Sumama ako kina Mommy at Daddy sa pagdalaw sa mag-iina
ni Kuya Oka. Nakatraysikel kami.
Dispatcher ng Bayantoda si Kuya Oka, kumpare at matalik na
kaibigan ni Daddy. Inaanak pa nga ni Daddy ang panganay nito, si Joel. Maitim
si Kuya Oka, kulot, may buhay na nunal sa itaas ng kaliwang mata, laging naka-t-shirt
na puti.
Kaya madalas siyang lokohin sa traysikelan na di raw siya
mababangga kahit gabi.
Tatlo ang dispatcher ng Bayantoda, pero pinakamadalas kong
makita si Kuya Oka. Panggabi kasi siya, oras nang uwi ko galing PUP. Sa
kanilang tatlo, siya ang pinakagusto ko. Bukod sa kaibigan siya ni Daddy, hindi
siya bastos sa mga pasahero. Di gaya niyong dispatcher pag tanghali,
sinasabihan nang maarte ang mga babaeng pasaherong ayaw bumakrayd.
‘Liwanag’ ang pangalan ng street namin, susunod ang Bukas
at Pagbangon. Pag sinabing “Liwanag! Liwanag!” nag-uunahan agad ang mga
pasahero. Wala naman kasing pila, isang mahabang upuang bakal lang.
Hindi ko na kailangang sabihing sa Liwanag ako, kilala na
ako ng mga dispatcher. Alam na anak ako ng tricycle driver. Pag tatlo na ang
pasahero, at dumating ako, bigla nilang sasabihin, “O, Liwanag! Liwanag!” Hindi
ko na rin kailangang makipag-unahan, pag si Kuya Oka ang dispatcher. Madalas kasi,
pag tatlong Pagbangon na ang pasahero, at kulang pa ang Liwanag, pinalalakad na
niya ang Pagbangon. “Pagbangon! Pagbangon!” Tapos, titingnan niya ako. Liwanag, basa ko sa buka ng mga labi
niya. Kaya nauuna pa ako sa naunang mga taga-Liwanag.
Isang bagay ang pinakanatatandaan ng mga tao kay Kuya Oka.
Hindi siya bumoboto.
“Mabub’wisit lang ako. Wala namang nangyayari,” tanda ko
pang sabi niya, nang minsang mag-chess sila ni Daddy sa bahay, at may kaharap
na Gin bulag at pritong tinapa.
Sa inuupahan nila, sabi ni Daddy, wala kang makikitang
tasa, t-shirt, pamaypay o kalendaryo, na galing sa mga politiko.
“Pag uminom kasi ‘ko gamit ‘yung tasang me muk’a ni Mayor, baka
sumama lang ‘yung lasa ng kape. Malason pa ‘ko.”
Kaya sa bilihan ng boto pag barangay election, wala siyang
natatanggap.
“Ba namang boboto lang, me dalwa’ng libo na s’ya. Ayaw pa
n’ya,” sabi ni Mommy.
“’Yon di’ng sabi namin. Kaso, ayaw talaga e,” sagot ni Daddy.
“Sa botohan lang ng Bayantoda bumoboto ‘yon.”
Pagdating namin sa kanila, tahimik na ang bunso niya. May
sinususo nang gatas.
Na-stroke kahapon si Kuya Oka. Isinugod sa ospital, kahit
hindi alam kung saan kukuha ng pambayad.
“’No ba’ng nangyari?” tanong ni Daddy sa lalaki sa
tabing-pinto. Tricycle driver din, di ko nga lang alam ang pangalan.
“E ‘ayun, walang panggatas. Iyak nang iyak si Ogie. Wala
ring pambiling ulam. Nahihilo na sa gutom ‘yung dalawang malaki. Si Mare, naiiyak
na.”
Tiningnan ko ang tatlong bata. Sumususo iyong pinakamaliit,
wala pang isang taon. Nakasalampak sa sahig iyong dalawa. Apat na taon siguro
si Joel, at tatlong taon iyong sumunod. Ang lalaki nang subo. Parang mauubusan.
“Nag-ambagan na lang kanina ‘yung mga nakapila. Sabi ni Boy
Tulay, may bigayan daw uli mam’yang gabi. Balikan ko raw.”
Naisip ko, parang napakahirap sa isang pamilya kung isa lang
ang nagtatrabaho, at ang liit pa nang sahod. Sana, maganda ang trabaho ng mapangasawa
ko.
May nagbukas ng TV. Channel 7, Flash Report.
“D’yan,” sabi ni Daddy.
Ibinabalita ng babaeng reporter ang tungkol sa nawawalang
P10 bilyon pork barrel. Ibinulsa lang ng mga senador at konggresista.
Pangunahing akusado ang mayayaman nang sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at
Juan Ponce Enrile.