8:30
ng umaga, Hunyo 4, nang dumating ako sa NBI Recto, sa loob ng Ever Gotesco
Mall. Hindi na iyon maaga, dahil sa ganitong mga bagay, 4:30 pa lang, ang haba
na ng pila. At ganoon nga nang dumating ako.
Nag-upo
sa sahig ang mga tao, dahil iyong mga malapit nang papasukin lang ang may
upuan. Sobrang init. Parang mga treng tumutulay sa patilya ko ang pawis ko.
Hindi pa bukas ang mall, kaya patay pa ang mga aircon. Marami ang nagpapaypay.
Iyong iba, pamaypay ang gamit. Iyong iba, panyo na lang. Ako, dahil walang panyo
at pamaypay, kamay na lang. Nakakainip. Marami ang nagsi-cellphone. May
nagti-text. May naglalaro ng naglalaro ng Zombie Tsunami at Hill Climb sa
tablet. Iyong dalawang babae sa likod ko, parang parehas nang lampas trenta, mangingibang-bansa
yata. Pinapayuhan ng isa ang kasama kung papaano ang mga gagawin pag nasa
abroad na sila. Pagkatapos, nagkuwento naman ang kausap ng mga bibilhin niya
pag sumasahod na sila.
“Naku,
pag-aaralin ko talaga’ng mga pamangkin ko. Ayokong matulad sila sa’kin.”
Maya-maya,
gumalaw ang pila. Laking tuwa ko—nasa upuan na kami. At maya-maya ulit, gumalaw
ulit ang pila. 9:30 na sa cellphone ko. Sa loob na kami. Pero hindi ko na ito ikinatuwa.
Sa
loob ng dating sinehan ang bayaran. At puno ng kukuha ng clearance ang tatlong
hati ng upuan sa balcony. Ang dami ring tao sa baba. Napakamot ako. Nag-unahan
sa upuan ang mga bagong pasok. Iba na ang mga katabi ko. Nasa dulong likod na
iyong dalawang babae.
“’Yong
mga bagong dating po,” sigaw ng matandang lalaking staff, “pangatlo pa po kayo!
Una po sila!” Itinuro niya ang mga nasa gawing kanan. Marami sa mga ito ang
tulog. “Kanina pa po silang 4:30 rito. Susunod po sila!” Itinuro niya ang mga nasa
gitna. “Saka pa lang po kayo!”
Nakita
ko sa mukha ng mga katabi ko ang pagkadismaya.
Kinuha
ko sa bag ko ang ‘Peksman’ ni Eros Atalia. Talagang dinala ko ito. Magaang
basahin. Okey na okey para sa mga ganitong pagkakataon. Pangalawang kuha ko na
ito ng NBI clearance, sa main ang una. Sa UN Avenue. Inabot ako noon ng anim na
oras. Sising-sisi ako na wala man lang akong dalang kahit na anong libro.
Maya-maya
lang, tapos ko na ang dalawang kabanata ng aklat. 10:25 na. Sumandal ako at
umidlip muna.
Nagising
ako nang mag-“excuse me” ang nasa dulong upuan. 11:02 na sa cellphone ko. Hindi
pa rin gumagalaw ang pila. Nasa upuan pa rin iyong mga kanina pang 4:30. Tumayo
ako. Isa lang pala ang bukas na window para sa payment, dalawa ang sa encoding,
dalawa ang sa picture taking, at isa ang sa releasing. Naiipon na ang mga tao
sa payment.
“B’wisit
na gobyerno,” sabi ng may edad nang lalaki na nakaupo sa aisle. “Gan’tong bagay
na lang di pa magawa’n ng paraan.”
“Sobrang
hirap kumuha, ‘no?” sabi ng kasama nito. “Dapat, hindi tayo nahihirapan sa
pagkuha ng NBI clearance. Hindi naman tayo kriminal. Cleared naman tayo sa NBI.”
Tama,
sa isip-isip ko. Ako, kung hindi lang talaga kailangan, hindi ako kukuha ng NBI
clearance. Kahit pa sabihin sa aking kumuha na dahil kakailanganin din. Ang
kaso, pre-employment requirement. Hindi ako sasahod hangga’t hindi ako
nakakapagpasa.
Bumalik
ang babaeng nag-“excuse me” kanina. May dalang mineral water. Kumain siguro.
Gusto ko ring kumain. Gutom na ako. Pero tiniis ko na lang ang gutom ko. Sa
bahay na lang, nang makatipid. Gipit. Walang teaching load nitong summer. Dalawang
buwang walang pera. Mabuti’t nag-almusal ako, kung hindi, baka kanina pa ako hinimatay.
Saktong
alas-dos na nang makabayad ako ng P115. Kinse minutos pa, naiabot ko na sa nasa
releasing ang resibo ko. At maya-maya lang, ibinalik din sa akin. Nakatatak sa
likod, NBI RELEASED JUN 11 2014. Napakamot ako. Babalikan pa sa susunod na
Miyerkules.
4:05
na nang dumating ako sa bahay. Wala pa ring kain. Binuksan ko ang radyo, sa FM,
at dumiretso ako sa kusina.
Habang
kumukuha ako ng kaning-lamig, ibinabalita sa radyo na nakalabas na ng bansa ang
dalawang itinuturong sangkot sa pork barrel scam—pagnanakaw ng P10 bilyon sa
kaban ng bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento