Walang malungkot na
ulan.
Dumidilim lamang,
parang gabi.
Kung malakas ang ulan,
parang hatinggabi.
Para kang mag-isa.
Parang walang kasama.
Walang malungkot na
ulan.
Maingay lang ang
malalaking patak.
Malalaking boteng
nababasag.
Parang may isinisigaw.
May tinatawag.
Dahan-dahang manghihina
ang mga ingay sa
paligid:
huni, ugong, tunog, kaluskos.
Manghihina.
Mamamatay.
At may kung anong tinig
o himig na papalit.
Naririnig mo lang iyon
kung gabi
kung mag-isa
kung tahimik.
Walang malungkot na
ulan.
Pinapatay lang ng hatid
nitong lamig
ang init.
At darampi ang malamig
na kamay ng hangin
sa iyong balat
balikat, talampakan.
Manunuot sa kalamnan,
sa kaibuturan ng
kaakuhan.
Walang malungkot na
ulan.
Walang mahika ang
lamig,
dilim, malalaking
patak, ingay at himig.
Walang malungkot na
ulan.
Binubuksan lang nito
ang tarangkahan.
Kusang umaalpas
ang sarili mong
kalungkutan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento