Sabado, Setyembre 10, 2011

Nang Wala Nang Nagbubunganga sa Akin


Natupad na ang minsan kong hiniling
wala na ngayong naninita, nagbubunganga sa akin
pag nagkakape ako bago kumain.
Wala nang nananaway
pag inaabot ko ang tuwalya sa sampayan
pagkatapos magbabad
sa Twitter at Facebook account.
Wala na, wala.

Hindi na ako nasesermunan
pag may natitirang kanin sa aking pinggan
o kung pumapasok ako sa bahay nang nakatapak
pagkagaling sa eskuwalahan
nang nakasapatos buong araw.

Hindi na ako nasesermunan, ni nasisita
pag nilalantakan ko ang balut
nang hindi naghahapunan
o pag hindi nahuhugasan
ang mga baso at pinggan.

Wala nang pagbubungangang humahalo
sumasaliw
sa sagitsit ng mantika sa kawali
sa mga umagang
tinatanghali ako nang gising
o mga pangaral na nakikipag-duet
sa huni ng mga kuliglig
sa mga gabing
minamadaling araw ako nang uwi.

Wala na akong naririnig na ganoon
wala na,
dahil nga wala ka na
at kasabay ng pagkawala
ng mga sermon, pangaral, sita
pagbubunganga
wala na rin akong
madamang saya.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento