Huwebes, Agosto 21, 2014

Sayaw ng mga Konduktor at Barker


Marahil, isa ito sa magagandang bagay na naidulot sa akin ng halos araw-araw na pagko-commute. Isa sa mga bagay na ipinagsasalamat ko at hindi ako ipinanganak na mayaman, na wala akong kotse.

Setyembre 15, 2012, nagpunta ako sa SMX Convention Center, para sa 33rd Manila International Book Fair (MIBF). Mahilig akong mangolekta ng mga aklat, lalo na ng mga nobela at kalipunan ng mga maikling kuwento. Taun-taon, inaabangan ko ang MIBF. Talagang nagtatabi ako ng pera mula sa sahod ko para rito. Ang usapan namin ng kaibigan kong babae, sasamahan niya ako. Excited pa nga siya. Pero bunga ng biglaang pagkagipit sa pera, hindi na niya ako nasamahan.

Nag-LRT ako papuntang SMX Convention Center, bumaba ako sa Gil Puyat. Orange multicab ang sasakyan doon papuntang Mall of Asia. Katanghalian at maraming tao. Halos puno na ang nakapilang multicab.

“O, isa na lang, o! Isa na lang, o! Lalakad na!” sabi ng barker. Payat siya, maitim. Disi-syete anyos siguro. “Sa walang friends d’yan, o! Isa na lang, o! Isa na lang! Sa walang friends d’yan, o! Isa na lang! Lalakad na!”

Nakatatawang isipin, pero hindi ako sumakay sa multicab dahil sa takot kong isipin ng mga tao, na wala akong friends. Bukod pa sa nalulungkot nga ako at wala akong kasama.

Isang babae ang sumakay. At natawa ako sa banat ng barker.

“Yehey! Si Ate, walang friends! Palakpakan!” At nagpalakpakan talaga ang ilan.

Pag naaalaala ko ito, naaalaala ko rin ang ilang karanasan ko na may ganito ring kuwento.

Noong nasa kolehiyo ako (sa PUP ako nag-aral), bus na pa-Malinta Exit ang sinasakyan ko pauwi. Sa Doroteo Jose ako sumasakay ng bus. Pag marami nang sakay ang bus, at marami nang nakatayo, pinauusod ng konduktor ang mga pasahero sa gitna. Dapat, malayo sa pinto. Para madaling makasakay ang mga sasakay. At madaling makababa ang mga bababa. Pero may mga pasaherong ayaw magsisiusod sa gitna. Puwedeng hindi naririnig ang sinasabi ng konduktor—dahil maingay o dahil pagod sila. Puwedeng nasisikipan sila sa gitna. Puwedeng mas nalilibang silang nakatayo malapit sa pinto. Puwedeng ang gusto nila, pag bababa sila, baba na agad—kahit minsan, malayo pa ang bababaan nila.

Minsang pauwi ako, pinauusod ng konduktor sa gitna ang mga pasahero. At ayaw nilang magsiusod.

“Usod lang po tayo sa gitna, Ma’am, Sir! Usod lang po tayo sa gitna!” sigaw ng konduktor. Pero wala pa ring pumapansin sa kanya. Sumigaw ulit ang konduktor. “Usod lang po tayo sa gitna! Usod lang po tayo sa gitna!” Wala pa rin.

Sumigaw ulit ang konduktor. “I said, ‘Move backward!’”

Tawanan ang mga pasahero. Sumaya bigla sa loob ng bus.

“Pa-move-move backward ka pa, a,” natatawang sabi ng isang pasahero.

At nag-usudan sa gitna ang mga nakatayo.

Ang nakakatuwa rito, bukod sa tama ang Inggles ng konduktor, nakuha pa rin niyang magbiro sa kabila ng pagkainis at matinding pagod.

Sa isa ring bus, pa-Cubao naman, natawa rin ako sa hirit ng konduktor. Rush hour noon, umaga. Ang daming pasahero. Hirap dumaan sa gitna ang konduktor. Hindi ko na maalaala kung malaki ang tiyan niya o hindi. Karamihan kasi sa mga konduktor, malaki ang tiyan.

“Royal lang, Kuya,” sabi ng katabi kong babae. Parehas kaming nakatayo. Lampas trenta na siya, marahil.

“Hindi malamig, a,” nakangising sabi ng konduktor.

Sumimangot ang babae. Parang na-bad trip. Hindi ko na-gets. Buffering. Mga tatlong segundo siguro, na-gets ko rin. Sa Royal bababa ang babae. At dahil may softdrinks na Royal, ang sagot ng konduktor, “Hindi malamig, a.” Parang bumibili lang ng softdrinks sa tindahan ang babae. Konduktor nga lang ang inabutan niya ng pera.

Siguro, kaya hindi ko na-gets agad ang joke, dahil korni. Parehas na dahilan kaya sumimangot ang babae, bukod sa hindi naman sila close ng konduktor para biruin siya nito. Pero ang masasabi ko lang, korni na kung korni ang joke ng konduktor, pero saludo ako sa mga gaya niya.

May mga ilang kuwento rin akong alam. Ganito rin. Bagama’t hindi ko mismo nasaksihan, naikuwento lang sa akin.

Sa multicab na pa-MOA pa rin, kuwento sa akin, may iba pang banat ang mga barker. O puwedeng mula lang sa isang barker. Pag isa na lang daw ang kulang, at may sasakay na lalaki, ganito ang sinasabi: “O, konting ipit lang po! Konting ipit lang po! Kamuk’a ni John Lloyd ang uupo!” Kung babae naman: “O, konting ipit lang po! Konting ipit lang po! Kamukha ni Bea ang uupo!”

Sabi ng nagkuwento sa akin, ganoon daw ang sinasabi ng barker, kahit hindi naman kamukha ni Bea o ni John Lloyd ang uupo.

Sa mga bus naman daw na dumaraang Edsa, minsan, maharot ang biro ng konduktor pag nadaraan sa Caloocan, malapit sa BIR. May isang kanto kasi roon, ang pangalan, Tiñio. At ganito raw ang sinasabi ng konduktor: “O, sa bababa r’yan! Kanto Tiñio na! Kanto Tiñio!”

Sasabihin marahil ng iba, bakit kailangan pang ipagsigawan iyon. May mga batang pasahero. Isa pa, wala namang bumababa roon. Pero anu’t ano man, tulad ng sinabi ko kangina, saludo ako sa ganitong mga tao.


May mga tao tayong kilala, na sa dami nang pinagdaraanan, nagsasawa na sa buhay. May nagpapakamatay. Nalululong sa droga. Napapariwara. Nagsisitakas sa kani-kanilang alam na paraan. Pag naaalaala ko ang mga barker at konduktor na nabanggit ko, naiisip ko, kung sila, nagagawang magbiro at tumawa (bagama’t hindi natin masasabi kung masaya nga sila), sa kabila ng problema, bakit hindi natin kakayanin? Hindi ko alam ang pinagdaraanan ng mga nalululong sa droga, napapariwara, nagpapakamatay. Pero siguro naman, hindi simple ang pinagdaraanan ng mga konduktor at barker. Walang katiyakan kung magkano ang iuuwing pera. Pagod. Matinding traffic. Init. Pagtataas ng mga bilihin. Kawalang kasiguraduhan sa trabaho. At kung anu-ano pang panghahambalos ng malupit na lipunan. Pasalamat pa nga tayo, at nababahagian pa nila tayo ng saya. Gumagaan ang pagko-commute. Sila na sa unang tingin pa lang, mas may makarapatang malungkot kaysa sa atin.

Maaaring sabihing wala namang mangyayari kung mag-iinarte, lalo naman kung tatakas sa mga suliranin. Totoo. Pero hindi nga ganoon ang nangyayari. Maraming tumatakas, alam natin iyan. Sa madaling sabi, ang ganitong ugali ng mga barker at konduktor, ay hindi lang dahil alam nilang walang mangyayari sa pagtakas at pag-iinarte. Dala ito ng kakayahang magdala ng sarili.

Meron ako dating nabasang quote. Nagandahan ako. Kaya madalas kong maalaala. At kada maaalaala ko ito, naiisip ko sila.

“Life is not about waiting for the storm to pass. It’s about learning how to dance in the rain.”—Vivian Greene

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento