Huwebes, Oktubre 31, 2013

Banana Cue


“Hindi malasa ‘yung asukal,” nakasimangot ako habang nginunguya ang tigsasampung pisong banana cue ni Ate Josie.

Nakatingin sa akin si Ate Eva. Nakasimangot na naman siya. Lagi na lang siyang nakasimangot. Bihira kong makitang nakangiti.

Halatang lampas trenta na siya. Malalim ang mga mata. Maitim. Laging nakapusod ang lampas-balikat at itim na itim na buhok. Maganda sana, kaso nga, laging mukhang stressed na stressed.

Dalawa na ang anak nila ni Kuya Edgar, isang grade 3, si Myra, at isang dalawang taon, si Mitch. Pero hindi sila kasal, live-in lang. Wala siyang trabaho, si Kuya Edgar lang, regular na empleyado sa pabrika ng pintura.

“Kulang kasi’ng mantika n’ya,” nakatingin pala sa akin si Mommy, akala ko, nasa loob na siya. “Dapat kasi, nakalubog ‘yan sa mantika.”

Ibinaba ko sa platito ang stick, may natitira pang isang piraso. Tinitigan ko ang banana cue, mukhang malungkot. Sa itsura pa lang, halatang di na masarap. Nakatingin pa rin sa akin si Ate Eva.

“’Va, o.”

Nasa terrace na ulit si Mommy. May iniabot siya kay Ate Eva, nakatupi. Ang limang daan lang ang nakita ko.

“Pasens’ya na talaga, ‘Te. Nagkapatung-patong na.”

“’Yaan mo na muna,” nakangiti na naman si Mommy.

Nasa tabing-kalsada ang bahay namin. Sa kabilang kalsada nagtitinda ng fishball, French fries, burger, gulaman at kwek-kwek si Ate Josie. Doon sa tapat ng gate, papasok sa San Jose compound. Puro apartment doon. Doon din sila nangungupahan.

Sa totoo lang, walang tinda si Ate Josie na nasarapan ako. Puro matabang. Wala lang talagang malapit na mabilhan.

Sa gilid ng bahay namin ang daan papuntang looban, mas maraming apartment dito. Mas maliliit at mas mura. Malapit sa igiban ng tubig at half court na basketbolan ang kina Ate Eva.

Malaki ang bahay namin, at kami lang ang hindi nangungupahan. CPA si Mommy at civil engineer si Daddy. Kaya madalas, sa amin tumatakbo ang mga mangungutang. Komo mabait si Mommy, maraming nakakahiram. Pero siyempre, marami sa mga iyon ang hindi na nagbabayad. Kapalan na lang ng mukha pag nakakasalubong sa daan sina Mommy at Daddy.

“Mabait mangutang si Eva. Marunong mahiya. Gipit na gipit lang talaga, kaya nanungutang,” sabi ni Mommy, minsang naghahapunan kami. “Paisa-isang kilo lang kaya sila kung bumili ng bigas.”

Hanggang ngayon, tandang-tanda ko pa ang sagot ni Daddy. “Mas mahalaga nga dapat sa tao ang hiya at pinagsamahan.”

“Magkano ‘yon, Mi?” tanong ko.

“Dalawa.”

Dalawang libo na naman? Noong nakaraang buwan lang, nanghiram na rin ito ng isang libo.


Matagal nang magkaibigan sina Ate Josie at Ate Eva. Dayo lang sila rito sa Valenzuela, tubong Tuguegarao si Ate Josie, Samar naman si Ate Eva.

Magnininang pa nga kay Mitch si Ate Josie, hindi pa nga lang ito mabinya-binyagan, dahil wala ngang kapera-pera sina Ate Eva.

Kaya gulat na gulat ako nang isang hapon na lumabas ako para bumili ng meryenda at may makita akong mesa sa tabi ng daan papuntang looban, malapit sa gate namin. May tindang fishball, orange juice, kwek-kwek at banana cue.

Nakita kong panay ang tingin ni Ate Josie sa tindera.

Nakayuko lang si Ate Eva.

Delete


nakita kong naging lamukot ng papel
ang iyong mensahe

binilog na puting bolang
inihagis sa basurahang lata

nakita ko pang masayang tinakpan
ng umiindak na takip ng basurahan

kaya wala na sa inbox ko ang sinabi mo

ngunit heto, sinisigawan pa rin ako

wla kng kuwentang tao

Sabado, Oktubre 19, 2013

Tutuldok, Nanlilisik na mga Mata


pinaghiwalay nito ang mga numero
10 at 33
nanlilisik na pulang liwanag
parang mata
ng nakatagilid na halimaw
parang titig ni kamatayan

tumitibok ito
parang puso
parang pulso
pumipintig
paulit-ulit
walang hinto

Parang hindi hihinto

tumitibok na ito ngayon
sa pagitan
ng 10 at 34

parang galit na galit
nagsusumigaw

isinisigaw ang katotohanan

nanlilisik na katotohanan

tumatakbo ang segundo
minuto
oras
magbabago ang lahat
tatanda ang tao
mamamatay

Tatanda
Mamamatay

at narito ako
sa istasyon ng tren

Kangina pa naghihintay

Mula sa Itaas


Nakayuko na naman silang naglalakad,
balisa, malungkot,
makupad,
tulad nang dati,
tulad nang bawat gabi.
Nasa galising bangketa
ang kanilang mga mata,
iniisip ang mga bayarin, pangarap na pahinga,
mga kailangang tapusin.
May nasa harap ang bag, yaka-yakap.
May napapapikit at naghihikab,
nakahawak sa maingay na tiyan.

Kabilugan ko ngayon,
dilaw na dilaw na liwanag
na minsan lang masilayan.
Ngunit wala ni isang tumingala
para saglit man lang na titigan
itong kariktan.


Miyerkules, Oktubre 16, 2013

Midterm Exam


identification
                  multiple choice
enumeration
                                          analogy
             classification

pinoproblema mo itong lahat
paulit-ulit na kinikilala ang isinasaad
ng bawat pangungusap
ngunit hindi
mauna-unawaan
walang maisulat sa patlang

malakas ang tunog
ng paghinga ng aircon
ng buntong-hininga ng nagkakamot
na katabi
mga pag-ubo
pagbahing
ng pagpapalit
ng pahina ng papel
ng bolpeng nalalaglag
gumugulong sa sahig

identification
                  multiple choice
enumeration
                                          analogy
             classification

pagkapasa mo ng papel
binalikan ka
ng iniwan mong
problema sa pamilya

Ganito Lang Naman Iyon Kapayak


Ganito lang naman iyon kapayak.
Lilikha ka ng masisiglang pahayag
na magtatanghal sa mahal mong mga gamit,
mga lugar na narating,
mga pagkaing natikman,
tanyag na mga taong nakaumpukan.
Magtatanghal
sa di pangkaraniwang mga karanasan.

Ganito nga lang iyon kapayak.
Pasasayawin mo sa hangin ang mga salita,
kukumpasan,
paiindakin, pakekembutin,
nang malaman nila kung ano ka na,
kung nasaan ka na.
Kung sino ka na nga ba.

At pag-alis mo, mag-uusap pa rin sila.

Pag-uusapan ka nila, habang sinusundan
ng nasusuklam nilang mga mata
at naglutang sa hangin
ang mga kataga ng pagkarimarim.