Miyerkules, Nobyembre 13, 2013

Si Walang Pangalan


Lumiko kami sa makipot na daan, pang-isang traysikel lang ang luwang at talahiban ang magkabilang gilid. Naka-mountain bike ako at iyong mababang bisikleta ang kay Owa.

Nagulat na lang ako na may nakasunod na sa aming aso. Sumunod ito kay Owa.

“Uy!” natawa si Owa. “S’ya ‘yon Kuya, o!”

Pandak ito, mataba at puting-puti. Sumasayaw ang buntot, habang nakalawit ang dila.

Pagdating namin sa matandang punong mangga, ni-stand ko ang bisikleta ko, isinandal ni Owa sa puno ang sa kanya. Naglakad kami sa kalahating dipang daan papunta sa kubo ni Lolo. Mga saging ang nasa kanan namin at mga talong ang sa kaliwa.

Nauuna sa akin si Owa, nakabuntot pa rin sa kanya ang aso. Sumasayaw pa rin ang buntot.

Sa kubo, kinuha ni Owa ang biniyak na galon ng diesel, itinaktak, saka ibinuhos ang dala naming naka-sando bag na kaning-lamig, na sinabawan at may buto-buto ng nilagang baboy. Nilantakan agad iyon ng aso. Dinig na dinig ko ang pagkain niya.

“Walang pangalan ‘yan, Kuya,” lumapit sa akin si Owa, nasa tabi ako ng sinigwelas.

Maputi si Owa, makinis. Singkit, medyo kulot at mapupula ang labi. Grade 6. May hawig sa Korean star na si Rain.

“Ba’t walang pangalan?”

“Di pinangalanan ni Lolo,” nakasimangot siya.

Kawawang aso, sa isip-isip ko. Mamamatay nang wala man lamang pangalan. Papaano siya maalaala?

“Bigay lang ‘yan ng nakainuman ni Lolo, e. Tuta nang ibigay.”

Tumango ako.

“Ikaw lagi’ng nagpapakain d’yan?”

“Oo. Pero nu’ng me pasok, si Lolo.”

“Pag me pasok ka, at di nakapagtumana si Lolo?”

“Walang nagpapakain,” nakasimangot pa rin siya.

Naawa akong lalo sa aso.

Tiningnan ko ang mga siling Taiwan na tanim ni Lolo. Ang dami. Mahal pa man din ang sili, P400 ang kilo. Ito ang yamang matapat na binabantayan ng asong ito. Sa kabila ng mga ipinagkait sa kanya.

Naisip kong maski sa sarili ko man lamang, bibigyan ko siya ng pangalan. Pag-iisipan ko bago ako matulog.


Kinabukasan, pangalawang araw ng bakasyon ko sa Nueva Ecija, pinakain uli namin ang aso. Hanggang mag-isang linggong ganoon. Kung umaga at kung hapon.

Hindi ko alam kung saan siya nanggagaling, lagi na lang siyang sumusulpot. Tapos,  susunod kay Owa.

Pag-uuwi na kami, inihahatid pa niya kami, hanggang sa mismong kalsada. Ayokong lumingon, baka kasi sumemplang ako. Dahil hindi sementado ang kalsada. Baku-bako. Pero pakiramdam ko, nakatingin siya sa amin. O siguro, kay Owa. Inihahatid kami nang tingin.


Isang umagang kapapakain lang namin sa kanya, tinanong ako ni Lolo. Nasa tumba-tumba siya, nakataas ang paa, naninigarilyo.

“Ano’ng lagay nu’ng aso, Mak? Mataba na ba?”

“Oho. Galing nga e, wala namang nagpapakain pag tanghali.”

“Nakikikain siguro sa ibang kubo,” umubo si Lolo. “Mainam. Nang makatay na sa p’yesta.”

“Ba’t kakatayin?” malakas ang boses ni Owa, nasa tabi ko na pala.

Napatingin ako sa kanya. Nangingilid na agad ang luha niya.

“E pa’no’ng gagawin? Naitango na kina Pare.”

Hindi sumagot si Owa, nagtatakbo sa kanila. Ikinando ang pinto. Nagkulong sa kuwarto.

Sa labas, naririnig ko ang iyak niya.

Napadiin ang hawak ko sa seradura, nang maalaala kong hindi ko na rin pala ito napangalanan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento