Sabado, Setyembre 3, 2011

Ayokong Nang Basahin ang Iyong mga Tula


Ayoko nang basahin
ang iyong mga tula
mga tula mong
walang sukat
at ang tugma,
muntikan nang mawala,
ayokong basahin
ang ganyang mga tula
walang bilang
ang taludturan
at masyadong pinapalaya
 paggamit ng wika
sa mga mura
sa mga bastos na salita.

Ayoko nang basahin
ang ganyang mga tula
na isinulat
hindi para mapag-aralan sa akademya
kundi para gamitin
sa mga lansangan at protesta.

Kailanman, hindi ko na muling babasahin
ganyang mga tula
tulang tinig
ng mga dugong umagos
sa mga hasyenda
dumilig
sa palay, tubo,
pati sa damong maria
tulang
labaha sa leeg ng gobyerno
tulang hindi nagsasawang
talakayin nang paulit-ulit
kalagayan ng mga pulubi
sa Quiapo at EDSA
o kaya nama'y
halukayin, ibuyangyang sa publiko
mukha
ng kinakalawang na sistema.

Ayoko nang basahin
ang iyong mga tula
o alinmang tulang
gaya ng sa iyo
ayoko na, ayoko na
dahil una
hindi ko kayang lumikha
ng ganyang uri ng piyesa
ikalawa
hindi ko kayang titigan
ipinapakita nitong lipunan
o harapin
ni sa pagtulog, ni sa paliligo o pagkain
isinisigaw ng bawat
kataga nito't letra.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento