipper ng shorts niya, naipit ang kanyang titi! Napahiyaw siya sa sakit.

Si Nguso


Nakaharap si Henry sa salaming nakasabit sa dingding. Ilang araw na lang at reunion na ng IV-Einstein. Magkikita-kita na silang magkakaklase. Pinagmasdan niya uli ang itsura niya— pumayat siya, umitim, dahil sa pagiging delivery boy; lumapad ang panga, naging bilugan ang mukha; nag-mature; pumanget.

Limang taon na rin silang hindi nagkikita-kita. Naalaala niya si Nguso, ‘yong lagi niyang katabi dati, mula first year hanggang fourth year. Merinor kasi ang apelyido niya, Muroy naman ang kay Nguso. Magaling ito sa Math, pero hindi nagpapakopya maski sa assignment; payatot, maputi, mahaba ang nguso. Lagi niya itong binubuwisit dati. At napaiiyak niya lagi ito. Sa itsura pa lang kasi nito, parang napakadali na nitong paiyakin. Parang napakasarap pagtripan. Napakasarap sapakin.

Isang buwan ang lumipas, reunion na nila. Simpleng okasyon lang. Sa bahay ng valedictorian nila. Dumating ang adviser nila. Umiinom siya ng ice tea nang makita niya si Nguso— mahaba pa rin ang nguso, pero makinis, mukhang malinis, malaman, maganda ang mga mata. Guwapo.

“Classmates, assistant manager na pala ‘to sa Makati o,” malakas ang boses ng valedictorian nila.

Napayuko siya. Nakita niya sa ice tea ang anino niya. Nakita niya ang kanyang nguso, at nakagat niya ang kanyang labi.

Stapeler


Nasa National Book Store si Arnold, isang clerk, tumitingin ng stapeler. Gusto na niya itong hawak niya, blue at malaki, kaso, namamahalan siya— P175.75. Pero may mura pa ba ngayon? Nakatingin siya sa repleksiyon niya sa stapeler. Nahihiya rin kasi siyang manghiram kay Jess, katabi niya sa desk.

Pumila siya sa counter sa tabi ng pinto. Walang nakapila roon.

“Hi Sir. Good evening. Me advantage card po?” maganda ang cashier, pati ang boses nito.

“Wa-wala,” nauutal pa si Arnold.

Ngumiti ang cashier, lalo itong gumanda. Mahaba ang mga pilikmata nito, mamula-mula ang pisngi, maputi ang balat, may konting split ends ang buhok. Sinipat ni Arnold ang boobs nito. Maganda. Namimilog. Napangiti siya.

Nagpasikat siya. Hindi niya ipinaplastik ang stapeler. “Parang help na natin sa nature.”

Ngumiti uli ang cashier.

Pagdating ni Arnold sa office, naiisip pa rin niya ang cashier— ang pilikmata nito, ang pisngi, ang namimilog na boobs. Dinukot niya sa bag niya ang stapeler. Alam niya, mas maaalaala niya ang mukha nito habang nakatingin siya roon. Pero nailabas na niya ang lahat ng laman ng bag niya, hindi pa rin niya makita ang stapeler.

Miyerkules, Agosto 8, 2012

Si Udog, ang Lagalag na Paniki


Siya si Udog, isang white-winged vampire bat. Galing sa Brazil ang mga magulang niya, dinala sa Tsina ng tatlong negosyanteng Intsik. Inalagaan ang mga ito sa isang ga-kuwartong hawla, kung saan sila namatay at kung saan siya isinilang.

Nang nakalilipad-lipad na siya, binili siya ng isang turistang Bumbay, saka ikinulong sa ga-telebisyong hawla. Pinaiinom siya nito lagi ng dugo ng kung ano-anong hayop— manok, baboy, daga, baka— para lang mabuhay.

Di niya alam kung bakit, pero sukang-suka siya mga ipaiinom nito sa kanya. Parang may mali. At parang lagi siyang hinang-hina.

Minsan, nilinis nito ang hawla niya. At pagkabukas na pagkabukas nito ng pinto, bigla siyang lumipad. Mabilis. Nakawala siya!

Lipad, lipad. Napakasaya niya. Sa wakas, malaya na siya. Naglagalag siya, naglagalag nang naglagalag. Lipad, lipad.

Hanggang sa nakarating siya sa Iraq. Gabi noon. At nang may nakita siyang Iraqi, kinagat niya agad ito sa leeg. Masarap ang dugo nito! Di hamak na mas masarap kaysa sa mga ipinakakain sa kanya sa hawla. Pero parang may mali pa rin.

Inulit niya ‘yon sa ibang Iraqi. Ganoon din, masarap. Pero parang may kulang. Kaya naisip niyang lumayo pa. Lipad, lipad. Nakarating siyang Afghanistan. Tinikman niya ang dugo ng mga tao roon. Masarap, mabango, pero parang may kulang pa rin. May hinahanap pa rin siya. Kaya naglagalag uli siya. Lipad, lipad. Nakarating siya sa Pilipinas. Tinikman niya ang dugo ng Pilipinong namamangka. Malinamnam, pero ganoon na naman, parang may kulang. Kaya naglagalag uli siya. Lipad, lipad.

May nakita siyang barko sa Karagatang Pasipiko, at kinagat niya sa leeg ang isang sundalong Amerikano. Kakaiba ang lasa ng dugo nito. Kalasa ng dugo ng Pilipino. Kalasa ng dugo ng Iraqi. Kalasa ng dugo ng Afghanistani. Naadik siya sa lasa niyon. Napakasarap!

At sa wakas, nahanap na rin niya kung ano ang kulang.

Mga Ina


Nagkasabay sa bilihan ng baboy sa Balintawak Market sina Guday at Angela. Magkaklase ang mga anak nila, mula grade 3 hanggang fourth year high school— ang panganay ni Guday at ang pangalawa ni Angela. Kaya madalas din silang magkakuwentuhan, at naging medyo malapit sila sa isa’t isa. First year college na ngayon ang mga anak nila.

“Do’n pa rin kayo?” dumukot si Angela ng pera sa bulsa niya— nasa bus na sila.

“Oo,” dumukot din si Guday, pero nagmabagal siya.

“Marulas, isa,” iniabot ni Angela sa konduktor ang bayad niya.

Natahimik si Guday, akala pa man din niya, ibabayad siya ni Angela.

“Musta na si Eric?”

“’Ayun, anlaki nang ipinayat. Magbibertdey na nga samakalawa, walang handa,” inilagay ni Guday sa pitaka niya ang tiket.

“Ay, oo nga pala ‘no? Ba’t naman walang handa. Ipaghanda mo naman.”

“E hindi kaya ng badyet e.”

“Walang kuwentang nanay,” bumuntong-hininga si Angela.

Napamurilat ang mga mata ni Guday, at napakuyom ang kanang kamay niya, napiga ang hawak niyang pitaka.

Sa Marulas, bumaba na si Angela. Pagdating ni Guday sa bahay nila, sa Karuhatan, kinuha niya ang isang pink na kahon sa dulong ilalim ng kama. At naghanap siya sa mga album nila ng litrato ni Angela.