Linggo, Agosto 17, 2014

Samantalang Umuulan


Musika ang matatabang patak ng ulan
inanyayahan ang aking mga paa,
magtungo sa pintuan
masdan ang pagbibihis ng bakuran.

Sa alulod at kanal sa loob ko
masiglang umagos ang mga salita
sa akala kong baradong akda.

Nagwawala ang mga punit-punit
na dahon ng saging,
naglililiyad ang punong bayabas,
nagkukumpas ang mga katawan ng kawayan.
Luminaw ang larawan
ng kinikilala kong tauhan.

Basag na tunog ang kulog.
Parang may treng dumadaan
sa ibabaw ng mga ulap.
Naninindak ang kidlat.
Meron yatang nais isiwalat.
Unti-unti, nagkatinig
ang mumunting mga bagay sa isip.

Nagpaalam ang ulan.
Ang karahasan.
Ang kalungkutan.
Iniwan ang bakuran
sa bagong kasuotan.

Sa mataba’t masiglang lupa,
luntiang damo
nakatindig
ang kinakatha kong maikling kuwento.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento