Huwebes, Nobyembre 16, 2017

Kape


Batid kong sa ngalan na lamang ng pagsasama
ang patitimpla mo
sa akin ng kape kung umaga.
Isinasabay sa kape ng mga bata,
sapagkat ayaw nating mapaso
ng kanilang pag-uusisa.
At batid kong batid mo,
sa ngalan na lang din
ng pakikisama ang pag-inom ko.
Hindi malayo sa ating hapunan
na kinakain natin nang mekanikal
kaya walang bango at linamnam.
Kaya ba sila lumilikha
ng rabaw na mapag-uusapan,
ramdam nilang nanduduro
ang katahimikan?
At hindi ko alam kung iyong nababatid,
iniinom ko ang kape
kung wala nang init.
Para sanayin ang sarili, marahil
sa dati ay ganap mong pag-ibig
ngunit malaon nang lumamig.

Lunes, Nobyembre 13, 2017

Parikala


Pinuno natin
ng pader ang paligid,
saka tayo ngayon naghahanap
ng lumilipad na pag-ibig.

7/4/17

2-14 n.g.

Matamlay na ang mga tindang
pumpon ng bulaklak.
Nalulusaw na ang mga tsokolate
at bagsak na ang presyo
ng ibinebentang mga lobo.
Gusto nang umuwi ng tindera,
na dumadalas na ang pagpikit
at sumisigla ang paghikab.
Mangilan-ngilan na lang
ang magkasintahang naglalakad
nang magkahawak-kamay
o magkaakbay.
May ilan pa ngang nag-aaway.
Maluwag na sa mga lansangan,
madali nang makahanap
ng masasakyan.
Tinatanggal na ng espesyal na araw
raw
ang ipinahid sa kanyang kolorete,
itinatanghal ang mukhang
walang ipinag-iba sa karaniwan.

Bukas, lanta na ang mga rosas.
Bulok na ang mga talulot
na matatapak-tapakan sa daan.
Nito natin balikan
ang kailangan nating pagmamahalan.


Neutral


Mukha ko ang aking nakita
sa mukha ng batang
nilalangaw sa kalsada,
ipinagpipilitang
nagtutulak ng droga.
Mukha ng aking ina,
kapatid at ama,
ang aking nakita
sa pumapalahaw niyang
mga kapamilya.
Wala akong sakit,
wala akong sabit.
At malinaw sa aking
marungis
ang mga walang imik.
Sa mukha nila
ko ayaw na makita
kahit ang kalahating pares
ng aking mga mata.


Linggo, Nobyembre 12, 2017

Suwail


Pantas kang isinakdal
nitong lipunang pyudal
na hindi nakauunawang
may dunong ang mga paslit,
nagpapalagay na laging tiyak
at iisa lamang ang tamang landas.
Hindi maaaring suriin, kuwestiyunin—
panlalapastangang salungatin.
At sapagkat nga may karunungan kang
makita ang kamalian sa tradisyon
ang maaaring pagkalunod sa pagpapatianod,
sapagkat batid mong ang lagusan
tungong paglikha at pag-unlad
ay ang madilim na yungib
ng pagsusuri’t pangangahas,
at sapagkat may tapang kang sumalungat,
hinatulan ka nilang ibilanggo.
Saka ipinamalita sa lahat
na nakatatakot kang kriminal.
Huwag pamarisan,
huwag na huwag lalapitan.
Hayaan mo at darating din ang araw.
Makikita nilang ang kabuluhan ng karunungan
ay nasa balikat ng pagsusuri at tapang,
taglay nilang nagtatagumpay
nilang kailangan ng sanlibutan.
Palawigin pa ang iyong pasensiya.
Tandaang matagal na silang
naagnas sa bilangguan
ng sariling
kaduwaga’t kakitiran.


1/18/17

Kung Bakit Mali ang Laging Makiangkop


Marahil,
kung ating buburahin
ang salitang pakikibagay,
katagang pagkaligaw
ang talagang nakalagay.

10/10/17

Nektar


Sinisipsip ko dati
ang katas ng bulaklak.
Mabango, malinis, matamis.
Mula na sa ilahas na bulaklak
ang sinisipsip kong nektar.
Hindi matamis,
hindi ko tiyak kung malinis.
Ngunit laging nakakagigil,
laging nakakabaliw.


Ito ang Araw-Araw Kong Dinaraanang Lansangan


Ito ang araw-araw kong
dinaraanang lansangan.
Maya bata pa ring
nagkakalkal ng basurahan
at naroon pa rin
ang matandang nilalangaw,
naghihintay na lang
ng kamatayan.
Nakabandera pa rin
sa mukha ng pahayagan
ang mga larawan
ng kawalang-katarungan.
Ito ang araw-araw kong
dinaraanang lansangan.
Marami ngayong
nagtitinda ng tsokolate,
lobo, bulaklak.
Ngunit wala pa ring
namamahagi
ng pagmamahal.

2/14/17


Komoditing Pag-ibig


Narito na tayo sa panahong
nasa hula ng mga pilosopo,
ang siglong
itinitinda ang mga puso.
Ito na ang laman ng jingle sa radyo,
ang kuwento
ng mga patalastas sa tv,
ang isinisigaw
ng mga tindera sa palengke.
Lagi lang mag-ingat sa paggamit.
Hindi dekalidad
ang kanilang materyal.
Sa sandaling dumulas
sa kamay,
pupulutin sa lapag
nang basag-basag.

2/12/17

Kumusta


Wala nang bigat
ang ating kumustahan;
tuldok ang katumbas
ng sagot na okey lang.


2/19/17

Subukan Mong Bumangon, Isang Hatinggabi, at Pagmasdan ang Nahihimbing Mong mga Magulang


Minsan, isang hatinggabing
hindi ka binibisita ng antok,
subukan mong bumangon.
Puntahan sa tahimik na salang
nag-anyong silid-tulugan
ang iyong mga magulang.
Marahan, buksan mo ang ilaw.
Payapa silang pagmasdan.
Sa simula, maiingayan ka
sa kanilang hilik.
Hanggang makasanayan
ng iyong tainga, kalaunan.
Ganito ang huni
ng mga kuliglig.
Ganito ang himig
ng gabing tahimik.
Pakinggan pang maigi.
Unti-unti mo na bang naririnig
ang kanilang mga lungkot
pangamba, pangungulila at takot?
Na sa bawat araw ka nilang kapiling
ay hindi nila naisatinig.
“Anak, maraming tumutumba sa kalsada,
umuwi ka nang maaga.”
“Malapit na kaming mawala
ng iyong ama.
Matuto ka nang tumindig
sa sarili mong mga paa.”
“Anak, magawa mo pa kaya kaming abut-abutan
kung humayo ka na’t
magtayo ng sariling tahanan?”
Sa nakalilis at tastas
nilang salawal at mga manggas,
masdan mo ang kanilang
lumalaylay nang balat,
mga kalamnang
nagdamit sa iyo, nagpaaral.
Ilang taon pa ang kanilang itatagal?
Ilan na lang sa kanilang pangarap
ang tutulong ka sa pagtupad?
Masdan mo ang kanilang mukha.
Hindi. Hindi sila ganyan katanda
sa iyong gunita.
Hindi na ikaw ang iyaking bata
at hindi na sila ang matitikas
malalakas mong magulang.
Sasapit ang isang umaga,
hindi ka na makaririnig
ng kahit anong payo o sita
mula sa kanila.

Muli, marahan
patayin mo ang ilaw.
Pumikit.
Hintayin ang bibisita sa iyong
mapanglaw na panaginip.


1/10/17

Kakaibang Hayop ang Batas sa Aming Bayan


Kakaibang hayop
ang batas sa aming bayan.
May pangil kung minsan,
wala kadalasan.
Ngunit anu’t anuman,
ang tiyak
kaming mahihirap lang
ang kanyang kinakagat.


1/18/17


Mangga


May mga kuwentong
tulad ng mangga,
pilit pinipitas, iniaasa
sa kalburo ang lahat.
Magkasamang ibabalot sa diyaryo
ang kuwento at kalburo.
Mapapangiti rin sa tamis
ang sinumang kakain,
ngunit maghahambing
at may hahanap-hanapin.
Dahil sadyang iba pa rin
ang manggang
hinog sa puno nang pitasin.

7/4/17

Buwan ng mga Puso


Pebrero na, kaibigan,
at may mga paslit pa ring
nangangalkal ng basurahan,
naghahagilap
ng kahit anong
pampakalma sa tiyan.
May inaagawan pa rin tahanan.
May inosenteng natatagpuang patay,
habang ang katarungan
nasa kung saan pa ring taguan.
Nasa tokador pa rin marahil
ng mayayaman.
Marami pa ring
pinagkakaitan ng karapatan.
Pebrero na, kaibigan.
Ito ba ang sinasabi mong
buwan
ng pagmamahalan?

2/12/17


Berso 2-17


Lilipad
ang mga lobo, tsokolate
bulaklak
ngunit hindi
ang pagmamahal.
Hindi na bata
ang ating pangunahing tauhan.
Malinaw na sa kanya
ang kahulugan
ng pagmamahal.
Sa ganitong araw,
wala na siyang pakealam.


2/12/17

Kaning-Lamig


Marami itong pinagmulan,
kapwa natin alam.
Ilang buwan nang
hindi mo ako ipinaghahanda ng almusal.
Laging ulam kagabi
ang baon ng aking katawan,
panlaban
sa maghapong tunggalian.
Nakakawalang-gana ang kaning-lamig,
at nangungulila ako
sa dati ay regular mong sinangag.
Mabango, mainit, masarap.
Bukas, hindi na ako mag-aalmusal.
At sana ay maunawaan,
kung isang araw
sa ibang bahay na maghapunan.

2/25/17

Paniki


Katakutan siya, hindi lamang
sa kawalang-paninindigan;
na kung mananalo sa laban
ang mga lumilipad,
sasabihing siya ay ibon
sapagkat may mga pakpak;
na kung mananalo ang mga hayop
na apat ang paa
ay lalapit sa leong hari ng gubat,
sasabihing apo siya ng daga
ituring siyang kasangga.
Pangilagan siya,
hindi lamang dahil
lumilipad siyang hunyango.
Higit, sapagkat nabubuhay siya
sa pag-inom ng dugo.

2/25/17

Doktorado

Ito at hindi ang esensiya
ang lagi niyang ibinabandera,
kada may miting, sa bawat klase
sa kada pagpapakilala.
Ito at hindi ang esensiya,
ilang dekada na
ang nagpapakilala sa kanya.
Lisensiyang hindi nakapagbigay
sa kanyang buhay ng saysay.
Sapagkat papel lang na naiwan,
tuluyang natabunan
nang siya ay mamatay.


3/4/17

Dekano


Huwag isiping wala siyang dunong,
hindi karapat-dapat sa kanyang posisyon
at digri at politika lamang
ang naghatid sa kanya sa tugatog.
Laging tingnan ang kapangyarihan
at dahas ng pagkakagulang.
Tingnan ang kabilang anggulo.
Kagaya nito, maaaring nang una
ay kaparis ka niya
inaapawan ng pangarap at ideya.
Ngunit naduwag sa mga panginoon
at mga pumapanginoon,
natakot sa hindi patas na kompetisyon.
Kaya ipinalingkis ang sarili sa sistema.

Lagi siya ngayon sa opisina,
nabubuhay sa pagpirma.
Hindi na siya guro
ngunit ang gaya niyang Senyor Pasta
ay marami sa iyong ituturo.


3/6/17