Lunes, Hunyo 18, 2012

Pagguhit sa Hangin


Natutulog pa si Ardem
nang may hawak na Barbie
tinuruan na siya nina Cinderella’t Rapunzel
ng mga papet sa romance pocketbook
ng mga manikin sa teleserye
na gumuhit ng pangarap sa hangin.

Ginawaan pa siya ng mga ito ng imbitasyon
para kay Prince Charming
sa gintong pamilya’t diyamanteng mga anak
sa kumikinang na pangalan
sa magarbong palasyo
para sa pagdiriwang na idaraos
sa guguhitan niyang hangin
at libo-libong panaginip.

Tatlo nang anak ngayon ni Ardem
walang diploma
nangungupahan ng bahay
namatayan ng asawa.
Pero kilalang-kilala pa rin niya
ang nagsidalo sa pagtitipon
gaya ng pagkatanda niya
sa mga gumawa ng imbitasyon
na gustong-gusto niyang tadtarin ng saksak
sa pagpaniwala sa kanyang
libre lang ang pangarap.

Sabado, Hunyo 16, 2012

Syota


“Tanga, boyfriend ko ‘yon! Magkaiba ang syota saka boyfriend. Pag boyfriend, gusto mong mapangasawa ‘yon. Pag syota, pastime lang. Kaya nga ‘syota’ e. Short time,”  pinakanatandaan ni Robert sa kaklase niyang sa Precy.

Isang Biyernes, bago siya umuwi, galing call center, dumaan siya sa National Book Store. Bibili siya ng sign pen. Sa pen section, isang babae ang nagti-test ng sign pen sa scratch paper. Nakatagilid ito sa kanya. Pero sa ayos ng buhok nito, sa hugis ng mukha, sa laki ng braso, si Presing-si Precy ito.

“Precy,” halos bulong lang, baka kasi mamaya, hindi pala ito si Precy— mapahiya pa siya.

Tumingin sa kanya ang babae. “Obet!” halos mapatalon ito.

“Ano’ng ginagawa mo rito?”

“Nagkita kasi kami ng syota ko.”

Natahimik siya. “Syota?” Di ba’t ayaw ni Precy sa salitang ‘yon?

Tumingin si Precy sa likod niya. “Classmate ko no’ng college.”

Lumingon siya. Nakaharap sa kanya ang isang matabang babae, makinis, mukhang mayaman, gupit-lalaki.


Sa Sobrang Dami ng Dala


Inutusan niya ang kanyang tula
na umakyat sa tuktok ng Bundok Apo
dala ang isang sakong pangarap
dalawang pusong may lamat
isang karitong puno
ng nawawalang bangkay ng mga desaparecido
dalawang garapon ng hinimay na mga utak
ng mga pilosopo
isang tiklis na siksik ng mga daliri
ng mga nasa gobyerno.

Binilinan niya itong pag nandoon na
isa-isang ihagis sa kapatagan
ang lahat ng dala
at sigawan ang buong mundo.

Ngunit sa sobrang dami
ng dala ng kanyang tula
sa paanan pa lang ng Bundok Apo
namatay na ito
nang ang nakarinig lang ng boses
ay nangalirang na mga damo
at ang lahat ng dala
ay pinapak lang ng mga insekto.

Martes, Hunyo 12, 2012

Hunyo 12


Hunyo 12, 2012, Martes, tanghali. Magkaharap sa sala si Len-len at ang mama niya. Titser ito sa pribadong kolehiyo, si Lenlen naman ay sa pampubliko.

“Tanggapin mo na ‘yong limang libo. Parang iko-complete lang e. Ang liit na nga lang ng sahod mo e. Saka makakapulot ka ba no’n?”

“Hindi nga po. E pagtanda ko naman, isusumbat pa sa’kin ng konsens’ya ko ‘yong limang libong ‘yon. Mawawala integridad ko.”

Nalukot ang noo ng mama niya. “Nakakain ba ‘yon?”

Itinuro ni Len-len ang maliit na watawat nakasabit sa pinto, isinabit ‘yon ng mama niya kahapon. “Ako muna po sagutin n’yo? Bakit nagsi-celebrate kayo ng Araw ng Kalayaan? E ‘yon, hindi na nga nakakain, hindi pa totoo.”

Natahimik ang mama niya.


Paglalaba



Nakabakod ang mga ulap sa araw
at malamig ang halik ng hangin
nang harapin niya ang isang batyang tubig
at kusutin ang mga damit na panlakad.

Hindi niya pinili
ang nakabantay ang araw
kahit handog niyon ay bango
at pagkamatay ng mga mikrobyo
‘pagkat banta iyon sa pananatili ng kulay
ng pagkawala ng pagiging gabi ng itim
ng pagiging payapa ng bughaw
ng pagkamapang-akit ng dilaw.

Pinili niya ang pananatili ng kulay
kaysa sa sanghaya’t kalinisan
at hindi na niya gaanong ikinalulungkot
na inabot ng ulan sa sampayan ang isa
sapagkat matagal na niyang inunawa
ang paglalaba
parang buhay
batbat ng sakripisiyo’t pagpapasya.


Lalaking Matakaw sa Aklat



Maiksi lang daw ang buhay ng tao
at sandamakmak ang masarap na libro
kaya sa edad niyang dalawampu’t apat
libo na ang nakain niyang aklat.
Almusal niya ang tula’t kasaysayan
pananghalian ang nobela’t sanaysay
hapunan ang utak nina Mao, Steinbeck, Joyce, Gorky
Hemingway, Twain, Shaw, Bukowski
panghimagas ang kina Ordoñez, Abueg, Reyes, Bautista
meriyenda ang kina Lawrence, Gorky, Bolaño, Neruda.

Lagi siyang nagku-quote ng lasa
kung may kadebate sa mesa
sasabihin halimbawa
ang nasa lutong “Origin of the Family” ni Engels
o ang nakasahog sa “Das Kapital” ni Marx
ang nasa recipe ni Churchill na “History of English Speaking People”
o kaya’y ilang panghimagas ni Abraham Lincoln.

Walang katwiran sa kanya ang anumang paliwanag
na hindi galing sa pinggan ng aklat.

Hanggang isang araw
may nakasalungat siya sa mesa
mabibilang lang ang nakaing aklat
hindi katakawan.
Nag-quote siya ng maraming lasa
may galing sa Ho Chi Minh at Stalin
may galing sa Santayana at Lenin.
Nalukot ang noo ng kaharap sa mesa
dumampot ng kutsara
saka tinuran, “Ang dami mong binanggit na lasa,
wala ka namang naluto ni isa.
‘Buti pa’ko, kahit gagani-ganire
nakagawa ng sarili kong putahe.”

‘Yon lang ang sinabi nito
at hanggang ngayon
hindi siya makatulog nang maayos.






Sabado, Hunyo 9, 2012

Pagniniig ng Dalawang Langaw



Sa maruming pinggan
may nagpatong na dalawang langaw
at hindi ko alam kung sino ang nasa ibabaw.
Agad ko silang binugaw
at mabilis silang sumakay sa hangin
dumapo sa nakasabit na basket
magkaniig pa rin.

Hindi natin ito kaya
ang magsiping habang lumalakad
o ang magsiping sa harap ng publiko.
‘Pagkat hindi tayo mga langaw.

Ngunit isang bagay ang kaya natin
ang patuloy na pagniigin ang damdamin
tinatangay man ng napakalakas na hangin.


Adik sa mga Inspirational na Libro



Katatapos lang niya ng kolehiyo
nang mahilig siya sa mga inspirational na libro
paano maging mabisang tao
magkaroon ng malusog na kaluluwa
maging mabuting asawa
maging maginhawa’t masaya
magkaroon ng sandamakmak na kaibigan
mabilis na pagyaman
maging matagumpay sa buhay.

Marami siyang nakuha’t nalaman
mula nang isabay niya ito sa kape’t pandesal
gawing unan sa pagtulog
tuwalya pagkatapos maligo
kakuwentuhan kung siesta
kasama sa bus kung naglalakbay.

Maraming sumaludo sa kanyang talino
at ramdam na ramdam niyang
hindi siya pangkaraniwan
nabubuhay nang may kaganapa’t katuturan
bahagi ng hangin at ulan
ng kuliglig at gabi
alam ang patutunguhan.

Ngunit nang matagal na siyang humihinga
sa handog na daigdig ng mga bagong pilosopo
sa sandamukal na aral ng mga inspirational na libro
saka lang niya napansing
matagal na palang nawawala
ang kanyang pagkatao.




Lunes, Hunyo 4, 2012

Sa Paglalayo't Pagyayakapan ng Aking mga Pilik-Mata


Kambiyo lang ang pagitan namin ng tsuper
at binabasag ng wiper ang mga gumagapang na tubig
sa hinilamusang pisngi ng windshield.

Kumulog, kumidlat
bumagsak ang liwanag.
Pinagyakap ko’ng aking mga pilik-mata
nakita ko tayong dalawa
nakasakay sa bus, magkahawak-kamay
samantalang nakasandal ka sa aking balikat
at dinidisiplina ang lupa ng ulan.

Kumulog, hindi ko alam kung kumidlat
hindi ko nakita kung may gumuhit na liwanag.
Pinaglayo ko’ng aking mga pilik-mata
nakita kitang nakahawak sa namimilog mong tiyan
akbay-akbay ng lalaking iyong nakainuman.

At binasag ng aking pilik-mata
ang gumapang na tubig
bago umabot sa nilalanggas pang pisngi.


Habang Tumatanda Ako


Noong nakukuha ko pa’ng lahat sa pagngalngal
kailangan pang subuan at paliguan
tabihan ng walis-tambo para lang matulog
napakahalaga sa mundo ng lalagyan ng pulbo
ng baha sa rampa, ng kantang “Ako ay May Lobo.”
At ang mundo noon, isang paraiso.

Noong magpatuli ako
nagpatuli rin yata’ng lahat ng tao
at natutong umibig lahat ng mga puso.

Nang tumungtong ako sa mataas na paaralan
makaramdam ng kakaiba sa katawan
tuwing makakakita ng makikinis na balikat
makikitid na baywang
wala nang mahilig sa laruan
hindi na paraiso ang mundo
at malibog na’ng lahat ng tao.

Nang magtatapos na ako sa sekondarya
mga programa sa tersiyarya na’ng laging paksa
nagliliparan na’ng mga pangarap
at parang kanser na’ng libog ng lahat.

Nang naroon na ako sa napiling kurso
hindi na paraiso ang mundo
at parang nalilito na’ng lahat
basura na’ng mga laruan
kasintahan na’ng kailangan
mga guwapo’t maganda na’ng bida
hindi ang matatanda sa eskuwela.

Pagkatapos kong mag-aral
doctoral at masteral naman
ang nasa hapag-usapan.

At ngayong beynte-dos na ako
hindi ko na alam
kung ano ba talaga ang kasiyahan
hindi na ako marunong makontento
at hindi ko na alam
kung saan ba patungo ang tao.

Climate Change


Katapusan ng Marso, nagpunta ako sa Recto
bumili ng libro.
Tag-init na dapat
pero napakalakas ng ulan
naawa tuloy ako sa barker ng dyip
nuno nang payat, yakap-yakap ang katawan
habang sumisigaw at ginaw na ginaw.

Buwan ng Nobyembre, pumunta ako sa Divisoria
bumili ng simpleng pamporma.
Malamig na dapat nito, pero damuho
pawis na pawis ang kili-kili ko.
Lalo pa akong naburyo
nang makita ko si Manong
pasan ang tatlong malalaking kahon
sinisigawan ng maputlang Koreano.

Kalagitnaan ng Mayo, nagpunta ako sa V. Mapa
bibili ng gitara.
Bakit kaya wala pang ulan?
Narinig kong sabi ng batang-lansangan.
Sana raw, bumuhos na ang ulan
nang makagawa na sila ng mga tawirang bato
may mapagkakitaan
at hindi mapagbintangang sindikato.

Hunyo na, dapat, panay na ang ulan
pero laging nanlilisik ang araw.
Naisip ko, ang klima, hindi dapat nagbabago
pero nagkaganito
ngunit ang kinakalawang na sistema
gaya pa rin nang dati… damuho!




Biyernes, Hunyo 1, 2012

Supot


Nasa Fivestar na bus si Jojo, pauwi sa Bataan. Nasa net sa upuan ang mga pagkaing binili niya, Piattos, Nova, ensaymada, pineapple juice, at Cloud 9— nakalagay sa plastik ng Mercury Drug.

Napatingin siya sa upuan sa likod ng katapat niyang upuan, nakatingin sa kanya ang isang babae, nasa kuwarenta na rin siguro. Sabi ng kaibigan niya, ganoon daw talaga. Pag may nakatingin sa iyo, wala kang dahilan, pero mapapatingin ka sa kanya.

“Akin na lang ‘yong plastik,” nakakunot ang noo nito, salubong ang mga kilay.

Hindi niya ito pinansin. Hindi niya alam kung anong plastic ang tinutukoy nito, at kung ‘yong lalagyan naman niya ng pagkain iyon, tinatamad siya. Saka baka may kung ano pa itong motibo.

Makalampas ang isang kanto, huminto ang sasakyan. Traffic. Nagulat siya sa biglang pagtayo ng babae, tutop ang bibig. At walang ano-ano, nasuka sa balikat niya.

Magbabalot


Madilim, maalingawngaw ang awitan ng mga kuliglig, at kumukumpas ang mga talahib. Sarado na ang mga bahay, pero mapapansing bukas pa ang ilaw sa mga sala.

Pauwi na sina Ogar at Adyeng, mga lasing na. Natanaw nila ang magbabalot, pauwi na. Taga-kabilang-bayan ito, pero gabi-gabing naglalako sa kanila.

“Oy! Magkano ba’ng isa?” si Adyeng.

Bumaba sa bisikleta ang magbabalot. Nasa singkuwenta na rin ito, maitim, maliit, payat, nakasumbrerong buli. “Onse ho.”

“N’webe na lang,” angil ni Adyeng— natawa si Ogar.

“E hindi ho p’wede’t wala na akong kikitain.”

“Kaarte mo naman. N’webe na lang,” mas malakas na ang boses ni Adyeng— pati ang tawa ni Ogar.

“Hindi nga ho p’wede,” matigas na rin ang boses ng magbabalot.

“’Kaw naman, o. Magbabalot ka lang e kaarte-arte  mo,” lumakas lalo ang boses ni Adyeng— tumawa lang uli si Ogar, malakas, na biglang nahaluan ng sigaw ni Adyeng, nang bigla itong saksakin ng magbabalot.