Tinanong mo sa akin
kung bakit gusto kitang tawaging “Inang”
at hindi naman ako nag-atubiling
sabihin sa iyong
nasa iyo’ng karaniwang hitsura
ng mga mapagmahal na lola—
may nakahahawang mga ngiti
sa mga mata at labi
malamyos kung bumigkas ng “iho”
kulubot ang balat, hukot ang likod
at kulay ulap ang buhok.
Inang, Inang
hindi ang mabangong sabaw ng iyong balot
o init nitong nanunuot, gumagapang sa palad
o manamis-namis na suka’t
pag-asam sa paglakas ng tuhod
dahilan kung bakit madalas akong umupo
sa iniaabot mong gusgusing plastik na bangko.
Hindi rin ang lungkot at hiwaga ng gabing
gustong-gusto ng mga naglilingkod sa sining, Inang
sanhi kung bakit
nakikipagkuwentuhan ako sa iyo
bago umuwi sa aming tahanan
at ihimlay sa higaan
nangangalay na kaluluwa’t katawan.
Hindi ang mga ito, Inang
dahilan kung bakit inilalaan kong
ilang minuto ng malungkot kong gabi
sa iyong puwesto
doon sa tabing-kalsadang binabantayan
ng nakadipang poste ng kuryente
kapit-bahay ng bunton ng basurang tagpuan
ng mga payat na pusang
kalye ang tahanan
kahawak-kamay ng nilulumot na esterong tinatawiran
ng maliligalig na ipis
at tinititigan ng ilaw
ng paisa-isang trak at traysikel
kundi ang mga kuwento mo’t pilosopiya, Inang
mga aral mong hindi ko kayang bayaran
pakyawin ko man araw-araw
tinda mong balot, sigarilyo’t kendi.
At sa mga pag-uusap natin, Inang
lagi nang nakaabang
hanging amihan
upang agad punasan
luha sa aking mga mata
gaya noong sabihin mong
kulang pang pambili mo ng gamot
kinikita mo, sa pagtitinda ng balot
habang nanginginig iyong mga kamay
na inilalagay sa nakatiklop na dahon
ng namumutlang diyaryo
gamunggong mga asin, balot at nakasupot na suka
at nang sabayan ng atungal ng trasyikel
malungkot mong tinig
nang sabihin mong, ayaw mo sa umaga
sapagkat nagbibigay ito
ng huwad na pag-asa.
Alam kong bahagi ka na ngayon, Inang
ng hanging amihan
kapiling ng gabi
binabantayan mga pusang lansangan
nag-aabang sa luha ng mga mahihina.
Alam mo, Inang
mula nang mawala ka
ang dami ko nang balot na natikman
pero di ko pa rin malasahan
linamnam ng balot na iniaabot
ng naginginig mong mga kamay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento