Tama'ng sinasabi ng mga nasobrahan
ng pagpapahalaga sa itsura
ng mga pinaghaharian ng mga agam-agam
ng maraming naiwang yaman sa mga alaala
tama ang sinasabi ng lahat
nakatatakot ang bukas.
nakatatakot ang bukas.
Nakatatakot
ang pagluwag ng kapit
ng iyong balat sa iyong laman
ang unti-unting pagnipis ng iyong buhok
at paglantad ng iyong tuktok
na mula sa pagiging maputi
paiitimin ng sikat ng araw.
Nakatatakot
pagdami ng gatla
pagdami ng gatla
sa leeg mo't mukha
pagsakit ng iyong likod
pagkirot ng tuhod
pagbaluktot ng gulugod
at pagbawas ng iyong taas.
Nakatatakot ang pagtanda
ang pagtanda na wala pa akong
nabalitaang may nakatakas
ang pagtanda
na nakasalubong kanino man.
Nakatatakot ang pagtanda
oo, tama sila
nakatatakot nga.
Pero may higit na nakatatakot
ang pagtanda
nang hindi mo nahagilap
tunay mong layunin
at pananakit ng tuhod at paghina ng likod
nang hindi mo narating
itinakda mong destinasyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento