Malapit na akong bumaba ng dyip, pero malakas pa rin ang
ulan, at wala akong dalang payong. Pero hindi ito kaso sa akin, dahil talaga
namang hindi ako nagdadala ng payong. Intindihin lang kasi ‘yon, baka
makalimutan pa sa trabaho. At higit sa lahat, siyempre, masarap mabasa ng ulan.
Sabi nga nila, “Life is not about waiting for the rain to pass, it’s about
dancing in the rain.” Maski sa literal na pag-unawa, naniniwala akong totoo
ito.
Sa tabi ng tsuper ako nakaupo. Basa na ang
kanang braso ko, pati ang kanang bahagi ng mukha ko’t balikat, dahil sa anggi
ng ulan at talsik ng tubig ng mga dumaraang sasakyan.
Pinagmasdan ko ang EDSA— basang-basa,
nagpuputik, parang hinilamusan. Walang pagtangging tinatanggap ang mga patak ng
ulan. Isang babae’t isang lalaki ang naglalakad sa gilid ng kalsada, magkasukob
sa payong, parang mag-asawa. Kumidlat, kumulog, at bigla kong naalaala ang
magandang linyang naisip ko kanginang naliligo ako, na nang nakaligo na ako ay
di ko na maalaala. Dinukot ko sa bulsa ng pantalon ko ang “mga bolpen” ko. Dalawang
bolpen ‘yon, isang itim, isang asul, na pinagdikit ko ang magkabilang dulo ng
chewing gum at scotch tape, pero hindi para madaling magamit pag kailangang magpalit
ng kulay o para madaling maibulsa, kundi para madaling makapag-pen spin. Ewan
ko ba, pero gumagaan talaga ang loob ko pag nagpi-pen spin ako. Ang batayan ko
nga sa pagbili ng bolpen ay hindi linaw ng tinta o sarap nitong ipansulat.
Pangalawa na lang ‘yon. Una, dapat magandang ipang-pen spin. Magaling na rin
naman akong mag-pen spin, dala ng katagalan ko sa ganitong libangan, pero gaya
ng nakararami, mas magaling pa rin ako siyempre, pag mahaba ang bolpen. Mga ’singhaba’t
‘singtaba ng stick ng dram. Maraming trick na kayang gawin. Ang kaso, wala
namang nabibiling ganoong bolpen. Kaya heto, gumawa ako.
Iniahon ko sa bag ko ang isang maliit na asul
na kuwaderno— sulatan ko ng lahat na yata ng naiisip ko— magagandang linya,
magagandang paglalarawan, magagandang konsepto. Lahat ng alam kong kailangang
isulat. Akala ko kasi talaga dati, kaartehan lang ang pagsusulat sa ganitong
kuwaderno, lalo na ang pagbangon sa gabi para isulat ang naisip na magandang
linya o ideya. Pero ngayon, sobrang naiintindihan ko na. Hindi pala ‘yon
kaartehan. Dahil, pag hindi mo ito isinulat, puwede mong malimutan. Parang
panaginip, naaalaala mo pag naalimpungatan ka, naiintindihan mo, pero sa umaga,
pagkagising mo, hindi mo na maalaala, maalaala mo man, hindi mo na maintindihan.
Inalis ko ang takip ng itim na bolpen, at
isinulat ko sa kuwaderno ang naisip kong linya. Agad-agad. Walang kaayusan ang
mga letra. May pakaliwa, may pakanan, may diretso at may ibang nakabaluktot
nang konti. At nang matatapos na ako, biglang kumaldag. Kumaliwa ang bolpen, lumikha
ng isang pahabang linya. Napabuntong hininga ako.
Pinasadahan ko ng basa ang isinulat ko.
Napakaganda ng mga relasyon, pag nauunawaan ng lahat ng babae ang mga lalaki, at nauunawaan ng lahat ng lalaki ang mga babae. Pero
malamang, hindi na masaya ang buhay. (Pebrero 21, 2011)
Isinilid ko na uli sa bag ang kuwaderno, at
ibinulsa ang bolpen. “’Tay, tabi lang.”
Huminto ang dyip, bumaba ako. Bigla kong
naramdaman ang mga paghalik sa balat ko ng mga patak ng ulan. May dalang lamig
ang bawat patak. Binilisan ko’t nilakihan ang mga hakbang ko. Ayokong
mapagtawanan ng nangakatinging estudyante. Baka mabansagan pa akong “Sir
Waterproof.”
“Good morning Sir,” naroon na naman ang saya sa ngiti ng
guwardiya, ni Ate Aldeng. Nakahahawa ito. “Nabasa kayo Sir.”
“Magandang umaga po,” pinunasan ko ng di
plantsadong panyo ang mukha ko’t buhok. Nakangiti rin ako, pero hindi bilang
ganti sa ngiti niya, kundi dahil sa sayang hatid ng pagkakabasa sa ulan.
Idinikit ko sa biometrics ang hinlalato ko, at sa maliit
na screen, lumabas, Good morning Jack Barlis 09:21 am.
09:21 am pa lang. Maaga ako ng apatnapung
minuto. Makakapagtsek pa ako ng mga eksam.
Bentisingko anyos na ako, binata, walang
girlfriend. Nakakaisang girlfriend pa lang ako, at apat na taon na rin iyon. Limang
taon na rin akong nagtuturo sa kolehiyo, pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako
tapos ng masteral. Nakakalabing-walong
yunit pa lang ako. Sa limang taong ding iyon, nakawalong eskuwelahan na agad ako.
Nakakaisang taon lang ako sa kada eskuwelahan. At noong unang tatlong taon ko,
sa bawat taon, part timer lang
ako sa dalawang magkaibang eskuwelahan, na pag pinagsama ang bilang ng yunit e
pang-full timer na rin.
Nitong huling dalawang taon na lang ako naging full timer. Pero mas gusto ko pa rin ‘yong
dati, part timer sa dalawang
magkaibang eskuwelahan. Mas masarap kasi, dahil dalawang sistema ang pinakikisamahan
ko. Hindi nakasasawa. Hindi nakatatamad. Lalo na kung ang iskedyul ko sa isa ay
MWF, at TThS naman sa kabila. ‘Yon nga lang, mas maliit ang sahod. Kaya nga
napilitan akong mag-full timer.
Gusto ko ‘yong ganoon, ‘yong palipat-lipat ng
eskuwelahan. Doon ako masaya. Alam ko kasing sa ganoon, mas marami akong
nararanasan. Iba-ibang lugar ang napupuntahan. Iba-ibang sistema ang
pinakikisamahan. Iba-ibang tao ang nakikilala. Wala rin akong pakealam sa
sinasabi nila— “Nakasisira ‘yan sa resume`.” O sabihin mang may pakealam, konti lang. Basta ang alam
ko, gusto kong makapunta kung saan-saan, makapagtrabaho sa mga ‘yon at
makapag-ipon ng mga alaala’t karanasan. Para pagtanda ko, pag nadaanan ko ang
mga lugar na ‘yon, ipapaalaala niyon sa akin ang nakaraan, na minsan, naging
bahagi ako ng lugar na ‘yon. Kung maari lang din, bawat lugar na pagtatrabahuhan
ko, may makilala akong taong talaga namang kakaiba ang katauhan, o kaya nama’y
kuwento na magandang gawing paksa, para magamit kong materyal sa aking mga
piyesa, at magsilbi na ring souvenir ko
sa lugar na ‘yon.
Ayokong mamatay na inangkin lang ng isang lugar
at naging bahagi lang ng iilang karanasan. At lalo ayokong makisali sa kultura
ng mundo— ipinanganak, nag-aral, nag-asawa, nagkaanak, patay. Wala man lang
iniambag at iniwan sa mundo.
Pumasok na ako sa loob, umakyat ng hagdan.
Ito ay isang maliit na pribadong paaralan, apat
lang ang programa— Business Management, Hotel and Restaurant Services, Computer
Science at Information Technology— at kakaunti lang ang estudyante— halos
tatlong libo lang. Isang di kalakihang gusaling pinilit maging eskuwelahan.
“Sir!” huminto sa paglalampaso ng hagdan si
Kuya Domeng, dumiretso nang tayo, saka sumaludo sa akin.
Natawa ako. “Militar na militar a.”
Tahimik lang na tao si Kuya Domeng, iilan lang
ang pinapansin. Natutuwa nga ako’t napasama ako sa iilang ‘yon at naging
kaibigan ko siya, kahit wala pa akong isang taon dito. Siguro, napalagay ang
loob sa akin. Dati kasi, noong nakaraang semestre, dahil walong seksiyon lang
ang hawak ko, madalas kaming magkakuwentuhan. Nagandahan pa nga ako sa
kuwento ng buhay niya. Kakaiba. Ang sarap isulat. Isang buong banghay na
pangmaikling kuwento.
Hindi siya nakatapos ng hayskul, at nasa trenta
na rin nang mag-asawa. May dalawa siyang anak, parehas babae. Isang anim at
isang apat na taon. Isang araw, Lunes, iniwanan siya ng asawa niya, tinangay
ang mga bata, umano, dahil sa pagiging lasinggero niya. Nang una, sabi ni Elsa,
asawa niya, doon lang sila sa Bulacan, sa mga magulang nito, at mahigpit ang
bilin, huwag na huwag daw siyang dadalaw roon hangga’t hindi niya naiiwan ang
bisyo niya. Dahil mahal na mahal ang mag-iina, mula noon, pinilit niyang hindi
na uminom. Nagawa naman niya, kahit napakahirap, sa tulong ng pagsusubsob sa
chessboard. Kaya makalipas ang tatlong buwan, nang alam niyang talagang naiwan
na niya ang bisyo, dumalaw siya roon. Pero sa halip na matuwa, parang natibag
ang lahat-lahat sa kanya, nang malaman niyang may dalawang linggo na pala sa
Amerika ang mag-anak niya. May iba na raw kinakasama si Elsa. Nanlumo raw siya
noon, at muling nagpakasugapa sa alak. Parang gusto na rin daw niyang
magpakamatay. Parang nawalan na ng saysay sa kanya ang buhay. At dahil daw roon,
naikuwento pa niya sa akin, hindi ko lubos maisip kung paano niya ‘yon nagawa—
naggupit siya ng titi. Napangiwi ako nang mabanggit niya ‘yon. Hindi ako
makapaniwala. Akala ko nga, nagbibiro lang siya. Kaya nasabi ko na lang, mabuti’t
hindi siya natuluyan.
Gustong-gusto ko talaga ‘yong isulat, kaso,
mula nang tumungtong ang ikalawang semestre, mula nang maging labing-isang
seksiyon ang hawak ko, di na kami nakakapagkuwentuhan.
Pagdating ko sa corridor, sa mahabang silyang tambayan ng
mga estudyante, may isang tumayo pagkakita sa akin— si Patrick Alido,
estudyante ko, pumapasok lang pag may long quiz.
“Sir, di pa ‘ko nag-eeksam,” sabi niya,
pagkalapit ko.
Huminto ako. “Nag-midterm ka na kahapon a.”
“Prelim Sir.
Di pa ‘ko nagpi-prelim.”
Napakamot na lang ako ng batok.
Isa ito sa mga pinakakinaiinisan ko sa
eskuwelahang ito. Ang estudyante, pag di nakapag-exam ng prelim, puwede pa
niyang kuhanin sa midterm. O kung hindi nakapag-prelim exam o midterm exam,
puwede niyang isabay sa final exam. Tatlong exam, sabay-sabay. Dinaig pa si
Einstein sa sobrang talino, at minsan, kasabay pa ‘yan ng sa ibang subject.
Halimbawa, nag-e-exam siya sa Biology, at nakita niya ang propesor niya sa
Rizal, hihingi rin siya ng test paper, at sasagutan niya nang sabay. Nakakainis
kasi nakakawala na ng integridad, napakamatrabaho pa. Ini-encode kasi sa system
ang grade nila, kaya pag ngayon lang siya nag-exam, may bago ka na namang
ie-encode— bukod pa sa kailangan mo na namang hanapin ang key to correction at
kailangan mo na namang magtsek. Hindi mo naman puwedeng hindi pag-eksamin dahil
bawal, at hindi mo rin puwedeng lagyan ng minus. Basta ang kailangan lang nila
e ipakita ang test permit nila na may tatak na “special exam,” at may bayad
‘yon sa cashier— P 50.00. Kung bakit ba naman kasi gustong-gusto nilang late
nag-e-exam, nagbabayad pa tuloy sila. Hindi mo naman sasabihing ngayon lang
nakakuha ng permit, dahil halata namang mga may-kaya. Tantiya ko sa mga ito,
late nag-e-exam para malaman ang laman ng test paper.
“Halika rito,” lumakad na ako.
Binuksan ko ang pinto ng consultation room, at
naramdaman ko ang yakap ng malamig na hangin. “Hintayin mo ‘ko r’yan.”
‘Yon ay isang makipot na kuwarto sa labas lang
ng faculty room, hintayan ng mga estudyante sa kailangan nilang propesor. May
ilang silyang plastik at isang malaki’t mahabang mesang kahoy. Naka-aircon.
Pumasok ako sa faculty room. Mas malamig dito.
“Sir Jack!” masigla si Sir Rod, IT professor.
“Nabasa ka yata ng rain, Sir.”
Siya lang ang di abala sa lahat ng nandoon.
Lahat ay nakayuko, kaharap ang matataas na patong ng pulang test booklet, abala
sa pagtsitsek. Bawal sa aming magpatsek ng mga papel sa estudyante, liban sa
mga quiz. Nagbabayad daw kasi ang mga ito para mag-aral, at hindi para magtsek
ng mga papel. Trabaho na raw iyon ng mga titser. Kundi nga lang siguro bawal, matagal
na naming ginawa. Kasi, kahit sabihin mong paganyan-ganyan lang ‘yan,
nakapapagod din. Malakas pang makaubos ng oras, kasi minsan, isang answer sheet
pa lang, dalawang minuto mo nang tsitsekan. Pero talagang hindi puwede. Ayokong
mapabilang sa lampas dalawampu nang namemohan dahil doon, nito lang nakaraang
semestre.
“Como esta,” nawala ang init ng dugo ko. Nahawa
ako sa ngiti ni Sir Rod.
“Sir, next week na ang encoding a. Hanggang Saturday,”
si Sir Rod uli.
Napakamot ako ng batok. Ni hindi ko pa nga naie-encode
ang prelim grades, hindi pa rin nako-compute, tapos ngayon, encoding na ng
midterm. Nagtsitsek pa nga ako ng mga exam e. Ano ba’ng akala nila sa amin? Mga
robot?
Tumingin ako sa kalendaryo sa dingding.
Nakalarawan doon ang eskuwelahan namin. At may mga estudyanteng nakaporma ng sa
nars, engineer, technician. Sa likod nila, nandoon ang estatwa ni Liberty at
ang San Francisco Bridge. Huwebes ngayon. Biyernes… Sabado… Linggo… Lunes…
Martes… Miyerkules… Huwebes… Biyernes… walong araw na lang.
“Tapos na kayo?” bigla kong nasabi.
“Hindi pa Sir. Pero mabilis lang ‘yan. May
Excel naman e.”
Hindi ako kumibo. Oo, may Excel nga. Ang
problema, hindi ko pa nairerekord ang mga quiz ng mga estudyante. Paano ko ba
naman kasing mairerekord, e pag bakanteng oras ko, wala akong ginawa kundi
magbasa ng libro: Maxim Gorky, Francis Scott Fitzgerald, Ernest Hemingway,
Fyodor Dostoyevsky, Haruki Murakami. Ganoon na lang kasi ang paniniwala ko sa
sabi ni Ralph Waldo Emerson, “Ti’s the good reader who make’s the good book,”
at sa kay Percy Bysshe Shelley, “The more you study, the more you discover your
ignorance.” Ganoon din sa sabi ng paborito kong manunulat nang magkakuwentuhan
kami, na pagbasa ka nang basa, nalalaman mo kung alin ang panget at magandang
estilo, ngayon, pag ikaw na ang nagsusulat, hindi mo na iyon gagawin. Idagdag
pa na malalaman mo rin kung aling paksa ang naisulat na. Minsan kasi, akala ko,
ako pa lang ang nakaisip. Niyon pala, marami nang nauna.
“Nag-encode ka ba ng prelim, Sir?” binuksan ni
Sir Rod ang kanyang laptop.
“Di pa nga po e.”
“Naku, lagot ka,” may isang nakisali, si Mam
Mariel, propesor sa hotel and restaurant management. “Ayusin mo na ‘yan Sir.”
Lalo akong kinabahan. Baka masuspinde na ako
nang isang linggo. Namemohan na kasi ako dati, noong nakaraang semestreng hindi
ko nai-encode ang prelim
at midterm grades. Inuna ko kasing isulat ang isang maikling kuwento, na sa
higit isang taong pagpaparoo’t parito sa isip ko, pag nakatayo sa bus, pag
naglalakad, pag kumakain, pag naliligo, pakiramdam ko ay hinog na hinog na.
Kayang-kaya ko nang isulat.
Tungkol iyon sa kapitbahay naming matangkad,
matipuno, magaling magbasketbol. Lalaking-lalaki ang dating. Nag-aral siya ng
criminology sa PCCR, at nangarap pang maging hepe ng PNP. Pero dala ng
kahirapan, hindi siya nakatapos, at naging tagabantay lang siya ng bahay at
tagaalaga ng mga anak, tagalaba’t tagahugas ng pinggan. Ang asawa niyang tapos
ng office management ang nagtatrabaho’t nagpapakain sa kanila. At hindi niya
iyon matanggap. Hiyang-hiya siya sa sarili. Kaya isang-araw, nagpakalasing siya
nang sobra. Sa sobrang hilo niya, nabuwal siya sa batyang may nakababad na mga
puting damit, sa labas ng bahay nila. Nabasa siya at nawasak ang batya.
Nagising ang mga kapitbahay. At mula noon, napakabihira na niyang lumabas.
Gabi-gabi ko iyong nilalamay, sa harap ng
mesang tinatanglawan ng nagliliwanag na study lamp, mula alas-diyes nang gabi
hanggang alas-dos nang madaling-araw. O kung minsan, hanggang alas-tres.
Nakadadalawang tasa ako ng kape. At pag nararamdaman kong mga pilit na ideya na
lang ang mga lumalabas sa utak ko, hihiga na ako. At kahit nakadalawang tasang
kape, agad pa rin akong nakatutulog. Para hapong-hapo ako. Pagod na pagod.
Pagtungtong ng alas-singko, babangon na ako,
dahil may klase pa ako nang alas-siyete. At dahil nga kulang sa tulog, madalas,
alas-siyete beynte o alas-siyete trenta na ako dumarating sa klase. Namemohan
na rin ako roon.
“Magpapatong-patong na ‘yan,” si Ma’m Mariel na
naman.
Humarap ako sa salamin, na sa pagkakadikit sa
dingding ay parang naging bahagi na rin ng dingding.
Naasiwa na naman ako sa nakita ko sa salamin.
Nakapantalong itim ako, pangatlong araw ko na ‘tong suot, nakasapatos na balat
na itim, naka-long sleeve na
asul. Sino kaya’ng nagpauso ng ganitong porma? Kung magaling na titser ba ako,
bababa ba ang kalidad ko sa pagtuturo pag hindi ako nagganito? O kung hindi
naman ako magaling, huhusay ba ako kung maggaganito ako?
Dinukot ko sa backpocket ng pantalon ko ang
kurbata ko. Nakaayos na ‘yon, isusuot na lang. Ipinaayos ko dati kay Sir Rod,
dahil hindi ako marunong magkurbata. Isinuot ko ‘yon, saka iniayos, habang
nakaharap sa salamin.
Halos anim na talampakan ang tangkad ko. Payat.
At underweight. Maputi ako, ngunit hindi kaputian. Sapat lang para magmukhang
malinis. Gupitin na ang mahaba-haba ko na ring buhok na pumapaibabaw na sa
kuwelyo ng long sleeve ko,
tumatabing na sa aking noo at sumasaling sa aking mga kilay.
Kumuha ako ng isang questionnaire sa locker ko,
saka ako lumabas. Inabutan ko si Patrick na nakaupo, nagti-text. Ibinulsa niya
agad ang cell phone niya, pagkakita sa akin.
Iniabot ko sa kanya ang questionnaire.
Maya-maya, pumalatak siya. “Hirap naman nito
Sir,” tumingin siya sa akin, saka muling bumaba ang tingin sa papel. “Basahin
ang mga sumusunod na salitang nakasulat sa alibata. Grabe. Mga katangian ng
wika. Mga dahilan bakit Tagalog ang naging batayan ng wikang pambansa. Wala man
lang multiple choice.”
Nag-init na naman ang dugo ko. “Ngayon ka na
nga lang magpi-prelim e. Dapat mataas ang iskor mo d’yan.”
Nang nagsisimula na siya, bumalik ako faculty
room. Ramdam na ramdam ko ngayon ang halaga ng oras. Nakaramdam na naman ako ng
inggit sa mga taong magaling sa time management. Naalaaala ko na naman ‘yong
napanood ko dating dokumentaryo sa TV, tungkol sa isang lalaking walo ang papel:
basketball coach, doktor, pintor, bowling player, guro, tatay, negosyante ng
isang malaking sari-sari store, at kolumnista sa isang diyaryo. Paano kaya
‘yon? Lahat kaya ng mga ‘yon e nagagampanan niya nang mabuti? Bakit ako, dalawa
lang, hindi ko pa makaya-kaya? A, iba
kasi ang akin. Dalawa nga lang, pero kapwa naman mabigat. Sabi nga, ang
pagiging titser ay napakahirap na trabaho. Wala ka na sa eskuwelahan, nagtatrabaho
ka pa. Ang pagsusulat, ganoon din. Walang pinipiling oras at lugar. Kumakain ka
man, tumatae, naliligo, o nasa bus at nakatayo, biglang darating ang ideya.
Kinuha ko ang test booklet ng isang seksiyon,
saka dinala sa consultation area. Dinukot ko sa bulsa ng pantalon ko ang bolpen
ko. Sa haba niyon, hindi ko na kailangang ipakapaloob pa ang mga daliri para
dukutin iyon, dahil di man lang, nakalitaw na ang dulo niyon. Inalis ko ang
takip ng asul na bolpen.
“Tapos na, Sir,” iniabot sa akin ni Patrick
ang papel, saka agad lumabas. Ni hindi man lang marunong magpasalamat.
Ang bilis niyang magsagot. Matingnan nga. Halos
blangko lahat. Tsinekan ko na agad. Sa isang-daang puntos, tatlo lang ang tama
niya.
Naitanong ko bigla sa sarili ko, ano kaya ang nararamdaman
ng mga gaya ni Patrick? Nahihiya pa kaya sila sa ibang tao, kundi man sa sarili
nila? Nagkadireksiyon ang ideya. Ano kaya ang mararamdaman ng mga magulang ng
ganoong estudyante, pag nalamang sa pagpapakahirap nilang mabigyan ng baon ang
anak nila at matustusan ang lahat ng pangangailangan nito, ay hindi naman pala ito
pumapasok, at puro DoTA at porma lang ang inaatupag? Naging tiyak ang
direksiyon ng ideya. Ano kaya kung ako mismo ang tatay ni Patrick? Ano kayang
mararamdaman ko? E ngayon pa nga lang na titser lang niya ako, naiinis na ako.
Paano pa kaya kung ako mismo ang tatay niya? Kung ako mismo ang nagpapakahirap
sa perang sinasayang lang niya?
Pumunta ako sa faculty room, kumuha ng isang
scrap paper sa locker ko, saka bumalik sa consultation room.
Umupo ako, saglit na nag-isip. Napako ang mga
mata ko sa puting pader. Malinis na malinis ‘yon. Parang sa ospital. Tinanggal
ko ang takip ng itim na bolpen. Nag-umpisa na akong magsulat. Parang bumabalong
ang mga ideya sa isip ko. Umaapaw. Umaagos. Nakaisang saknong agad ako. Limang
taludtod. Nasabik akong basahin agad. Binasa ko. Maganda. Buhay na buhay.
Pumipintig. Humihinga. Mamaya ko na kikinisin. Mamaya ko na aayusin ang tugma.
Importanteng maisalin muna sa papel, dahil baka mawala. Sayang. Maumpisahan
na ang pangalawang saknong. “Nilugmok.” “Inabanduna.’ “Nilisan.” Alin ba ang
mas maganda? Iniipit ko sa pagitan ng hinlalato ko’t hintuturo ang bolpen.
Nag-pen spin ako. Thumb around. “Nilugmok.” “Inabanduna.’ “Nilisan.” Ikot
pa uli. “Nilugmok.” “Inabanduna.’ “Nilisan.” Mas maganda ang “nilisan.”
Narinig kong bumukas ang pinto ng faculty room.
“O, Jack,” si Mam Kate, general science
professor. Kasama niya si Mam Mariel, at si Sir Edmund, accounting professor.
“Ten ka di ba?”
Napatingin ako sa digital clock na nasa ulunan
ng pintuan— 10:11 am. Lagot. Late na ako.
“Salamat po Ma’m,” pinagpatong-patong ko
ang mga test booklet, “mauna na po kayo.”
‘Okey,” si Ma’m Kate.
“Busy si Sir sa pagsusulat e,” tinapik pa ako
ni Ma'm Mariel sa balikat.
Satire ‘yon a. Ano kaya’ng ibig niyang sabihin?
Dinoble ko ang kilos ko. Isa-isa kong kinuha sa
locker ko ang mga gamit ko, kinuha sa bag ang asul na kuwaderno at iniipit roon
ang nagawa kong tula. Sa klase ko na lang ito itutuloy. Tutal, magbabantay lang
naman ako ng mga mag-eeksam.
Dinalian ko ang lakad. Dalawang baitang ng
hagdan kada hakbang.
Pagdating ko sa klase, tiningnan ko agad ang oras
sa sa Nokia 1110 kong cell phone. Naka-time iyon sa biometrics. 10:15 am na.
Sakto lang para sa grace period ko. Salamat. Dahil kung kinulang pa ako ng
ilang minuto, baka sa akin na naman matambak ang sisi pag bumagsak ang mga tamad
na ‘to. E lagi pa namang bagsak ang mga ito. Tipong nakailang ulit ka na ng
paliwanag, mamaya, may magatatanong pa rin. Lecture sa mismong examination
period. Buti na lang talaga.
“Magandang araw,” inilapag ko sa mesa ang mga
gamit ko. Hinihingal pa ako.
“Magandang araw po Sir Barlis,” dalawa lang
yata ang sumagot.
Halos lahat ay abala sa pagkakabisa, sa
pagbuklat ng kani-kanilang kuwaderno, sa pagtatanong sa katabi ng “Ano na nga
‘yong ano?”, “Ano na nga ‘yong k’wan?”
“Okey, pakiayos na ang mga gamit. Itabi na ang
mga k’waderno,” umupo ako. “Pakipasa na rin ang mga test permit.”
Ilang minuto rin bago kami nakapagsimula.
Apatnapu halos ang mga estudyante ko.
Nangakauniporme ng puti.
Nang nasa ayos na ang lahat, nang nakatungo na
silang lahat, at nang ang naririnig ko na lang ay ang paghinga ng aircon at ang
ingay ng mga binubuklat na papel at mga buntong-hininga, binalikan ko ang tula
ko. Binasa ko ang unang saknong, pati ang nasimulan nang ikalawa. Tumingala
ako, at napako ang mga mata ko sa puting-puting kisame. Parang hindi ko na
maalaala ‘yong mga gusto kong sabihin kangina. Nag-pen spin ako, finger pass.
Pakaliwa. Pakanan. Isa pa. Isa pa uli. Kailangan kong maalaala ang tono ng
tula, ang emosyon, ang diwa. Pakaliwa. Pakanan. Napahawak ako sa bolpen. Wala
na sa isip ko ang bumabalong, umaapaw, umaagos na mga ideya. Napadiin ang hawak
ko sa bolpen, hanggang sa makaramdam ng hapdi ang hintuturo ko’t hinlalaki.
Nawalan ako ng gana. Ipinatong ko sa mesa ang
papel.
Tumayo ako, nagpalakad-lakad sa makipot na daan
sa pagitan ng mga silya. Pilit na inaalaala ang tula, ang tono, ang emosyon,
ang diwa. Pero wala. Ayaw talaga. Nakaiinis. Inaagaw ng pagiging guro ko ang
pagsusulat ko.
Pangarap ko rin namang magturo. Iyon nga lang,
mas gusto ko talagang magsulat. At kung magtuturo man ako, ang gusto ko
talaga’y sa mga pampublikong pamantasan: PUP, PNU, EARIST, RTU, TUP, UP, at sa
mga Filipino rin ang programa. Para malalaliman ko ang talakayan. Saka para
balikan ang proseso . ‘Yon bang natututo ko sa estudyante, at hindi ‘yong sa
akin na lang nang akin na lang ang lahat ng impormasyon. Ni hindi pa ako
makapagtaas ng standard. Dahil minor subject lang naman ako. Ang hihina pa ng
mga estudyante.
Bukod pa roon, gusto ko, tatlong seksiyon lang
ang hawak ko. Kumbaga, para lang huwag malayo sa pagtuturo at para makakuha ng
mas marami pang karanasan na puwede kong maging materyales. Natuklasan ko
kasing maraming makukuhang materyales paglalagalag, pero mas malalim ang mga
materyales na hango talaga sa sarili mong buhay at karanasan. Mga bagay na
kusang nagdatingan at hindi mo pinaghahanap.
Makalipas ang halos isa’t kalahating oras,
bumalik ako sa faculty room. Bitbit
ang mga questionnaire at test booklet. Pinagpatong-patong
ko sa mesa ang lahat ng mga tsitsekan ko.
“Kapal n’yan Jack a,” si Ma’m Shiela, English
professor. Nag-aalkohol siya ng mga kamay.
Hindi ako kumibo.
“Nakakatamad ‘no?” nahulaan ni June, kaibigan
ko, business management professor, ang nararamdaman ko.
“Naman,” ginanahan tuloy akong makipag-usap,
“sinabi mo pa.”
Sa mga sumunod kong klase, dinala ko ang ibang
test booklet. Doon ko tsinetsekan. Ang problema, dahil abala ako sa pagtsitsek,
abala rin sila sa pagkokopyahan.
“O, samantalism,” huminto ako sa pagtsitsek, at
tumingin sa dalawang lalaki sa gilid.
Tawanan.
Nag-init na naman ang dugo ko. Wala kasing
ibang inatupag kundi pumorma. Ngayon tuloy, mga walang maisagot.
Dinala ko ang mga tsitsenekan ko sa bakanteng
upuan sa likod. Dito, hindi nila alam kung saan na ako nakatingin. Tingnan ko
lang kung makapagkopyahan pa sila.
Bago mag-ala-una, bago matapos ang ikalawa kong
klase, natapos ko naman ang papel ng isa kong seksiyon. Nananghalian muna kami
nina June at Sir Rod sa karinderya sa tapat.
Pagkakain, balik agad sa eskuwelahan. Marami pang
kailangang tsekan. Walang dapat masayang na oras.
Sa lahat ng seksiyon ko, nagdadala ako ng
tsitsekan. Dala ko rin siyempre ang asul na kuwaderno ko. ‘Yon nga lang, pag may
naisip akong magandang linya, hindi ko rin nailalagay. Wala munang panahon para
riyan. Itong mga ito muna ang kailangan kong unahin.
Nasa faculty room na ako. At tapos na ang lahat
ng klase ko. Tatapusin ko munang irekord ‘tong mga quiz, bago ako umuwi.
Panay ang kuwentuhan at tawanan nina Ma’m
Mariel, Sir Rod, Mam Kate, June at iba pa. Panay ang banat nila ng
kani-kanilang kalokohan. Gustong-gusto kong makisali. Kaso, hindi puwede.
Kailangan ko nang matapos ang mga ito.
“Naku, nasa iisang mundo lang tayo. Pero
magkakaiba tayo ng mundo,” malakas ang boses ni Ma’m Kate.
Tawanan sila. Natawa rin ako. Iba talagang
bumanat si Ma’m Kate. Kaysarap gawing karakter sa maikling kuwento. At maganda
ang linya niya ya. Mabenta. Isusulat ko ‘yan mamaya, pag di na ako abala.
Mamaya, natapos din akong mag-record. Iilan na
lang kami sa faculty room. Nananakit na ang batok ko. At kumakalam na rin ang
sikmura ko. Tumingin ako sa cell phone ko— 07:13 pm.
Hindi ko namalayan, gabing-gabi na pala. Puwede
na akong umuwi. Puwede na akong tumambay sa EDSA at maghanap ng mga materyales.
Natutukso ako. Pero hindi puwede. Kailangan ko nang ma-compute ang prelim
grades. Magpapatulong na lang ako kay Mama sa pagtsitsek sa natirang mga test
booklet. Kakayanin din ‘yan. May ilang araw pa naman.
Pinagsama-sama ko ang mga nairekord na,
iginoma, saka sinulatan ng whiteboard marker— “One down.” Marami-rami rin pala.
Test booklet na lang. Kailangan ko nang maibalik sa mga estudyante ang mga
tapos na. Masikip na kasi ang locker ko. Halos hindi ko na alam kung alin basura
sa hindi. Kailangan din nga pala itong makita ng mga estudyante, para malaman nilang
hindi ako nanghuhula. Ito ang ayaw ako sa pagiging titser e. Ayos lang namang
magturo. Walang masama roon, na habang tumatanda ka e nag-aaral ka. Maganda nga
‘yon. Hindi ka humihinto sa pag-aaral. Ang problema lang e ‘yong ganito, iyong
pagtsitsek ng papel. Nakatatamad. Saka parang hindi ko naman ito ikahuhusay. Isinusi
ko na ang locker ko. Bukas na lang uli.
Nag-log out na ako.
“Bye Sir,” nakangiti pa rin si Ate
Aldeng.
Naalaala ko, kangina, parehas kaming nakangiti.
Pero ngayon, siya na lang.
“Bye,” lumabas na ako.
Bumungad sa akin ang dilim ng gabi at lamig ng
hangin. Parang nakahinga ako nang maluwag nang masilayan ko ang gabi. Mas
malamig ang hangin doon sa loob. Pero mas gusto ko ang hangin dito sa labas.
Sinimulan ko nang maglakad papuntang sakayan ng
dyip. Malayo-layo rin ‘yon. At tulad ng bawat gabi, parang may kung anong
saya akong nahugot sa nakalatag na dilim at sa nanlilisik na mga mata ng
sasakyan. Parang musika sa pandinig ko ang mga busina, ugong ng mga tambutso,
yabag ng mga naglalakad, sigaw ng mga barker ng dyip, tawanan ng mga bumibili
ng kwek-kwek at fish ball, silbato ng guwardiya ng Mercury Drug, na
nagpapaatras ng isang nakaparadang van. Umakyat ako sa footbridge. Parang gusto
ko munang tumambay. Parang inaaya ako ng nagtatawirang mga sasakyan sa ibaba,
ng mga nagtitinda ng nail cutter, pantalon, alarm clock, pitaka, at ng pagkanta
ng “Tears in Heaven” sa mikropono’t pag-strum sa semi-electic guitar ng bulag
na pulubi. Pinigilan ko ang satili ko. Saka na. May ibang araw pa naman.
Bumaba na ako ng footbridge, saka pumila sa
sakayan ng dyip. Natuwa akong natiyempuhan ko pang bakante ang upuan sa unahan.
Makakapag-isip-isip ako. Pero maya-maya, napagtanto kong dapat ko pala ‘yong
ikainis. Dahil ibig sabihin, matagal pa bago lumakad ang dyip? Sayang ang oras.
Hindi ko maintindihan. Hindi ako naiinis. Ni konti. Wala.
Natagalan din bago lumakad ang dyip.
Saglit itong nahinto sa tapat ng SM North.
Trapik. Ang daming bus na pumapasok doon. Parang gusto kong bumaba’t sumaglit
sa Book Sale. Matagal-tagal na rin akong hindi nakapamimili ng libro. May
dalawang lingo na yata.
Umusad ang mga sasakyan. Mabilis na ang takbo
namin. Muñoz… Royal… Oliveros… Balintawak na agad.
Napatingin ako sa palengke. Marami pa ring
nagtitinda. Naalaala ko ‘yong batang kargador, na sa tantiya ko ay dose o trese
anyos lang. Pero ang bibigat na ng binubuhat. Naroon pa kaya siya? Sana. Gusto
kong isulat ang buhay niya. At ayoko nang dagli, ang gusto ko, maikling
kuwento.
Naalaala ko na namang bigla si Mark Twain, si
Leo Tolstoy, si James Joyce. Ang dami nilang naisulat. Di lang marami,
magaganda pa. Puro obra! E ako ba? Bilang na bilang ko kung ilan lang ang
naisulat ko. Nakakaapat na sanaysay pa lang ako, labing-isang maikling kuwento,
dalawang dagli, dalawampu’t isang tula. At buti kung nasa ikaapat man lang ng
mga iyon ang makikipagbunong braso sa panahon. O kung meron nga kaya.
Nakaramdam na naman ako ng inggit sa naunang mga manunulat. Sana, noon na lang
ako nabuhay.
Si Mark Twain, nang dumating ang Halley’s Comet
noong Nobyembre 30, 1835, isinilang siya. At noong 1909, sinabi niyang darating
ang Halley’s Comet sa susunod na taon, at alam niyang mawawala na rin siya. At
dumating nga noong Abril 21, 1910 ang Halley’s Comet, at namaalam na siya. Ang naghatid-sundo sa kanya an gang
pinakasikat na bulalakaw, na dumaraan lang kada ika-75 taon.
“Hindi pa kasi busy mga tao dati. Kaya ‘yang
mga ‘yan, walang inatupag ‘yang mga ‘yan kundi magsulat,” sabi sa akin ni
Dison, nang minsan magkaharap kami sa ilang bote ring Red Horse, habang
naglalaitan ng kanya-kanyang akda. “Saka Pare, mas masarap magsulat no’n.
Pinapansin mga gawa nila. Ngayon, ang ganda na ng gawa mo, ayaw pang pansinin
ng mga walang’ya. Puro Efbi alam nila. Puro tivi.”
Tama parehas ang sinabi ni Dison. Pero ang
unang sinabi niya ang talagang malakas ang dating sa akin.
Pero puwede rin nga ba akong makagawa ng ganoon
kadadakila at karaming mga piyesa? Naalaala ko ang mga paborito kong manunulat,
sina Lualhati Bautista at Edgardo M. Reyes. Parehas na mahusay. Mga panandang
bato ng panitikan ng Pilipinas. Sila lang daw ang full-time writer sa
Pilipinas. Kung magiging tulad ako ng dalawang ‘yon, na walang ibang inatupag
kundi magsulat, siguro nga, kakayanin ko. Naalaala ko ang sinabi ni Amang Jun
Cruz Reyes sa isang isyu ng Likhaan. Sa Pilipinas, mahirap maging full-time
writer.
Nasa NLEX na ang dyip. Panay ang bangga sa
mukha ko at bulong sa kaliwang tenga ko ng malamig na hangin, na lalong
lumalakas tuwing may nag-oovertake na sasakyan, na kadalasan ay ten-wheeler na
trak.
Lampas alas-otso na rin nang dumating ako
ng bahay. Humarap agad ako sa kompyuter. Kung siguro may laptop ako, mas marami
akong naisusulat. Kaso, hindi makabibili ng laptop ng sahod ko. Binuksan ko MS
Word. Lalong nagliwanag ang monitor. Ang dami ko na namang gustong isulat: tula
tungkol sa ulan, sanaysay tungkol sa edukasyong pinagkakakitaan, kuwento ng mga
tamad na estudyante. Pero may paggagamitan ba ako ng mga ito? Nasaan na ba ang
iba kong gawa? Di ba’t natatambak lang naman sa blog ko. Wala halos bumabasa.
Liban sa apat kong gawa na nalathala sa Liwayway.
Gutom na gutom na ako, pero tinatamad akong
kumain. Tumayo ako’t nagtimpla ng kape. Sa liit ng bahay namin, katabi lang ng
computer table ang kusina. Ipinatong ko sa mesa ng kompyuter ang malaking tasa.
Inalis ko ang takip ng itim na bolpen. Isusulat ko muna ang lahat ng napulot kong
linya kangina. Kinuha ko ang asul na kuwaderno ko, saka ko inalaala ang napulot
kong mga linya. Wala akong maalaala ni isa. Ultimo ang sinabi ni Ma’m Kate kangina.
Saglit. Hindi naman siguro ganoon. Ang hirap naman yatang paniwalaang ni isa,
wala akong maalaala. Meron ‘yan. Nag-pen spin ako. Pass and reverse pass.
Pinaikot ko sa mga daliri ko ang bolpen. Pabalik naman. Isa pa. Wala talagang
akong maalaala. Sayang. Dapat pala, isinulat ko na kangina. Nainis ako sa
sarili ko. Ilang beses na ba itong nangyari. Nakararanas din kaya ng ganito
sina Twain? Siguro, oo. Pero hindi siguro gaya nito. Hindi ganito katindi.
Humigop ako saglit ng kape, saka tumingala sa
kisame. Nahagip ng mga mata ko ang walo kong ID na nasakabit sa pako sa
dingding, galing sa mga eskuwelahang pinagturuan ko.
Naging sunod-sunod ang lagok ko ng kape.
Matamis nang una. Pero kalaunan, parang pumapait. Naalaala ko ang tula kangina,
ang batang kargador sa palengke ng Balintawak, si Kuya Omeng, si Lualhati
Bautista, si Edgardo M. Reyes, si Mark Twain, si Leo Tolstoy, si James Joyce.
Binilisan ko ang lagok ng kape, sunod-sunod.
Nagulat ako. Ubos na ang kape. Pinakawalan ko ang isang mainit na hininga.
Gumaan ang pakiramdam ko. Isinara ko na ang MS word.
Kinabukasan, at nang sumunod na mga araw. Hindi
ako nagsulat. Ni hindi ko hinawakan ang kuwaderno ko.
Pagtungtong ng Biyernes ng hapon, huling araw
ng pasahan ng grades, natapos ko naman ang grade.
At nang sumunod na araw, Lunes…
“Good morning Sir,” parang nabawasan na ang
dating sa akin ng mga ngiti ni Ate Aldeng. Hindi na gaanong nakahahawa.
“’And’yan na si Dean?”
“’D’yan na Sir.”
Umakyat agad ako ng hagdan. At pagdating ko sa
kuwartong may nakasulat sa ulunan ng pintuan na “Dean’s Office,” lumakas ang
tambol sa dibdib ko. Parang mabibitawan ko ang hawak kong brown envelope.
Bumukas ang pinto, bago pa man ako kumatok.
“Yes Jack,” nasa treynta’y singko pa lang
siguro si Dean, maiksi ang buhok, maputi.
“Good morning Ma’m. Me kelangan lang po.”
“A okey. Saglit lang a,” hinawakan niya ako sa
braso. “Si Ar lang ako. Pasok ka na.”
Pumasok ako. Pagkaupo ko, parang nagpapansin sa
akin ang basurahan sa tabi ng pinto. Dinukot ko ang bolpen ko, inalis ang
scotch tape sa pagitan ng dalawang bolpen, at itinapon ko sa basurahan ang asul
na bolpen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento