Madilim, maalingawngaw ang awitan ng mga kuliglig,
at kumukumpas ang mga talahib. Sarado na ang mga bahay, pero mapapansing bukas
pa ang ilaw sa mga sala.
Pauwi na sina Ogar at Adyeng, mga
lasing na. Natanaw nila ang magbabalot, pauwi na. Taga-kabilang-bayan ito, pero
gabi-gabing naglalako sa kanila.
“Oy! Magkano ba’ng isa?” si Adyeng.
Bumaba sa bisikleta ang magbabalot.
Nasa singkuwenta na rin ito, maitim, maliit, payat, nakasumbrerong buli. “Onse
ho.”
“N’webe na lang,” angil ni Adyeng—
natawa si Ogar.
“E hindi ho p’wede’t wala na akong
kikitain.”
“Kaarte mo naman. N’webe na lang,”
mas malakas na ang boses ni Adyeng— pati ang tawa ni Ogar.
“Hindi nga ho p’wede,” matigas na
rin ang boses ng magbabalot.
“’Kaw naman, o. Magbabalot ka lang
e kaarte-arte mo,” lumakas lalo ang
boses ni Adyeng— tumawa lang uli si Ogar, malakas, na biglang nahaluan ng sigaw
ni Adyeng, nang bigla itong saksakin ng magbabalot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento