Martes, Nobyembre 22, 2011

Dugo ng Lamok


Habang nilalamay ko ang artikulo ko
hinggil sa kupad ng katarunga’t progreso
kolum sa pangmasang diyaryo
nagbukas ako ng ilaw
nilakasan ang bentilador.

Hindi sapat ang tanglaw ng kompyuter
at ang usok ng katol
upang itaboy ang mga walang hiyang lamok.
Sa pagbukas ng ilaw
nawala ang drama sa aking kuwarto
pero tiyak, hindi ang mga lamok
dahil rumoronda pa rin sila
sa magkabila kong tenga.

May isang nagtangkang dumapo sa aking pilik-mata.
Iniatras ko ang aking mukha, saka ko hinipan
aba, sa laki’t bigat ng katawan
hindi man lang nakuhang tangayin
ng aking hininga.

Nangati ang hita ko.
Tinampal ko.
Sabog ang katawan ng isa sa aking palad
at nagkulay pula ang pagitan
ng hinlalato ko’t palansinsingan.
Inamoy ko.
Malansa rin talaga’ng dugo ng lamok.
O baka naman dugo ito ng tao? 
Baka naman dugo ko ito?

Ganito rin kaya ang amoy
ng dugo ng mga parasitiko sa gobyerno
dahil dugo rin iyon ng tao, ng masa?
O di hamak na mas malansa’ng sa kanila?

Mesa sa Tabing-Kalsada


Kung araw, sa mesang ito sa tabing kalasada
nakapatong, mga panindang gulay ni Aling Atse pag umaga
ulam kung tanghali
fish ball at gulaman at banana cue kung hapon.

Sa mga gabing pakiramdam ko
mag-isa ako sa bahay at buhay
at parang marami akong hinahanap
sa mga madaling-araw
na ayokong pumasok sa trabaho
at pakiwari ko, nasa isip ko lang ang umaga
dito ako nakatanga
pinanunuod ang mga ulap sa paglalayag
sinasamahan ang mesa sa pag-iisa
dinaramayan ng mesa, dinaramayan ang mesa.
Dito ako inaabutan ng tatay ko
pagkagaling niya sa trabaho
dito ako pinupuntahan ng mga utol ko
pag maghahapunan na o magsasara na ng bahay.

Dito ko natanggap ang text
ng kompanyang pinagtatrabahuhan
para sa aking panayam
dito ko kinakausap sa cellphone, dati kong kasintahan
dito ko ginugunita, mga alaala
dito ko sinisilip sa pagitan ng mga ulap, lawak ng langit
dito ko hinabi, aking mga pangarap
dito ko pinamahasa aking sarili
sa pananaginip.

Ngayong lilipat na kami ng bahay
dahil sa dalawang buwan naming kulang
idinarasal ko, sana
madala ko ang mesang ito
o kung hindi man, sana
may ganito sa amin, sa aking lilipatan.






Sa Kabila ng Windshield



Sa SM North EDSA… sa kabila ng windshield
ng dyip na pa-UP Diliman
nabihag ako ng iyong ganda:
makinis na kutis, maputi’t parang kaybango’t kaylinis
maamong mukha, matangkad
matangos na ilong
itim na itim na mahabang buhok.
Nakatayo ka sa tabi ng karatula:
“No Loading and Unloading.”
Palinga-linga.

Naala’la ko’ng sabi ng propesor ko sa Sosyolohiya
dapat, ang magandang Pilipina
mapunta sa isang Pilipino
sabihin mang hindi ito guwapo.

Tumunog ang cellphone ko.
Binasa ko ang text message.
Naku, kung ano lang pala.

At pag-angat ko ng tingin
sa kabila ng windshield
nakita ko’ng nakabibighani mong ngiti
habang hawak ka sa baywang
ng isang Hapon
na sa aking tantiya
lampas nang kuwarenta.


Lunes, Nobyembre 7, 2011

Pagkukumpara


Gaya ng kape ang tula;
gaya ng tula ang kape
masarap sipingan sa madaling-araw
o kailanmang naroon ang kapayapaan;
pero hindi gaya ng tula ang kape
nakasasama kung malinsangan
nakasisira ng katawan pag nasobrahan
at liban sa katawan, sa isip
wala nang kayang gisingin.

Gaya ng shabu't marijuana ang tula;
gaya ng tula ang shabu't marijuana
pag nasimulan, lagi't lagi nang hahanapin
hindi lang ng isip at katawan
kundi pati ng gawi't panaginip;
pero di gaya ng tula ang shabu't marijuana
nakababasag ng alkansiya't nakagagasgas ng ATM card
nakapanghihina ng konsens'ya
nakapanlalabo ng hatingg-gabi't umaga.

Gaya ng pagsintang eros ang tula;
gaya ng tula ang pagsintang eros
nakapagpapangiti maging sa pag-iisa
naghahandog ng agresibong emosyon
at minsan, hindi nakakikilala ng takot;
pero di gaya ng tula ang pagsintang eros
makasarili
hindi marunong makinig
sarili lang ang sinusunod.

Ang tula ay tulad ng tula
pag-asa't diwang nahihimbing, ang ginigising
kinakalawang na sistema, ang binabasag
at hindi sarili ang sinusunod
dahil hindi ang manunulat ang amo ng tula
kundi, ang buhay, ang sining.



Linggo, Nobyembre 6, 2011

Giniikan


Hindi ko alam kung anong meron
ni kung anong wala
kung bakit naroon ang saya sa aking mga mata
habang minamasdan, kumpol ng giniikan
na parang lukton, pinawawalan ng treser sa hangin
hanggang bumagsak sa lupa
para ibalik, inutang na sustans’ya
at muling maging bahagi
ng bukid na ilang buwang naging kasiping.

Gaya ng aking kaluluwa
parang nagagalak rin, ikinukumpas mga pakpak sa himpapawid
ng mga tagak, maya, langay-langayan
habang umaawit.
Hindi kaya sila nalulungkot
na ginagapas na
palay na ilang buwang inilayo sa kanila
ng nakatayo, nakadipang panakot-uwak?

Naroon din ang saya, siyempre
sa labi, mata, ng mga magsasaka
habang isinusubo sa treser ang palay
habang ibinubuka ang sako
habang nagpapagpag ng gilik sa katawan
habang pinupunasan ng manggas ng kamiseta
leeg at mukhang humuhulas sa pawis.

Pagkatapos madala sa bahay ng may-ari ang palay
naganap na ang hatian
katas iyon ng mga uhay
na saksi sa kanilang mga buntong-hininga
uhaw, gutom, paghihilot ng balakang.

At habang binibilang nila, kani-kanilang pera
nagpatong ng isang pitsel na soft drinks
at tatlong supot na tinapay sa mesa, aking Lola.

At nang sila'y pauwi na
naisaloob ko, sayang, sayang
kung sana ganito man lang ang sinasapit
ng lahat ng magsasaka sa atin.



Sabado, Nobyembre 5, 2011

Sino’ng Hindi Bibilib sa Panahon?


Habang nakaharap sa kompyuter at nagpi-Facebook
may mensaheng natanggap ang cellphone ko
musta k n?
Galing sa aking ex-girlfriend.
Pagkabasa, ibinaba ko agad aking cellphone.
Sa dami ng nagdaang kahapon
malamang, wala na roon ang emosyon.


Madalas kong marinig
maski noong mura pa aking pag-iisip
na walang sugat na hindi kayang paghilumin
ng paggalaw ng mga kamay ng orasan
at pagkalagas ng mga dahon, ng kalendaryo
at nang lumaki na ako, napatunayan ko ito
may mga galit kasing hindi man inihingi ng tawad sa’kin
o nilakipan ng ngiti o tapik sa balikat
ay ikinagulat ko na lang
na wala na pala’t nilipad na sa alapaap.

Totoo rin sigurong walang hindi kayang palumain
takip-silim at bukang-liwayway
nakalalaway mang balat
kaya nitong hubaran ng kinis
kayang panipisin naggagandahang buhok
at paitimin dating mapuputing tuktok.
Ipinagmamalaki mang piramida sa Ehipto
na nakikipagtagalan kuno sa panahon
kaya nga’t laging pasok
sa seven wonders of the world
iba na rin ang itsura ngayon.
Kayang palumain ng mga segundo
pinakamaganda mang kastilyo
kayang papurolin ng mga minuto
pinakadinadakilang talino
kayang baguhin ng oras
lahat ng sistema at batas.

Ngayon, sabihin mo
sinong hindi bibilib sa panahon?

Parang ngumiti ang larawan
sa profile picture ng aking Facebook account.

Dinampot ko agad aking cellphone
saka dinala sa reply.


Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Suman


Undas na naman bukas, at gaya ng nakasanayan nina Aling Epang, maggagayak sila maski paano. Nagpabili na siya kahapon ng sampung kilong kamoteng-kahoy sa panganay niya, kay Amang.

Nagkukukod siya ng kamoteng-kahoy sa yerong kudkuran, at naglipana ang malalaking langaw. Meron sa mesa, sa braso niya, sa kamay, sa mukha, sa kamote, sa planggana.


Paborito ng bunso niyang si Mario ang mga puto, manang-mana sa Lolo Lucio nito. Kahit ano, di nito uurungan— bibingka, kalamay, palitaw, ginataang munggo, palarusdos, espasol.


Naalaala niya, noong Mahal na Araw lang, bago siya pumunta sa bisita at maghatid ng pakain, napalo niya ito. Masyado kasing malikot, natapon tuloy ang gata ng palarusdos at nabasag ang pinggan. Inasbaran niya ito nang inasbaran, pagkatapos, nag-iiyak ito, hanggang makatulog.


Binilisan niya ang pagkukudkod ng kamote, para malagyan na niya ng niyog at asukal, maibalot sa dahon ng saging, mailagay sa steamer. At nang bukas, madala na sa sementeryo, at maipatong sa nitso ng bunso niyang mahilig sa puto.