Wala ni isa man sa pamilya namin,
extended family kami, ang hindi napamahal sa dyip ni Tatay.
Pangalan ko ang
nakasulat sa noo niyon, “Mac-mac.” Ako kasi ang panganay na apo. At napakalaki
ng kinalaman niyon sa kamusmusan ko at sa aking pagkatao.
Anim na buwan
lang ako nang iwan nina Mama at Papa sa Nueva Ecija, kina Nanay at Tatay, mga
magulang ni Mama. Wala raw kasing makuhang mag-aalaga sa akin. Sa Valenzuela
sila nakatira. Titser sa elementarya si Mama, at namamabrika naman si Papa.
May sari-sari
store sina Nanay. Malakas. Malapit kasi sa eskuwelahan, at dito rin bumibili ng
lutong ulam ang mga nagtatrabaho sa piggery at poultry sa paanan ng Sierra
Madre. Itong tindahan daw na ito ang dahilan kung bakit ang taba-taba ko nang
bata pa ako. Idagdag pang panganay na apo nga ako, sunod na sunod ang luho.
Pangsiyaman lang
ang dyip. Kaya hindi kalakihan. Kombinasyon ng pula at abo ang pintura nito sa
labas, at maputlang pula ang mga upuan. May ni-welding na disenyong kabayo sa
unahan. At nakasulat sa saya ang “Tatang Inggo & Inang Maria,” lolo’t lola
ko sa tuhod, mga magulang ni Tatay.
May top load
iyon. At kahoy ang kisame, na may malaking butas na malapit sa pinto. Noong
bata pa ako, may basahan lagi sa butas na iyon.
Pero sa mga ito,
dalawang paglalarawan sa dyip ang pinakanatatandaan ng mga tao. Una, napakarami
na nitong kalawang. May biro nga na minsan, akala raw ng mga pasahero, buhangin
ang nalalalaglag sa mga hita nila. Napakahaba kasi ng hindi sementadong
kalsada. Niyon pala, kalawang na. At ikalawa, na pangalan ko nga ang nakasulat
sa noo nito, “Mac-mac.” Kaya maraming nakakakilala sa akin.
“A, Mama Ene,
‘yan ba ‘yong Mac-mac? E kayputi pala.”
“Aba, ‘yan ang
palaki namin,” pagmamalaki ni Tatay. Malakas siya lagi kung magsalita. Parang
may kaaway. “Hustong ipanganak e iniwan na sa’min,” idurugtong pa niya, kahit
ang totoo nga ay anim na buwan na ako nang iwan sa kanila.
Dahil sa
dalawang katangian iyon, lagi akong tinutuksong “Mac-mac kalawang” nang nasa
elementarya pa ako. Kaya may mga pagkakataong ikinahihiya ko ang dyip namin. At
may mga pagkakataong mas gusto ko pang maglakad kaysa sumakay roon.
Nang nasa
elementarya nga ako, madalas akong makipagbuno sa mga nanunukso sa akin. Minsan,
umuuwi akong ngumangawa.
Sabi ni Tatay,
mas matanda pa raw kay Mama ang dyip namin. Gayong apatnapu’t lima na ngayon si
Mama. Marami na nga raw ang nasirang dyip at naibentang sasakyan ng mga
taga-Callos, baryo namin, pero ang dyip namin, nandoon pa rin. Mabagal na nga
lang, nauunahan pa ng mga traysikel.
Sa buong Callos,
wala pa siguro sa isang daan ang hindi pa nasasakay sa dyip namin. Inaarkila
ito kung may libing, kung susundo ng musiko pag pista, at ng mga pulitiko para
sunduin ang mga botanteng alam nilang “kanila na” kung eleksiyon. Dito ri
isinakay si Mama at ang mga tita ko nang humilab ang tiyan at kailangan nang
isugod sa ospital. Ito rin ang ginagamit namin pag hahakot ng inaning palay at
magnininong sa kasal si Tatay, at pag pupunta sa bisita sa kabayanan.
Higit sa lahat,
ipinapasada ni Tatay ang dyip. Isang beses kada araw.
Alas-tres ng
madaling-araw kung bumangon si Tatay para mamasada. Hindi na niya kailangan ng
alarm clock. Kusa na iyon, sampung minuto bago mag-alas tres, nagigising na
siya. Parang bang kaibigan niya ang madaling-araw, at ginigising niya ito.
Matangkad si
Tatay. Walang balbas at bigote. Panot. Kayumanggi. Mapungay ang mga mata. At
napakahilig sa inuman.
Maninigarilyo
muna siya at magkakape. Itim na itim lagi ang kape niya, napakapait. At sobra
siya kung manigarilyo. Nakakadalawang kaha kada araw.
Pagkatapos,
maliligo siya. Mabilis lang siya kung maligo. Sinasabon niya ng sabong panlaba
ang panot niyang ulo. Nakakamisetang puti, short na maong at tsinelas na
de-ipit na siya pag pumuntang garahe.
Hindi ko nakita
ang ganito larawan nang bata pa ako. O maaaring nakita ko, hindi ko lamang
maaalaala. Pero dahil ganito ang nakikita ko nang nasa hayskul na ako at
nagbabakasyon sa kanila, at nagigising para umihi, ipinagpapalagay kong ganito
rin marahil ang gawi niya nang di pa ako nag-aaral at nang nasa elementarya pa
lang.
Maluwang ang
garahe namin. Kaya pang maggarahe ng traysikel kahit nandoon na ang dyip.
Kasama nang nagtambak na gulong, lata ng pintura, putol na host, tubo at kung
anu-ano pa.
Papahulo muna si
Tatay para manguha ng mga pasahero sa hulo. Mga alas-tres trenta na iyon.
Sa pangalawang
gulod nagmamaniobra si Tatay. Malapit na iyon sa dulo ng Callos. Nasa lima rin
ang nakuha niyang pasahero. Pero mas marami ang daraanan, mga hindi nagsisakay
kanginang pagpahulo. Puwedeng dahil hindi pa nakagayak o nagsabi na lang na
daanan na lang sila.
“Aba’y punyeta,
mamamatay ‘yon pag dinaanan!” madalas na biro ni Insong Lita, ang laging unang
pasahero ni Tatay, at doon lagi sa unahan ng mahabang upuan nauupo.
Kilala na ni
Tatay kung sino ang mga sumasakay pag ganito at ganyang araw. Pag Lunes ang
pinakamarami. Hindi pa nakalalabas ng Callos, puno na ang dyip. Marami kasing
namamalengke at lumuluwas sa Maynila. Pero kung ibang araw, lalo kung Sabado,
sa kabayanan na ito ng Peñaranda napupuno. Bagama’t marami na ring sakay bago
pa makalabas ng Callos. Kulang na lang marahil ng tatlo o apat na pasahero.
Noong di pa ako
nag-aaral, kina Nanay at Tatay ako lagi nakatabi. Pagbangon ni Tatay, babangon
na rin si Nanay. Namamalengke rin si Nanay sa Gapan, sumasabay kay Tatay. At
pagbangon ni Nanay, bumabangon na rin daw ako. Kaya nasasama ako kay Tatay sa
pagpahulo.
Doon ako lagi
nakaupo sa tabi ni Tatay, at pag puno na ng pasahero ang dyip, nalilipat ako sa
kaliwa niya. Hihinto ang dyip sa amin, sasakay si Nanay. Tulad ng ibang
namamalengke, may dala siyang bayong. Noon naman ako aabutin ni Dikong, tito
ko. Sabi nila, noong mga unang sama ko raw kay Tatay, umiiyak pa ako pag
kinukuha ako ni Dikong. Gustung-gusto ko raw sumama sa Gapan.
Pero siyempre,
hindi ako puwedeng isama.
Siyam na
kilometro mula palengke ng Gapan hanggang arko ng Peñaranda. Dulong baranggay
ng Peñaranda ang Callos. Kaya palagay ko, sampu o labing-isang kilometro ang
binibiyahe ng dyip namin. Papunta pa lamang iyon.
Sa Gapan
nagbababaan ang mga pasahero. Nandoon kasi ang pinakamalaking palengke sa buong
Nueva Ecija, kaya roon namamalengke ang mga may tindahan. Nadadaanan din ng
Maharlika Highway ang Gapan. Dito dumaraan ang mga bus na pa-Cubao, na sasakyan
ng magsisiluluwas.
Pagdating ng
dyip sa Gapan, bago dumating sa palengke, nagbabayad na ang mga luluwas. Pero
ang mga sasakay uli pagbalik, iyong mga mamamalengke nga, hindi muna. Pagbalik
na lang sila magbabayad, nang doble.
Sa tapat ng
munisipyo ng Gapan ipinaparada ang dyip, sa likod ng plasa iyon, sa harap ng
palengke. Mga bandang alas-singko na iyon.
Alam na ng mga
namamalengke na roon nila pupuntahan ang dyip. Maging ang mga uuwi ng Callos,
galing Maynila, doon din pumupunta.
Tahimik pa pag
ganoong oras. Pero gising na gising na ang Gapan. Nagbibiruan na ang mga
magtatraysikel. Mabibigat na ang buhat-buhat ng mga kargador. May naglalakad
nang mga tindero ng kutsinta at taho. May mga kaminero nang nagwawalis ng
kanal. At marami nang nakaparadang sasakyan sa palibot ng plasa.
Napansin ko ang
mga ito nang nasa kolehiyo na ako, at umuuwi ako sa Callos o lumuluwas sa
Valenzuela. Pagkatapos ko kasi ng elementarya, kinuha na ako nina Mama’t Papa.
Malapit lang kasi kami sa hayskul. At kalahating araw lang ang pasok.
Minsan,
sumasabay ako kay Tito Ferdie sa pag-uwi. Madaling-araw iyon. Pinupuntahan
namin si Tatay sa likod ng plasa. At doon na lang kami sumasakay. Siyempre, sa
tabi ni Tatay kami pumupuwesto.
Alas-seis trenta
kung bumalik ang dyip. Minsan, naaatraso nang kaunti. Pag may namalengke na
medyo natagalan. Pag hindi pa ito lalakad, humihiga lang si Tatay sa upuan sa
unahan, o kaya, nakikipagbiruan sa mga magtatraysikel at ibang drayber ng dyip.
Habang naninigarilyo.
Madaldal si
Tatay. Mayabang. Pero napakarami niyang kasundo.
Pag may
nakabalik nang namalengke, ito naman ang kahuntahan niya. Hindi sila nagsasawa
sa kuwentuhan. Samantalang papuntang Gapan at pabalik sa Callos, sila-sila rin
naman ang magkakausap.
“Musta nga
pala’ng okra n’yo?” itatanong ni Tatay.
“’Ay naku,
S’yaho, lugi. Me sakit e. Inutang na nga lang.”
“Siyahong Ene”
ang tawag sa kanya ng mga taga-Callos, panganay na babae kasi si Nanay. Si Mama
Ene naman siya sa mga tagakabayanan at taga-ibang baryo ng Peñaranda.
Kung may sasakay
na galing Maynila, mas nagiging maganda ang kuwentuhan. Lalo kung ngayon na
lang uli ito nauwi.
“O, magmano,
magmano,” sabi minsan ng isang taga-Bukidnon. “Lolo ‘yan, lolo.”
“E mga anak mo
na ba ‘yan?” malakas ang boses ni Tatay. “E kelalaki na pala.”
“Oo nga ho e.
Matagal di nauwi e.”
“Aba’y putres,
kahit paminsan-minsan, uuwi kayo.”
Punung-puno uli ang
dyip pag bumalik ito. Hindi man sa pasahero, sa dami naman ng pinamalengke.
Maging ang top load nito, maraming laman. May mga chichiria, karne, de lata,
sigarilyo, sabon, shampoo at kung anu-ano pa.
Sa biyahe, kung
anu-ano naman ang nagiging paksa ng mga kuwentuhan. Parang komunidad nga ang
dyip namin, nasabi ko sa sarili ko.
“Parang nagkikita
‘yung puke ko,” sabi ni Insong Lita.
“Ay, ere,
Nanang,” dumukot sa bayong ang baklang si Atong. “Bumili ‘kong sili.”
Tawanan.
Hindi na
pumapara ang mga bababa. Alam na iyon ni Tatay. At kung may pinamalengke ito at
nasa top load iyon, inaakyat iyon ni Tatay. Saka iaabot sa anak o asawa ng
namalengke, na tumutulong sa pagbababa.
Minsan,
nakakatuwaan ni Tatay na gulatin ang mga naglalakad na kakilala. May malaking
torotot na nakakabit sa bandang sa taas ng side mirror. Busina iyon na ikinabit
ni Tito Ferdie, kumukuha ng power sa LPG na nasa ilalim ng upuan. Hihilahin ni
Tata ang alambreng nakalambiting sa kisame, at tutunog ang busina. Malakas.
Nakabibingi. Parang busina ng tren.
“Ay bayag!”
sigaw ng maghuhuweteng.
Tawanan naman
ang mga makakarinig.
“Si S’yaho naman
kasi! Kumbakit hindi ipaalis ‘yung busina na ‘yon!”
“Kahit ba e,”
tatawanan lang siya ni Tatay.
Kung Bagong
Taon, ipinahihila sa aming mga apo ang alambreng iyon. Naikipagsagutan sa mga
plapla at rebentador.
Hihinto sa amin
ang dyip, at bababa si Nanay. Si Dikong ang nagbababa ng mga pinmalengke.
Pagkatapos, didiretso sa hulo ang dyip, ibababa ang ibang pasahero. At magmamaniobra
uli sa pangalawang gulod.
Iginagarahe ang
dyip nang alas-siyete trenta, o mag-aalas-otso.
Nang bata pa
ako, paghinto ng dyip sa amin, sumasakay kami ng dalawa ko pang pinsan. Sina
Jean at Etsika. Sa likod-bahay sila nakatira, mga anak ni Tito Ferdie.
Sumasama kami sa
paghahatid sa huling pasahero. At pagdating namin sa amin, nagsahod ang mga palad
namin. “Dos! Dos! Dos!”
Tatawa si Tatay.
“Kayo na nga’ng nagsisakay, kayo pa’ng babayaran!” Isa-isa niyang lalagyan dos
ang mga palad namin. May dos na kalabaw at dos na buko pa noon.
Kung minsan,
hindi dos ang ibinibigay niya sa akin. Limang piso. At sasabihin nila, ako raw
kasi ang paboritong apo.
Pag Sabado de
Gloria, nagpipiknik kami sa ilog, sakay ng dyip. May dala kaming mga lutong
ulam, may adobo, sinampalukang manok, tinumis, at pansit. Isang malaking
kaldero ang dala naming kanin. May interyor pang gagamiting salbadida.
Siyempre, hindi rin kami nawawalan ng kamera. Disposable camera lang ang uso
noon.
Maingay kami sa
loob ng dyip. Magulo sa dami namin. Kaming mga apo pa lang kasi, sampu na.
Umuuwi kasi ang lahat ng kapatid ni Mama.
Inilulusong
namin sa ilog ang dyip. Sa mga ganoong panahon, lampas-tuhod na ang
pinakamalalim nitong nilulusong.
“Hala, baka
malansag!” magbibiro ang isa sa mga pinsan ko. “Puro kalawang na nga e!”
“’Wag kang
ganyan, pag ‘binenta ‘to sa museum, mahal ‘to,” ako ang sumasagot nang ganoon.
Sa lupa sa gitna
ng ilog ito inihihinto ni Tatay. Kung wala namang makitang bakante dahil sa
dami ng damara, marami kasing nagpi-piknik, doon na lang sa mababaw-babaw. Doon
sa hanggang bukung-bukong lang ang tubig.
Tatalian ng mga
tito ko ng lona ang top load ng dyip, habang itutulos naman sa lupa ang dalawa
pang dulo. Sa ilalim niyon kami magsisikain.
Pag-uwi,
una-unahan kami sa poso at CR.
Nang mag-asawa si
Dikong, tito ko nga, ibinigay ni Nanay sa kanya ang tindahan. Hindi naman kasi
nakatapos si Dikong. Wala ring alam na trabaho. Kaya sa dyip at bukid na lang
umaasa sina Nanay.
Wala namang kaso
roon. Noong una. Dahil malaki ang kinikita ng dyip. Pero nang lumaon, hindi na
rin.
Dumating ang
panahon na marami nang traysikel. Kaya ang mga namamalengkeng may traysikel,
nagtatraysikel na lang. Mas mura nga naman kasi. Hindi pa nila kailangang
gumising nang madaling-araw. Kung kailangan lang nila gustuhing mamalengke.
Hindi pa sila namamadali sa pamimili.
Kaya may mga
pagkakataong dalawa lang ang pasahero ni Tatay, at hindi na siya naghahatid ng
pasahero sa hulo.
Nang minsang
umuwi ako, nasa kolehiyo na ako noon, at kada sembreak, umuuwi ako, tatlo lang
kaming sakay ni Tatay. Si Dikong pa ang isa. Naawa ako kay Tatay. Naalaala ko
ang kalakasan ng pasada.
Wala namang
pagbabago kay Tatay. Makuwento pa rin siya. Panay pa rin ang tawa. At malakas
manigarilyo. Pero parang hindi na ganoon kasaya sa dyip.
Maging nang
mananghalian kami. Hindi na gaya nang dati ang mga ulam. Puro init na lang, o
kaya, bigay nina Tito Ferdie at Dikong.
Nang mga panahon
ding iyon, madalas kong ipagyabang sa mga kaibigan ko ang dyip namin. Na may
dyip kaming lampas kuwarenta taon na, pero namamasada pa. At noon, tinatawanan
ko na lang ang mga alaala ko noong bata pa ako na nakikipag-away pa ako at
umiiyak pag tinutukso akong “kalawang.”
Nasa huling taon
na ako sa kolehiyo nang maospital si Tatay. Malala ang naging lagay niya.
Noong una, sabi
niya, kulay brown daw ang ihi niya. Nahihilo rin daw siya. Kaya hindi siya
namasada umagang iyon. Nang mga sumunod na araw, lumala ang hilo niya. Kaya
isinugod na siya sa ospital.
Tapos, natuklasang
may problema siya sa bato, sa baga at kung saan-saan pa. Kinailangan siyang i-CT scan. At i-ICU.
Tinapat na kami
ng doktor, maliit daw ang tiyansa. Mga dalawampung porsieynto lang. Nagulat
kami lahat.
“Ang bilis
naman,” sabi ng tita ko. “E kelakas-lakas pa ni Tatang.”
“Ganyan talaga,”
sabi ni Insong Lita nang dumalaw sa ospital. “Pag nagkakomplikasyon,
sunud-sunod. Sana lang e kayanin pa ni S’yaho ‘yung mga operasyon.”
Panay ang iyak
noon ni Nanay. Kami naman, panay ang dasal. Pero tinatanggap na rin ang
maaaring mangyari.
May mga pastor
na dumalaw kay Tatay para ipagdasal siya. Maging sa mga istastyon ng radyo,
ipinagdasal siya. Protestante kasi kami. Lahat, aktibo sa kapilya. Si Tatay,
ipinagmamalaki niya kahit sa mga inuman, hindi man siya palasimba, pero basta
Linggo ng Pagkabuhay, walang mintis, nagsisimba siya.
Ang dami rin
naming inutangan at nilapitang kamag-anak. Daang libo na ang kailangang
bayaran.
Sa kabila ng mga
ito, gumaling si Tatay. At nagulat ang lahat. Ang malaking himala pa rito,
sabi, habang-buhay na raw ang dialysis, at kung mabuhay man daw si Tatay,
malamang, nakaratay na lang. Pero hindi. Tatlong buwan lang ni-dialysis si
Tatay. At iyong dyip na akala ng mga tao’y maigagarahe na lang, makalipas ang
limang buwan, naipamamasada na ulit.
Pag naaalaala ko
nga ito, naiisip kong totoo ang batas ng pananampalataya.
Pagkatapos ko ng
kolehiyo, nagkatrabaho agad ako. Sa STI Caloocan, part time Filipino
instructor. Noon siningil sina Nanay ng inutangan nila ng mga nagastos kay
Tatay. Idedemanda raw sila pag di nila nabayaran.
Walang kaso sa
kumare ni Nanay, ang problema raw ay sa asawa nito. Ang usapan daw kasi, isang
taon bago bayaran. Pero heto at ilang buwan pa lang, naniningil na.
Hindi alam nina
Nanay kung saan kukuha ng bayad. Sobrang laki nga kasi ng nagastos kay Tatay.
Matagal pa rin bago mag-anihan.
Limampung libo
ang utang nila rito. May kinse mil sila. Kaya trenta’y singko pa ang
puproblemahin.
Kuwento ni
Tatay, may nagpunta raw noon sa bahay. Taba-kabayanan. Gustong bilhin ang dyip.
“E sino’ng di
nagulat. Aba’y bibil’in ‘yon e lumang-luma na? Tapos, trenta mil pa!”
Tumawag ako sa
mga tita ko. Kinausap ko si Tatay.
“’Tay, ‘wag
n’yong ibenta ‘yong dyip,” nakikiusap ako. “Ako na lang ang maghahanap ng
mauutangan,” sabi ko pa. Kahit di ko alam kung may magpapahiram sa akin ng
gayong kalaking pera. At kung saan ko kukuhanin ang pambayad, sakaling pautangin
ako.
Pero wala ring
nangyari. Naibenta rin ang dyip.
Palagay ko,
masaya si Tatay sa ibinigay sa kanyang pangalawang buhay. Sa tuwa niya, kahit
mawala sa kanya ang dyip na mahal na mahal niya, ayos lang. Dahil malaki pa rin
ang dapat ipagpasalamat.
Hindi ako
mapagkatulog niyon. Pakiramdam ko, namatayan ako ng napakaimportanteng tao sa
buhay ko. Naiisip ko, ano na kaya ang itsura ng garahe? Nakikita ko naman iyon
nang wala ang dyip, pero pakiramdam ko, iba ang itsura nito ngayon. Ngayon na
hindi na babalik doon ang dyip.
“Mak,” sabi sa
akin ni Mama, kagigising ko lang noon. Tinanghali ako nang gising. “Napanaginipan daw ni Tatang ‘yung dyip.”
Napahinto ako sa
paglapit sa lababo.
“Nasa plasa raw
s’ya. Tapos, lumilipad ‘yung dyip. Kinawayan daw niya nang kinawayan. Pero
hindi raw huminto. Tapos, nagising daw siya. Pagtingin n’ya sa relo,
mag-aalas-tres na.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento