Biyernes, Abril 8, 2016

Kalapati


Binubunot ang iyong mga bagwis
o pinoposasan ng masking tape,
para sa paghilom ng mga sugat
sanay ka na sa ipinagpipilitang tahanan.
Ibon kang matayog ang lipad
ngunit kakatwa ang makita kang
ilahas*
at sapagkat malungkot marahil
sa mga paris mo ang walang kapiling,
madali kang nabibihag
ng bilanggong mga kauri.
Inililigaw ka sa malalayong lugar
pawawalan, panunuoring pumaimbulog
magpaikut-ikot
habang hinahanap ang tahanan
sa utos ng umaalingangaw na mga palakpak.
Bigyang-galak ang panginoong
pinagkakautangan.
Sa kasalan, madalas kang kasangkapan
sagisag ng sagradong mga bagay
bilanggo sa hawla
sa buong tagal ng paghahanda’t pagdiriwang.
Kaya’t inip na inip kahit pa may kapiling.
Sa gitna ng kasiyahan,
bigla kang pawawalan.
Saka lilipad nang kay tulin
pilit tutuparin ang tungkuling magbalik.
At samantalang masiglang
pumapayagpag sa kalawakan,
sasambitin ng makakamalas:

“Hayun! Hayun ang ibong sagisag ng kalayaan!”




*nangangahulugang nabubuhay sa kadawagan at mahirap alagaan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento