Oryentasyon...
Tawanan.
“Grabe ‘to. Ngayon mo lang tiningnan schedule natin?” sabi ng isang lalaking lampas balikat ang itim na itim na buhok at nakakamesa de tsinong puti. Siya ang pangulo ng klase.
“Tiningnan ko na ‘to kagabi ya,” iniipit ng matabang lalaki sa librong may nakatitik na “Animal Farm by George Orwell” ang registration card, saka iniabot iyon sa lalaking mahaba ang buhok. “Kaya nga alam kong may pasok ngayon e. Hindi ko lang napansing ito lang ang klase natin ngayon.”
“Uy Roñez,” hinampas ng lalaking tinawag na Bato ng kuwaderno sa braso ang lalaking mahaba ang buhok, saka ngumuso sa pintuan.
Isang matandang nakasalaming mangasul-ngasul, malago ang itim na buhok, naka-polo shirt na puti, naka-leather jacket na itim, nakapantalong itim at nakasapatos na balat, ang nakatayo sa pintuan ng silid— nakatingin sa nakatitik sa ulunan ng pintuan— W405. Naninigarilyo ito.
Napansin din iyon ng ilan sa mga mag-aaral na naroon, at dali-dali nilang sinaway ang mga kaklase. Biglang naputol ang di magkamayaw na kuwentuhan, parang radyong nakatodo nang lakas na biglang namatay nang mawalan ng kuryente. Kanya-kanya sila nang hatak ng silya. Nagmamadali. Para bang may premyo sa unang makauupo sa silya.
Sa isang iglap, mabilis na lumatag ang katahimikan. At gayong maingay pa rin sa katabing mga silid, halatang napakalaki ng ikinatahimik ng paligid.
Pinagmasdan ni Roñez ang guro. Akala niya’y itatapon nito ang sigarilyo, pero hindi, dumiretso ito nang pasok. A, siguro’y nalimutan lang nito, sa isip-isip niya.
Pagkapasok na pagkapasok ng matanda, nagpasukan na rin ang mga nasa labas. Nag-una-unahan pa sa mga bakanteng silya ang mga ito.
“Ey Bi Sociology?” malamig ang boses nito. Parang ayaw makagambala.
“Opo,” halos sabay-sabay na sagot ng mga estudyante.
“Pilosopiya?” inilapag ng matanda sa mesa ang dalang mga gamit. Iyon ay tatlong librong magsisinglaki pero di magsisingkapal, saka mga class card na nakagoma, na inipitan sa ibabaw ng di pa nagagamit na yeso.
Pinagmasdan ni Roñez ang matanda. Sa itsura, kahit pa itim ang mga buhok nito, ay halatang mahigit-kumulang animnapung taon na ito, subalit sa tindig, matikas pa ito. Wala pang pagkahukot. Malakas pa. Maputi ito. Makinis. Kutis mayaman. Mukhang matinik sa mga bebot noong kabataan pa. At mukhang pikutin. At sa suot nitong salaming mangasul-ngasul, maaaninag ang singkit nitong mga mata, na parang mga mata ng taong hindi takot sa kamatayan at nauunawaan na ang buhay.
“Opo,” may ilang sumagot.
“Okey,” nagbuga ito ng usok, paitaas, ngunit agad rin iyong naglaho nang masapol ng hanging inihip ng bentilador na nakakapit sa kisame. “Magandang araw sa inyo.”
“Magandang araw rin po,” tumayo ang karamihan sa mga estudyante.
Kinuha ng matanda ang yesong nakapaibabaw sa mga class card, saka nagsulat sa pisara.
May ilang bumigkas sa isinulat nito. Binasa rin ni Roñez, sa isip, ang isinulat nito— Propesor L. Bigapig.
“May mga darating pa ba?” lumapit si Propesor Bigapig sa bintana, saka itinapon sa labas ang upos ng sigarilyo.
“Wala na Sir,” may isang sumagot.
“Ano ba'ng inaasahan n’yo sa klase natin?” tumingala ito, nakatingin sa bentilador na akala mo malungkot at marungis na mukhang nakayuko at nanunuod sa kanila.
Walang kumikibo sa mga mag-aaral, nangakatingin lang sila kay Propesor Bigapig.
“Bakit ba kayo nag-aaral?” sinuyod ni Propesor Bigapig ng tingin ang klase.
Kay Roñez, nakaloloko ang tanong nito, pero ewan ba niya, sa seriyosong anyo nito, parang may kung anong nabulabog sa isip niya.
“Ako, di na ‘ko naniniwala sa edukasyon,” lumapit ito sa silya, umupo, ipinatong ang dalawang kamay sa mesa. “Pormalidad na lang ‘yan. Wala ka nang makikilala ngayong estudyanteng nag-aaral para matuto. Lahat kayo, nag-aaral na lang kayo para sa diploma’t Ti O Ar,” ibinalik nito sa pinagkuhanan ang yeso, saka dumukot sa bulsa ng polo shirt. Isang kahang sigarilyo ang iniahon nito roon. Bukas na iyon. Dinukot nito ang lighter mula roon, pagkatapos, kumuha ito ng isang pirasong sigarilyo. “Nag-aaral na lang kayo ngayon para sa mga papel na ‘yan,” sinindihan nito ang sigarilyo. Nagkekembot ang apoy sa lighter nang matutukan ng bentilador. “E kayang-kaya ko ngang puniti’t sunugin ‘yang mga ‘yan, e,” habang nagsasalita, lumalabas sa bibig nito ang usok. “Kung ‘yan lang ang gusto mo e mag-Recto Academy ka na lang. Ano ba'ng gusto mo? Yu Pi? Ateneo? Santo Tomas? Makapipili ka pa. Lahat kayo nag-aaral na lang para magkatrabaho’t igalang ng lipunan, para mangibam-bansa’t magpaalipin. Di ba?” nakangiti si Propesor Bigapig.
Wala ni isang umimik, ni wala nga yatang tumango. Ngunit si Roñez, sa isip niya, alam niya, walang mali sa sinabi ng propesor.
“Kaya ako, magbibigay na ‘ko ng class card,” tiningnan sila nito— parang naghihintay ng sagot. “Dos-singko ka na, kundi ka interesado sa asignatura ko. ‘Wag ka nang pumasok. Dos-singko ka na. Mas gusto ko na ‘yung tatatlo na nakikinig, kesa sa lampas k’warenta na daldalan lang naman nang daldalan.”
Astig ‘to wa, naisaloob ni Roñez. Naalaala niya si Chacha, ang kapatid niyang sumunod sa kanya—nahinto sa pag-aaral, at nagtatrabaho na lang ngayon sa isang fast food chain, dahil hindi sila kayang pag-aralin nang sabay ng mga magulang nila. Natutukso siyang tanggapin ang dos singko. Naisip niya, kung tatanggapin niya iyon, malaki ang maititipid nila, dahil ito lang ang klase niya pag Miyerkules. Sasabihin niya sa tatay niya na siya na lang ang mamamasada ng traysikel pag Miyerkules, para makapagpahinga naman ito. Isa pa, dos singko rin iyon, mataas-taas pa rin, at kahit makakuha siya niyon, puwede pa rin naman siyang maging cum laude, dahil 80 rin ang katumbas nito. Magtataas na sana siya ng kamay nang biglang magtanong ang kaklase niya.
“Talaga, Sir?” parang di ito makapaniwala.
Tumango si Propesor Bigapig. “Ano, kuku’nin mo na?”
“Di nga po Sir? ‘Yong totoo?” may isa uling nagtanong.
Tumingin ito sa pangalawang nagtanong— nakangiti. “Oo, ‘yun na makikita mo sa transcipt mo. ‘Yun namang gusto n’yo, di ba? Ano, ku’nin mo na?”
“Saka na lang siguro Sir. ‘Tingnan ko muna po.”
Saka na nga lang din niya kukuhanin.
“Ako Sir, kuku’nin ko na,” sabi ng unang nagtanong. “Working student po kasi ‘ko.”
Tiningnan ito ni Propesor Bigapig, matagal. “Saan?”
Saglit na nag-isip ang tinanong, pagkatapos, binanggit nito ang pangalan ng kompanya at ang posisyon nito roon.
Kinuha ni Propesor Bigapig ang pangalan nito, isineyb sa cellphone na de-kamera, isinulat sa isang class card, binilugan ang bilang doon na 2.5, pinirmahan, saka iniabot sa estudyante.
“Sige Iho, makalalabas ka na,” nakangiti si Propesor Bigapig.
Lumabas nga ang estudyante. At nang makalabas na ito, tumayo si Propesor Bigapig. Nalaglag sa mesa ang titis ng sigarilyo, nabasag.
“Sa apat na dekada ko’ng pagtuturo, hindi ko na mabilang ‘yong mga estudyanteng tumanggap ng alok kong dos singko. Sa mga nagbabalak pang tumanggap, sige lang. Hanggang katapusan ng semestre 'yan," kinuha uli ni Propesor Bigapig ang yeso. “Okey. Ang klase natin ay pilosopiya,” nagsulat ito sa pisara—pilosopiya. “Galing ‘yan sa dalawang salitang Griyego, philein,” nagsulat uli si Propesor Bigapig, “na ang ibig sabihin ay pag-ibig, at sophia," nagsulat uli, "na nangangahulugang karunungan. Kung gayo’n, ano ngayon ang kahulugan ng pilosopiya?”
“Love of wisdom,” marami-rami rin ang sumagot.
“Mismo,” sabi ng propesor. “Pagmamahal sa karunungan. Sa madaling sabi, pag wala kang pagmamahal sa karunungan, hindi ka maaring tawaging philosoper. Ninoman. Maski ng sarili mo. Wala ka ring karapatang mag-aral ng asignaturang ito, o maupo sa klase.
“Pa'no ngayon malalaman kung may pagpapahalaga ka sa karunungan?" ngumiti si Propesor Bigapig. “Simple lang. Pag di mo tinanggap ang dos singko."
Nakaramdam si Roñez ng pagkapahiya sa sarili. At parang may kung anong kumurot sa puso niya.
“Discussion na tayo,” sabi ni Propesor Bigapig. “Ay mali, kanina pa pala tayo nagsimula."
Mga Batas sa Klase...
“Punta tayo sa mga batas sa klase. Isa lang ang batas ko sa klase,” ngumiti si Propesor Bigapig. “Walang batas,” at sinuyod nito ng tingin ang buong klase. “Sa midyum tayo. Kahit anong wika p’wede n’yong gamitin. Karapatan n’yo ‘yan. Hindi ko itinuturo itong pilosopiya sa Ingles. Pero kung iyon ang gusto n’yong gawing midyum, nasasa inyo na ‘yan. Kalayaan n'yo 'yan. Ayokong gumaya sa ibang propesor na dahil pilosopiya ang itinuturo e Ingles na ang midyum. Hindi kasi ‘ko naniniwala sa sinasabi ng utak garapatang mga political analyst na ang susi sa pag-unlad ay Ingles. Na kailangan nating maging globally competitive.”
Hindi batid ni Roñez, na hindi na niya naririnig ang ugong ng mga bentilador at ang ingay ng mga nasa katabing silid, na ang naririnig na lang niya nang mga sandaling iyon, ay si Propesor Bigapig.
“E sa buong mundo, pangatlo tayo sa pinakamahusay sa Ingles. Sumusunod sa Amerika’t Britanya. Pero pang-ilan tayo sa pinakamahirap na bansa? O, di ba? Kung sino ‘yung magaling sa Ingles e s’ya pang mahirap. Samantalang ‘yung mga bansang gaya ng Tsina’t Japan na eengot-engot sa Ingles e sila pang maunlad. Kasi mas pinahahalagahan nila ‘yung wika nila. Kaya ba’t n’yo sasabihing Ingles ang magpapaunlad sa’tin? Kalokohan.”
May ilang pumalakpak. Nahawa ang iba. Dumami.
Napangiti si Propesor Bigapig, saka tumawa nang mahina. “O, kita n’yo? Tama naman ako ro’n, di ba? At 'eto pa. Pag Ingles kasi'ng gamit, bumababa ang pang-unawa at kakayahang magpahayag ng mga Pilipino. Sa halip na sasabihin mo na lang, hindi mo pa masabi. Dahil hindi mo alam 'yong Ingles ng ganito, ng ganyan.
“Dito, igagalang ko’ng mga paniniwala n’yo. At dahil lahat tayo e may sariling pag-iisip, lahat tayo, may sariling karunungan at pagtingin sa bawat bagay. Kaya sana, hindi lahat ng sagot natin e batay sa mga banat nina Socrates at Plato at Aristotle at Hobbes. Dahil magmumukha tayong alingawngaw pag ganyan. Saka tao lang din sila. Gaya natin. P’wede nating sirain ang mga sinabi nila. Hindi sila ang magtatakda ng tama at mali. Hindi lang sila ang mga philosopher sa mundo. Lahat ng may pagmamahal sa karunungan, ng may love sa wisdom, philosopher. Saka hindi naman lahat ng sinasabi nila, tama. Gaya ng kay John Dewey, na nag-iisip lang daw tayo pag may problema. Hindi ako naniniwala ro’n. Ideya lang nila ‘yon. At tayo, kayo, bilang mga tao, may sarili rin kayong ideya. Di lang sila ang mga philosopher sa mundo, pati tayo. Basta mahalin natin ang karunungan. Mahalin. Hindi gustuhin. Magkaiba 'yon.”
Eksistensiyalismo…
“Okey. Tapos na tayo sa episthemology. Punta tayo sa ikalawang sangay ng pilosopiya, ang metaphysics,” bumunot si Propesor Bigapig ng class card, “Gilbert.”
“Sir, metaphysics, it is the branch of philosophy that deals with the study of nature of reality.”
Tumango lang si Propesor Bigapig.
Nagtaas ng kamay si Roñez.
“Roñez.”
“Sir, metaphysics, ito ‘yong branch ng philosophy kung saan ‘yung pag-aaral e nakapokus sa reality or existence. Halimbawa, ano ang purpose ng tao sa mundo? Kung nilikha tayo ng D’yos, sino namang lumikha sa D’yos? Meron bang kabilang buhay? Paano nabubuo ang mga panaginip? Kung mahal tayo ng D’yos, bakit meron pang imp’yerno?. Mga gano’n.”
“Okey, that’s metaphysics. Galing sa salitang ugat na physics, which means study of physical object,” nagsulat si Propesor Bigapig sa pisara—pisika, “at nilagyan ng panlaping meta, which means, after, pagkatapos,” nilagyan ni Propesor Bigapig ng salitang “meta” ang salitang “pisika.” “So metaphysics means after or beyond physics. Una ‘yang nagsimula kay Pareng Aristotle (tawanan). Nagsulat s’ya ng mga sanaysay tungkol sa existence at reality. Nang una, inuri ‘to ng mga sumunod na mga pilosopo bilang physics. Hanggang sa mapansin nilang hindi na ito sakop ng physics, hindi na pisika. Kaya tinawag nila itong,” nagsulat uli si Propesor Bigapig sa pisara—ta meta ta physika biblia, “na nangangahulugang, that is, the book that come after physics. Kalaunan, naging metapisika.”
Tahimik pa rin lahat.
“Itong field na ‘to ng pilosopiya, masyado ‘tong malawak. Kaya ultimo ‘yong ibang sangay ng pilosopiya, lalo na ‘yong episthemology, naaabot,” lumapit si Propesor Bigapig sa tabing bintana, hinithit nang malalim ang sigarilyo, saka itinapon sa labas. “Ilan lang sa pinag-aaralan sa metapisika ay ang reyalidad, kalayaan at eksistens’yalismo. Masarap ‘tong pag-aralan. Ang totoo, sa apat, ito’ng pinakagusto ko. Puno ng kahiwagaan. Mabalik tayo sa kahulugan kanina, sino ritong may mga tanong, gaya ng binanggit ni Roñez?”
Maraming nagtaas ng kamay.
“O.”
“Sir, ‘yong dati po. I don’t believe in God, as in. Kasi kung meron, ba’t ganito? Tulad sa’min. Hiwalay ‘yong mama’t papa ko. Bata pa lang ako no’n. tapos no’ng naging kami ni Aries (mahabang “uuuuuy” ang sagot ng mga kaklse niya),” natawa ang babae, “maski pa’no, nagbago ‘yong perspective ko. Christian po kasi s’ya. And then, I asked my self, kung wala ngang D’yos, may pinagkaiba ba kung maniniwala ako sa kanya o hindi?”
Tumangu-tango si Propesor Bigapig.
“Meron pala. Malaki. Kasi kung walang D’yos at naniniwala ako, malaking chance na magtagumpay ako. Matapang ako no’n, s’yempre. May D’yos e. I won’t give up. Ngayon kung naniniwala akong wala, baka magpakamatay ako agad. And let’s say meron, tapos naniniwala ako, malamang po Sir, sa langit ako no’n. Pag hindi naman ako naniniwala, hirap na ‘ko rito sa mundo, sa hell pa bagsak ko. Sabi nga ni Aries, double dead tayo no’n.”
“So ngayon, naniniwala ka na?” nakangiti pa rin si Propesor Bigapig.
“Naman Sir!”
May ilang pumalakpak.
“O, iba pa.”
“Sir!” si Chicklet ang nagtaas, taga-Pasig, na nang masunugan ng bahay, namatay ang nanay at dalawang kapatid.
“Sige.”
“Hindi po ako naniniwala sa D'yos."
Lumatag na naman ang katahimikan. Alam naman ni Roñez na iyon ang isasagot ni Chicklet, alam naman niyang iyon ang prinsipyo nito, pero kinilabutan pa rin siya.
“Kasi kung meron, ba't ganito? Ba't ganito? Tayo? Ba't ganito tayo?" basag na ang boses nito. “Parang bias ang buhay. Oo, walang taong nasa kanya ang lahat. Pero taong halos lahat nasa kanila, marami. At taong napagkaitan ng halos lahat, mas marami. Malakas lang ang loob n'ya kasi, D'yos s'ya. Ba't di n'ya kaya subukang maging tao. Walang kapangyarihan, walang inaasahan," umupo na ito.
Sa katahimikan, nangibabaw ang isang boses. “Sir!"
“Sir, 'wag kang maaano Chic a. Pasintabi. 'Pag ang D'yos, nabuhay rito, gaya natin, walang kapangyarihan. Maniniwala pa rin s'yang may D'yos. Wala 'yan sa kapangyarihan. Nasa paniniwala 'yan."
Tahimik pa rin.
May isa uling nagtaas.
“Ibahin ko na topic ha. Ako po Sir, sa paru-paro ‘ko.”
“Sabi ko na nga ba, bading ‘to we,” sabi ng isa.
Tawanan na naman.
Nagpipigil ng tawa ang nagsasalita. “Kasi po, ‘yung paru-paro, nakakainggit. Alam kasi nila ‘yong kaganapan nila. For example. ‘Yong higad, magtutuloy ‘yan into cocoon, and by metamorphosis, magiging paru-paro. ‘Yon ‘yong kaganapan nila. E tayo? Pag nag-asawa ka, ‘yon na ba? Di naman, di ba? Kung manunulat ka, nanalo ka sa Palanca, nakapagpalathala ka ng libro, 'yon na ba? Kung artista ka, humakot ka sa FAMAS, 'yon na ba? Hindi. Imagine, tao tayo. Pero pasayahan ng buhay, mas masaya pa ‘yong sa paru-paro.”
Biglang natahimik.
"Pasayahan ng buhay?" tinapik ni Propesor Bigapig ng hintuturo ang titis ng sigarilyo. Nalalag iyon. "Mas masaya ang sa atin, Iha. Mas masaya ang atin kesa sa mga paru-paro. Sila, nabuhay nang pagano'n-gano'n lang. Tayo hindi. Mas masaya ang sa'tin. 'Yon e kung alam lang natin kung pa'no gamitin."
Panahon…
“Metaphysics pa rin tayo,” sabi ni Propesor Bigapig.
Himala, wala yata ito ngayong sigarilyo, sa isip-isip ni Roñez.
“Sir, nasa’n ‘yong yosi n’yo?” parang nahulaan ng kaklase niya ang iniisip niya.
“Naiwan nga sa kotse ye. Babain ko na lamang mamaya. Do’n pa kasi sa kabilang building e. Okey, pakitingnan n’yo nga ‘yong mga relo n’yo,” lumakad-lakad si Propesor Bigapig sa harap. “Anong napapansin n’yo?”
“’Sir ‘yong segundo Sir, di humihinto!” sigaw ng isang babae.
“Boses mo!” si Bato.
Tawanan.
“Tama. Hindi napapagod ang mga kamay ng orasan. ‘Yan ang kapangyarihan ng panahon, hindi napapagod. Nauna ‘yan sa’tin, tumanda na ‘ko, pati kayo, tatanda kayo. Mamamatay tayo, pero ‘yong panahon, nand’yan pa rin. Ni walang pinag-iba,” tumingin si Propesor Bigapig sa bintana. “Sa Ehipto, may ganitong paniniwala. Ang tao raw, takot sa panahon. Tama ‘yon. Kasi kaya n’yang kuhanin ‘yong ganda mo, lakas mo, talino, pati mga mahal mo sa buhay. Anumang meron ka. Walang taong hindi takot sa panahon. O dito, baka meron?”
Walang nagtaas.
“Pero sa ilalim nito, naniniwala rin silang ang panahon naman, takot sa piramida. Kasi nga, ang mga piramida nila, matanda pa kay Plato, kay Socrates at Hesu Kristo. Exodus pa lang sa Bible, nakatayo na ‘yang mga ‘yan. Nakikipagtagalan sila sa panahon. Ngayon, ‘etong tanong ko sa inyo. Sabi sa science, may silbi raw ang time. Pero sa point of view naman ng universe, wala. Ang time raw kasi ay paulit-ulit lang. Hindi totoo. Sabi ni Augustine. Di ko s’ya tinatawag na Saint. Dahil sa’kin, mga tao lang silang kinasangkapan ng D’yos, at hindi dapat sambahin. Sabi n’ya, ang kasalukuyan, ‘yan lang ang totoo. Dahil ang hinaharap ay wala pa, at ang nakaraan ay nakaraan na. Itong nangyayari sa’tin ngayon, ito lang ang totoo. ‘Yong kanina na binanggit ko ‘yong pangalang Augustinne, insignificant na ‘yon,” inabot ni Propesor Bigapig sa mesa ang yeso. "Hawak ko ang tsok ngayon. At ito ang kasalukuyan."
Binitiwan ni Propesor Bigapig ang yeso, nalaglag sa sahig, naputol, naging tatlong piraso.
“’Yong kaninang hawak ko ang tsok, wala na 'yon. Hindi na nag-eexist. Dahil nakalipas, ang kasalukuyan na lang ang nag-eexist, at 'yon 'yong ngayon, na ang tsok, putol na.
“Kung gayon, maari palang mahati ang panahon sa tatlo?"
"Sir!"
"O."
"Past, present, future."
"Kahapon, ngayon, bukas. Nakaraan, kasalukuyan, hinaharap. Hindi pa malinaw ang konsepto ng panahon, a. Hindi pa malinaw. Kung alin sa mga iyon ang talagang bahagi ng panahon, ang kasalukuyan lang ba, o 'yong tatlo e laktawan na natin. Ang gusto kong gawin natin, ibigay n'yo sa'kin, alin ang pinakamahalaga sa tatlo sa pagtatagumpay ng tao? Kasalukuyan o hinaharap o nakaraan? Alin?"
Natahimik na naman lahat, at parang umingay ang klase sa kabila at lumakas ang usapan ng mga nasa labas.
May isang nagtaas, babae.
"Nakaraan po s'yempre. Kasi kundi dahil d'yan, hindi mo maabot kung ano'ng meron ka ngayon. Tapos, kasalukuyan kasi 'yan ang magdadala sa'yo sa hinaharap. At 'yong hinaharap, last na lang po 'yon."
"Sir!" andami nang nagtaas.
Isang may katabaang lalaki ang tinawag ni Propesor Bigapig.
"Hinaharap po, s'yempre. Kasi 'yan ang dahilan kayo mo pinagbubuti 'yong ngayon e. Tapos, 'yong ngayon, magiging nakaraan na lang 'yan."
Ganito naman ang sagot ng sumunod, "Kasalukuyan po 'syempre, kasi 'yan ang maghahatid sa'yo sa future e. Then, past, kasi 'yan 'yong magiging weapon mo, para ipagpatuloy ang present mo. Para hindi ka sumuko. Treasure 'yan e. Saka pa lang po 'yong bukas. 'Yong hinaharap."
Marami pang naging sagot.
"Sir, inyo Sir? Anong sagot n'yo?"
"Ako?"
Natahimik lahat.
Saglit na tumingin sa labas si Propesor Bigapig, saka muling humarap sa mga estudyante. "Sa totoo lang, ako, hindi ko alam ang sagot d'yan. Sa edad kong 'to, hindi ko pa rin alam. Hindi ibinigay sa'kin ng panahon ang sagot," ngumiti siya. "Pero ito'ng ibinigay niya sa'kin, ito'ng malinaw sa'kin. May dalawang dahilan ka upang ayusin ang iyong kasalukuyan. Una, upang magkaroon ng magandang bukas. Ikalawa, upang magkaroon ng magandang kahapon."
Sining…
“Pakilapag na lang dito,” hinila ni Propesor Bigapig sa gitna ang mesa.
Inilapag ng isang estudyante sa mesa ang isang kung anong bagay na natatakpan ng tela.
“Salamat.”
“Sir, p’wedeng maki-seat in?” sabi nito.
“Sige lang. One hundred per hour a.”
Tawanan.
Umupo ito sa bakanteng silya sa likod.
“Sinong mga artist dito?"
Nasa sampu rin ang nagtaas.
“Okey. Wala akong nadalang painting ko, kasi malalaki. E di naman mailagay nang maayos sa kotse, kaya ito na lang gawa ng apo ko ang dinala ko,” inalis ni Propesor Bigapig ang itim na tela, at tumambad ang isang iskulturang yari sa kahoy. May higit sampung kahoy na na may sala-salabat na mga tusok sa itaas, na nakatayo sa pinakatabla na nagsisilbing paa ng pigura.
“Ano’ng konsepto ng pigura?” sinuyod ng tingin ni Propesor Bigapig ang klase.
Lumapit pa lalo ang mga nasa unahan.
“Sir, tao. Nakatingala s’ya,” sabi ni Roñez.
“Ay oo nga,” sabi ng isa. “’Ayun s’ya o. ‘Ayun ‘yung ulo.”
“Sir, ano ‘tong ibang kahoy na ‘to?”
Ngumiti lang si Propesor Bigapig, saka tiningnan ang nagtanong.
“Puno.” sabi ni Roñez.
Lalong naglapitan ang iba sa pigura.
"Oo nga. Nasa gubat s'ya."
“Galing a. Ilang taon na apo n’yo Sir?”
“Labing-anim. Malikhaing pagsulat sa Yu Pi,” humitit uli ng sigarilyo si Propesor Bigapig. “Upo na. Upo na.”
Nagbalikan na ang lahat sa kani-kanilang puwesto.
“Ang nakikita n’yo ay isang uri ng sining. Isang…”
“Sculpture,” sagot ng isang babae.
“Okey, isang sculpture. May kaguluhan pa ang sining. Sa konsepto. Ano ba ang sining, proseso o produkto? Ang sining ba e ito," itinuro nito ang pigura, “o ang paggawa nito?"
“'Yong produkto po."
“Produkto? E bakit may tinatawag pa tayong likhang-sining, o artwork. Kung ang sining ay iyong produkto mismo, bakit ginawa pa 'yong gano'ng kataga? Bakit hindi na lang sining?"
“Proseso po," sabi ng isa.
“E di ibig sabihin pala, kahit di mo matapos ang isang gawa, alagad ng sining ka na? Kasi gumawa ka naman e, at ang paggawa ang mismong sining e, hindi naman ang nagawa. At kung ganoon, para masabi pala'ng mahusay ang isang artist, hindi kung gaano kaganda ang gawa n'ya, kundi kung pa'no n'ya 'yon o kung ga'no n'ya 'yon katagal ginawa. Ganyan kalaki ang mundo ng sining. Maraming kayang sakupin.
Taasan ng kamay.
“O sige. Ikaw na asul ang mata,” babae ang tinawag ni Propesor Bigapig.
Tumayo ito.
“Nakacontacts ka?”
“Opo Sir.”
Nangiti si Propesor Bigapig. “A Pair of Blue Eyes. Thomas Hardy. O, sige.”
“Marami pong kahulugan ang sining. Pero po sa’kin, pinakagusto ko ‘yong kay Leonardo da Vinci. Sa buhay, ‘yong ganda, kumukupas ‘yan. Pero sa sining, hindi. Halimbawa po. Patay na si da Vinci, pero hanggang ngayon, nakangiti pa rin si Monalisa.”
“Nakangiti ba si Monalisa?” nakangiti si Propesor Bigapig. “Hindi pa ‘yan malinaw a. Pero tama. Hindi kumukupas ang sining. Iba pang kahulugan?” iyong nasa unahan lang ang itinuro ni Propesor Bigapig.
“Sa sarili ko lang po ‘tong definition, Sir.”
Tiningnan ito ni Propesor Bigapig, saka ngumiti.
“Sining po, para sa’kin, e kahit anong bagay, basta nagpapakita ng beauty and essence.”
“Kung ganoon, ibig bang sabihin, mas magandang sining ang bentilador kesa sa sculpture? Kasi mas may silbi ang bentilador di ba?”
“Pero Sir, mas maganda naman po ang sculpture kesa sa bentilador. E ang sabi ko naman po, may ganda’t katuturan. Therefore, hindi lang essence, dapat may beauty rin.”
Tawanan. Hiyawan.
“E pa’no kung ganito,” nakangiti na naman si Propesor Bigapig, “sculpture at bentilador. ‘Yong bentilador, malakas ‘yong inilalabas na hangin. ‘Yong sculpture, panget. Gawa ng baguhan. O, pag gan’on, kung ibabatay sa kahulugan mo, mas sining ‘yong bentilador kesa sa sculpture.”
Di kumikibo ang lalaki.
“Kasi sabi mo, katuturan at ganda. E dalawa ‘yon. Samadaling sabi, p’wedeng tig-fifty percent ‘yong dalawa sa papel na ginagampanan sa sining. E ‘yong bentilador e malakas ang hangin, at ‘yon naman talaga dapat ang bentilador, maglabas ng hangin. Kung gano’n, halos kuha nito ‘yong fifty percent. E ‘yong sculpture, bagsak ‘yon sa silbi, kasi hindi naman ‘yon nagbibigay ng katuturan. Sa kagandahan lang ‘yon, tapos di pa nakuha, kasi nga, panget.”
Umupo na ang lalaki.
“Sir!” nagtaas ng kamay si Roñez.
“O.”
“Sir, hindi naman po kasi p’wedeng ikumpara ang bentilador sa sculpture. Kasi iba ang anggulo para masabing good o bad art ang isang bentilador. S’yempre, sa isang sculpture, gano’n din. Halimbawa po, ang isang magandang kutsilyo ay iyong mas nakahihiwa. At ‘yong magandang sibuyas naman po ay iyong mas makatas. At hindi po natin p’wedeng pagkumparahin ang kutsilyo’t sibuyas, dahil iba ang sibuyas sa kutsilyo. Ang isa ay panluto, ang isa ay niluluto.”
“Okey. Tama,” humitihit saglit ng sigarilyo si Propesor Bigapig, “ngayon. Maliban do’n. Pa’no pa nating malalamang maganda ang sining. Hindi pa rin kasi malinaw e. Kasi nagkumpara tayo. Pero p’wede nga ba nating masabi ang kagandaha’t kapangitan ng isang bagay, o kung alin ang mas maganda't mas panget, nang hindi nagkukumpara? Halimbawa, kaya mo nasabing malaki ang isang langgam, gayong kalahating sentimetro lang ‘yong langgam na nakita mo, dahil ang karaniwang sukat ng mga langgam ay milimiter lang. ikinumpara mo sa kadalasang sukat ng langgam, kung ganoon. Sa madaling sabi, nagkumpara ka. Pero ibang paksa na kasi ‘yon.”
Maraming nagtaas ng kamay.
Isang babaeng bihirang magsalita ang tinawag ni Propesor Bigapig.
“Sir, ang sining po ay imitation lang. Kaya para madistinguish kung good o bad ang isang art, e pag mas nakopya nito ang pinagkopyahan nito. Kaya nga po minsan sa pagdodrowing, mas mahirap ‘yong may kopyahan e. Kasi po, kinopya mo ‘yon, kailangan, kamukha ng kinopya mo. Para masabing maganda. Not like ng inimbento mo lang. Parang camera po. Pa'no ba masasabing maganda ang camera? Kapag kuhang-kuhang ang orihinal, mas maganda 'yon kesa sa di nakuha ang orihinal. Maski pa d'yan ka mas maganda.”
"Painter ka?"
Tumango ang babae.
"Anong mga subject mo?"
"Tao po, kadalasan. Mga naghihikab."
"Naghihikab? Ba't naghihikab?"
"Kasi po, ang buhay, nakatatamad. Paulit-ulit lang. Lunes, Martes, Miyerkules, iyon at iyon din."
Tumango ang babae.
"At do'n sa sagot mo kanina, na mas maganda ang nakopya nang buo ang isang bagay, oa'no mo malalaman kung hawig nga sa pinagkopyahan niya ang painting n'ya o sculpture n'ya? Halimbawa, may painting ako, puno. tapos puro tatsulok ang dahon. Walang punong gano'n. Pero kinopya ko rin 'yon. Una, sa puno, tapos inilagay ko sa isip ko, at 'yong nasa isip ko, 'yon na ngayon ang iginuguhit ko. Pa'no mo ngayong masasabing nakopya ko nga 'yong nasa isip ko?"
Napangiti ang babae, natawa. "Oo nga 'no. Hala. Salamat Sir a."
Nagtaas ng kamay si Roñez.
"Saka di ba Sir, kung mas maganda ang mas kopya, e di mas maganda pala ang realism sa abstract? E di ba nga po, bago ka makagawa ng abstract painting dapat marunong ka muna ng realism. Kasi nga, ‘yong reality ay ididistort mo? O di pag gano’n, mas mahirap dapat ang abstract. Saka ibig bang sabihin hindi makakapagperform ang isang artist, painter man ‘yan, sculptor, architect o writer nang walang kinopyahan? O kung may kinopyahan man, dapat hawig sa reality? Pag gano’n, mali pala ‘yong mga analysis na maganda ang “Alice in Wonderland” ni Lewiss Caroll kasi wala naman talagang Wonderland at kabuteng nakapagpapalaki. Saka panget pala ‘yong mga painting ni Picasso.”
Ngumiti si Propesor Bigapig. "At kung gano'n, hindi siya dapat tawaging alagad ng sining. Dahil hindi siya manlilikha. Mangongopya siya."
Pagsusulit, Pagwawakas…
“So, last meeting na pala natin ‘to.”
“Aaaay,” hinaluan ng lungkot ni Bato ang boses.
May ilang natawa. Napangiti si Propesor Bigapig.
“Final exam na tayo.”
“Kinakabahan ako,” sabi ng isa.
Kinakabahan din si Roñez. Wala silang midterm exam, kaya malamang, mahaba ito. Pero walang dalang test paper si Propesor Bigapig. Bakit kaya?
“Sa kahit saang papel, pakisulat ang gusto n’yong grado n’yo. At ‘yon na mismo’ng grado n’yo. Wag lang uno ha. Hanggang uno bent’singko lang.”
“Talaga Sir?”
Ngumiti si Propesor Bigapig. "Oo."
“One point twenty five na kuku’nin ko,” si Bato.
“Patingin nga,” bulong niya kay Bato pagkaupo nito. Ayaw niyang marinig siya ni Propesor Bigapig.
Ipinakita nito sa kanya ang class card— 1.25.
Totoo nga.
Isusulat na niya sa 1/4 yellow paper ang 1.25, anng maisip niya, karapat-dapat ba siya rito? Naala'la niya nang unang araw ng klase, nang alukin sila ni Propesor Bigapig ng 2.5.
Isinulat niya sa papel niya—2.5. Tama si Propesor Bigapig, karunungan ang mahalaga. Ang grado ay numero lang. Masaya na siya sa mga natutuhan niya.
"Roñez."
Siya na. Tumayo siya, lumapit kay Propesor Bigapig. Iniabot niya ang papel niya.
Ngumiti si Propesor Bigapig pagkakita sa class card. “Ano’ng asignatura natin Roñez?”
Tama ba ang narinig niya? Itinatanong nito ang asignatura nila?
“Pilosopiya?”
Ngumiti si Propesor Bigapig, at iniabot sa kanya ang class card niya.
Tiningnan niya—1.0.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento