Martes, Disyembre 27, 2011

Sukli sa Tip


“O, Pag-asa! Pag-asa!” sabi ng dispatser, pagkakita sa kay Nanet.

Nag-una-unahan sa loob ang mga pasahero. Siya, kahit kababae niyang tao, bumakrayd siya. At lumakad na ang traysikel.

Wala pang limang minuto, pumara na siya. “Kuya, tabi lang.”

“Kuya” lagi ang tawag niya sa mga tsuper, dahil naniniwala siyang mas nakababata ito, kaysa sa “Manong.”

Huminto ang traysikel, ngunit di naputol ang ugong nito— nakihalo lang sa di kalakasang huni ng mga kuliglig, sa boses ni Marian Rivera sa soap operang “Marimar” sa telebisyon at sa tawanan ng mga tambay sa kalapit na tindahan.

Dumukot siya ng sampung pisong barya sa bulsa ng pantalon niyang dalawang araw na niyang suot. Nakahanda na ang sampung piso niya— pagbaba pa lang niya ng bus, inilalagay na niya iyon sa bulsa niya. At dapat laging sakto, para hindi na mahirapang magsukli si Kuya.

Iniabot niya ang sampung piso. Dumukot si Kuya sa belt bag ng panukli.

“Hindi na,” hinawakan pa niya sa balikat si Kuya, ngumiti ito, at pinalakad na ang traysikel.

Nuwebe lang ang pamasahe, pero lagi, hindi na niya kinukuha ang sukling piso— tip na niya iyon kay Kuya. Alam niya kasi kung gaano kahirap mamasada pag gabi, dahil madalas iyong sabihin sa kanila ng tatay nila. Kaya nga laging ibinibilin nito sa kanilang mag-aral nang mabuti, para paglaki nila, di sila maging tricycle driver.

Makalipas ang isang buwan…

“O, Pag-asa! Pag-asa!” sabi ng dispatser, pagkakita sa kanya.

Nag-una-unahan sa loob ang mga pasahero. Bumakrayd siya, at lumakad na ang traysikel.

Wala pang limang minuto, pumara na siya. “Tabi lang.”

At pagkababa niya, nag-abot siya ng sampung piso— din a niya kinuha ang sukli.

Noong nakaraang linggo, nasalpok ng trak ang traysikel nila— nasa ospital pa ang tatay niya hanggang ngayon, masama ang lagay— at nasira rin ang traysikel nila. Pero nakakaya pa rin nila sa pagtulong-tulong ng asosasyon ng SAPTODA.

Pagkababa niya, lumakad na ang traysikel. At habang naririnig niya ang papahinang ugong nito, naalaala niya ang pisong tip. At napansin niyang parang lumalakas ang kantahan at tunog ng gitara ng mga tambay sa katabing tindahan.

Sabado, Disyembre 10, 2011

Balot ni Inang



Tinanong mo sa akin
kung bakit gusto kitang tawaging “Inang”
at hindi naman ako nag-atubiling
sabihin sa iyong
nasa iyo’ng karaniwang hitsura
ng mga mapagmahal na lola—
may nakahahawang mga ngiti
sa mga mata at labi
malamyos  kung bumigkas ng “iho”
kulubot ang balat, hukot ang likod
at kulay ulap ang buhok.

Inang, Inang
hindi ang mabangong sabaw ng iyong balot
o init nitong nanunuot, gumagapang sa palad
o manamis-namis na suka’t
pag-asam sa paglakas ng tuhod
dahilan kung bakit madalas akong umupo
sa iniaabot mong gusgusing plastik na bangko.
Hindi rin ang lungkot at hiwaga ng gabing
gustong-gusto ng mga naglilingkod sa sining, Inang
sanhi kung bakit
nakikipagkuwentuhan ako sa iyo
bago umuwi sa aming tahanan
at ihimlay sa higaan
nangangalay na kaluluwa’t katawan.
Hindi ang mga ito, Inang
dahilan kung bakit inilalaan kong
ilang minuto ng malungkot kong gabi
sa iyong puwesto
doon sa tabing-kalsadang binabantayan
ng nakadipang poste ng kuryente
kapit-bahay ng bunton ng basurang tagpuan
ng mga payat na pusang
kalye ang tahanan
kahawak-kamay ng nilulumot na esterong tinatawiran
ng maliligalig na ipis
at tinititigan ng ilaw
ng paisa-isang trak at traysikel
kundi ang mga kuwento mo’t pilosopiya, Inang
mga aral mong hindi ko kayang bayaran
pakyawin ko man araw-araw
tinda mong balot, sigarilyo’t kendi.

At sa mga pag-uusap natin, Inang
lagi nang nakaabang
hanging amihan
upang agad punasan
luha sa aking mga mata
gaya noong sabihin mong
kulang pang pambili mo ng gamot
kinikita mo, sa pagtitinda ng balot
habang nanginginig iyong mga kamay
na inilalagay sa nakatiklop na dahon
ng namumutlang diyaryo
gamunggong mga asin, balot at nakasupot na suka
at nang sabayan ng atungal ng trasyikel
malungkot mong tinig
nang sabihin mong, ayaw mo sa umaga
sapagkat nagbibigay ito
 ng huwad na pag-asa.

Alam kong bahagi ka na ngayon, Inang
ng hanging amihan
kapiling ng gabi
binabantayan mga pusang lansangan
nag-aabang sa luha ng mga mahihina.

Alam mo, Inang
mula nang mawala ka
ang dami ko nang balot na natikman
pero di ko pa rin malasahan
linamnam ng balot na iniaabot
ng naginginig mong mga kamay.


Sabado, Disyembre 3, 2011

Sa Malakas na Ulan


Wala ako, ni katiting na ideya
kung anong taon ito magaganap
kung anong buwan, kung anong araw
kung dahan-dahan ba ang sintomas
o gaya ng kidlat— biglaan
pero natitiyak ko
sasapit ang araw
na maliligo ako sa ulan
sa malakas na malakas na ulan
di alintana ang pagbangga
ng mga luha ng langit sa aking balat
habang nakatingin sa mga ulap
at may luha sa mga mata
tatamarin akong kumilos
tatamaring sumilong
pero patuloy, paulit-ulit akong magtatanong
sa langit, sa mga butil ng ulan
sa malamig na hangin, sa mga ulap
kung para saan ba ang buhay
kung patas ba ang buhay
kung bakit malupit ang mga tao
pero alam ko, tititigan lang ako ng mga ulap
hindi sasagutin, hindi ngingitian
hindi tutulungang makaunawa't matuldukan ang paghihirap
at sa sandaling iyon
hihinto na ako sa pagtatanong
at hihiling na lang ako ng isang bagay
sana, sana ibuhos pa niya ang ulan
malakas, humahampas
sumusugat sa balat
nakapagpapamanhid ng utak
dahil gusto kong sakmalin ako ng lagnat
iyong nakapapaso, iyong nag-aapoy
nang matapos na ang aking paghihirap
nang masagot ko na ang  aking mga tanong.


Martes, Nobyembre 29, 2011

Kilala Pa Sana Ako ng Punong Akasya




Tanggap ko na ang katotohanang
hindi na ako 'yong batang
umuupo sa unanong bangko
habang naghuhukay o gumuguhit ng kung ano-ano
sa malambot, buhaghag na lupa
hindi na ako 'yong batang nilulunod sa dura
mga langgam na nagpuprusisyon sa iyong paanan
tangay ang pakpak o binti ng kung anong insekto
papasok sa yungib sa iyong talampakan.

Hindi na ako 'yong batang nagtatanong sa ama
kung bakit pag gabi, nakatiklop
mga dahon ng akasya
dahil ngayo’y alam ko nang
gaya ng tao’t puso, kailangan din nilang magpahinga.

Siguro nga, hindi na ako 'yong batang
ilang ulit na nagtangka kang akyatin
kaya’t nagkasugat-sugat, braso at hita
hindi na 'yong nangungulit sa kanyang ama
na maglagay ng bahay-kubo
sa ibabaw ng iyong mga sanga
siguro nga hindi na ako 'yon, 'yong batang
handang maglupasay, magngangalngal
sa iyong paanan
huwag lang di isama ng mga magulang
sa malayo-layo ring handaan.

Dahil dito, dahil sa mga ito
maaring hindi mo na ako kilala
sapagkat iba na'ng hilatsa ng aking mukha
iba na'ng takbo ng aking pag-iisip
iba na'ng mga larawan sa aking panaginip
iba na'ng kislap sa itim ng aking mga mata
at marami na akong bitbit na mga alaala
idagdag pang sabi ng mga pilosopo
walang sinomang makatatapak sa isang ilog
nang dalawang ulit.

Malamang nga, hindi mo na ako kilala
ngunit magkagayon pa man
gusto ko pa ring umasa
handa pa rin akong bumalik sa aming likod-bahay
umupo doon sa unanong bangko
ilapat ang madalas mangalay na balikat
sa malapad mong katawan
at hintayin ang ilalaglag mong dahon
sa aking mga palad
umaasang sa pagpapalitan man lang natin ng hininga
sa akin man lang ngiti, gawi, tinig at titig
makilala mo ako.
Dahil kung ikaw na naghintay diyan ng ilang dekada
ay hindi na ako makikilala
hinding-hindi na ako dapat pang umasang
makikilala ako
ng mga taong nagpaalam sa akin
at nagsabing magkikita-kita kami ulit.






Linggo, Nobyembre 27, 2011

Batang Nakangiti’t Nakadamit na Pula



Alam mo, sabi ko sa batang lalaking
nakadamit na pula, namumurok ang pisngi
nakatitig, nakangiti sa akin
mapalad ka, mapalad na mapalad ka
dahil ikaw, sa paglulupasay sa sahig
o paghuhumiyaw
o saglit na di pagkibo
nakukuha mo na’ng gusto mo
bahaghari man, ulan o bukang-liwayway.
Kaya mong laruin ang buhay
sa mumunti mong mga kamay
sapagkat binigyan ng kapangyarihan
ng buhay, ng lipunan
munting mong titig, munti mong ngiti, munti mong tinig
at sa iyong paggising
sa muling pagdilat ng iyong mga mata
kaya mong ibahin
ikot ng mundong iniwan mo.
Sana, alam mo'ng mga ito
para hindi mo muna hilinging tumanda
o kung maari nga, kailanman, ‘wag mo nang asamin pa
dahil hindi mo alam, naiinggit sila sa iyo
naiiinggit kami sa iyo, nang sobra
nang sobra-sobra.

Nananatiling nakatitig sa akin
itim na itim niyang mga mata
walang kakurap-kurap
hanggang sa lumabo siya sa aking paningin
at umahon, tumulay
butil ng luha sa aking mga pilik-mata
at tumulo sa kanyang pisngi
gumapang sa kanyang labi
at pinunasan kong aking pisngi't
nalasahan kong
maalat ang luha.


Martes, Nobyembre 22, 2011

Hindi Ko Muna Tutulaan ang Buhay


Siguro, ayos lang
maski di ko muna tulaan ang buhay
kahit hindi muna ako sumulat ng tula tungkol sa pagtanda
sa pagdating ng rayuma, sa paglisan ng memorya
sa sakit ng pag-ibig at saya ng pagsinta
sa kirot na dulot ng pamamaalam
sa tuwa’t salimuot ng pagkakaibigan
sa hiwaga’t kirot na bitbit ng kamatayan
sa mga alaala.

Siguro, hindi naman ikalulungkot
ng aking poetika
kung di ko muna tutulaan ang buhay
ang gabi, takipsilim at madaling-araw
ang ilog, unos at bahaghari
kung di muna ako susulat ng soneto
para sa mga ama’t ina
kung di muna ako lilikha ng elehiya
sa di makaigpaw-igpaw na pagsinta
kung di muna makikipagluksa ang aking panulat
sa mga naiwan ng nagpaalam
o makikidalamhati
sa mga namatayan ng kaibigan.

Siguro, hindi naman magseselos ang buhay
sa lipunan
kung ito muna’ng aking tutulaan
kung mga edukadong magnanakaw muna, aking haharanahin
kung mga pambubusabos muna’ng hahandugan ko ng pawis, dugo’t tinta
kung masang namatayan ng pag-asa muna’ng aalayan ko ng elehiya.
Siguro, maiintindihan din naman ng buhay
na may sakit ang lipunan, may taning, naghihingalo
na ito muna’ng kailangang alagaan
at siguro, ikatutuwa rin namang niyang
gumaling ang kanyang anak
dahil pag ganap nang malakas ang lipunan
sa kanya na’ng lahat-lahat sa aking panulat.


Magandang Dalaga sa Dyip na Pa-Sta. Maria


Hindi humihinga ang ilaw, sa dyip na pa-Sta. Maria
nang umupo ako sa upuang
pangkalahating pisngi lang ng puwet.
Sa nakalatag na dilim
bahagi ng gabi ang loob ng dyip.
Naisip ko tuloy, di kaya may naghahalikan na sa loob
hindi pa namin nalalaman.

Sumakay si Manong, sumindi ang ilaw
at nagkaroon ng kulay ang mga mukhang
kanina’y hugis lamang.

Nagulat ako, sa ganda ng babaeng kaharap ko:
hugis puso ang mukha
singkit ang mga mata
matangos ang ilong
may malamang pisngi, kulay gabing buhok
makinis na kutis.
Minasdan ko siya, gaya ng sa isang magnanakaw:
mukha siyang edukada
hindi iyong mukhang palamura
o iyong bubukaka, sa harap ng kahit sinong guwapo;
mukha siyang matalino;
meron pa nga siyang kalong
na libro ni Paulo Coelho;

Natagpuan ko na lang, aking diwa sa alapaap.
Ganito’ng babaeng gusto kong makatuluyan
at makasama, sa mundong itinayo ko
mula pagkabata.

Like a virgin, touch
for the very first time

May nag-ring na cellphone
at dumukot ang aking minamahal sa kanyang bulsa.
“Hello.”
Hala, bakit boses lalaki siya?
“’Andito pa lang sa dyip.”

At napangiwi ako
at nandiri sa aking sarili.


Kung Bakit Hindi Ka Mahusay Magsulat


Hanggang ngayon, naku, di mo pa rin makuha
kung bakit hindi mo madagit-dagit
pagiging mahusay sa literatura.
Nagbabasa ka naman—nagbabasa nang nagbabasa
e sabi nila, pag nagbasa, pag nagbasa nang nagbasa, tatalino
at ayon sa kanila, pag nagbasa, pag nagbasa nang nagbasa
makikita mo’ng panget at magandang estilo
pero bakit di ka humusay-husay
sila, naroon na, malayo na
at ang masakit pa, alam mong mas palabasa ka sa kanila.

Hanggang ngayon, naku
wala ka pa ring pangalan sa panitikan
sulat ka naman nang sulat
e di ba, sabi nga ng isang manunulat
nang tanungin siya kung paano siya naging magaling,
“Magsulat ka nang magsulat,” ang sabi niya?

Tinatanong mo’ng iyong sarili—mali ba’ng sabi nila?
O mali ka lang ng intindi?

A, magbabasa ka muna
hindi mo sila iintindihin.
Binuklat mo’ng diyaryo ng PUP
at nagimbal ka sa nakasulat—“The Catalyst
To write not for people is nothing.”

A, nakuha mo na
kung bakit di ka mahusay
kung paano magiging mahusay.
Nakuha mo na.


Ingatan Mo Sana Siya, Kaibigan


Mga labi mo ang pinili niyang halikan
mga daliri’t palad mo ang pinili niyang larui’t hawakan
katawan mo ang pinili niyang yakapin
balikat mo’t dibdib ang pinili niyang sandalan
apelyido mo ang pinili niyang maging karugtong
ng kanyang pangalan.

Ikaw ang pinili niyang
maging ama ng kanyang mga anak
ang pinili niyang maging haligi
ng pangarap niyang tahanan
piniling makasama hanggang sa mga panahon
ng pagdating ng rayuma’t paglisan ng memorya.

Ingatan mo sana siya, Kaibigan,
dahil kahit hindi ako, kanyang pinili
mananatili pa rin, pagkakapili ko sa kanya.


Malamig na Tubig


Halos mauntog na’ng nguso ng bawat sasakyan
sa tambutso ng sasakyang sinusundan.
Nananakit na’ng kili-kili ng mga babae
sa walang patid na pagpapaypay
sa nanlalagkit na katawan.
Hindi na kayang kuhanan ng kamera
mukha ng mga binatilyo’t dalagita
dahil haggard na sila, sira na ang porma.

Nag-iinit na rin ang ulo ng tsuper—na wala pa halos kita—
sa init, sa trapik.

Kinawayan ng isang babaeng nakakotse
 maitim, payat na lalaking
nagtitinda ng nagyeyelong tubig
at namamaybay sa pagitan ng mga dyip.

Bahagyang lumamig ang ulo ng babae
at guminhawa ang lalamunan
nang makailang lagok, sa napakalamig na tubig.
Nainggit siya sa lalaki.
Buti pa siya, sabi niya
nakaiinom ng ganoong tubig—nagyeyelo, malamig.
Sinilip niya sa side mirror ang lalaki
namamaybay pa rin ito sa pagitan
ng mga sasakyan
at tubig na umagos sa isip niya
kung marami siyang malamig na tubig
bakit tumatagaktak ang kanyang pawis?


Upuan sa Bus


Nag-uunahan, nag-aagawan na ang mga kaluluwa’t mga pangarap
sa kahon ng posporong maghahatid sa kanila
sa kani-kanilang pamilya
dahil pader na ang dilim
at nanunuod na ang mga bituin.

Mabagal ang usad ng mga kahon ng posporo
sa kalsada ng EDSA— pahinto-hinto, pakadyot-kadyot
at sa nakabibingi nilang busina
lalo kong nadarama, anyaya ng kama.

Matapos makipag-unahan sa pagsakay
pinalad akong magkaroon ng upuan
sa bus na pa-Malinta Exit.

Nasa Oliveros na ang bus
nang maging bahagi ka ng aking paglalakbay.
Ikinalulungkot ko, wala nang upuan.
Ipagpaumanhin mo, wala nang maginoo.

Hindi ka rin naman kasi pasok sa batayan
ng dapat pag-ukulan ng upua’t paglaanan ng sakripisyo:
hindi ka buntis; walang kapansanan;
hindi ka matanda; walang kasamang bata;
hindi ka maganda.

Tumayo ako, iniwan ang upuan
at naramdaman ko na naman, pananakit ng kalamnan ko sa binti.
“Ate o.”

Ngiti lang ang isinagot mo— ngiti at mabilis na sulyap.

Malapit nang sumuba sa NLEX ang bus
at sa pader na dilim
at nanonood na mga bituin
isa lang aking hiling.
Sana, sa langit
may magpaupo rin sa aking ina
maski sa mga ulap lang.
Maski sa mga ulap man lamang.


Yoyong


“Di na nga ako masyadong kumakain sa terrace namin, e. Medyo ba nandidiri na rin ako ke Yoyong. Dumadahal, tapos do’n lang dudura sa harap nila.” si Edwin, papalabas sila ni Baldo sa Victory Mall sa Monumento— nag-ayos sila ng NBI ID.

Magkakaibigan silang tatlo, dahil matagal rin silang magkakasama sa Hustan’s Incorporated, pabrika ng papel ng Valenzuela. Isang taon nang wala roon si Yoyong, matapos itong mag-resign. Tumanggap din ito ng P300. Pero naroon pa ang dalawa, si Edwin ay tsuper ng trak, at si Baldo ay naman ay operator ng makina.

“E ba’t ba kasi ayaw pang ipagamot? Kelaki ng nakuha e,” si Baldo.

“Nagpakonsulta sa doktor sa center, niresetahan ng gamot, wala ring nangyari.”

“E kelangan do’n e ‘yong tutukan talaga.”

“Ewan ko ba sa kanya. Panay ang bilin ko pag nag-aabot kami sa labas pag gabi, ngingiti-ngiti lang.”

“Napakatipid kasi sa pera,” naunang sumakay si Baldo sa dyip na pa-Malanday.

“Buti ‘ka mo’t di nangangaliwa si Mareng Gemma,” sa tabi ng pinto nakaupo si Edwin.

“Mukhang hindi naman gagano’n ‘yon. Halatang matino.”

Tumango lang si Edwin.

Pagdating ng Marulas, sa tapat ng Petron, sumakay ang Mareng Gemma nila, kahawak-kamay ang isang lalaking hindi nila kilala.


Marami Akong Natutuhan sa Iyo


Sa iyo ko natutuhan, kung paano, tamang paggawa ng quiz
kung paano, tamang pagbato ng tanong
kung gaano kahalagang purihin ang estudyante pag nakatama ng sagot
kung gaano kahalaga, ngiti sa kanila
kung gaano kaimportante, mga payo’t paalala.

Sa iyo ko natutuhan, na kung gusto mong igalang ng mga estudyante
dalawang bagay lang, iyong kailangan— una, iparamdam sa kanilang
hindi mo sila niloloko, na talagang alam mo, tinuturo mo;
ikalawa, iparamdam sa kanilang, mahal mo sila
parang mga anak, parang mga kaibigan
parang bahagi ng pamilya.

Sa iyo ko natutuhang magbanggit ng mga aral
na malayo man, may kinalaman pa rin sa kurso
dahil nga, katwiran mo, buhay ang tunay na asignatura
hindi ang Calculus, hindi ang Trigonometry.

Sa iyo ko natutuhang pahirapan ang mga estudyante
katwiran mo, kaiinisan ka nila, ngayon
pero pag nagtapos na sila, babalikan ka nila
pasasalamatan
di gaya ng madali ang pinapagawa
mataas ang binibigay na grado
katutuwaan, makalipas ang ilang taon
pakiramdam nila, ninakawan sila.

Sa iyo ko natutuhang lumaban, sa kapantay o nakatataas
pag hindi na patas ang batas
pag may mali na sa kalakaran
pag may paninindigan nang natatapakan.

Marami ‘ko sa iyong natutuhan
kaya nga nagulat talaga ako
nang magpatawag ng pulong ang dekano
at sabihing wala ka ng load sa darating na semestre
dahil di ka magaling magturo.


Dalawampung Puno


Sabi sa isang pahayagan
dalawampung puno ang kailangan
para maalis ang carbon monoxide at sulfur dioxide
na ihinihinga ng tambutso ng kada sasakyan
at malamang, iba uli’ng usapan
pag ang aalisin naman
hininga ng mga tsimineya ng pabrika.

Dalawampung puno kada sasakyan daw ang kailangan
para muling umaliwalas ang alapaap
luminis ang mga kaluluwa
maalis ang lansa ng lipunan.
Ang problema, dito sa Pinas
hindi dalawampung puno ang meron
kundi milyong taong napupuno ng galit at poot
sa gobyernong masahol pa sa lason ang polusyon.

Tropang Singko


Palagi, pag nakasasalubong niyo
sa kantina ng paaralan
sa faculty room, sa hallway
sa hagdanan, sa may banyo
propesor niyo sa Filipino
na nagbigay sa inyo ng nagdudumilat na singko
napayuyuko kayo
‘pagkat nahihiya kayong salubungin
sinasabi ng kanyang mga mata.

Batid niyo namang bagsak talaga kayo
dahil sabi nga niya, hindi siya’ng gumawa ng grado niyo—kayo.
At sabi pa niya, titser siya
hindi panday
kaya pag inabutan niyo siya ng bakal
ibabalik niya ito sa inyong bakal, at hindi espada
ngayon, kung di niyo kayang bigyan siya ng espada
sabi niya, kahit kutsilyo lang muna
tuturuan niya kayong gumawa ng espada.

Palagay niyo naman, nahihiya rin siya sa inyo
dahil pag nakakasalubong niya kayo
malayo’ng tingin niya
parang iniiwasang magtagpo’ng inyong mga diwa.
Idagdag pa’ng madalas niyang banggitin dati
nahihiya siya sa kahit na sino
titigan man ito o kausapin
sabihin mang ito ang may kasalanan sa kanya
nangodiko sa exam, halimbawa.

Iyon talaga’ng alam niyo.
Kaya nga nagulat talaga kayo
nang marinig niyo'ng boses niya sa banyo
kausap ang isang titser sa Kasaysayan
at sabihing hindi niya kayo makuhang tingnan
‘pagkat labis niya kayong kinaaawaan.