Huwebes, Agosto 14, 2014

Pagtawid


Nasa magkabilang dulo kami ng linya. Parehong gustong tumawid, pero parehas ding natatakot. Siya ang naglakas-loob, kaya kami nagpang-abot.

Siguro, sa ibang nakakakilala sa kanya, ang pagiging romantisista niya at ang kaugnayan niya sa pag-ibig na eros, ang pinakamatatandaan sa kanya.

Siya si June Vin. Makinis siya, ngunit hindi kaputian para sa isang babae. Bagama’t hindi rin naman masasabing maitim. Mahaba ang itim na itim niyang buhok. Mapungay ang mga mata niya na parang laging iiyak. May maliit siyang nunal sa ilong na parang langib ng sugat. Tungkol sa pangalan niya, madalas siyang mapagkamalang lalaki. Sa mga orientation noon sa hayskul, madalas daw niyang makita ang pangalan niya sa listahan ng pangalan ng mga lalaki. Madalas din siyang biruin ng mga tao. “Alam ko’ng birthday mo! Alam ko’ng birthday mo! June ‘no?” Kaya laking gulat ng mga ito pag sinabi niyang “July po.” Kasunod na niyon, siyempre, ang medyo mahabang paliwanag.

“Ke Daddy nanggaling ‘yon parehas,” paliwanag niya noon sa akin. “’Yong ‘June,’ me gustung-gusto s’ya dating professor n’ya. Nu’ng college. Hindi n’ya niligawan. Kasi nga, professor n’ya. Tapos, ‘yung ‘Vin’ naman, sa pangalan n’ya. ‘Vincent.’ Pinagsama n’ya. Para kahit do’n man lang daw, magkasama sila.”

At dahil daw roon, sabi niya, hindi siya tinatawag ng mommy niya sa pangalan niya. Mek-mek ang tawag nito sa kanya. Natawa tuloy ako.

Matindi ang pagka-romanticist ni June. Ewan kung dulot ng pangalan niya, o sikolohikal na epekto nito sa kanya. O kaya naman ay talaga nang romanticist siya. Pinatindi na lang ng sikolohikal na epekto sa kanya ng pangalan niya.

Mahilig siyang manuod ng mga pelikula tungkol sa pag-ibig. Higit limang beses na niyang napanuod ang ‘Dear John,’ ‘Serendipity’ at ‘500 Days of Summer.’ Higit sampung beses ang ‘Titanic.’ At pag nagpapaliwanag siya, lalo kung tungkol sa pag-ibig, o pag may estudyanteng nanghihingi sa kanya ng payo sa love life, halimbawa, marami sa sinasabi niya ang mula sa mga pelikula. Minsan, sa Star Cinema pa.

Ganito niya sinisimulan ang mga payo niya, “Sabi nga ni Richard, ni Leonardo di Caprio sa ‘The Beach…’”

Itong pagka-romanticist din na ito ang dahilan sa matinding kalokohan niya  nitong bago mag-Pasko. Ang dahilan kung bakit hindi siya naka-attend sa Christmas party, kaya kalahati lang ang natanggap niyang Christmas bonus.

May boyfriend daw siya noong hayskul, kuwento niya sa akin. Nagkaroon sila ng pangako sa isa’t isa noong third year sila, na makalipas ang sampung taon, kung magkahiwalay sila, at wala siyang boyfriend at walang girlfriend ang lalaki, sila ulit. Natawa talaga ako nang ikinukuwento niya ito.

“Ang drama mo, a!” Naalaala ko ang mga eksena sa pelikula na may magkababata na may isusulat sa isang papel na pangako nila sa isa’t isa, saka ilalagay sa isang bote o kahon at ibabaon sa ilalim ng puno, tapos, huhukayin nang mga binata’t dalaga na sila.

First year college daw, sila pa rin. Kaso, naagaw ng kaibigan niya sa kanya ang boyfriend niya. Parang telenobela talaga. Mula raw noon, hindi na siya nagkaroon ng boyfriend. Hanggang magkatrabaho siya. Ang baba-baba raw nang naging tingin niya sa sarili niya dahil doon.

“Kaya nga ako nag-MA, e,” sabi niya. “Para tumaas-taas naman ‘yung tingin ko sa sarili ko.”

Nakaramdam ako ng hibla ng awa sa kanya. Hindi natatagpuan ng mga taong sumusunod sa dikta ng lipunan ang sarili nila.

“An’dalas ko kasi talagang maisip,” dugtong niya, “na ba’t n’ya ‘ko niloko? Ba’t nila ‘ko niloko? Saka kaya ako nandito ngayon. Dati pa, gusto ko nang mag-teacher. Kaso, may problema kami nu’n. Financial. Sabi ni Dade, nasa business ad daw ang pera. Kaya ito’ng pinakuha sa’kin. Ngayon, gusto kong ma-experience maging teacher. Para masabi ko naman sa sarili kong na-experience ko ‘yung first choice ko. Para mahanap ko rin ‘yung sarili ko. Baka after this, hindi na gan’to ‘yung inferiority complex ko. Ipinaliwanag ko talaga ‘to nang mabuti kina Mame. Pumayag naman silang ipagpalit ko ‘yung pagiging insurance staff ko sa car company. ‘Yung 25 thousand ko monthly dito sa 11 plus per month. Apat na kasi kaming nagtatrabaho. Okey-okey na kami, financially.”

Pang-romanticist pa rin ang kuwento niya. Madrama pa rin. Parang puro paglalagay ng pekeng kulay sa mga bagay, magkakulay lang. Pero sa kuwento niya, nakaramdam ako ng lungkot. Sa katotohanang maraming kayang sirain ang problema sa pera.

Bago dumating ang petsa na magkikita sila ng lalaki, madalas silang magka-chat sa Facebook. Pero hindi nila napag-uusapan ang napag-usapan nila noong third year sila. Sabi ni June, mas maganda raw kung hindi pag-uusapan. Kung mangyayari na lang. Parang pagpapaubaya sa tadhana.

Dahil sa madalas nilang pagtsa-chat, malakas ang paniniwala ni June na pupunta ang lalaki. Pero kumalat ang dilim sa tagpuan, hindi ito dumating.

“Ayos lang,” sabi niya. “At least, wala akong ‘what if.’ Na pa’no kung hindi ako pumunta at pumunta s’ya? E di pagtanda ko p’wedeng isipin ko pa ‘yon. Na pa’no kaya kung pumunta ‘ko? Ang mahalaga, wala sa’kin ang mali. Kasi, pag wala sa’yo ang pagkakamali, pag wala sa’yo ang kasalanan, mas magiging magaan ang dibdib mo. Mas makakatulog ka nang mahimbing.”

Pero sa pagkukuwento niya, sa buka ng mga labi niya, sa paghina’t paglakas ng boses niya, sa galaw ng mga mata niya, kitang-kitang hindi ayos sa kanya.

Sa bus, ang nasa tabing-bintana lagi ang hinahanap kong upuan. Sa biyahe, madalas akong tumitingin sa langit, lalo sa mga bahaging kulay asul ngunit napalilibutan ng mga ulap. Sa mga bahaging parang lagusan. Madalas, nai-imagine kong mula roon, makikita kong bumababa ang Diyos. Tapos, magdadasal ako, ng kung ano mang hiling ko. Sa isip lang. Hindi ako pumipikit. Para bang nangangarap lang. Mula noon, madalas ko nang mahiling na sana, dumating na ang lalaking para kay June. Minsan tuloy, naisip kong naging romantisista na rin yata ako, kasasama sa kanya. O baka naman kaya kami nagkasundo, dahil parehas kaming romantisista. Hanggang sa maisip kong romantisista naman ang lahat ng taong nangangarap. May kanya-kanyang lebel nga lang.

Ngunit sa akin, hindi ang mga ito ang pinakanatatandaan ko kay June. Kundi ang desisyon niyang tumawid sa linya. Iyon ay sapagkat alam ko ang kuwento sa likod ng kanyang mga pagtawid. Alam ko ang mga pinagkuhanan niya ng lakas ng loob at ang bigat ng kanyang mga hakbang habang tumatawid. At alam kong mas isinisiwalat nito ang pagkatao niya kaysa sa pagiging romantisista niya.


Abril na noon, Lunes, tapos na ang grades ng mga bata. Clearance na lang ang ipinapasok naming mga empleyado, para sa huling suweldo. Isasabay na sa pagpapasa ng clearance ang pagpapasa ng letter of intent para sa mga gustong magpatuloy sa ISAT (Institute of Sciece and Technology) College.

Sa mesa sa tabing pinto uli kami naupo. Ako uli ang nakaharap sa labas, sa Edsa. Gusto kong nakikita ang nagdadaanang sasakyan. Sa akin, humahagibis na sasakyan ang mga tao sa lungsod. Di gaya ng mga nasa probinsiya. Laging nagmamadali. Laging may kung anong hinahabol. Hindi nai-enjoy ang biyahe.

Dito kami madalas magkuwentuhan ni June, habang nagmimeriyenda o nanananghalian. Mas maluwang at mas maraming klase ng ulam. Mas kakaunti ang tao kumpara sa canteen. Mas nakakapag-usap kami. Mas mahal nga lang nang kaunti ang mga pagkain.

Medyo alangang tawaging ‘karinderya’ ang lugar. Dahil airconditioned at ang linis-linis. Salamin ang pinto at ang mga bintana. At dahil bahagya lang naman ang layo sa eskuwelahan, may ilan ding kumakaing estudyante. Iyong naghahanap marahil ng ibang ulam, o ng katahimikan.

Isang kantang hindi ko alam ang pamagat pero madalas patugtugin ni June sa tablet niya ang tumutugtog sa matangkad na radyo sa tabi ng kahera. Someone’s always saying goodbye, I believe in hurts when we cry. Tama lang lagi ang lakas ng radyo nila. Hindi masyadong mahina, na sila lang ang nakaririnig. Hindi rin masyadong malakas, na hindi na magkaintindihan ang mga nag-uusap.

Nakapangalumbaba si June. Nakapagtataka na hindi niya sinasabayan ang kanta. Naka-pencil cut na itim siya, at royal blue na blouse, kakulay ng polo barong ko. Pantalon ang pambaba nila pag TTh, pencil cut pag MWF.

“Ano’ng balak mo?” umayos siya nang upo.

“Di pa ‘ko sure, e. Pero malamang, ayoko na. Madali namang matanggap pag ganito, e. Pag first sem. Naisip ko kasi, kung tutuloy ako, isang taon na naman dahil isang taon ang kontrata rito. Isang taon na naman akong magtitiis sa mababang sahod. Di ba nga, balak ko nang lumipat sa publishing house, dahil gipit talaga kami. Natatakot lang akong baka di ko kayanin do’n. Kaya naisip ko, lilipat na lang ako sa ibang school. School pa rin pero sa mas malaki ang sahod. Ikaw?”

Hindi siya kumibo, nanatiling nakatingin sa akin, nag-iisip. Lumapit ang babaeng anak ng may-ari ng karinderya, ipinatong sa mesa namin ang dalawang puting tasang nakapatong sa mga puting platito.

“Natutuwa akong one year kong na-experience maging teacher. Nakaka-enjoy pala talaga. An’sarap sa pakiramdam ‘yung naisi-share ko ‘yung mga naiisip ko. Tapos, nakikinig sila. ‘Yung ramdam ko ‘yung worth ko. Sa industry kasi, 8 AM hanggang 9 AM, wala kaming ginawa kundi maglinis ng mesa. Dito, an’daming nangyayari sa loob ng isang araw ko.”

Humigop ako ng kape, habang nakatingin sa kanya. Napansin kong mas maganda siya pag ganoon na mukhang malungkot na seriyoso. Masarap titigan ang mga mata niya na mapungay at parang sa iiyak.

“Tapos, pag nakasalubong ako sa labas, papansinin ako. ‘Yung ramdam ko ‘yung existence ko.”

Naisip ko, lalo pag sa hayskul. Papaano pa kaya pag iyon ang naranasan niya? O kaya, papaano kaya kung ang sa unibersidad ang naranasan niya? Na puwede siyang maglakad nang wala man lamang nakakasalubong na estudyante niya. Ito kasi, college lang. Halos dalawang libo lang ang estudyante. Apat lang ang program, IT (Infromation Technology), CS (Computer Science), HRM at business management. Pero hindi ako kumibo.

“Ang pinakanagustuhan ko, ‘yung nu’ng birthday ko,” bahagyang nangiti si June, lumitaw ang mapuputi at pantay na pantay niyang mga ngipin. “Hindi kami nagklase ng isa kong section. ‘Yung pinaka-favorite ko. Tapos, may cake talaga sila. May video presentation pa. Puro mga picture ko. Ako raw kasi’ng favorite prof nila.”

Nangiti ako. “Ang sweet, ‘no?”

Tumango siya.

“So ano nga’ng balak mo? E di tutuloy ka pa?”

Nahinto ang paghigop niya ng kape. “An’dami ko kasing nakitang panget, e.”

Nagulat ako sa sagot niya. Kumunot ang noo ko.

“Tingnan mo, a. Sabi nu’ng orientation, ‘wag daw pag-uusapan kung magkano’ng rate natin. Sacred daw kasi ‘yung ganu’ng mga bagay. Tuwang-tuwa nga ako nang sinasabi ‘yun ni Dean. Nu’n pala, pare-parehas tayong P111 ang per hour. Unfair ‘yon. Kasi ako, thesis na lang ako sa MA ko. Nag-LOA (Leave of Absence) lang ako, dahil mag-iipon muna ‘ko. More than P100 thousand kasi’ng magagastos sa defense. E an’dami sa’tin, newly grad lang.”

Tumango ako. “E, ganu’n naman talaga sa mga gan’tong school. Ang turn-over rate nga raw rito, fifteen every year. Di ba? Isipin mo nga ‘yon. Every year, fifteen na teacher ang umaalis. Halos kalahati. Hindi makatagal sa sahod. Hindi sila marunong magmahal sa empleyado.”

“Oo nga. Pero sana naman, ‘wag nang sinasabing sacred. Masyado nang panloloko ‘yon. Ginagamit mo na ‘yung emosyon ng tao,” sabi ni June. “Saka ‘yung sa sahod, grabe. Hindi naman kasi madali’ng trabaho natin. Imagine, ang grading period natin, apat. Prelim, midterm, prefinals at finals. Kung may tatlo kang subject, doseng exam ang gagawin mo in a sem. Tapos, ipi-print pa natin ‘yung grade at papipirmahan sa mga student. Dapat, nasa kalahati’ng makapirma. Saka mo pa lang ie-encode.”

“Ang matindi pa d’yan, ‘ka mo, ‘yung sa finals. Two days after the examination day, encoding na. Pag hindi nakapag-encode, memo. Ano tayo, mga robot? Ang reason nila, kelangan daw madali ‘yung grade para mai-release agad, nang matagal ang enrollment season. Para maraming makapag-enroll. Puta, puro pera’ng iniisip nila. Wala man lang consideration sa’tin.”

“Saka ba’t kelangan nating papirmahan sa mga bata ‘yung gradesheet? Para tuloy tayong hindi gano’n ka-authorized. Para bang wala tayong masyadong power. Hindi tulad nu’ng mga college teacher sa ibang school.”

“Hindi talaga!” sagot ko. “Alam mo ba, si Sir Jake, hindi ko pa pala naikuk’wento. Kulang ng upuan sa classroom n’ya, kumuha ‘yung bata sa kabilang classroom. Dapat daw, ang magbubuhat pag gano’n, ‘yung maintenance. E walang maintenance. Si Sir Jake ang nagbuhat ng upuan nu’ng bata. ‘Protocol po kasi natin dito ‘yan, Sir,’ sabi raw nu’ng instructor sa kabilang room. Hiyang-hiya raw kay Sir ‘yung estudyante. Kinukuha raw sa kanya ‘yung upuan. Si Sir, sa inis n’ya, hindi n’ya ibinigay ‘yung upuan.”

Napailing si June. “Grabe ‘no? Kaya minsan, may mga student na ambaba nang tingin sa’tin. May thinking kasi silang sila ang nagpapasahod sa’tin.”

“Mali ‘yung mga bata sa gano’ng pag-iisip. Pero mas malaki ‘yung mali ng school, kasi sa kanila nagmula ‘yung ganyang pagtingin nu’ng mga bata, e. Tapos, tino-tolerate pa nila. Tingnan mo, ano’ng tawag nila sa mga estudyante? Customer. Talagang garapalan. Ipinamumukha nilang hindi ito school. Na business ito,” humigop ako ng kape. “Saka pansinin mo, parang walang halaga sa kanila ‘yung pagkatuto ng mga bata. ‘Yung academic excellence.”

“Ay, oo. Sobra,” sagot ni June. “’Yung library, ang unti ng aklat. Pero sa assessment form ng mga bata, nakikita ko, P1,500 ang library fee nila. An’dami ko ngang pina-research sa kanila, basic lang naman, pero hindi nila makita d’yan. Tapos, sabi  nu’ng ibang faculty, di ba, sarado raw ang library pag summer kahit may klase? Pero kasama pa rin sa binabayaran ng mga bata.”

“Saka kung talagang after sila sa pagkatuto ng mga estudyante, ang iha-hire nila, hindi man mga MA graduate, ‘yung may mga experience man lang. Hindi mga newly grad. Ako, marami ‘kong nakikitang reason d’yan. Una, ‘yung mga newly grad, okey ‘yon kahit sa mababang sahod. Kasi nga, wala pang experience. Then, ‘yang mga ‘yan, mga bata, madaling pasunurin. Walang tanong-tanong, sunod lang nang sunod. E sobrang bulok ‘yung sistema dito,” sabi ko. Hindi ako nangimi sa sinabi ko, kahit beynte tres pa lang ako, at si June, beynte kuwatro. Ganoon ako nang unang taon ko sa trabaho, sa una kong eskuwelahan. Hindi nakikita ang mga mali sa kumpanya.

Nanatiling nakatingin sa akin si June, habang humihigop ng kape.

“Sabi nga ng mga kaibigan ko pag nagkukwento ‘ko tungkol dito, gan’to raw talaga sa lahat ng school. Maraming panget. Wala naman daw perpektong school. Ang sagot ko naman, ba’t di nila subukan dito. Wala ngang perpektong school, pero ‘yung sistema dito, sobrang bulok. Saka puta,  puro papasok na pera ang mahalaga sa kanila.”

Tumingin ako sa paligid. Baka may estudyante o empleyadong kumakain. Kangina pa kami nag-uusap, hindi man lang namin naisipang baka may nakakarinig sa amin. Pero wala. Kami lang at dalawang tindera sa katapat na tindahan ng damit ang customer.

“’Yung paggu-gross cutting nila, sa sobrang tindi, mukha na silang tanga,” sabi ni June. “Imagine, pag below ten ang student, isang aircon lang ang gagamitin. Tapos, ‘yung susi, kinukuha pa natin sa guard, inila-log-in. Hindi tuloy makapasok ‘yung mga student. Nasa waiting area lang kahit ang init-init o umuulan. Dahil lang sa dahilan nilang ang binayaran lang ng mga bata e ‘yung aircon sa time na may klase sila. Mukhang tanga ‘no? Hindi kaya sila nahihiya?”

Natawa ako. “’Yung sa exam ang matindi. Pinipilit na maximum of four pages lang. Kahit hindi na mabasa sa sobrang liit ng font. Pag lumampas, pagagaw’in ka pa ng answer sheet. ‘Yung photocopy, ampanget pa. An’labo na nga, may mga itim-itim pa. Putang gross cutting ‘yan.”

“Alam mo, sa industry, hindi gan’to,” humina ang boses ni June. Para bang kaylungkot ng sasabihin. “Kasi, do’n, kahit pa sabihing business din ‘yon, medyo fair sa mga customer. Kasi, dapat, deserve nila ‘yung goods and services na makukuha nila. E ito, business na nga, sobra pa sa pagiging kapitalista. Nakakatakot kasi an’dami na nilang branch sa buong bansa. Bawat city rito sa NCR, meron. Bawat province yata, meron. Grabe. Gan’to karami’ng naloloko nila. Nadadaan sa mga radio at TV commercial.”

“Tapos, ‘yung mga syllabus pa nila, mali-mali. Hindi na nga updated, mali-mali pa.” Humigop ako ng kape. Dawalang sunod. Nagulat pa ako na wala nang kainit-init ang kape at na iyon na ang huling lagok. “Hindi maayos ‘yung order ng mga topic. Actually, pati naman ‘yung curriculum dito, e, hindi sa pang-aano, hindi maganda. Panget. Tama ba namang pagsama-samahin sa isang subject ang literature, sociology at anthropology? Ano pa’ng matututuhan do’n? E sa literature nga lang, kulang na’ng isang sem, e.”

“Pero alam mo kung ano’ng pinakaayaw ko rito?” tanong ni June. “Politika.”
Hindi ako kumibo. Kitang-kita ko sa labas ang nangakatambay at naninigarilyong mga estudyante. Isang pulang bus na pa-Novaliches ang dumaan. Itim na itim ang makapal na usok.

“An’dudumi ng mga tao rito. To think na sila ang mga nagtuturo sa mga bata, tapos, ganyan sila. ‘Yung family meeting lang na ‘yon, e, nakakasuka. Grabe.”

Ang Family Meeting ay meeting ng mga faculty member, araw-araw. Ala-una hanggang ala-una y medya nang hapon. Sa bawat araw, may instructor na nakalataga. May mga instructor na pang-Lunes, may pang-Martes, Miyerkules, Huwebes at Biyernes (walang pasok sa eskuwelahan kung Sabado). Mga immediate supervisor ang nagpa-facilitate sa meeting.

“Pa-family-family meeting pa nang tawag, dahil pamilya raw tayo,” sabi ko. “Hindi gan’to ang gusto kong pamilya.”

“Alam mo, nu’ng una kaming ipatawag do’n, kaming Tuesday group, natuwa talaga ‘ko. Kasi, sabi, bayad daw tayo sa thirty minutes na ‘yon. Tapos, ang pag-uusapan lang, mga tungkol sa buhay natin. Tungkol sa family mo, mga pangarap mo, ganyan. Para raw gumaan ang pakiramdam natin. Para maging mas maayos ang pagtuturo natin. Tuwang-tuwa talaga ‘ko. Nu’n pala, kinukuhanan lang tayo ng impormasyon kung kaninong immediate supervisor tayo galit. Kung sino’ng may balak pang mag-stay. Kung sino ‘yung mga napapangitan sa management ng school.”

“At ‘yon ang ginagamit against sa’tin,” sabi ko. “Tingnan mo si Sir de Castro, binanggit n’ya sa Family Meeting na inis s’ya sa immediate supervisor n’ya dahil alam n’ya, pinag-iinitan s’ya. Next sem, natanggal s’ya. Sabi pa, kakaunti raw kasi’ng teaching load kaya tinanggal. Nagpatawag pa ng meeting para lang do’n, halatang guilty. Ang tinanggal daw e ‘yung pinakamababa sa performance evaluation. E ang galing-galing kaya ni Sir, gustung-gusto nga ng mga estudyante ‘yon, e. Saka one year ang contract natin. Tapos, after a month lang, nalaman natin na hindi pa pala tapos ng MA itong head ng IT. E si Sir, tapos na. Kaya pala pinag-iinitan s’ya.”

Marami pa kaming napagkuwentuhan ni June nang araw na iyon. Madalas kaming mag-usap tungkol sa mga sama ng loob namin sa kumpanya, pero iba nang araw na iyon. Siguro, ganoon talaga. Ang mga bagay na pinag-uusapan, kahit parang paulit-ulit lang, bumibigat at nag-iiba nang timpla, pag nasasaling ng pamamaalam.

Tinanong ko siya ulit kung ano na ang plano niya, kung magpapatuloy pa ba siya. Pag-iisipan pa raw niya. Sabi ko, ako, baka hindi na.


Kinabukasan, Martes, hindi pumasok si June. Pinag-iisipan pa rin kung tutuloy pa siya. Ako naman, nagpasa na ng clearance at resignation letter. Hinakot ko na rin ang lahat ng gamit ko.

Nang sumunod na Lunes na kami nagkita ni June, nang kuhanin namin ang certificate of employment namin at ang tseke para sa huli naming suweldo. Nagkape ulit kami habang nagkukuwentuhan. Nagpasa na rin daw siya noong Huwebes ng clearance at resignation letter. Sa dalawang araw na pag-iisip, napagdesisyunan na raw niyang bumalik na lang sa car company. Mag-iipon daw muna siya nang makatapos na siya sa masteral. Malakas ang dating sa akin ng sinabi niya. “Nalulungkot ako, kasi, kada maiisip ko ‘yung first choice ko, ‘yung pagtuturo, ‘yung experience ko dito’ng maiisip ko. An’dating ngayon sa’kin, ganu’n kapanget ang pagtuturo.”


Magdadalawang taon na kami ngayong hindi nagkikita ni June. At tuwing nauupo ako sa tabing-bintana sa bus, at napapatingin sa langit, sa bahaging parang lagusan, madalas kong mahiling na sana, bumalik siya sa pagtuturo. At magkaroon ng magandang pagtingin sa minsang pinangarap na propesyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento