Biyernes, Setyembre 30, 2011

Dalawang Bolpen, Itim at Asul


Malapit na akong bumaba ng dyip, pero malakas pa rin ang ulan, at wala akong dalang payong. Pero hindi ito kaso sa akin, dahil talaga namang hindi ako nagdadala ng payong. Intindihin lang kasi ‘yon, baka makalimutan pa sa trabaho. At higit sa lahat, siyempre, masarap mabasa ng ulan. Sabi nga nila, “Life is not about waiting for the rain to pass, it’s about dancing in the rain.” Maski sa literal na pag-unawa, naniniwala akong totoo ito.

Sa tabi ng tsuper ako nakaupo. Basa na ang kanang braso ko, pati ang kanang bahagi ng mukha ko’t balikat, dahil sa anggi ng ulan at talsik ng tubig ng mga dumaraang sasakyan.

 Pinagmasdan ko ang EDSA— basang-basa, nagpuputik, parang hinilamusan. Walang pagtangging tinatanggap ang mga patak ng ulan. Isang babae’t isang lalaki ang naglalakad sa gilid ng kalsada, magkasukob sa payong, parang mag-asawa. Kumidlat, kumulog, at bigla kong naalaala ang magandang linyang naisip ko kanginang naliligo ako, na nang nakaligo na ako ay di ko na maalaala. Dinukot ko sa bulsa ng pantalon ko ang “mga bolpen” ko. Dalawang bolpen ‘yon, isang itim, isang asul, na pinagdikit ko ang magkabilang dulo ng chewing gum at scotch tape, pero hindi para madaling magamit pag kailangang magpalit ng kulay o para madaling maibulsa, kundi para madaling makapag-pen spin. Ewan ko ba, pero gumagaan talaga ang loob ko pag nagpi-pen spin ako. Ang batayan ko nga sa pagbili ng bolpen ay hindi linaw ng tinta o sarap nitong ipansulat. Pangalawa na lang ‘yon. Una, dapat magandang ipang-pen spin. Magaling na rin naman akong mag-pen spin, dala ng katagalan ko sa ganitong libangan, pero gaya ng nakararami, mas magaling pa rin ako siyempre, pag mahaba ang bolpen. Mga ’singhaba’t ‘singtaba ng stick ng dram. Maraming trick na kayang gawin. Ang kaso, wala namang nabibiling ganoong bolpen. Kaya heto, gumawa ako.

Iniahon ko sa bag ko ang isang maliit na asul na kuwaderno— sulatan ko ng lahat na yata ng naiisip ko— magagandang linya, magagandang paglalarawan, magagandang konsepto. Lahat ng alam kong kailangang isulat. Akala ko kasi talaga dati, kaartehan lang ang pagsusulat sa ganitong kuwaderno, lalo na ang pagbangon sa gabi para isulat ang naisip na magandang linya o ideya. Pero ngayon, sobrang naiintindihan ko na. Hindi pala ‘yon kaartehan. Dahil, pag hindi mo ito isinulat, puwede mong malimutan. Parang panaginip, naaalaala mo pag naalimpungatan ka, naiintindihan mo, pero sa umaga, pagkagising mo, hindi mo na maalaala, maalaala mo man, hindi mo na maintindihan.

Inalis ko ang takip ng itim na bolpen, at isinulat ko sa kuwaderno ang naisip kong linya. Agad-agad. Walang kaayusan ang mga letra. May pakaliwa, may pakanan, may diretso at may ibang nakabaluktot nang konti. At nang matatapos na ako, biglang kumaldag. Kumaliwa ang bolpen, lumikha ng isang pahabang linya. Napabuntong hininga ako.

Pinasadahan ko ng basa ang isinulat ko.

Napakaganda ng mga relasyon, pag nauunawaan ng lahat ng babae ang mga lalaki, at nauunawaan ng lahat ng lalaki ang mga babae. Pero malamang, hindi na masaya ang buhay. (Pebrero 21, 2011)

Isinilid ko na uli sa bag ang kuwaderno, at ibinulsa ang bolpen. “’Tay, tabi lang.”

Huminto ang dyip, bumaba ako. Bigla kong naramdaman ang mga paghalik sa balat ko ng mga patak ng ulan. May dalang lamig ang bawat patak. Binilisan ko’t nilakihan ang mga hakbang ko. Ayokong mapagtawanan ng nangakatinging estudyante. Baka mabansagan pa akong “Sir Waterproof.”

“Good morning Sir,” naroon na naman ang saya sa ngiti  ng guwardiya, ni Ate Aldeng. Nakahahawa ito. “Nabasa kayo Sir.”

“Magandang umaga po,” pinunasan ko ng di plantsadong panyo ang mukha ko’t buhok. Nakangiti rin ako, pero hindi bilang ganti sa ngiti niya, kundi dahil sa sayang hatid ng pagkakabasa sa ulan.

Idinikit ko sa biometrics ang hinlalato ko, at sa maliit na screen, lumabas, Good morning Jack  Barlis 09:21 am.

09:21 am pa lang. Maaga ako ng apatnapung minuto. Makakapagtsek pa ako ng mga eksam.

Bentisingko anyos na ako, binata, walang girlfriend. Nakakaisang girlfriend pa lang ako, at apat na taon na rin iyon. Limang taon na rin akong nagtuturo sa kolehiyo, pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako tapos ng masteral. Nakakalabing-walong yunit pa lang ako. Sa limang taong ding iyon, nakawalong eskuwelahan na agad ako. Nakakaisang taon lang ako sa kada eskuwelahan. At noong unang tatlong taon ko, sa bawat taon, part timer lang ako sa dalawang magkaibang eskuwelahan, na pag pinagsama ang bilang ng yunit e pang-full timer na rin. Nitong huling dalawang taon na lang ako naging full timer. Pero mas gusto ko pa rin ‘yong dati, part timer sa dalawang magkaibang eskuwelahan. Mas masarap kasi, dahil dalawang sistema ang pinakikisamahan ko. Hindi nakasasawa. Hindi nakatatamad. Lalo na kung ang iskedyul ko sa isa ay MWF, at TThS naman sa kabila. ‘Yon nga lang, mas maliit ang sahod. Kaya nga napilitan akong mag-full timer.

Gusto ko ‘yong ganoon, ‘yong palipat-lipat ng eskuwelahan. Doon ako masaya. Alam ko kasing sa ganoon, mas marami akong nararanasan. Iba-ibang lugar ang napupuntahan. Iba-ibang sistema ang pinakikisamahan. Iba-ibang tao ang nakikilala. Wala rin akong pakealam sa sinasabi nila— “Nakasisira ‘yan sa resume`.” O sabihin mang may pakealam, konti lang. Basta ang alam ko, gusto kong makapunta kung saan-saan, makapagtrabaho sa mga ‘yon at makapag-ipon ng mga alaala’t karanasan. Para pagtanda ko, pag nadaanan ko ang mga lugar na ‘yon, ipapaalaala niyon sa akin ang nakaraan, na minsan, naging bahagi ako ng lugar na ‘yon. Kung maari lang din, bawat lugar na pagtatrabahuhan ko, may makilala akong taong talaga namang kakaiba ang katauhan, o kaya nama’y kuwento na magandang gawing paksa, para magamit kong materyal sa aking mga piyesa, at magsilbi na ring souvenir ko sa lugar na ‘yon.

Ayokong mamatay na inangkin lang ng isang lugar at naging bahagi lang ng iilang karanasan. At lalo ayokong makisali sa kultura ng mundo— ipinanganak, nag-aral, nag-asawa, nagkaanak, patay. Wala man lang iniambag at iniwan sa mundo.

Pumasok na ako sa loob, umakyat ng hagdan.

Ito ay isang maliit na pribadong paaralan, apat lang ang programa— Business Management, Hotel and Restaurant Services, Computer Science at Information Technology— at kakaunti lang ang estudyante— halos tatlong libo lang. Isang di kalakihang gusaling pinilit maging eskuwelahan.

“Sir!” huminto sa paglalampaso ng hagdan si Kuya Domeng, dumiretso nang tayo, saka sumaludo sa akin.

Natawa ako. “Militar na militar a.”

Tahimik lang na tao si Kuya Domeng, iilan lang ang pinapansin. Natutuwa nga ako’t napasama ako sa iilang ‘yon at naging kaibigan ko siya, kahit wala pa akong isang taon dito.  Siguro, napalagay ang loob sa akin. Dati kasi, noong nakaraang semestre, dahil walong seksiyon lang ang hawak ko, madalas kaming magkakuwentuhan. Nagandahan  pa nga ako sa kuwento ng buhay niya. Kakaiba. Ang sarap isulat. Isang buong banghay na pangmaikling kuwento.

Hindi siya nakatapos ng hayskul, at nasa trenta na rin nang mag-asawa. May dalawa siyang anak, parehas babae. Isang anim at isang apat na taon. Isang araw, Lunes, iniwanan siya ng asawa niya, tinangay ang mga bata, umano, dahil sa pagiging lasinggero niya. Nang una, sabi ni Elsa, asawa niya, doon lang sila sa Bulacan, sa mga magulang nito, at mahigpit ang bilin, huwag na huwag daw siyang dadalaw roon hangga’t hindi niya naiiwan ang bisyo niya. Dahil mahal na mahal ang mag-iina, mula noon, pinilit niyang hindi na uminom. Nagawa naman niya, kahit napakahirap, sa tulong ng pagsusubsob sa chessboard. Kaya makalipas ang tatlong buwan, nang alam niyang talagang naiwan na niya ang bisyo, dumalaw siya roon. Pero sa halip na matuwa, parang natibag ang lahat-lahat sa kanya, nang malaman niyang may dalawang linggo na pala sa Amerika ang mag-anak niya. May iba na raw kinakasama si Elsa. Nanlumo raw siya noon, at muling nagpakasugapa sa alak. Parang gusto na rin daw niyang magpakamatay. Parang nawalan na ng saysay sa kanya ang buhay. At dahil daw roon, naikuwento pa niya sa akin, hindi ko lubos maisip kung paano niya ‘yon nagawa— naggupit siya ng titi. Napangiwi ako nang mabanggit niya ‘yon. Hindi ako makapaniwala. Akala ko nga, nagbibiro lang siya. Kaya nasabi ko na lang, mabuti’t hindi siya natuluyan.

Gustong-gusto ko talaga ‘yong isulat, kaso, mula nang tumungtong ang ikalawang semestre, mula nang maging labing-isang seksiyon ang hawak ko, di na kami nakakapagkuwentuhan.

Pagdating ko sa corridor, sa mahabang silyang tambayan ng mga estudyante, may isang tumayo pagkakita sa akin— si Patrick Alido, estudyante ko, pumapasok lang pag may long quiz.

“Sir, di pa ‘ko nag-eeksam,” sabi niya, pagkalapit ko.

Huminto ako. “Nag-midterm ka na kahapon a.”

“Prelim Sir. Di pa ‘ko nagpi-prelim.”

Napakamot na lang ako ng batok.

Isa ito sa mga pinakakinaiinisan ko sa eskuwelahang ito. Ang estudyante, pag di nakapag-exam ng prelim, puwede pa niyang kuhanin sa midterm. O kung hindi nakapag-prelim exam o midterm exam, puwede niyang isabay sa final exam. Tatlong exam, sabay-sabay. Dinaig pa si Einstein sa sobrang talino, at minsan, kasabay pa ‘yan ng sa ibang subject. Halimbawa, nag-e-exam siya sa Biology, at nakita niya ang propesor niya sa Rizal, hihingi rin siya ng test paper, at sasagutan niya nang sabay. Nakakainis kasi nakakawala na ng integridad, napakamatrabaho pa. Ini-encode kasi sa system ang grade nila, kaya pag ngayon lang siya nag-exam, may bago ka na namang ie-encode— bukod pa sa kailangan mo na namang hanapin ang key to correction at kailangan mo na namang magtsek. Hindi mo naman puwedeng hindi pag-eksamin dahil bawal, at hindi mo rin puwedeng lagyan ng minus. Basta ang kailangan lang nila e ipakita ang test permit nila na may tatak na “special exam,” at may bayad ‘yon sa cashier— P 50.00. Kung bakit ba naman kasi gustong-gusto nilang late nag-e-exam, nagbabayad pa tuloy sila. Hindi mo naman sasabihing ngayon lang nakakuha ng permit, dahil halata namang mga may-kaya. Tantiya ko sa mga ito, late nag-e-exam para malaman ang laman ng test paper.

“Halika rito,” lumakad na ako.

Binuksan ko ang pinto ng consultation room, at naramdaman ko ang yakap ng malamig na hangin. “Hintayin mo ‘ko r’yan.”

‘Yon ay isang makipot na kuwarto sa labas lang ng faculty room, hintayan ng mga estudyante sa kailangan nilang propesor. May ilang silyang plastik at isang malaki’t mahabang mesang kahoy. Naka-aircon.

Pumasok ako sa faculty room. Mas malamig dito.

“Sir Jack!” masigla si Sir Rod, IT professor. “Nabasa ka yata ng rain, Sir.”

Siya lang ang di abala sa lahat ng nandoon. Lahat ay nakayuko, kaharap ang matataas na patong ng pulang test booklet, abala sa pagtsitsek. Bawal sa aming magpatsek ng mga papel sa estudyante, liban sa mga quiz. Nagbabayad daw kasi ang mga ito para mag-aral, at hindi para magtsek ng mga papel. Trabaho na raw iyon ng mga titser. Kundi nga lang siguro bawal, matagal na naming ginawa. Kasi, kahit sabihin mong paganyan-ganyan lang ‘yan, nakapapagod din. Malakas pang makaubos ng oras, kasi minsan, isang answer sheet pa lang, dalawang minuto mo nang tsitsekan. Pero talagang hindi puwede. Ayokong mapabilang sa lampas dalawampu nang namemohan dahil doon, nito lang nakaraang semestre.

“Como esta,” nawala ang init ng dugo ko. Nahawa ako sa ngiti ni Sir Rod.

“Sir, next week na ang encoding a. Hanggang Saturday,” si Sir Rod uli.

Napakamot ako ng batok. Ni hindi ko pa nga naie-encode ang prelim grades, hindi pa rin nako-compute, tapos ngayon, encoding na ng midterm. Nagtsitsek pa nga ako ng mga exam e. Ano ba’ng akala nila sa amin? Mga robot?

Tumingin ako sa kalendaryo sa dingding. Nakalarawan doon ang eskuwelahan namin. At may mga estudyanteng nakaporma ng sa nars, engineer, technician. Sa likod nila, nandoon ang estatwa ni Liberty at ang San Francisco Bridge. Huwebes ngayon. Biyernes… Sabado… Linggo… Lunes… Martes… Miyerkules… Huwebes… Biyernes…  walong araw na lang.

“Tapos na kayo?” bigla kong nasabi.

“Hindi pa Sir. Pero mabilis lang ‘yan. May Excel naman e.”

Hindi ako kumibo. Oo, may Excel nga. Ang problema, hindi ko pa nairerekord ang mga quiz ng mga estudyante. Paano ko ba naman kasing mairerekord, e pag bakanteng oras ko, wala akong ginawa kundi magbasa ng libro: Maxim Gorky, Francis Scott Fitzgerald, Ernest Hemingway, Fyodor Dostoyevsky, Haruki Murakami. Ganoon na lang kasi ang paniniwala ko sa sabi ni Ralph Waldo Emerson, “Ti’s the good reader who make’s the good book,” at sa kay Percy Bysshe Shelley, “The more you study, the more you discover your ignorance.” Ganoon din sa sabi ng paborito kong manunulat nang magkakuwentuhan kami, na pagbasa ka nang basa, nalalaman mo kung alin ang panget at magandang estilo, ngayon, pag ikaw na ang nagsusulat, hindi mo na iyon gagawin. Idagdag pa na malalaman mo rin kung aling paksa ang naisulat na. Minsan kasi, akala ko, ako pa lang ang nakaisip. Niyon pala, marami nang nauna.

“Nag-encode ka ba ng prelim, Sir?” binuksan ni Sir Rod ang kanyang laptop.

“Di pa nga po e.”

“Naku, lagot ka,” may isang nakisali, si Mam Mariel, propesor sa hotel and restaurant management. “Ayusin mo na ‘yan Sir.”

Lalo akong kinabahan. Baka masuspinde na ako nang isang linggo. Namemohan na kasi ako dati, noong nakaraang semestreng hindi ko nai-encode ang prelim at midterm grades. Inuna ko kasing isulat ang isang maikling kuwento, na sa higit isang taong pagpaparoo’t parito sa isip ko, pag nakatayo sa bus, pag naglalakad, pag kumakain, pag naliligo, pakiramdam ko ay hinog na hinog na. Kayang-kaya ko nang isulat.

Tungkol iyon sa kapitbahay naming matangkad, matipuno, magaling magbasketbol. Lalaking-lalaki ang dating. Nag-aral siya ng criminology sa PCCR, at nangarap pang maging hepe ng PNP. Pero dala ng kahirapan, hindi siya nakatapos, at naging tagabantay lang siya ng bahay at tagaalaga ng mga anak, tagalaba’t tagahugas ng pinggan. Ang asawa niyang tapos ng office management ang nagtatrabaho’t nagpapakain sa kanila. At hindi niya iyon matanggap. Hiyang-hiya siya sa sarili. Kaya isang-araw, nagpakalasing siya nang sobra. Sa sobrang hilo niya, nabuwal siya sa batyang may nakababad na mga puting damit, sa labas ng bahay nila. Nabasa siya at nawasak ang batya. Nagising ang mga kapitbahay. At mula noon, napakabihira na niyang lumabas.

Gabi-gabi ko iyong nilalamay, sa harap ng mesang tinatanglawan ng nagliliwanag na study lamp, mula alas-diyes nang gabi hanggang alas-dos nang madaling-araw. O kung minsan, hanggang alas-tres. Nakadadalawang tasa ako ng kape. At pag nararamdaman kong mga pilit na ideya na lang ang mga lumalabas sa utak ko, hihiga na ako. At kahit nakadalawang tasang kape, agad pa rin akong nakatutulog. Para hapong-hapo ako. Pagod na pagod.

Pagtungtong ng alas-singko, babangon na ako, dahil may klase pa ako nang alas-siyete. At dahil nga kulang sa tulog, madalas, alas-siyete beynte o alas-siyete trenta na ako dumarating sa klase. Namemohan na rin ako roon.

“Magpapatong-patong na ‘yan,” si Ma’m Mariel na naman.

Humarap ako sa salamin, na sa pagkakadikit sa dingding ay parang naging bahagi na rin ng dingding.

Naasiwa na naman ako sa nakita ko sa salamin. Nakapantalong itim ako, pangatlong araw ko na ‘tong suot, nakasapatos na balat na itim, naka-long sleeve na asul. Sino kaya’ng nagpauso ng ganitong porma? Kung magaling na titser ba ako, bababa ba ang kalidad ko sa pagtuturo pag hindi ako nagganito? O kung hindi naman ako magaling, huhusay ba ako kung maggaganito ako?

Dinukot ko sa backpocket ng pantalon ko ang kurbata ko. Nakaayos na ‘yon, isusuot na lang. Ipinaayos ko dati kay Sir Rod, dahil hindi ako marunong magkurbata. Isinuot ko ‘yon, saka iniayos, habang nakaharap sa salamin.

Halos anim na talampakan ang tangkad ko. Payat. At underweight. Maputi ako, ngunit hindi kaputian. Sapat lang para magmukhang malinis. Gupitin na ang mahaba-haba ko na ring buhok na pumapaibabaw na sa kuwelyo ng long sleeve ko, tumatabing na sa aking noo at sumasaling sa aking mga kilay.

Kumuha ako ng isang questionnaire sa locker ko, saka ako lumabas. Inabutan ko si Patrick na nakaupo, nagti-text. Ibinulsa niya agad ang cell phone niya, pagkakita sa akin.

Iniabot ko sa kanya ang questionnaire.

Maya-maya, pumalatak siya. “Hirap naman nito Sir,” tumingin siya sa akin, saka muling bumaba ang tingin sa papel. “Basahin ang mga sumusunod na salitang nakasulat sa alibata. Grabe. Mga katangian ng wika. Mga dahilan bakit Tagalog ang naging batayan ng wikang pambansa. Wala man lang multiple choice.”

Nag-init na naman ang dugo ko. “Ngayon ka na nga lang magpi-prelim e. Dapat mataas ang iskor mo d’yan.”

Nang nagsisimula na siya, bumalik ako faculty room. Ramdam na ramdam ko ngayon ang halaga ng oras. Nakaramdam na naman ako ng inggit sa mga taong magaling sa time management. Naalaaala ko na naman ‘yong napanood ko dating dokumentaryo sa TV, tungkol sa isang lalaking walo ang papel: basketball coach, doktor, pintor, bowling player, guro, tatay, negosyante ng isang malaking sari-sari store, at kolumnista sa isang diyaryo. Paano kaya ‘yon? Lahat kaya ng mga ‘yon e nagagampanan niya nang mabuti? Bakit ako, dalawa lang, hindi ko pa  makaya-kaya? A, iba kasi ang akin. Dalawa nga lang, pero kapwa naman mabigat. Sabi nga, ang pagiging titser ay napakahirap na trabaho. Wala ka na sa eskuwelahan, nagtatrabaho ka pa. Ang pagsusulat, ganoon din. Walang pinipiling oras at lugar. Kumakain ka man, tumatae, naliligo, o nasa bus at nakatayo, biglang darating ang ideya.

Kinuha ko ang test booklet ng isang seksiyon, saka dinala sa consultation area. Dinukot ko sa bulsa ng pantalon ko ang bolpen ko. Sa haba niyon, hindi ko na kailangang ipakapaloob pa ang mga daliri para dukutin iyon, dahil di man lang, nakalitaw na ang dulo niyon. Inalis ko ang takip ng asul na bolpen.

“Tapos na, Sir,” iniabot sa akin ni Patrick ang papel, saka agad lumabas. Ni hindi man lang marunong magpasalamat.

Ang bilis niyang magsagot. Matingnan nga. Halos blangko lahat. Tsinekan ko na agad. Sa isang-daang puntos, tatlo lang ang tama niya.

Naitanong ko bigla sa sarili ko, ano kaya ang nararamdaman ng mga gaya ni Patrick? Nahihiya pa kaya sila sa ibang tao, kundi man sa sarili nila? Nagkadireksiyon ang ideya. Ano kaya ang mararamdaman ng mga magulang ng ganoong estudyante, pag nalamang sa pagpapakahirap nilang mabigyan ng baon ang anak nila at matustusan ang lahat ng pangangailangan nito, ay hindi naman pala ito pumapasok, at puro DoTA at porma lang ang inaatupag? Naging tiyak ang direksiyon ng ideya. Ano kaya kung ako mismo ang tatay ni Patrick? Ano kayang mararamdaman ko? E ngayon pa nga lang na titser lang niya ako, naiinis na ako. Paano pa kaya kung ako mismo ang tatay niya? Kung ako mismo ang nagpapakahirap sa perang sinasayang lang niya?

Pumunta ako sa faculty room, kumuha ng isang scrap paper sa locker ko, saka bumalik sa consultation room.

Umupo ako, saglit na nag-isip. Napako ang mga mata ko sa puting pader. Malinis na malinis ‘yon. Parang sa ospital. Tinanggal ko ang takip ng itim na bolpen. Nag-umpisa na akong magsulat. Parang bumabalong ang mga ideya sa isip ko. Umaapaw. Umaagos. Nakaisang saknong agad ako. Limang taludtod.  Nasabik akong basahin agad. Binasa ko. Maganda. Buhay na buhay. Pumipintig. Humihinga. Mamaya ko na kikinisin. Mamaya ko na aayusin ang tugma. Importanteng maisalin muna sa  papel, dahil baka mawala. Sayang. Maumpisahan na ang pangalawang saknong. “Nilugmok.” “Inabanduna.’ “Nilisan.” Alin ba ang mas maganda? Iniipit ko sa pagitan ng hinlalato ko’t hintuturo ang bolpen. Nag-pen spin ako. Thumb around. “Nilugmok.” “Inabanduna.’ “Nilisan.”  Ikot pa uli. “Nilugmok.” “Inabanduna.’ “Nilisan.” Mas maganda ang “nilisan.”

Narinig kong bumukas ang pinto ng faculty room.

“O, Jack,” si Mam Kate, general science professor. Kasama niya si Mam Mariel, at si Sir Edmund, accounting professor. “Ten ka di ba?”

Napatingin ako sa digital clock na nasa ulunan ng pintuan— 10:11 am. Lagot. Late na ako.

 “Salamat po Ma’m,” pinagpatong-patong ko ang mga test booklet, “mauna na po kayo.”

‘Okey,” si Ma’m Kate.

“Busy si Sir sa pagsusulat e,” tinapik pa ako ni Ma'm Mariel sa balikat.

Satire ‘yon a. Ano kaya’ng ibig niyang sabihin?

Dinoble ko ang kilos ko. Isa-isa kong kinuha sa locker ko ang mga gamit ko, kinuha sa bag ang asul na kuwaderno at iniipit roon ang nagawa kong tula. Sa klase ko na lang ito itutuloy. Tutal, magbabantay lang naman ako ng mga mag-eeksam.

Dinalian ko ang lakad. Dalawang baitang ng hagdan kada hakbang.

Pagdating ko sa klase, tiningnan ko agad ang oras sa sa Nokia 1110 kong cell phone. Naka-time iyon sa biometrics. 10:15 am na. Sakto lang para sa grace period ko. Salamat. Dahil kung kinulang pa ako ng ilang minuto, baka sa akin na naman matambak ang sisi pag bumagsak ang mga tamad na ‘to. E lagi pa namang bagsak ang mga ito. Tipong nakailang ulit ka na ng paliwanag, mamaya, may magatatanong pa rin. Lecture sa mismong examination period. Buti na lang talaga.

“Magandang araw,” inilapag ko sa mesa ang mga gamit ko. Hinihingal pa ako.

“Magandang araw po Sir Barlis,” dalawa lang yata ang sumagot.

Halos lahat ay abala sa pagkakabisa, sa pagbuklat ng kani-kanilang kuwaderno, sa pagtatanong sa katabi ng “Ano na nga ‘yong ano?”, “Ano na nga ‘yong k’wan?”

“Okey, pakiayos na ang mga gamit. Itabi na ang mga k’waderno,” umupo ako. “Pakipasa na rin ang mga test permit.”

Ilang minuto rin bago kami nakapagsimula.

Apatnapu halos ang mga estudyante ko. Nangakauniporme ng puti.

Nang nasa ayos na ang lahat, nang nakatungo na silang lahat, at nang ang naririnig ko na lang ay ang paghinga ng aircon at ang ingay ng mga binubuklat na papel at mga buntong-hininga, binalikan ko ang tula ko. Binasa ko ang unang saknong, pati ang nasimulan nang ikalawa. Tumingala ako, at napako ang mga mata ko sa puting-puting kisame. Parang hindi ko na maalaala ‘yong mga gusto kong sabihin kangina. Nag-pen spin ako, finger pass. Pakaliwa. Pakanan. Isa pa. Isa pa uli. Kailangan kong maalaala ang tono ng tula, ang emosyon, ang diwa. Pakaliwa. Pakanan. Napahawak ako sa bolpen. Wala na sa isip ko ang bumabalong, umaapaw, umaagos na mga ideya. Napadiin ang hawak ko sa bolpen, hanggang sa makaramdam ng hapdi ang hintuturo ko’t hinlalaki.

Nawalan ako ng gana. Ipinatong ko sa mesa ang papel.

Tumayo ako, nagpalakad-lakad sa makipot na daan sa pagitan ng mga silya. Pilit na inaalaala ang tula, ang tono, ang emosyon, ang diwa. Pero wala. Ayaw talaga. Nakaiinis. Inaagaw ng pagiging guro ko ang pagsusulat ko.

Pangarap ko rin namang magturo. Iyon nga lang, mas gusto ko talagang magsulat. At kung magtuturo man ako, ang gusto ko talaga’y sa mga pampublikong pamantasan: PUP, PNU, EARIST, RTU, TUP, UP, at sa mga Filipino rin ang programa. Para malalaliman ko ang talakayan. Saka para balikan ang proseso . ‘Yon bang natututo ko sa estudyante, at hindi ‘yong sa akin na lang nang akin na lang ang lahat ng impormasyon. Ni hindi pa ako makapagtaas ng standard. Dahil minor subject lang naman ako. Ang hihina pa ng mga estudyante.

Bukod pa roon, gusto ko, tatlong seksiyon lang ang hawak ko. Kumbaga, para lang huwag malayo sa pagtuturo at para makakuha ng mas marami pang karanasan na puwede kong maging materyales. Natuklasan ko kasing maraming makukuhang materyales paglalagalag, pero mas malalim ang mga materyales na hango talaga sa sarili mong buhay at karanasan. Mga bagay na kusang nagdatingan at hindi mo pinaghahanap.

Makalipas ang halos isa’t kalahating oras, bumalik ako sa faculty room. Bitbit ang mga questionnaire at test booklet. Pinagpatong-patong ko sa mesa ang lahat ng mga tsitsekan ko.

“Kapal n’yan Jack a,” si Ma’m Shiela, English professor. Nag-aalkohol siya ng mga kamay.

Hindi ako kumibo.

“Nakakatamad ‘no?” nahulaan ni June, kaibigan ko, business management professor, ang nararamdaman ko.

“Naman,” ginanahan tuloy akong makipag-usap, “sinabi mo pa.”

Sa mga sumunod kong klase, dinala ko ang ibang test booklet. Doon ko tsinetsekan. Ang problema, dahil abala ako sa pagtsitsek, abala rin sila sa pagkokopyahan.

“O, samantalism,” huminto ako sa pagtsitsek, at tumingin sa dalawang lalaki sa gilid.

Tawanan.

Nag-init na naman ang dugo ko. Wala kasing ibang inatupag kundi pumorma. Ngayon tuloy, mga walang maisagot.

Dinala ko ang mga tsitsenekan ko sa bakanteng upuan sa likod. Dito, hindi nila alam kung saan na ako nakatingin. Tingnan ko lang kung makapagkopyahan pa sila.

Bago mag-ala-una, bago matapos ang ikalawa kong klase, natapos ko naman ang papel ng isa kong seksiyon. Nananghalian muna kami nina June at Sir Rod sa karinderya sa tapat.

Pagkakain, balik agad sa eskuwelahan. Marami pang kailangang tsekan. Walang dapat masayang na oras.

Sa lahat ng seksiyon ko, nagdadala ako ng tsitsekan. Dala ko rin siyempre ang asul na kuwaderno ko. ‘Yon nga lang, pag may naisip akong magandang linya, hindi ko rin nailalagay. Wala munang panahon para riyan. Itong mga ito muna ang kailangan kong unahin.

Nasa faculty room na ako. At tapos na ang lahat ng klase ko. Tatapusin ko munang irekord ‘tong mga quiz, bago ako umuwi.

Panay ang kuwentuhan at tawanan nina Ma’m Mariel, Sir Rod, Mam Kate, June at iba pa. Panay ang banat nila ng kani-kanilang kalokohan. Gustong-gusto kong makisali. Kaso, hindi puwede.

Kailangan ko nang matapos ang mga ito.

“Naku, nasa iisang mundo lang tayo. Pero magkakaiba tayo ng mundo,” malakas ang boses ni Ma’m Kate.

Tawanan sila. Natawa rin ako. Iba talagang bumanat si Ma’m Kate. Kaysarap gawing karakter sa maikling kuwento. At maganda ang linya niya ya. Mabenta. Isusulat ko ‘yan mamaya, pag di na ako abala.

Mamaya, natapos din akong mag-record. Iilan na lang kami sa faculty room. Nananakit na ang batok ko. At kumakalam na rin ang sikmura ko. Tumingin ako sa cell phone ko— 07:13 pm.

Hindi ko namalayan, gabing-gabi na pala. Puwede na akong umuwi. Puwede na akong tumambay sa EDSA at maghanap ng mga materyales. Natutukso ako. Pero hindi puwede. Kailangan ko nang ma-compute ang prelim grades. Magpapatulong na lang ako kay Mama sa pagtsitsek sa natirang mga test booklet. Kakayanin din ‘yan. May ilang araw pa naman.

Pinagsama-sama ko ang mga nairekord na, iginoma, saka sinulatan ng whiteboard marker— “One down.” Marami-rami rin pala. Test booklet na lang. Kailangan ko nang maibalik sa mga estudyante ang mga tapos na. Masikip na kasi ang locker ko. Halos hindi ko na alam kung alin basura sa hindi. Kailangan din nga pala itong makita ng mga estudyante, para malaman nilang hindi ako nanghuhula. Ito ang ayaw ako sa pagiging titser e. Ayos lang namang magturo. Walang masama roon, na habang tumatanda ka e nag-aaral ka. Maganda nga ‘yon. Hindi ka humihinto sa pag-aaral. Ang problema lang e ‘yong ganito, iyong pagtsitsek ng papel. Nakatatamad. Saka parang hindi ko naman ito ikahuhusay. Isinusi ko na ang locker ko. Bukas na lang uli.

Nag-log out na ako.

 “Bye Sir,” nakangiti pa rin si Ate Aldeng.

Naalaala ko, kangina, parehas kaming nakangiti. Pero ngayon, siya na lang.

“Bye,” lumabas na ako.

Bumungad sa akin ang dilim ng gabi at lamig ng hangin. Parang nakahinga ako nang maluwag nang masilayan ko ang gabi. Mas malamig ang hangin doon sa loob. Pero mas gusto ko ang hangin dito sa labas.

Sinimulan ko nang maglakad papuntang sakayan ng dyip.  Malayo-layo rin ‘yon. At tulad ng bawat gabi, parang may kung anong saya akong nahugot sa nakalatag na dilim at sa nanlilisik na mga mata ng sasakyan. Parang musika sa pandinig ko ang mga busina, ugong ng mga tambutso, yabag ng mga naglalakad, sigaw ng mga barker ng dyip, tawanan ng mga bumibili ng kwek-kwek at fish ball, silbato ng guwardiya ng Mercury Drug, na nagpapaatras ng isang nakaparadang van. Umakyat ako sa footbridge. Parang gusto ko munang tumambay. Parang inaaya ako ng nagtatawirang mga sasakyan sa ibaba, ng mga nagtitinda ng nail cutter, pantalon, alarm clock, pitaka, at ng pagkanta ng “Tears in Heaven” sa mikropono’t pag-strum sa semi-electic guitar ng bulag na pulubi. Pinigilan ko ang satili ko. Saka na. May ibang araw pa naman.

Bumaba na ako ng footbridge, saka pumila sa sakayan ng dyip. Natuwa akong natiyempuhan ko pang bakante ang upuan sa unahan. Makakapag-isip-isip ako. Pero maya-maya, napagtanto kong dapat ko pala ‘yong ikainis. Dahil ibig sabihin, matagal pa bago lumakad ang dyip? Sayang ang oras. Hindi ko maintindihan. Hindi ako naiinis. Ni konti. Wala.

Natagalan din bago lumakad ang dyip.

Saglit itong nahinto sa tapat ng SM North. Trapik. Ang daming bus na pumapasok doon. Parang gusto kong bumaba’t sumaglit sa Book Sale. Matagal-tagal na rin akong hindi nakapamimili ng libro. May dalawang lingo na yata.

Umusad ang mga sasakyan. Mabilis na ang takbo namin. Muñoz… Royal… Oliveros… Balintawak na agad.

Napatingin ako sa palengke. Marami pa ring nagtitinda. Naalaala ko ‘yong batang kargador, na sa tantiya ko ay dose o trese anyos lang. Pero ang bibigat na ng binubuhat. Naroon pa kaya siya? Sana. Gusto kong isulat ang buhay niya. At ayoko nang dagli, ang gusto ko, maikling kuwento.

Naalaala ko na namang bigla si Mark Twain, si Leo Tolstoy, si James Joyce. Ang dami nilang naisulat. Di lang marami, magaganda pa. Puro obra! E ako ba? Bilang na bilang ko kung ilan lang ang naisulat ko. Nakakaapat na sanaysay pa lang ako, labing-isang maikling kuwento, dalawang dagli, dalawampu’t isang tula. At buti kung nasa ikaapat man lang ng mga iyon ang makikipagbunong braso sa panahon. O kung meron nga kaya. Nakaramdam na naman ako ng inggit sa naunang mga manunulat. Sana, noon na lang ako nabuhay.

Si Mark Twain, nang dumating ang Halley’s Comet noong Nobyembre 30, 1835, isinilang siya. At noong 1909, sinabi niyang darating ang Halley’s Comet sa susunod na taon, at alam niyang mawawala na rin siya. At dumating nga noong Abril 21, 1910 ang Halley’s Comet, at namaalam na siya.  Ang naghatid-sundo sa kanya an gang pinakasikat na bulalakaw, na dumaraan lang kada ika-75 taon.

“Hindi pa kasi busy mga tao dati. Kaya ‘yang mga ‘yan, walang inatupag ‘yang mga ‘yan kundi magsulat,” sabi sa akin ni Dison, nang minsan magkaharap kami sa ilang bote ring Red Horse, habang naglalaitan ng kanya-kanyang akda. “Saka Pare, mas masarap magsulat no’n. Pinapansin mga gawa nila. Ngayon, ang ganda na ng gawa mo, ayaw pang pansinin ng mga walang’ya. Puro Efbi alam nila. Puro tivi.”

Tama parehas ang sinabi ni Dison. Pero ang unang sinabi niya ang talagang malakas ang dating sa akin.

Pero puwede rin nga ba akong makagawa ng ganoon kadadakila at karaming mga piyesa? Naalaala ko ang mga paborito kong manunulat, sina Lualhati Bautista at Edgardo M. Reyes. Parehas na mahusay. Mga panandang bato ng panitikan ng Pilipinas. Sila lang daw ang full-time writer sa Pilipinas. Kung magiging tulad ako ng dalawang ‘yon, na walang ibang inatupag kundi magsulat, siguro nga, kakayanin ko. Naalaala ko ang sinabi ni Amang Jun Cruz Reyes sa isang isyu ng Likhaan. Sa Pilipinas, mahirap maging full-time writer.

Nasa NLEX na ang dyip. Panay ang bangga sa mukha ko at bulong sa kaliwang tenga ko ng malamig na hangin, na lalong lumalakas tuwing may nag-oovertake na sasakyan, na kadalasan ay ten-wheeler na trak.

Lampas alas-otso na rin nang dumating  ako ng bahay. Humarap agad ako sa kompyuter. Kung siguro may laptop ako, mas marami akong naisusulat. Kaso, hindi makabibili ng laptop ng sahod ko. Binuksan ko MS Word. Lalong nagliwanag ang monitor. Ang dami ko na namang gustong isulat: tula tungkol sa ulan, sanaysay tungkol sa edukasyong pinagkakakitaan, kuwento ng mga tamad na estudyante. Pero may paggagamitan ba ako ng mga ito? Nasaan na ba ang iba kong gawa? Di ba’t natatambak lang naman sa blog ko. Wala halos bumabasa. Liban sa apat kong gawa na nalathala sa Liwayway.

Gutom na gutom na ako, pero tinatamad akong kumain. Tumayo ako’t nagtimpla ng kape. Sa liit ng bahay namin, katabi lang ng computer table ang kusina. Ipinatong ko sa mesa ng kompyuter ang malaking tasa. Inalis ko ang takip ng itim na bolpen. Isusulat ko muna ang lahat ng napulot kong linya kangina. Kinuha ko ang asul na kuwaderno ko, saka ko inalaala ang napulot kong mga linya. Wala akong maalaala ni isa. Ultimo ang sinabi ni Ma’m Kate kangina. Saglit. Hindi naman siguro ganoon. Ang hirap naman yatang paniwalaang ni isa, wala akong maalaala. Meron ‘yan. Nag-pen spin ako. Pass and reverse pass. Pinaikot ko sa mga daliri ko ang bolpen. Pabalik naman. Isa pa. Wala talagang akong maalaala. Sayang. Dapat pala, isinulat ko na kangina. Nainis ako sa sarili ko. Ilang beses na ba itong nangyari. Nakararanas din kaya ng ganito sina Twain? Siguro, oo. Pero hindi siguro gaya nito. Hindi ganito katindi.

Humigop ako saglit ng kape, saka tumingala sa kisame. Nahagip ng mga mata ko ang walo kong ID na nasakabit sa pako sa dingding, galing sa mga eskuwelahang pinagturuan ko.

Naging sunod-sunod ang lagok ko ng kape. Matamis nang una. Pero kalaunan, parang pumapait. Naalaala ko ang tula kangina, ang batang kargador sa palengke ng Balintawak, si Kuya Omeng, si Lualhati Bautista, si Edgardo M. Reyes, si Mark Twain, si Leo Tolstoy, si James Joyce.

Binilisan ko ang lagok ng kape, sunod-sunod. Nagulat ako. Ubos na ang kape. Pinakawalan ko ang isang mainit na hininga. Gumaan ang pakiramdam ko. Isinara ko na ang MS word.

Kinabukasan, at nang sumunod na mga araw. Hindi ako nagsulat. Ni hindi ko hinawakan ang kuwaderno ko.

Pagtungtong ng Biyernes ng hapon, huling araw ng pasahan ng grades, natapos ko naman ang grade.

At nang sumunod na araw, Lunes…

“Good morning Sir,” parang nabawasan na ang dating sa akin ng mga ngiti ni Ate Aldeng. Hindi na gaanong nakahahawa.

“’And’yan na si Dean?”

“’D’yan na Sir.”

Umakyat agad ako ng hagdan. At pagdating ko sa kuwartong may nakasulat sa ulunan ng pintuan na “Dean’s Office,” lumakas ang tambol sa dibdib ko. Parang mabibitawan ko ang hawak kong brown envelope.

Bumukas ang pinto, bago pa man ako kumatok.

“Yes Jack,” nasa treynta’y singko pa lang siguro si Dean, maiksi ang buhok, maputi.

“Good morning Ma’m. Me kelangan lang po.”

“A okey. Saglit lang a,” hinawakan niya ako sa braso. “Si Ar lang ako. Pasok ka na.”

Pumasok ako. Pagkaupo ko, parang nagpapansin sa akin ang basurahan sa tabi ng pinto. Dinukot ko ang bolpen ko, inalis ang scotch tape sa pagitan ng dalawang bolpen, at itinapon ko sa basurahan ang asul na bolpen.

Biyernes, Setyembre 23, 2011

Madalas, Pag Gabi


Madalas, pag nananahimik na
mga lansangan
pag hindi na halos makita
naglalayag na mga ulap
pag pinalitan na ng orkestra ng mga kuliglig
atungal ng mga traysikel
pag humahaplos na sa'king pandinig
ugong ng ref
oyaying mga hilik
at indak ng orasan
pag nakikita ko na sa dilim ang kaliwanagan
nakararamdam ako
ng kung anong hiwaga
parang ayoko nang marinig
pot-pot ng magpapandesal
twit-twit ng mga maya
ugong ng dyip
mga halakhakan
ayoko nang makita
mga anak na inihahatid sa eskwela
alikabok na pumapailanlang
sa pagwawalis ng kaminero
ayoko na, ayoko
ayoko nang mawala sa'king paningin
kislap ng mga bituin
hanggang mayamaya
mararamdaman ko
init na unti-unting gumagapang
sa aking kaliwang pisngi.


Miyerkules, Setyembre 21, 2011

Pangamba



Hindi mo kailangang bilisan
pag-angat-paghalik sa lupa
ng iyong mga talampakan
o lakihan
pagsasalitan ng lukso
ng iyong mga binti
nang di ka abutan
ng humahabol, tumutugis
na mga takot, mga pangamba.

Hindi mo kailangang itutok
itim ng mga iyong mga mata
sa magandang anggulo ng iyong pagkatao
nang di makita, ni masulyapan
mga multong hinulma, hiningahan
ng sarili mong utak at karanasan.

Hindi mo kailangan
at wag na wag mong gagawing
tumakbo, umiwas
tumakas
dahil masasayang lang
oras mo’t lakas.
Pahihinain mo lang
iyong loob.
Patatatagin mo lang, aalagaan
sarili mong takot.

Ang kailangan mo
lumingon
at isa-isa silang patayin
putulan ng hininga.
Wag kang matatakot
wag na wag
ni mangangamba.
Tandaan mo
ikaw ang gumawa sa kanila.


Martes, Setyembre 20, 2011

Mapasaatin Man, mga Isla ng Spratly





Bubuti nga siguro, higit sa maski paano
presyo ng petrolyo
bababa pamasahe
gulay, bigas, karne, kuryente
pag napasaatin
mga isla ng Spratly.

Malamang, mapangingiti
mga mata, mga labi
ni Manong Tsuper
pati na ni Kumander.
Baka sumigla rin
sigaw, hiyaw
ng mga barker
at makapaglamyerda pa
mga estudyante.

Tiyak, maraming mangayayari
pag napasaatin
mga isla ng Spratly.

Pero isa pang bagay, higit kong natitiyak
mapasaatin man
mga isla ng Spratly
o buong Iraq, Saudi at buong Gitnang Silangan
wala ring mag-iiba
sa lugmok nang ekonomiya't kinakalawang na sistema
hanggang naririyan
Amerika't mga buwaya.


Linggo, Setyembre 18, 2011

May Bayad ang mga Pangarap


Pinalaki ka, inaruga
ng walang hiyang lipunang
iyong ginagalawan
sa palasak na paniniwalang
libre ang mangarap
walang presyo ang pagyayakapan
ng iyong mga pilik-mata
at pagsaglit sa daigdig
ng magandang bukas at masayang buhay.

Sina Snow White at Cinderella
ang naghele sa'yo noon sa duyan
at ipinasuso nila sa iyo
mga paniniwalang
gaya nila
magkakaroon ka ng magarbong kasal
ng makisig na asawa
na magbibigay sa'yo ng magandang bahay
at napakaayang buhay.

Nang tumuntong ka
sa elementarya
itinanong sa'yo ng guro mo,
What do you want to be
when you grow up?

Walang pag-aatubili, ni pag-iisip
sinagot mo siya,
A doctor.

At nang tanungin ka niya kung bakit
ni hindi ka uli nag-atubili
o nagdalawang isip,
To help our country po.

Nang tumapak ka
sa mataas na paaralan
nawili ka sa panunuod
ng mga soap opera
nina Juday at Wowie de Guzman
nina Claudine at Rico Yan.
Sumaisip mo tuloy
masarap mabuhay
dahil kahit maraming pagsubok
laging happy ang ending.

Pagkatapos mo ng hayskul
dahil mahirap lang kayo
nahinto ka sa pag-aaral
at napilitan kang magtrabaho
at nang tanungin ka
kung anong gusto mong kuhanin,
naroon ang pag-aatubuli't
pagdadalawang-isip
sumagot ka,
Baka vocational na lang.

Dala ng matinding problema
naakit ka ng iyong boy friend
at makalipas ang ilang buwan
nagluwal ka ng sanggol.

Sumapit din
iyong debut
nang wala kang eighteen roses
at ang handa
pansit at soft drinks lang
di gaya ng mga nasa pelikula
na sa habang nakapulang damit
sa gitna
isasayaw siya
ng lalaking minamahal niya.

Ngayon, anim na ang inyong anak
at maski vocational
hindi ka nakapag-aral
gusto mong balikan
mga nalagas na dahon
ng kalendaryo
hindi lang upang baguhin
mga mali mong nagawa
kundi upang alisin, burahin
mga sandaling
ikaw ay nangarap
at sumbatan
mga nagsabi sa iyong
libre lang ang pangarap.
Dahil ngayon, alam mo na
mataas ang presyo
ng bawat pangarap. 


Kalawanging Dyip


Wala ni isa man sa pamilya namin, extended family kami, ang hindi napamahal sa dyip ni Tatay.

Pangalan ko ang nakasulat sa noo niyon, “Mac-mac.” Ako kasi ang panganay na apo. At napakalaki ng kinalaman niyon sa kamusmusan ko at sa aking pagkatao.

Anim na buwan lang ako nang iwan nina Mama at Papa sa Nueva Ecija, kina Nanay at Tatay, mga magulang ni Mama. Wala raw kasing makuhang mag-aalaga sa akin. Sa Valenzuela sila nakatira. Titser sa elementarya si Mama, at namamabrika naman si Papa.

May sari-sari store sina Nanay. Malakas. Malapit kasi sa eskuwelahan, at dito rin bumibili ng lutong ulam ang mga nagtatrabaho sa piggery at poultry sa paanan ng Sierra Madre. Itong tindahan daw na ito ang dahilan kung bakit ang taba-taba ko nang bata pa ako. Idagdag pang panganay na apo nga ako, sunod na sunod ang luho.

Pangsiyaman lang ang dyip. Kaya hindi kalakihan. Kombinasyon ng pula at abo ang pintura nito sa labas, at maputlang pula ang mga upuan. May ni-welding na disenyong kabayo sa unahan. At nakasulat sa saya ang “Tatang Inggo & Inang Maria,” lolo’t lola ko sa tuhod, mga magulang ni Tatay.

May top load iyon. At kahoy ang kisame, na may malaking butas na malapit sa pinto. Noong bata pa ako, may basahan lagi sa butas na iyon.

Pero sa mga ito, dalawang paglalarawan sa dyip ang pinakanatatandaan ng mga tao. Una, napakarami na nitong kalawang. May biro nga na minsan, akala raw ng mga pasahero, buhangin ang nalalalaglag sa mga hita nila. Napakahaba kasi ng hindi sementadong kalsada. Niyon pala, kalawang na. At ikalawa, na pangalan ko nga ang nakasulat sa noo nito, “Mac-mac.” Kaya maraming nakakakilala sa akin.

“A, Mama Ene, ‘yan ba ‘yong Mac-mac? E kayputi pala.”

“Aba, ‘yan ang palaki namin,” pagmamalaki ni Tatay. Malakas siya lagi kung magsalita. Parang may kaaway. “Hustong ipanganak e iniwan na sa’min,” idurugtong pa niya, kahit ang totoo nga ay anim na buwan na ako nang iwan sa kanila.

Dahil sa dalawang katangian iyon, lagi akong tinutuksong “Mac-mac kalawang” nang nasa elementarya pa ako. Kaya may mga pagkakataong ikinahihiya ko ang dyip namin. At may mga pagkakataong mas gusto ko pang maglakad kaysa sumakay roon.

Nang nasa elementarya nga ako, madalas akong makipagbuno sa mga nanunukso sa akin. Minsan, umuuwi akong ngumangawa.

Sabi ni Tatay, mas matanda pa raw kay Mama ang dyip namin. Gayong apatnapu’t lima na ngayon si Mama. Marami na nga raw ang nasirang dyip at naibentang sasakyan ng mga taga-Callos, baryo namin, pero ang dyip namin, nandoon pa rin. Mabagal na nga lang, nauunahan pa ng mga traysikel.

Sa buong Callos, wala pa siguro sa isang daan ang hindi pa nasasakay sa dyip namin. Inaarkila ito kung may libing, kung susundo ng musiko pag pista, at ng mga pulitiko para sunduin ang mga botanteng alam nilang “kanila na” kung eleksiyon. Dito ri isinakay si Mama at ang mga tita ko nang humilab ang tiyan at kailangan nang isugod sa ospital. Ito rin ang ginagamit namin pag hahakot ng inaning palay at magnininong sa kasal si Tatay, at pag pupunta sa bisita sa kabayanan.

Higit sa lahat, ipinapasada ni Tatay ang dyip. Isang beses kada araw.

Alas-tres ng madaling-araw kung bumangon si Tatay para mamasada. Hindi na niya kailangan ng alarm clock. Kusa na iyon, sampung minuto bago mag-alas tres, nagigising na siya. Parang bang kaibigan niya ang madaling-araw, at ginigising niya ito.

Matangkad si Tatay. Walang balbas at bigote. Panot. Kayumanggi. Mapungay ang mga mata. At napakahilig sa inuman.

Maninigarilyo muna siya at magkakape. Itim na itim lagi ang kape niya, napakapait. At sobra siya kung manigarilyo. Nakakadalawang kaha kada araw.

Pagkatapos, maliligo siya. Mabilis lang siya kung maligo. Sinasabon niya ng sabong panlaba ang panot niyang ulo. Nakakamisetang puti, short na maong at tsinelas na de-ipit na siya pag pumuntang garahe.

Hindi ko nakita ang ganito larawan nang bata pa ako. O maaaring nakita ko, hindi ko lamang maaalaala. Pero dahil ganito ang nakikita ko nang nasa hayskul na ako at nagbabakasyon sa kanila, at nagigising para umihi, ipinagpapalagay kong ganito rin marahil ang gawi niya nang di pa ako nag-aaral at nang nasa elementarya pa lang.

Maluwang ang garahe namin. Kaya pang maggarahe ng traysikel kahit nandoon na ang dyip. Kasama nang nagtambak na gulong, lata ng pintura, putol na host, tubo at kung anu-ano pa.

Papahulo muna si Tatay para manguha ng mga pasahero sa hulo. Mga alas-tres trenta na iyon.

Sa pangalawang gulod nagmamaniobra si Tatay. Malapit na iyon sa dulo ng Callos. Nasa lima rin ang nakuha niyang pasahero. Pero mas marami ang daraanan, mga hindi nagsisakay kanginang pagpahulo. Puwedeng dahil hindi pa nakagayak o nagsabi na lang na daanan na lang sila.

“Aba’y punyeta, mamamatay ‘yon pag dinaanan!” madalas na biro ni Insong Lita, ang laging unang pasahero ni Tatay, at doon lagi sa unahan ng mahabang upuan nauupo.

Kilala na ni Tatay kung sino ang mga sumasakay pag ganito at ganyang araw. Pag Lunes ang pinakamarami. Hindi pa nakalalabas ng Callos, puno na ang dyip. Marami kasing namamalengke at lumuluwas sa Maynila. Pero kung ibang araw, lalo kung Sabado, sa kabayanan na ito ng Peñaranda napupuno. Bagama’t marami na ring sakay bago pa makalabas ng Callos. Kulang na lang marahil ng tatlo o apat na pasahero.

Noong di pa ako nag-aaral, kina Nanay at Tatay ako lagi nakatabi. Pagbangon ni Tatay, babangon na rin si Nanay. Namamalengke rin si Nanay sa Gapan, sumasabay kay Tatay. At pagbangon ni Nanay, bumabangon na rin daw ako. Kaya nasasama ako kay Tatay sa pagpahulo.

Doon ako lagi nakaupo sa tabi ni Tatay, at pag puno na ng pasahero ang dyip, nalilipat ako sa kaliwa niya. Hihinto ang dyip sa amin, sasakay si Nanay. Tulad ng ibang namamalengke, may dala siyang bayong. Noon naman ako aabutin ni Dikong, tito ko. Sabi nila, noong mga unang sama ko raw kay Tatay, umiiyak pa ako pag kinukuha ako ni Dikong. Gustung-gusto ko raw sumama sa Gapan.

Pero siyempre, hindi ako puwedeng isama.

Siyam na kilometro mula palengke ng Gapan hanggang arko ng Peñaranda. Dulong baranggay ng Peñaranda ang Callos. Kaya palagay ko, sampu o labing-isang kilometro ang binibiyahe ng dyip namin. Papunta pa lamang iyon.

Sa Gapan nagbababaan ang mga pasahero. Nandoon kasi ang pinakamalaking palengke sa buong Nueva Ecija, kaya roon namamalengke ang mga may tindahan. Nadadaanan din ng Maharlika Highway ang Gapan. Dito dumaraan ang mga bus na pa-Cubao, na sasakyan ng  magsisiluluwas.

Pagdating ng dyip sa Gapan, bago dumating sa palengke, nagbabayad na ang mga luluwas. Pero ang mga sasakay uli pagbalik, iyong mga mamamalengke nga, hindi muna. Pagbalik na lang sila magbabayad, nang doble.

Sa tapat ng munisipyo ng Gapan ipinaparada ang dyip, sa likod ng plasa iyon, sa harap ng palengke. Mga bandang alas-singko na iyon.

Alam na ng mga namamalengke na roon nila pupuntahan ang dyip. Maging ang mga uuwi ng Callos, galing  Maynila, doon din pumupunta.

Tahimik pa pag ganoong oras. Pero gising na gising na ang Gapan. Nagbibiruan na ang mga magtatraysikel. Mabibigat na ang buhat-buhat ng mga kargador. May naglalakad nang mga tindero ng kutsinta at taho. May mga kaminero nang nagwawalis ng kanal. At marami nang nakaparadang sasakyan sa palibot ng plasa.

Napansin ko ang mga ito nang nasa kolehiyo na ako, at umuuwi ako sa Callos o lumuluwas sa Valenzuela. Pagkatapos ko kasi ng elementarya, kinuha na ako nina Mama’t Papa. Malapit lang kasi kami sa hayskul. At kalahating araw lang ang pasok.

Minsan, sumasabay ako kay Tito Ferdie sa pag-uwi. Madaling-araw iyon. Pinupuntahan namin si Tatay sa likod ng plasa. At doon na lang kami sumasakay. Siyempre, sa tabi ni Tatay kami pumupuwesto.

Alas-seis trenta kung bumalik ang dyip. Minsan, naaatraso nang kaunti. Pag may namalengke na medyo natagalan. Pag hindi pa ito lalakad, humihiga lang si Tatay sa upuan sa unahan, o kaya, nakikipagbiruan sa mga magtatraysikel at ibang drayber ng dyip. Habang naninigarilyo.

Madaldal si Tatay. Mayabang. Pero napakarami niyang kasundo.

Pag may nakabalik nang namalengke, ito naman ang kahuntahan niya. Hindi sila nagsasawa sa kuwentuhan. Samantalang papuntang Gapan at pabalik sa Callos, sila-sila rin naman ang magkakausap.

“Musta nga pala’ng okra n’yo?” itatanong ni Tatay.

“’Ay naku, S’yaho, lugi. Me sakit e. Inutang na nga lang.”

“Siyahong Ene” ang tawag sa kanya ng mga taga-Callos, panganay na babae kasi si Nanay. Si Mama Ene naman siya sa mga tagakabayanan at taga-ibang baryo ng Peñaranda.

Kung may sasakay na galing Maynila, mas nagiging maganda ang kuwentuhan. Lalo kung ngayon na lang uli ito nauwi.

“O, magmano, magmano,” sabi minsan ng isang taga-Bukidnon. “Lolo ‘yan, lolo.”

“E mga anak mo na ba ‘yan?” malakas ang boses ni Tatay. “E kelalaki na pala.”

“Oo nga ho e. Matagal di nauwi e.”

“Aba’y putres, kahit paminsan-minsan, uuwi kayo.”

Punung-puno uli ang dyip pag bumalik ito. Hindi man sa pasahero, sa dami naman ng pinamalengke. Maging ang top load nito, maraming laman. May mga chichiria, karne, de lata, sigarilyo, sabon, shampoo at kung anu-ano pa.

Sa biyahe, kung anu-ano naman ang nagiging paksa ng mga kuwentuhan. Parang komunidad nga ang dyip namin, nasabi ko sa sarili ko.

“Parang nagkikita ‘yung puke ko,” sabi ni Insong Lita.

“Ay, ere, Nanang,” dumukot sa bayong ang baklang si Atong. “Bumili ‘kong sili.”

Tawanan.

Hindi na pumapara ang mga bababa. Alam na iyon ni Tatay. At kung may pinamalengke ito at nasa top load iyon, inaakyat iyon ni Tatay. Saka iaabot sa anak o asawa ng namalengke, na tumutulong sa pagbababa.

Minsan, nakakatuwaan ni Tatay na gulatin ang mga naglalakad na kakilala. May malaking torotot na nakakabit sa bandang sa taas ng side mirror. Busina iyon na ikinabit ni Tito Ferdie, kumukuha ng power sa LPG na nasa ilalim ng upuan. Hihilahin ni Tata ang alambreng nakalambiting sa kisame, at tutunog ang busina. Malakas. Nakabibingi. Parang busina ng tren.

“Ay bayag!” sigaw ng maghuhuweteng.

Tawanan naman ang mga makakarinig.

“Si S’yaho naman kasi! Kumbakit hindi ipaalis ‘yung busina na ‘yon!”

“Kahit ba e,” tatawanan lang siya ni Tatay.

Kung Bagong Taon, ipinahihila sa aming mga apo ang alambreng iyon. Naikipagsagutan sa mga plapla at rebentador.

Hihinto sa amin ang dyip, at bababa si Nanay. Si Dikong ang nagbababa ng mga pinmalengke. Pagkatapos, didiretso sa hulo ang dyip, ibababa ang ibang pasahero. At magmamaniobra uli sa pangalawang gulod.

Iginagarahe ang dyip nang alas-siyete trenta, o mag-aalas-otso.

Nang bata pa ako, paghinto ng dyip sa amin, sumasakay kami ng dalawa ko pang pinsan. Sina Jean at Etsika. Sa likod-bahay sila nakatira, mga anak ni Tito Ferdie.

Sumasama kami sa paghahatid sa huling pasahero. At pagdating namin sa amin, nagsahod ang mga palad namin. “Dos! Dos! Dos!”

Tatawa si Tatay. “Kayo na nga’ng nagsisakay, kayo pa’ng babayaran!” Isa-isa niyang lalagyan dos ang mga palad namin. May dos na kalabaw at dos na buko pa noon.

Kung minsan, hindi dos ang ibinibigay niya sa akin. Limang piso. At sasabihin nila, ako raw kasi ang paboritong apo.


Pag Sabado de Gloria, nagpipiknik kami sa ilog, sakay ng dyip. May dala kaming mga lutong ulam, may adobo, sinampalukang manok, tinumis, at pansit. Isang malaking kaldero ang dala naming kanin. May interyor pang gagamiting salbadida. Siyempre, hindi rin kami nawawalan ng kamera. Disposable camera lang ang uso noon.

Maingay kami sa loob ng dyip. Magulo sa dami namin. Kaming mga apo pa lang kasi, sampu na. Umuuwi kasi ang lahat ng kapatid ni Mama.

Inilulusong namin sa ilog ang dyip. Sa mga ganoong panahon, lampas-tuhod na ang pinakamalalim nitong nilulusong.

“Hala, baka malansag!” magbibiro ang isa sa mga pinsan ko. “Puro kalawang na nga e!”

“’Wag kang ganyan, pag ‘binenta ‘to sa museum, mahal ‘to,” ako ang sumasagot nang ganoon.

Sa lupa sa gitna ng ilog ito inihihinto ni Tatay. Kung wala namang makitang bakante dahil sa dami ng damara, marami kasing nagpi-piknik, doon na lang sa mababaw-babaw. Doon sa hanggang bukung-bukong lang ang tubig.

Tatalian ng mga tito ko ng lona ang top load ng dyip, habang itutulos naman sa lupa ang dalawa pang dulo. Sa ilalim niyon kami magsisikain.

Pag-uwi, una-unahan kami sa poso at CR.


Nang mag-asawa si Dikong, tito ko nga, ibinigay ni Nanay sa kanya ang tindahan. Hindi naman kasi nakatapos si Dikong. Wala ring alam na trabaho. Kaya sa dyip at bukid na lang umaasa sina Nanay.

Wala namang kaso roon. Noong una. Dahil malaki ang kinikita ng dyip. Pero nang lumaon, hindi na rin.

Dumating ang panahon na marami nang traysikel. Kaya ang mga namamalengkeng may traysikel, nagtatraysikel na lang. Mas mura nga naman kasi. Hindi pa nila kailangang gumising nang madaling-araw. Kung kailangan lang nila gustuhing mamalengke. Hindi pa sila namamadali sa pamimili.

Kaya may mga pagkakataong dalawa lang ang pasahero ni Tatay, at hindi na siya naghahatid ng pasahero sa hulo.

Nang minsang umuwi ako, nasa kolehiyo na ako noon, at kada sembreak, umuuwi ako, tatlo lang kaming sakay ni Tatay. Si Dikong pa ang isa. Naawa ako kay Tatay. Naalaala ko ang kalakasan ng pasada.

Wala namang pagbabago kay Tatay. Makuwento pa rin siya. Panay pa rin ang tawa. At malakas manigarilyo. Pero parang hindi na ganoon kasaya sa dyip.
Maging nang mananghalian kami. Hindi na gaya nang dati ang mga ulam. Puro init na lang, o kaya, bigay nina Tito Ferdie at Dikong.


Nang mga panahon ding iyon, madalas kong ipagyabang sa mga kaibigan ko ang dyip namin. Na may dyip kaming lampas kuwarenta taon na, pero namamasada pa. At noon, tinatawanan ko na lang ang mga alaala ko noong bata pa ako na nakikipag-away pa ako at umiiyak pag tinutukso akong “kalawang.”

Nasa huling taon na ako sa kolehiyo nang maospital si Tatay. Malala ang naging lagay niya.

Noong una, sabi niya, kulay brown daw ang ihi niya. Nahihilo rin daw siya. Kaya hindi siya namasada umagang iyon. Nang mga sumunod na araw, lumala ang hilo niya. Kaya isinugod na siya sa ospital.

Tapos, natuklasang may problema siya sa bato, sa baga at kung saan-saan pa.  Kinailangan siyang i-CT scan. At i-ICU.

Tinapat na kami ng doktor, maliit daw ang tiyansa. Mga dalawampung porsieynto lang. Nagulat kami lahat.

“Ang bilis naman,” sabi ng tita ko. “E kelakas-lakas pa ni Tatang.”

“Ganyan talaga,” sabi ni Insong Lita nang dumalaw sa ospital. “Pag nagkakomplikasyon, sunud-sunod. Sana lang e kayanin pa ni S’yaho ‘yung mga operasyon.”

Panay ang iyak noon ni Nanay. Kami naman, panay ang dasal. Pero tinatanggap na rin ang maaaring mangyari.

May mga pastor na dumalaw kay Tatay para ipagdasal siya. Maging sa mga istastyon ng radyo, ipinagdasal siya. Protestante kasi kami. Lahat, aktibo sa kapilya. Si Tatay, ipinagmamalaki niya kahit sa mga inuman, hindi man siya palasimba, pero basta Linggo ng Pagkabuhay, walang mintis, nagsisimba siya.

Ang dami rin naming inutangan at nilapitang kamag-anak. Daang libo na ang kailangang bayaran.


Sa kabila ng mga ito, gumaling si Tatay. At nagulat ang lahat. Ang malaking himala pa rito, sabi, habang-buhay na raw ang dialysis, at kung mabuhay man daw si Tatay, malamang, nakaratay na lang. Pero hindi. Tatlong buwan lang ni-dialysis si Tatay. At iyong dyip na akala ng mga tao’y maigagarahe na lang, makalipas ang limang buwan, naipamamasada na ulit.

Pag naaalaala ko nga ito, naiisip kong totoo ang batas ng pananampalataya.


Pagkatapos ko ng kolehiyo, nagkatrabaho agad ako. Sa STI Caloocan, part time Filipino instructor. Noon siningil sina Nanay ng inutangan nila ng mga nagastos kay Tatay. Idedemanda raw sila pag di nila nabayaran.

Walang kaso sa kumare ni Nanay, ang problema raw ay sa asawa nito. Ang usapan daw kasi, isang taon bago bayaran. Pero heto at ilang buwan pa lang, naniningil na.
Hindi alam nina Nanay kung saan kukuha ng bayad. Sobrang laki nga kasi ng nagastos kay Tatay. Matagal pa rin bago mag-anihan.

Limampung libo ang utang nila rito. May kinse mil sila. Kaya trenta’y singko pa ang puproblemahin.

Kuwento ni Tatay, may nagpunta raw noon sa bahay. Taba-kabayanan. Gustong bilhin ang dyip.

“E sino’ng di nagulat. Aba’y bibil’in ‘yon e lumang-luma na? Tapos, trenta mil pa!”

Tumawag ako sa mga tita ko. Kinausap ko si Tatay.

“’Tay, ‘wag n’yong ibenta ‘yong dyip,” nakikiusap ako. “Ako na lang ang maghahanap ng mauutangan,” sabi ko pa. Kahit di ko alam kung may magpapahiram sa akin ng gayong kalaking pera. At kung saan ko kukuhanin ang pambayad, sakaling pautangin ako.

Pero wala ring nangyari. Naibenta rin ang dyip.

Palagay ko, masaya si Tatay sa ibinigay sa kanyang pangalawang buhay. Sa tuwa niya, kahit mawala sa kanya ang dyip na mahal na mahal niya, ayos lang. Dahil malaki pa rin ang dapat ipagpasalamat.


Hindi ako mapagkatulog niyon. Pakiramdam ko, namatayan ako ng napakaimportanteng tao sa buhay ko. Naiisip ko, ano na kaya ang itsura ng garahe? Nakikita ko naman iyon nang wala ang dyip, pero pakiramdam ko, iba ang itsura nito ngayon. Ngayon na hindi na babalik doon ang dyip.

“Mak,” sabi sa akin ni Mama, kagigising ko lang noon. Tinanghali ako nang gising.  “Napanaginipan daw ni Tatang ‘yung dyip.”

Napahinto ako sa paglapit sa lababo.

“Nasa plasa raw s’ya. Tapos, lumilipad ‘yung dyip. Kinawayan daw niya nang kinawayan. Pero hindi raw huminto. Tapos, nagising daw siya. Pagtingin n’ya sa relo, mag-aalas-tres na.”