TULA(Y)
Dalawampung librong Filipino
ang dala niya sa bayang iyon
ng itim na ginto at malawak na disyerto.
Sa dagat ng estrangherong mga letra
sa laksang mga papel at karatula,
sa daluyong ng banyagang mga salita,
sa pananawa ng kanyang ilong at dila
sa mga pagkaing hindi makapagdala
sa kanyang kaluluwa ng ganap na ligaya,
tuwina, mga libro ang kanlungan niya.
Sa tahimik niyang silid
na kay bigat sa dibdib ng kawalang imik,
malakas niyang bibigkasin
ang tula sa dala niyang antolohiya,
at dagling magliliwanag
ang kanyang mga mata
pagkabigkas-pagkarinig
sa mga letra, tunog, salita, parirala
sa nilisan niyang bayan.
Liliparin ang hindi nakikitang
nakadagan sa kanyang mga balikat
pag nadaanan ng mga mata niya
ang mga imaheng pamilyar sa kanya:
mga tindang anting-anting sa tapat
ng Simbahan ng Quiapo,
paslit na ginawang gitara
ang pudpod na walis-tambo,
mga estudyanteng nagmamartsa
sa kahabaan ng Legarda,
matandang nangangatog sa pagkahiga
sa gusgusing bangketa.
Papaanong sa pagbabasa
sa iilang tula lámang,
nagagawa niyang baybayin
ang layong labingtatlong oras
pauwi sa nilisan niyang bayan?
Nambalani muli ang aklat ng tula.
Ayokong magpatangay sa panghahatak
sapagkat kay raming gawain
na nanghihingi ng aking oras.
Ngunit pagtapak ko sa lagusang pamagat,
dagli akong hinigop
ng unang mga taludtod—
ng linyang kay sasarap sa tenga,
ng mga hulagway na kagaya
ng mga imahen sa pintura,
ng kay sinop na salansan ng mga salita,
ng nangungusap na mga diwa.
At naglakad ako sa kabilang daigdig
na pinagdalhan ng tula sa akin.
Noon ko lang marahil iyon napakinggan—
kumakanta ang kakahuyan,
at may hindi ko maunawaan
na ibinubulong ang bughaw na kalangitan.
Umaawit ang mga batubato,
at umiindak sa ilahas na mga bulaklak
ang bahagharing mga paruparo.
Sa sanga ng punong kamagong,
may musang na natutulog.
Sa damuhan sa likod ng kabalyero,
naghahabulan ang mga kuneho.
Ay, anong rikit na espasyo.
Sa pahina ko na lang ba mararating
ang ganito kapayapang mundo?
Ano’t pagtawid ko sa lagusan
palabas sa mundo ng tula
ay kay gaan ng aking katawan
at limang minuto lamang ang nagdaan?
****************************
Kahit ipiniit ng pandemya at lockdown
sa kay kipot niyang inuupahan,
paulit-ulit pa rin siyang nakakaalpas.
Sa gabíng nagbabasa ng nobela,
halimbawa, dahan-dahang
bubuka ang kanyang mga pakpak.
Bubuksan niya ang bintana,
at kay tahimik siyang papaimbulog.
At yayakapin siya ng lamig ng gabí.
Minsan, nagtungo siya
sa luma’t limot na simbahan,
at nasaksihan ang pagtatagpo
ng pinaglalayong magkasintahan.
Minsan, dinadala siya ng pakpak
sa bughaw na lagusan
at matatagpuan ang sarili
sa kay layong nakalipas
o inaasahang malayong búkas.
Mga pakpak, hindi lamang bakuna,
ang nagligtas sa kanya
sa mga kuko ng pandemya.
------
* Ang mga tula ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2024.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento