Walang bakanteng salamin sa CR ng Farmer’s, kaya hinintay
ni Jane na makatapos sa pagpupulbo ang isang babae, saka niya tiningnang mabuti
ang sarili sa salamin— maputi siya’t makinis; lampas nang konti sa balikat ang
kulay burgundy na buhok, na marami-rami na ring split ends, dala ng kapaplantsa
noong di pa siya nagkukulay; katamtaman ang tangkad at hindi kalakihan ang mga
boobs.
Kinapalan niya nang konti ang eyeliner sa may kalakihan
niyang mga mata, naglagay siya ng lip gloss, saka nagpatagi-tagilid. Nang
makita niyang maayos na ang mga ito, ngumiti siya sa harap ng salamin.
Maganda siya, paniniwala niya, at sabi rin naman ng marami,
bagama’t hindi pang-artista ang ganda. At alam din niya sa sarili niyang
matapang siya, matatag ang loob.
Nag-vibrate ang Nokia C3 cell phone niya. Dinukot niya ito
sa back pocket ng pantalon niyang Levi’s— 5:35 PM na.
Heart: san k n b? NBS n q
Nag-reply siya— w8 heart
Binilisan niya nang konti ang lakad. Ramdam na ramdam niya
sa suot niyang Janeo shoes ang bawat hakbang niya.
Sa hagdanan ng National Book Store, nakita niya agad si
James, naka-mohawk hairstyle at naka-leather jacket na itim. At sumigla ang
pakiramdam niya. Niyakap siya ng kanang kamay nito. Okey lang naman sa
kanyang halikan siya nito sa labi. Bakit, mag-boyfriend naman sila? Pero ayaw
ni James. Ang gusto nito, kahit simpleng smack lang, gagawin nila pag wala nang
nakatingin. Ayaw nitong bumaba ang tingin sa kanila ng mga tao, lalo na sa
kanya— isa sa napakaraming dahilan kung bakit niya ito minahal.
“Sa’n tayo?” inayos niya sa pagkakasabit sa kaliwa niyang
balikat ang Guess na shoulder bag.
“Food court na lang,” ang ganda ng tinig ni James—
hinawakan siya nito sa kanang kamay— nagsalikop ang mga daliri nila, at
napangiti siya habang bumababa ng hagdan.
Naalaala niya ang nabasa niyang quotation sa news feed sa
Facebook, noong isang gabi— “When you are alone, just look at the spaces
between your fingers, remember that in those spaces, you can see my fingers
locked with yours forever.” Alam niya sa sarili niya, mga daliri ni James ang
tinutukoy niyon.
Tatlong taon na sila ni James noong Oktubre 29, at
napakabihira nilang mag-away. Kung mag-away man sila, maliit na tampuhan lang,
at hindi lilipas ang araw nang hindi sila nagkakaayos. Laging si James ang
nakikipag-ayos nang una, pero kalaunan, kahit ayaw niyang humingi ng paumanhin,
ginagawa na rin niya.
Napakaganda ng relasyon nila. Magaling kasi silang magdala,
lagi niyang pagmamalaki kina Lucy, Cara at Chloe. Idadagdag pa niyang
bagay na bagay kasi sila, sa pangalan pa lang, kitang-kita na— Jane at James,
James at Jane.
Naiinggit nga ang mga ito sa kanya, pero hindi naman siya
masabihan ng mga ito ng pam-bitter na banat na “Maghihiwalay rin kayo,” na
madalas na banat ng mga ito sa iba, dahil talagang magagalit siya.
History instructor siya sa isang kolehiyong pangmarino, at
Taglish ang gamit niya pag nagtuturo siya, kahit na English ang nakalagay sa
silabus.
“Kaya nga Philippine History e, kasaysayan ng Pilipinas.
Tapos ituturo mo sa English? Bakit, ano ba sa Pilipinas ang English? Part lang
naman ‘yon ng history natin e. Filipino ang talagang bida, Tagalog. Saka di
maa-appreciate ng bata pag English,” paliwanag niya tuwing tinatanong siya, na
sa Taglish din nauwi, dahil hindi siya marunong sa purong Tagalog, ng talagang Filipino.
Natutuwa siya pag bumibilib sa dahilan niya ang nakaririnig,
pero nagi-guilty rin siya maski paano. Dahilan lang niya kasi ‘yon, dahil ang
totoo, mahina siya sa English. Natatakot siyang mapagtawanan siya sa maling
grammar niya at umabot pa ‘yon sa faculty room. Hindi dahilan sa kanya ang
dahil hindi English ang major mo e ayos nang magkamali. Naniniwala siyang pag
nakatapos ng kolehiyo, English man o hindi ang major, dapat marunong mag-Ingles,
dahil 6 o 9 units minor subject din ‘yon. At sa kanya, ang mali ay mali, anuman
ang dahilan.
Si James naman ay isang IT expert, mula sa UE; maputi nang
konti para sa isang lalaki at may pagka-Tsinito; mahilig sa musika, magaling
kumanta, magaling maggitara at mahusay mag-drums.
“’Andami naman nito,” magkaharap na sila ni James—
nakatingin siya sa mga pagkain sa mesa nila— siomai ng Master Siomai, pizza,
fried chicken at French fries at Mcspaghetti at monster Cokefloat ng Mcdo,
kutsinta at puto-pao, Nestle ice cream, kwek-kwek in stick— nasa food court na
sila. “Mauubos ba natin ‘to, Heart?”
“Ayos lang ‘yan. Malay mo, last na ‘to?”
“Ano ‘ka mo?” nagulat si Jane— nagtaka rin sa di nito
pagtawag sa kanya ng “Heart.”
“Sabi ko, baka di na ulit ‘to maulit,” diretso sa kanya ang
mga mata ni James.
A, oo, kasi nga, uuwi muna siyang Cebu, at dalawang buwan
din kaming di magkikita, sa isip-isip niya.
Natahimik sila. Tiningnan niya si James, nakayuko lang ito,
nilalaro-laro ng straw ang tube ice ng Cokefloat.
“Kumain ka kaya,” nilagyan niya ng siomai ang styropor
nito, ngunit tiningnan lang siya nito, parang tinatamad.
“More Than Words” na ng Extreme ang tumutugtog sa
speaker. Siniglahan niya ang anyo niya, saka ngitian si James. “Uy, favorite
mo.”
Ngumiti rin ito, hilaw nga lang. “Oo nga e.”
Nahilig siya sa mga kanta dahil kay James. Ngayon, pag
papasok at uuwi siya, may nakapasak na earphone sa kanyang mga tenga. At pag
nagpi-Facebook siya sa bahay, malakas ang tugtog sa YouTube. Kay James din niya
nalaman ang mga trivia sa kanta, gaya na lang nitong sa “More Than Words,” na
ito raw ang kaisa-isang love song na ginawa ng Extreme, dahil na-inlove ang
gitarista nila. Kaya naman daw tinawag na “Eraserheads” ang banda nina Ely
Buendia ay dahil binato sila noon ng propesor nila sa UP, tugtog kasi sila nang
tugtog sa klase, at isa sa kanila ang tinamaan sa ulo ng pambura. At na literal
na nagtatanong si Axl Rose sa kung ano ang lyrics nang banggitin niya sa “Sweet
Child of Mine” ang “Where do we go now? Where do we go now?” At dahil walang
may mas magandang ideya sa mga miyembro ng Guns N’ Roses, naging ganoon na nga
ang lyrics ng kanta.
Kay James din niya naririnig ang magagandang pilosopiya at
logic sa musika, gaya ng paano mo raw malalaman pag matanda ka na? Na ang sagot
ay pag karamihan sa mga kanta sa bagong labas na songhit ay di mo alam. At
bakit daw mahilig ang tao sa musika? Hindi lang daw dahil nakari-relax, kundi
dahil nababalikan ang nakaraan. “Safe ka ro’n sa past, Heart. Safe do’n,” sabi
nito nang sunduin siya nito sa eskuwelahan at nasa MRT sila.
“Ano ba’ng problema?” hindi na siya nakatiis.
Inihinto ni James ang pagsundot-sundot sa yelo, saka
bumuntong hininga. “May sasabihin ako,” hinawakan siya nito sa kanang kamay,
saka siya tiningnan sa mga mata— nakita niya sa mga mata nito ang pananamlay.
Problema ba ito? tanong ni Jane sa sarili. Kinakabahan
siya. “Ano?”
“Gusto ko nang makipaghiwalay.”
“Ha? Bakit?” bigla niyang nasabi— parang lumakas ang
tawanan ng mga nasa kabilang mesa, at nasira ang ganda ng awitin ng Extreme, at
may kung anong kapangyarihang kumalat sa food court. Tama ba ang narinig niya?
Hindi siya makapaniwala.
“Basta. Okey naman tayo. Masaya ako, di tayo nag-aaway.
Walang problema. Pero ayoko na, Jane.”
Parang iba ang dating sa kanya ngayon ng boses ni James, at
may kurot siyang naramdaman sa pagbanggit nito sa pangalan niya. Nakita niya
ang pag-uga-uga ng mga pangarap niya, ng mga pangarap nila, na tatlong taon din
nilang binuo— ang pagkakaroon nila ng kambal na anak, na maaari naman dahil
nasa lahi nina James, na paglaki, ie-enroll nila sa UP College of Music; ang
honeymoon nila sa Pagudpud, Ilocos Norte, dahil bukod sa maganda at mura ay
hindi ganoong kapalasak, di gaya ng Baguio at Boracay; at ang napakarami pang
pangarap.
“Sigurado ka ba?” napakuyom ang kaliwang kamay niya sa
ibabaw ng pantalon niya, at nalukot ang panyong Pierre Cardin.
“Oo,” sagot ni James— at tuluyan na ngang gumuho ang lahat
ng pangarap nila.
Inilayo niya sa kamay ni James ang kamay niya, at iniiwas
niya sa mga mata nito ang mga mata niya. Napukol ang tingin niya sa kwek-kwek
in stick, ngunit sa gilid ng mga mata niya, nakikita niya si James, nakatitig
sa kanya, parang naghihintay ng sagot.
“Okey,” tumayo siya, dali-daling dinampot ang shoulder bag,
at pinunasan ang mainit na bagay na tumutulay sa kanyang pisngi— ngayon lang
niya namalayang umiiyak na pala siya.
Hindi siya lumilingon, ngunit binagalan lang niya ang mga
hakbang niya. Naalaala niya ang sinabi ni Chloe nang makipag-break rito ang
boyfriend nito— “Kung sino’ng nakipag-break, dapat, siya’ng makipag-ayos.” Alam
niya, hahabulin siya ni James, at hihingi ito ng paumanhin at yayakapin siya.
Kaya bigla na lang tumulo ang luha niya nang nakalabas na siya ng Farmer’s ay
wala pa rin si James— walang humawak sa kanyang balikat, wala siyang narinig na
“sorry,” at walang panyong Armando Caruso na ipinamunas sa kanyang luha.
Nag-vibrate ang cellphone niya, at nasasabik niyang binasa ang text.
Lucy: GOD LOVES YOU, SEND THIS TO TWENTY FRIENDS AND…
Binura niya. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Bumalik sa
menu ang cellphone, at nakita niya ang picture nila ni James, noong mag-concert
ang Eraserheads— nakaakbay sa kanya si James, at parehas nilang suot ang mga
paborito nilang damit— green jacket na may hood ang kay James, at suot naman
niya ang blue blouse niya na Folded & Hung. Mag-aapat na buwan pa lang silang
noon. 6:45 PM na sa cellphone niya.
Madilim na, at masiglang-masigla na naman ang Cubao—
malalakas ang busina ng mga sasakyan, panay ang silbato ng isang opisyal ng
MMDA, at ang dami nang pasahero. Isang bus na pa-Novaliches ang dumaan, at
naiwan ang makapal na itim na usok.
Pinunasan niya ang luha niya, saka siya umakyat ng hagdan.
Siksikan na naman ang mga pasahero sa MRT. Pinilit niyang
sumiksik sa kabilang pinto. Ayaw niyang makita ng ibang pasaherong umiiyak
siya. Malakas ang tugtog ng “Love You Like A Love Song” ni Selena Gomez sa cellphone
ng katabi niyang babae, na naka-PE uniform ng FEU.
Dinukot niya sa bag niya ang cellphone niya, tiningnan ang
mga picture nila ni James— may kuha sila noong mag-concert sa Araneta si Jay
Sean; may kuha sila noong mag-date sila sa MOA, noong nanood sila ng “The
Avatar;” may kuha sila noong lumaban sina James sa battle of the band sa Pasig;
at kung saan-saan pa. Nakaramdam siya ng kurot sa damdamin niya nang maisip
niyang, hindi na niya boyfriend si James— kundi ex boyfriend. Parang di pa siya
makapaniwala.
Binuksan niya ang inbox niya— puro “Heart” ang nakalagay.
Diniinan niya ang pindot sa pang-ibabang arrow, at binasa niya ang natapatang
mensahe.
Heart: bsta Heart, kung lhat ng tao aawyin k, aq ung
khuli-hulihang ta0ng aaway sau..xmpre, aq rin ung pinkaunang magttanggol sau..
Napangiti siya, at tumulo na naman ang luha niya. Mas
mainam nang maghiwalay nang may pinag-awayan, matatanggap mo, pero ‘yong wala,
‘yong ayos lahat, napakahirap pala, sa loob-loob niya. Naalaala
niya kung paano niya ipagmalaki kina Chloe ang relasyon nila ni James, at kung
gaano siya kinaiinggitan ng mga ito. Mapapahiya siya. Pero bakit parang di siya
nakararamdam ng takot? Dahil ba alam niyang magkakaayos sila?
“Bad Romance” na ni Lady Gaga ang tumutugtog sa cellphone
ng katabi niya. Sumunod ay “Super Bass” ni Nicki Minaj, tapos “Waking Up in
Vegas” ni Katty Perry, saka “Baby” ni Justine Bieber, at kung ano-ano pang pop
song. Kaya nagulat siya, nang nasa Shaw na sila, nang ang tumugtog ay “Heaven
Knows” ni Rick Price.
“Mas magaganda ‘yong mga kanta dati. Classic. For instance,
Em El Ti Ar, Celine Dion, Rod Stewart. Unlike ng mga kanta ngayon, magaganda
lang, pero fading agad. ‘Yon bang mga kanta ni Justine Bieber. Mga apoy sa
posporo. Sa umpisa anlalakas, pero after a while, wala na. Unlike ng classic
songs na apoy sa katol, mahina lang pero pangmagdamag,” parang narinig niya ang
magandang boses ni James.
Ninamnam niya ang lyics ng kanta, ang tinig ni Rick Price,
ang tiklado ng piyano, ang kalungkutan. At tumulo na naman ang luha niya.
My friends keeps telling me, that if you really love her,
you’ve gotta set her free, and if she returns in time, I’ll know she’s mine.
Naalaala niya ang mga pagkakataong nag-aaway ang mama’t
papa niya, tapos magtiti-text siya kay James ng sad face. Agad itong tatawag,
para kantahan o tugtugan siya. At pagkatapos, kaya na niyang ngumiti.
Pagdating na pagdating niya ng bahay, dumiretso agad siya
sa kuwarto niya, at binuksan ang Facebook account ni James— gusto na niyang
makita sa malaking screen ang mukha nito, gusto na niyang makita ang mga
status nito. Pero ayaw ma-log-in, kahit ilang ulit niyang sinubukan. Binuksan
na lang tuloy niya ang account niya. Pagdating doon, tiningnan niya ang account
ni James. Lumabas ang display photo nito, nakaharap sa drum set. Tiningnan
niya. Nag-error. Tiningnan niya uli. Nag-error na naman. Tiningnan niya ang mga
comment nito sa mga picture nila. Nagulat siya. Wala na roon ang picture ni
James. Pangalan at comment na lang. Nag-deactivate ito ng account. Napakagat ng
labi si Jane, at napiga niya ang mouse ng kompyuter.
Pagkahiga niya, nang ang lamp shade na lang ang nakasindi,
nagpatugtog siya nang nagpatugtog sa cellphone niya— puro mga paboritong kanta
ni James— Extreme, Michael Learns To Rock, Rod Stewart, Guns N’ Roses, Eric
Clapton. At maya’t maya siyang napapaluha, habang yakap-yakap ang Domo pillow
na regalo nito sa kanya noong thirty-fourth monthsary nila.
Tinext niya si James— heart? :’(
Wala na siyang pakealam sa prinsipyo ni Chloe. Hinihintay
niyang maputol saglit ang tugtog, na parang nagbibigay galang sa pagdating ng
isang espesyal na mensahe, pero hindi ‘yon nangyari. Nainip siya. Tiningnan
niya sa sent box ang message niya— 9:25 PM. Tiningnan niya ang oras sa menu—
9:35 PM na. Tulog na kaya? Pinatay niya ang music, at tinawagan niya ito.
“The number you have dialed is either unattended, or out of
coverage area, please try your call later. The number you have dialed is either
unattended, or out of coverage area, please try your call later,” parang
iniinis siya ng boses ng operator.
Napiga niya ang cellphone, at naihagis niya sa dingding ang
unan. Ihahagis na rin sana niya dapat ang cellphone, pero pinigilan niya ang
sarili niya, nang maisip niyang mawawasak ‘yon, at kakailanganin na naman
niyang bumili ng bago.
Kinabukasan, maaaga siyang pumasok, hindi dahil pangalawang
linggo na ng eskuwela at regular na ang klase, kundi dahil gusto niyang
patunayang kaya na niya, na inubos na niya kagabi ang mga luha niya, at na mula
ngayon, hindi na siya iiyak ng para kay James. Kung ayaw mo sa akin, ayoko na
rin, sabi niya sa sarili.
Mag-a-attendance na sana siya nang biglang mahatak ng isang
pangalan sa class list ang kanyang pansin— James Surigao. Isang bagay ang namuo
sa isip niya. Minadali niya ang pag-a-attendance.
“O, Mr. Surigao, bakit kailangang pag-aralan ang
buhay ni Rizal?” tanong niya agad, pagka-attendance.
Nagkaingay ang klase. Kinabahan agad ang mga estudyante.
“Ma’m,” nahihiya itong tumayo— mataba ito at maraming
tagyawat, “kasi po nasa kurikulum.”
“Bakit nga nasa kurikulum?” bumaba siya sa platform, saka
lumakad sa makitid na daan sa gitna, sa pagitan ng mga silya. “S’yempre di
naman ‘yan ilalagay d’yan ng CHED kung wala lang, di ba?”
“Di ko alam Ma’m e,” kita na sa tono nito ang inis.
“Di mo alam? Okey, remain standing,” itinago niya ang di
mapigilang ngiti.
“Ouch,” narinig niyang bulong ng isa.
“Ano ba’ng tanong? Ano ba’ng tanong?” bulong ng nasa
unahan.
Tumingin uli siya sa class list, kunwari, naghahanap ng
pangalan. Tinawag niya ang isa pang James— dalawa lang ang James sa seksiyong
ito. “O, Mr. Zuñiga.”
Isang maputing lalaki, na maskulado pero mukhang bading,
ang tumayo.
“O?” tiningnan niya ito sa mga mata. “Ano na?”
Nagkamot ito ng kilay, at nakita niyang tinuhod ang katabi.
“Don’t wait for their answer. College na kayo,” napangiti
na naman siya— mahihina naman pala ang mga James e, sa isip-isip niya.
Sa sumunod niyang mga klase, ganoon pa rin ang tanong niya
pag “Life, Works and Writings of Jose P. Rizal” ang asignatura, at kung
“Philippine History” naman, “Bakit kailangan pang pag-aralan ang kasaysayan ng
Pilipinas sa kolehiyo e elementary pa lang tayo, pinag-aaralan na natin ‘yan?”
At laging walang nakasasagot. Kaya tuwang-tuwa siya. Hanggang sa mapaisip siya,
natutuwa nga ba siya? Na agad din niyang sinagot, “Oo, natutuwa ako.”
Madilim na, at isa na lang ang klase niya, “Philippine
History.”
Tumingin siya sa class list na hawak niya kung may James. ‘Ayun,
merong isa— Anthony James Santiago. Sayang at isa lang, pero ayos na ‘to, kesa
wala. “O, Mr. Santiago,” inilapag niya sa mesa ang class list, at tumayo siya,
“Why do we need to study the history of our country?” pinilit niyang
mag-Ingles, at natuwa naman siya na nagawa niya.
Walang tumatayo.
“Mr. Santiago, nasa’n ka ba?”
“Ma’m,” may tumayo sa unahan— matangkad na payat, parang leeg
ng gitara, maputi at may mainipis nang bigote.
“Why do we need to study the history of our country?”
lumakad siya palapit dito.
“Para sa ikauunlad po natin, para humusay pa tayo,” parang
nahihiya ito.
“Para sa ikahuhusay? Bakit, kailangan n’yo ba ‘to sa barko?
Ano’ng maitutulong ng mga pangyayaring ‘yan pag nasa barko na kayo? Nagagamit
ba ‘yang salbabida?” ngumiti siya, saka ibinuka nang konti ang mga kamay. “Si
Lapu-lapu, si Macario Sakay, ano’ng maitutulong nila sa inyo?”
“E Ma’m,” parang nahihiya pa rin ito— napansin niyang may
pagkahukot din ito, “hindi naman po tayo dapat magpakulong sa tinapos natin, na
komo marine major ka e ‘yan na lang nang ‘yan alam mo. Saka Pilipino rin po
kasi tayo, obligasyon nating malaman ‘yong mga bagay na part ng pagiging Pinoy
natin.”
Sigawan ang mga estudyante niya, nagpapalakpakan,
nagpapadyakan, may nagkakalampag ng silya.
Natahimik siya.
Dinukot niya sa bulsa niya ang cellphone niya, kunwari may
tumatawag. “Excuse lang,” dali-dali siyang lumabas ng silid, pumasok sa CR, at
nag-iiyak.