Sabado, Disyembre 21, 2013

Pag Binubulaga Ako sa Newsfeed ng Kamatayan


Minsan, binubuluga ako
sa aking newsfeed
ng kamatayan.
Magugulat ang paligid.
Matatahimik.
Mapapatitig ako
sa larawan ng namayapa,
masisigla ang liwanag
sa kanyang mga mata.
Parang maaaring
makasalubong sa kalsada
nang nakangiti
nang kumakanta.
Matutuon ang pansin
sa salaysay ng naiwan
sa mga salita
ng panghihinayang
ng pakikiramay.

Pagkatapos,
mapapatayo ako,
maglalakad sa tabing-bintana.
Hahawiin ang tahimik na kurtina.
At ganito lagi ang makikita.
Balisang mga langay-langayan.
Marahas na hangin.
Madilim na langit.

It's Complicated


sigaw ng about
ng iyong facebook account

matagal kong tinitigan
ang salansan ng mga letra
ang profile picture
at cover photo
ang mga post na nakalatag sa wall
ngunit di natagpuan
ang tinuran mong salimuot

saka ko naalaala
ang natuklasang kalikasan
sa lapit lang ito matatagpuan

at mula rito
sanlaksang tanaw
ang layo ko sa iyo

Miyerkules, Disyembre 18, 2013

50% OFF


malakas ang gayuma
ng puting-puting mga letra
                       SALE
                                                             SALE
                                     SALE
nakalapat
sa pulang karton
                                             may buhay
                    nagliliyab
                                                                            nambabalani

                                         50% OFF
                                         50% OFF
                                         50% OFF

nagliyab ang mata
ng mga tao
                                                             naghalungkat
                                 siksikan
                                                                                         agawan
unahan

                                                                                                        habang nakangiti’t
                                                                                                        tahimik na nakatitig
                                                                                                        ang maliliit
                                                                                                        na itim
                                                                                                        na titik

up to


Linggo, Disyembre 15, 2013

Bayantoda


Sumama ako kina Mommy at Daddy sa pagdalaw sa mag-iina ni Kuya Oka. Nakatraysikel kami.

Dispatcher ng Bayantoda si Kuya Oka, kumpare at matalik na kaibigan ni Daddy. Inaanak pa nga ni Daddy ang panganay nito, si Joel. Maitim si Kuya Oka, kulot, may buhay na nunal sa itaas ng kaliwang mata, laging naka-t-shirt na puti.

Kaya madalas siyang lokohin sa traysikelan na di raw siya mababangga kahit gabi.

Tatlo ang dispatcher ng Bayantoda, pero pinakamadalas kong makita si Kuya Oka. Panggabi kasi siya, oras nang uwi ko galing PUP. Sa kanilang tatlo, siya ang pinakagusto ko. Bukod sa kaibigan siya ni Daddy, hindi siya bastos sa mga pasahero. Di gaya niyong dispatcher pag tanghali, sinasabihan nang maarte ang mga babaeng pasaherong ayaw bumakrayd.

‘Liwanag’ ang pangalan ng street namin, susunod ang Bukas at Pagbangon. Pag sinabing “Liwanag! Liwanag!” nag-uunahan agad ang mga pasahero. Wala naman kasing pila, isang mahabang upuang bakal lang.

Hindi ko na kailangang sabihing sa Liwanag ako, kilala na ako ng mga dispatcher. Alam na anak ako ng tricycle driver. Pag tatlo na ang pasahero, at dumating ako, bigla nilang sasabihin, “O, Liwanag! Liwanag!” Hindi ko na rin kailangang makipag-unahan, pag si Kuya Oka ang dispatcher. Madalas kasi, pag tatlong Pagbangon na ang pasahero, at kulang pa ang Liwanag, pinalalakad na niya ang Pagbangon. “Pagbangon! Pagbangon!” Tapos, titingnan niya ako. Liwanag, basa ko sa buka ng mga labi niya. Kaya nauuna pa ako sa naunang mga taga-Liwanag.

Isang bagay ang pinakanatatandaan ng mga tao kay Kuya Oka. Hindi siya bumoboto.

“Mabub’wisit lang ako. Wala namang nangyayari,” tanda ko pang sabi niya, nang minsang mag-chess sila ni Daddy sa bahay, at may kaharap na Gin bulag at pritong tinapa.

Sa inuupahan nila, sabi ni Daddy, wala kang makikitang tasa, t-shirt, pamaypay o kalendaryo, na galing sa mga politiko.

“Pag uminom kasi ‘ko gamit ‘yung tasang me muk’a ni Mayor, baka sumama lang ‘yung lasa ng kape. Malason pa ‘ko.”

Kaya sa bilihan ng boto pag barangay election, wala siyang natatanggap.

“Ba namang boboto lang, me dalwa’ng libo na s’ya. Ayaw pa n’ya,” sabi ni Mommy.

“’Yon di’ng sabi namin. Kaso, ayaw talaga e,” sagot ni Daddy. “Sa botohan lang ng Bayantoda bumoboto ‘yon.”

Pagdating namin sa kanila, tahimik na ang bunso niya. May sinususo nang gatas.

Na-stroke kahapon si Kuya Oka. Isinugod sa ospital, kahit hindi alam kung saan kukuha ng pambayad.

“’No ba’ng nangyari?” tanong ni Daddy sa lalaki sa tabing-pinto. Tricycle driver din, di ko nga lang alam ang pangalan.

“E ‘ayun, walang panggatas. Iyak nang iyak si Ogie. Wala ring pambiling ulam. Nahihilo na sa gutom ‘yung dalawang malaki. Si Mare, naiiyak na.”

Tiningnan ko ang tatlong bata. Sumususo iyong pinakamaliit, wala pang isang taon. Nakasalampak sa sahig iyong dalawa. Apat na taon siguro si Joel, at tatlong taon iyong sumunod. Ang lalaki nang subo. Parang mauubusan.

“Nag-ambagan na lang kanina ‘yung mga nakapila. Sabi ni Boy Tulay, may bigayan daw uli mam’yang gabi. Balikan ko raw.”

Naisip ko, parang napakahirap sa isang pamilya kung isa lang ang nagtatrabaho, at ang liit pa nang sahod. Sana, maganda ang trabaho ng mapangasawa ko.

May nagbukas ng TV. Channel 7, Flash Report.

“D’yan,” sabi ni Daddy.

Ibinabalita ng babaeng reporter ang tungkol sa nawawalang P10 bilyon pork barrel. Ibinulsa lang ng mga senador at konggresista. Pangunahing akusado ang mayayaman nang sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.


Sabado, Disyembre 14, 2013

Babala


Mayro’ng bagyong parating.
Nagbabala ang hangin,
at pinagpunit-punit,
mga dahon ng saging.

Ang Mga Kasangkapan, Sa Panahon ng Paglilipat


Lulan na kami ng trak,
kapiling ang mga kasangkapan.
Mahusay silang isinalansan,
dahan-dahan
nang walang malaglag
mawasak
mabasag.
Wala silang ipinag-iba sa gabi.
Tahimik.
Waring kinikilala
ang dinaraanang kalsada,
tinatandaan
ang nakakasalubong na mga sasakyan
at nililikuang lansangan,
ang mga matang sumasalubong
at naghahatid nang tingin
hanggang
lunukin kami ng dilim.

Nang isa-isa na silang
naipasok sa bahay,
waring
nakatitig pa rin sila.
Tahimik.
Kinikilala
ang estrangherong kisame
dingding at sahig.

Sa Aming Paglisan, Ang Mga Kapitbahay


Mahusay nang nakasalansan sa trak
ang mga kasangkapan.
Itinali ng wire, nang walang bumukas
malaglag
mabasag.
Gabi, at kailangang magbaon
ng hapunan.
Para sa amin
at sa mga katulong sa paglilipat.

Nakaayos na ang lahat,
natiyak nang walang nalimutan.
Lalakad na ang trak.

Nakatanaw ang mga kapitbahay.
May nakahalukipkip.
May kilik-kilik ang anak.
May nangingilid ang luha.
May kumakaway,
nagsasabing “Paalam.”
May nag-abot ng lutong-ulam.
May nagpapabaon ng mga bilin
payo at pasasalamat.
May nagbirong
“Huwag kakalimutang sumulat.”

Subalit mayroon silang pagkakahawig.

Tahimik
ang kanilang mga titig.
Hindi kinayang ikubli
ng dilim
ang ningning ng pag-ibig.


Lunes, Disyembre 9, 2013

Rubber Shoes


Muli kong dinaanan
ang naibigang
mamahaling sapatos.
Kayganda nang pagkaasul,
mapagmayabang na suwelas
at sintas.

Sa pagitan namin,
naroon pa rin,
ang malinaw
at makapal na Salamin.


Sabado, Disyembre 7, 2013

Wish List


Labing-walong araw na lang,
Pasko na.
Saglit kang pumikit,
sa isang bond paper
sa isip,
isinulat ang mga numero.
Isa hanggang labing-walo.
Katapat
ang gabi-gabing hiling,
Makapagpatuloy
sa kolehiyo.

Iniipon Ko ang Luha ng mga Kandila


Tulad nang gawain
noong musmos pa,
panlaban sa pagkabagot, iniipon ko
ang luha
ng mga kandila.
May puti, may dilaw,
may pink, pula
bahaghari at bughaw.
Kinikinis
ng istik ng ice drop.
Pinapatag, pilit
binibilog, dinadalisay
ang hugis.

Ngayon, kininis ko ito
ng palad ko’t mga daliri
dinarama
ang kirot
at hapdi ng init.
Habang naluluha’t
pasulyap-sulyap
sa ngalan mong
katititik lang
sa lapida.


Unang Undas


Ito ang unang Undas
na di ka namin
kapiling.

Mahirap pa ring paniwalaan
ang lahat,
na di ka na mayayakap
di na makakausap
di maririnig ang halakhak.
Mahirap pa ring paniwalaang
di na mamamasdan
ang kislap
sa tahimik mong mga titig
sa sandaling maabot
ang mga minithi.

Ito ang unang Undas
na ikaw
ang aming binisita.
At heto kami, Ama,
nakamata
sa lumuluhang mga kandila.


Pamamaalam


Nang lumapat
ang kabaong
sa lupa,
lumakas ang mga iyak,
may narinig kang tunog
o tinig
o himig.
Noon mo lang iyon narinig.
Nangingilid ang luha,
ibinulong mo sa puting rosas
ang di nasabing pag-ibig.

Biyernes, Disyembre 6, 2013

Backpack


Alas-s’yete’t siksikan:
may nakatayong lola,
pasan-pasan kong backpack,
bigla na lang bumigat.

Paglalakbay sa Siyudad


1
Nagpula’ng ilaw,
nagugutom na tsuper,
muling naghikab.

2
S’ya ay lumipad.
Ngunit treng walang laman,
dumiretso lang.

3
Gutom na’t pagod,
napasandal, nalanghap,
usok ng lungsod.

4
Sales leyding hapo,
wala uling masakyan.
Tayo na naman.

5
Hay! Naupo nga,
sa sobra namang sikip,
di rin maidlip.

6
Himbing nang tulog…
namreno bigla ang bus…
ginulat nang untog.

7
Dami nang pera,
rumagasang busina,
napapikit s’ya.

8
Tsabi’ng babae.
Nakaupong lalaki,
daling pumikit.

9
‘Sang linggo na lang,
mae-endo na, sa bus,
di na nagbayad.

10
Himbing na himbing,
nang magising, lampas
na sa babaan.

11
Tayo na naman.
Kaya di nakonsens’yang
di na magbayad.

12
Nagtatawanan,
ang init na’t siksikan,
di namalayan.

Sabado, Nobyembre 30, 2013

Dayuhan


Twag k n—text ko kay Celine, pinakamatalik kong kaibigan.               
                                                                                                                
Kadarating ko lang sa bahay, galing Adamson University, kung saan ako nagtuturo. Nakabihis na ako’t nakainom na ng tubig. Nakahiga na ako sa sofa. Wala pang dalawang minuto, nagri-ring na ang cell phone ko.

“O, Dearest?” bungad ko. ‘Dearest’ ang tawagan namin. Minsan nga, pinagseselosan na ako ng boyfriend niya.

“Ik’wento ko na, Dearest?”

“Wait,” dinampot ko ang headset sa ibabaw ng computer table, at isinaksak sa cell phone. “O, game,” humiga uli ako sa sofa.

“OK, ganito ‘yon,” luminaw at lumakas ang boses niya. “Di ba, 26K ang sahod ko, monthly?”

“O?”

“Tapos, sa Makati pa ‘ko.”

“O?”

“I mean, marami’ng naiinggit sa’kin. Magandang salary. Airconditioned. Magandang work place. Pero kung alam lang nila. Dearest, di ko na kaya.”

Kumunot ang noo ko.

“Gusto ko nang magandang trabaho, pero ‘yung gan’to, di ko pala kaya.”

Di ako kumibo.

Bukambibig niyang gusto niyang yumaman. Pero ayaw niyang mag-abroad. Kahit malaki pa ang sahod. Napakalungkot daw. “Kaya nga ‘yung mga Pilipino ro’n, makakita lang ng ibang Pilipino, kung makapag-usap, feeling, kamag-anak.” Ang gusto lang niya, magtrabaho sa Makati, may sariling office, may tagatimpla ng kape, maganda ang work place. Hindi pa naman siya boss, at wala pang tagatimpla ng kape, pero nasa Makati na siya. Nasa magandang work place.

“’Yong matataas na empleyado sa’min, Malaysian, British, Chinese, American. ‘Yong mga maintenance, Pilipino. Grabe. Tapos, inuutus-utusang magtimpla ng kape, bumili ng pagkain. Sinisigawan pa. Ako, di ako nag-uutos. Di naman mahirap bumaba. May elevator naman.”

“Tama, Dearest. Ma’nong sila na lang ang magsibili.”

“Tapos, kahit matagal ka na sa company, pag Pilipino ka, mauunahan ka pa sa higher position ng foreigner na katatanggap lang. Hindi ka rin ipadadala sa ibang bansa for seminars and trainings.”

Napapalatak ako. Dinig na dinig ko ang buntong-hininga niya.

“’Yong nangyari no’ng Monday ang di ko kinaya, Dearest. Kaya nga tumawag ‘ko ngayon. For advice.”

“’No ‘yon?”

“Di ba nga, online gaming ‘yung ino-offer ng company namin?”

“O?”

“Ipino-post ‘yon sa Facebook. For publicity. Ngayon, ‘yung naka-assign do’n, namali nang post.”

“O?”

“Alam mo, Dearest, binugbog na s’ya nu’ng manager. Tinutukan pa ng baril.”

“Ha?” napabangon ako. “Pilipino?”

“’Yung empleyado. American ‘yung manager,” sabi niya. “Kahapon, bumalik ‘yung binugbog. Magdidemanda. Sabi ng manager, ‘How much do you want?’ Sabi n’ung Pilipino, ‘How much can you give.’ Sabi, nagkasundo raw sa two hundred thousand.”

“Laki, a.”

“Tapos, Dearest, sabi n’ung manager, ‘Filipino’s are just money,’” humina ang boses ni Celine. “Alam ko naman, kelangan natin ‘yung gano’ng amount. Di ko rin masisisi ‘yung empleyado. Pero ang sakit din pala na gano’n. Na ganyan ‘yung pinagmulan mo. Na ginaganyan kayo.”

Natahimik ako. “Ano’ng plano mo?”

“Magri-resign na ‘ko bukas.”

Tuluyan na akong napabangon.

“Okey,” tumangu-tango ako. “Pero, Dearest, di kaya nabibigla ka lang? I mean, pangarap mo ‘yung ganyang work place, di ba?”

“Oo. Pero di ba, sabi ko naman sa’yo, ayokong mangibang bansa. Hindi ko kaya, kahit malaki’ng sahod. Parang ang lungkot-lungkot. E do’n, ramdam na ramdam ko ‘yon. Para ‘kong nangingibang-bansa sa sarili kong bansa.”

Biyernes, Nobyembre 29, 2013

Mga Sobre


Araw-araw, may sobre
sa aking cell phone,
mula sa iyo,
tanghali, gabi
madaling-araw, umaga, hapon.
At dali-dali ko itong dinadampot.
Kadalasan, nagiging paru-paro
ang mga titik.
Iba-ibang kulay.
Lila, dilaw,
kahel, puti, bughaw.
Sasayaw sa hangin ang mga ito,
hahalik sa aking kamay,
labi, pisngi at noo.


Pagtataboy


Hinaplos mo
ang kamay ko,
lumipad palayo
ang mga uwak
sa aking pulso.

Huwebes, Nobyembre 28, 2013

Ang Pagpatay


Hindi basta-basta ang pagpatay.

Nang barilin niya sa ulo
ang lalaking naka-polo,
namatay ang alab
sa mga mata
ng mga tao
sa palibot nito.

Miyerkules, Nobyembre 13, 2013

Si Walang Pangalan


Lumiko kami sa makipot na daan, pang-isang traysikel lang ang luwang at talahiban ang magkabilang gilid. Naka-mountain bike ako at iyong mababang bisikleta ang kay Owa.

Nagulat na lang ako na may nakasunod na sa aming aso. Sumunod ito kay Owa.

“Uy!” natawa si Owa. “S’ya ‘yon Kuya, o!”

Pandak ito, mataba at puting-puti. Sumasayaw ang buntot, habang nakalawit ang dila.

Pagdating namin sa matandang punong mangga, ni-stand ko ang bisikleta ko, isinandal ni Owa sa puno ang sa kanya. Naglakad kami sa kalahating dipang daan papunta sa kubo ni Lolo. Mga saging ang nasa kanan namin at mga talong ang sa kaliwa.

Nauuna sa akin si Owa, nakabuntot pa rin sa kanya ang aso. Sumasayaw pa rin ang buntot.

Sa kubo, kinuha ni Owa ang biniyak na galon ng diesel, itinaktak, saka ibinuhos ang dala naming naka-sando bag na kaning-lamig, na sinabawan at may buto-buto ng nilagang baboy. Nilantakan agad iyon ng aso. Dinig na dinig ko ang pagkain niya.

“Walang pangalan ‘yan, Kuya,” lumapit sa akin si Owa, nasa tabi ako ng sinigwelas.

Maputi si Owa, makinis. Singkit, medyo kulot at mapupula ang labi. Grade 6. May hawig sa Korean star na si Rain.

“Ba’t walang pangalan?”

“Di pinangalanan ni Lolo,” nakasimangot siya.

Kawawang aso, sa isip-isip ko. Mamamatay nang wala man lamang pangalan. Papaano siya maalaala?

“Bigay lang ‘yan ng nakainuman ni Lolo, e. Tuta nang ibigay.”

Tumango ako.

“Ikaw lagi’ng nagpapakain d’yan?”

“Oo. Pero nu’ng me pasok, si Lolo.”

“Pag me pasok ka, at di nakapagtumana si Lolo?”

“Walang nagpapakain,” nakasimangot pa rin siya.

Naawa akong lalo sa aso.

Tiningnan ko ang mga siling Taiwan na tanim ni Lolo. Ang dami. Mahal pa man din ang sili, P400 ang kilo. Ito ang yamang matapat na binabantayan ng asong ito. Sa kabila ng mga ipinagkait sa kanya.

Naisip kong maski sa sarili ko man lamang, bibigyan ko siya ng pangalan. Pag-iisipan ko bago ako matulog.


Kinabukasan, pangalawang araw ng bakasyon ko sa Nueva Ecija, pinakain uli namin ang aso. Hanggang mag-isang linggong ganoon. Kung umaga at kung hapon.

Hindi ko alam kung saan siya nanggagaling, lagi na lang siyang sumusulpot. Tapos,  susunod kay Owa.

Pag-uuwi na kami, inihahatid pa niya kami, hanggang sa mismong kalsada. Ayokong lumingon, baka kasi sumemplang ako. Dahil hindi sementado ang kalsada. Baku-bako. Pero pakiramdam ko, nakatingin siya sa amin. O siguro, kay Owa. Inihahatid kami nang tingin.


Isang umagang kapapakain lang namin sa kanya, tinanong ako ni Lolo. Nasa tumba-tumba siya, nakataas ang paa, naninigarilyo.

“Ano’ng lagay nu’ng aso, Mak? Mataba na ba?”

“Oho. Galing nga e, wala namang nagpapakain pag tanghali.”

“Nakikikain siguro sa ibang kubo,” umubo si Lolo. “Mainam. Nang makatay na sa p’yesta.”

“Ba’t kakatayin?” malakas ang boses ni Owa, nasa tabi ko na pala.

Napatingin ako sa kanya. Nangingilid na agad ang luha niya.

“E pa’no’ng gagawin? Naitango na kina Pare.”

Hindi sumagot si Owa, nagtatakbo sa kanila. Ikinando ang pinto. Nagkulong sa kuwarto.

Sa labas, naririnig ko ang iyak niya.

Napadiin ang hawak ko sa seradura, nang maalaala kong hindi ko na rin pala ito napangalanan.