Nagmamadali kang pumasok sa gusali, at mabibilis ang mga hakbang, tinungo mo ang elevator.
Sa San Miguel, Bulakan ka isinilang, lumaki, nagkaisip, nagkamalisya, nagtapos ng mataas na paaralan. Nakatungtong ka naman ng kolehiyo, iyon nga lang, maski ang unang semestre, dala ng kahirapan, hindi mo natapos.
Andito ka ngayon sa Maynila, at nagtatrabaho sa isang gusali, bilang dyanitor. Sahig ng ikadalawpung palapag ang natoka sa iyo, at kakatwa, na kahit na anong taas ng gusali, kahit ilang hilot rin ng tuhod at ilang patak ng pawis ang magiging kapalit ng paghahagdan mo, hindi ka pa rin gumagamit ng elevator. Para kasing bumabaligtad ang sikmura mo, at nahihilo ka, at parang nasusuka... hindi, nasusuka kang talaga. Nahihilo ka sa elevator, dahil kada hihinto ito, bababa ito nag konti, tapos aangat, at pag may sumakay o bumaba, tataas na naman, nang mabilis.
Di nga ba't nang unang sakay mo, napilitan ka lang, dahil ang kasabay mo ay dyanitor din, sa ikadalawampu't tatlong palapag naman. At babae pa. Siyempre, ayaw mo namang masabihang "kalalaking tao, kaarte-arte." Pero hindi mo kinaya, kaya nang bumukas ang elevator sa ikaanim na palapag ba iyon o ikalima, dali-dali kang lumabas, tumakbo. At hindi ka na umabot sa kubeta. Nasuka ka sa maliit na halamanan sa tabi ng bintana.
At iyon na nga, mula noon, ayaw mo nang sumakay ng elevator. 'Ika mo, iyon na ang una at huli.
Pero may biglang nangyari. Nagipit ka sa oras, at ayaw mong magaya sa mga katrabaho mo na hindi na natapos ang kontrata, dahil minsan lang na-late. Nag-elevator ka.
"Anong floor?" nakaasul na blusa ang babae, nakaupo sa tabi ng pindutan. Maganda. maputi.
Pero wala kang pakealam sa ganda ngayon. "Twenty-one."
Nagpigil ng tawa ang babae.
May mali ba? Naisip mo bigla.
Pagkapindot ng babae sa buton, ipinikit mo ang iyong mga mata, at nagsimula ka nang magdasal.
Bumagal, umangat, bumaba nang bahagya, tumaas, bumukas, umangat na naman nang mabilis. Bumagal, umangat, bumaba nang bahagya, tumaas, bumukas, umangat na naman nang mabilis. Nahihilo ka na.
"Nahihilo ka?"
Dumilat ka, at napansin mong, dalawa na lang pala kayo. Nahagip ng mata mo ang pangalan niya--Nicole. Umiling ka. Ayaw mong amining nahihilo ka.
"Bago lang kayo rito?"
Tumango ka. Dire-diretso na ang takbo niya, at parang hindi ka na nahihilo.
"Ikaw?" gusto mong patunayan sa kanyang hindi ka nahihilo.
"A, matagal na 'ko rito Kuya."
"Tagarito kayo?"
"Oho. Mandaluyong. Kayo?"
"Bulakan pa 'ko we."
"Bulakan pa 'ko we."
Ting! Umilaw ang bilang na 21 sa ulunan ng pinto.
"Sige po."
Ngumiti ka lang, tapos, bumaba ka na. At dali-dali kang pumunta sa kubeta, pero hindi ka naman nasuka. Puro laway lang ang lumabas sa bibig mo. At dahil doon, lumakas ang loob mong sumakay uli ng elevator.
Naulit ang pangyayari, nagkausap uli kayo. At naulit nang naulit nang naulit. At sa pagdaan ng araw, nagulat ka, nag-i-elevator ka na pala, hindi para mapabilis. Kundi dahil sa kanya. kay Nicole.
Pagkabukas ng elevator, sumakay ka agad, at nagulat ka, iba na ang operator.
"Si Nicole?"
"Endo na po 'yon Kuya. Floor?"
"Two."
Ting! Bumukas ang pinto. Lumabas ka. Labingsiyam na palapag pa, bago ka umabot sa ikadalawampu't isang palapag. Tumingala ka. Maghahagdan ka na lang, paakyat. At kahit kailan, hindi ka na uli mag-i-elevator. Hindi lang pala ito nakahihilo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento