Martes, Hulyo 22, 2014

Pakimkim


Ito ang unang pistang hindi ako makakauwi sa Nueva Ecija. Dahil walang pera. Summer, wala akong teaching assignment (Filipino instructor ako sa isang pribadong unibersidad). P600 din ang pamasahe balikan. Biglang tumindi ang kagustuhan kong makalipat na sa public high school, nang kahit bakasyon, may sahod. Ang kaso, hindi ako LET passer. Hindi ako makapag-exam dahil hindi naman education ang tinapos ko, kundi bachelor of arts. Kailangan ko pang kumuha ng CTP (Certificate for Teaching Program). 21 units din iyon. Maximum ang 9 units kada semester, kaya lampas isang taon din bago matapos.

Ang bigat ng pakiramdam ko na hindi ako makakauwi. Pakiramdam ko, biglang ang tanda ko na, kahit kabebeynte-kuwatro ko pa lang. Nakapulupot na sa akin ang katotohanang kailangan ng tao ng pera. Umuuwi ang lahat ng kamag-anak namin pag pista, kaya parang family reunion na rin.

Tumawag si Kelvin, kababata ko at pinsang makalawa. Ninong daw ako ng pangalawa niya. Isasabay sa pista ang binyag, nang makatipid.

“Di ako makakauwi, e,” sabi ko. “May mga inaayos sa trabaho.”

“Paproksihan mo na lang.”

“Sige, sige. Titingnan ko.”

“O, sige.”

“O, pa’no? May gagawin na ‘ko, e.”

“A, gano’n ba? Sige, ingat.”

Nainis ako. Lalong hindi ako makakauwi. Makautang man ng pamasahe, papaano naman ang pakimkim? P500 ang nakasanayang bigay ng mga nag-aanak sa binyag. Wala nang nagbibigay ng P300.

Naisip kong uuwi naman kami sa Hulyo 21, kasal ng tita ko. Mayo 10 ang pista, medyo malaki rin ang pagitan. Hindi na siguro nakakahiya kung P200 lang ang iaabot ko sa inaanak ko. Tapos, sa Pasko, P100. P11,000 lang naman ang sahod ko kada buwan. Humihinto lang saglit sa kamay. Parang nangtatakam. Bago ipambayad sa kuryente, tubig at  bahay.


Umaga nang Mayo 11, alas-otso ako nagising. Maaga kumpara sa nakasanayan kong alas-diyes na bangon. Nagising ako dahil sa boses ni Monina, pinsan ko, sa amin nakatira. Umuwi siya noong bisperas ng pista.

“Kuya, Kuya, good morning!” ang luwang nang ngiti niya. Alam ko ang gayong pakiramdam. Ganoon ang nararamdaman ko pag kagagaling ko lang sa Nueva Ecija, sa lupang kinalakhan ko. Para akong nakainom ng isang baso ng nagyeyelong tubig matapos ang mahabang lakad sa katanghalian.

“Musta?” nag-inat ako.

“Me pasalubong ako sa’yo.”

“Ano?”

“Dyaran!” itinaas niya ang kung anong bagay na nababalutan ng pulang pambalot ng yema, ipinatong sa mesa, saka binuksan. Ang laman, isang piraso ng matigas na hita ng manok, isang plastic cup ng maputlang macaroni salad. At isang mumurahing mansanas.

Gumana na naman ang calculator sa utak ko. Dahil dito, pag-uwi namin sa Hulyo, hindi puwedeng P200 lang ang ibigay ko sa bata. Parang gusto kong magalit kay Monina na kinuha pa niya ang pa-give away.

Dinampot ko ang mansanas. Para itong tennis ball sa kamay ko. Bumalik ako sa kama. Ramdam na ramdam ko pa rin ang pagkakapulupot sa akin ng katotohanang kailangang-kailangan ng tao ang pera para mabuhay. Bagay na hindi ko nararamdaman noong bata pa ako.

Kinagat ko nang malaki ang mansanas. Makunat. Lasang-lasa ko ang asim ng reyalidad.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento