Sabado, Setyembre 3, 2011

Mabuti Pa ang mga Billboard


Doon, sa tabi ng bintana ng bus
doon ako naupo.
Mabibigat mga butil ng ulan
parang mga sibat
tumutudla sa salaming bintana
ngunit kahit ipinagtatanggol ako ng harang
nararamdaman ko pa rin
yakap ng lamig
at para bang nababasa
pati aking kaluluwa.

Nag-aalalay, takbo ng sasakyan
at sa aming kabagalan
nahagip ng mga mata ko
sa gawing kaliwa nitong NLEX
isang lalaking nagbababa, nagbibilot
ng higanteng mukha ni Piolo Pascual.


Magkano kaya'ng ibabayad sa'kin
para tatagan ang loob
na harapin, hagupit ng hangin
at tudla ng ulan
sa buo kong katawan
akyatin ang gayong taas
para lang ibaba
walang buhay na tarpolin?

O mas akma yatang...
Gaano kaya
magiging pangangailangan ko
para patusin
ganoong kapeligro?

Lumiko sa Balintawak ang bus
at tinumbok namin
kahabaan ng EDSA.
Nakarolyo na rin
higanteng billboard ng Bench sa palengke
ng bagong programa ng GMA pagsuba sa NLEX
tulad ng Hanford sa Eternal Garden
ng kay Anne Curtis sa may tollgate.

Nangyari na bang nagbiyahe ako nang may bagyo
at nakabandera pa rin
mga billboard na ito?
Hindi ko maala'la.
Wala akong maala'la.

Paramount d'yan o! Paramount! Paramount!

Tumayo ako, bumaba.
Nakita ko na naman
dalawang kalansay na bata
sa tapat ng Radyo Veritas
magkayakap, kapwa nilalamig
at pilit nagtatago
sa mga haplos
ng mga patak ng ulan.

Parang kidlat
gumuhit, tumudla sa aking utak
mabuti pa'ng mga billboard
sa NLEX, sa EDSA
yari lang sa tarpolin
pero tinitingala ng mga dumaraan
nililingon, minamasdan
at kung ganitong masungit
lagay ng panahon
di sila nalilimutang iligtas
at pagbuwisan ng buhay
di gaya ng mga taong
hinulma ng pangarap
masungit man o nakangiti ang langit
walang nagmamalasakit
ni nakakaisip.

Tumingala ako.
Madilim pa rin ang langit
at mukhang lalakas pa ang ulan.
Gusto kong maligo
mabasa
ng malalaking patak nito.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento