“Dlawin mu nman aq.” Text sa akin ni Andrea. Matagal na rin
siya sa Taguig. Noong Hunyo pa. Takot na takot nga siya noong lumuwas. Di raw
niya alam kung paano pakikisamahan ang pamilya ng “asawa” niya.
Matagal na rin kaming di nagkikita. Noong Mayo pa ang huli,
noong pista. Pebrero na ngayon. Naisip ko kaagad, ano na kaya ang itsura niya?
Lampas ala-una nang dumating ako sa Duhat. Sabi ni Andrea,
doon daw ako magpababa sa traysikel. Akala ko, lampas isang oras lang mula
Valenzuela hanggang Taguig, dahil Sabado naman. Pero higit dalawang oras ang
naging biyahe ko. Walang galang ang traffic maski sa Sabado. Alas-dose niya ako
pinapupunta. Para tanghalian. Pero lampas ala-una na nga. Gutom na gutom na
ako.
Pagtaas ko nang tingin, malapit na si Andrea. Kilik si Alexa,
anak niya. Sa malayo pa lang, halatang ang laki nang ipinayat niya. Naka-short
na maong siya at puting blouse.
“Parang ang laki nang itinaas mo,” sabi niya nang
naglalakad na kami. Nakangiti siya. Iyong ngiting sa labi lang, hindi kasama
ang sa mga mata.
“Ewan, hindi ko napansin,” napangiti ako, natutuwang
tumangkad ako. Kahit hindi ako makapaniwala dahil magbebeynte-kuwatro na ako.
“Mabuti’t pumunta ka.”
“Pinilit mo ako, e,” tumawa ako. “Joke lang.”
Natawa siya. “Sira-ulo!”
Hindi ko muna siya binati ng happy birthday. Marami sa mga
tao ang talagang sinasalubong ang birthday ng mahal sa buhay. Bumabati nang
12:00:00. Maganda ang ganoon. Tanda ng pagmamahal. Pero ako, para maiba, kung
di ko nabati nang ganoon, kung umaga ko na lang mababati, gabi ko na lang
babatiin. Para hindi man ako ang una, ako naman ang huli. Parang sa sayaw. Last
dance.
Lumiko kami sa isang kanto. Tapos, lumiko ulit. May half
court na basketbolan. May naglalarong mga teenager. Nangakahubad kahit
katirikan ng araw. Huminto si Andrea sa gate ng isang apartment na may
tindahan. “Tara.”
May mga tao sa tindahan. Isang babaeng lampas beynte anyos
siguro, at isang matandang babae. Nag-magandang tanghali ako. Huhubarin ko sana
ang sapatos ko. Pero huwag na raw, sabi ni Andrea.
“Sino ‘yon?” narinig kong sabi ng matanda.
“Bisita yata ni Andrea,” sagot ng babae.
Umupo ako sa silya sa tabing-pinto. Makalat ang sala. May
mga tikluping damit pa sa sopa. Pulang linoleum ang sahig. May 33 inches na TV
sa divider, may DVD, amplifier at dalawang malaking speaker. Sa isang sulok,
may makinang panahi. Halatang hindi ginagamit. Walang malapit na mga tela, ni
medida.
“Dito tayo,” kinawayan ako ni Andrea.
Dumiretso ako sa kusina. Nakaupo na si Andrea, kilik-kilik
pa rin si Alexa. May dalawang bandehadong pansit at isang bowl na fruit salad
sa mesa. Tanaw na tanaw sa kusina ang sala. Maganda ang puwesto ng mesa,
makakapanood ang kumakain kung bukas ang TV.
“Bababa ka, Anak?” tanong ni Andrea kay Alexa. Maputi ito,
naka-pink na blouse, naka-pony tail. “O, ‘wag magulo, a. May bisita si Mama.”
Ngayong malapitan, napansin kong ang laki nang ipinagbago
ni Andrea. Beynte-kuwatro na siya ngayon. Mas matanda siya sa akin ng buwan.
Pero parang nasa beynte-otso na siya. Mas maiksi ngayon ang buhok niya. Lampas
balikat lang nang kaunti. At parang hindi inaalagaan. Walang kintab. Parang
tuyung-tuyo. Walang kislap ang mga mata niya. Di tulad dati na mapupungay.
Anim na taon kaming magkaklase sa elementarya, sa Nueva
Ecija. Nagkahiwalay lang kami nang lumipat ako sa Valenzuela, noong hayskul.
Ngayon, siya na lang sa mga kaklase namin ang pinakamalapit sa akin. Hindi ko
magawang maging malapit sa iba, dahil puro pagpapasosyal ang alam nila. Sa mga
kita-kita, pinag-uusapan ang mga mali sa buhay ng isang kaklaseng hindi pumunta.
Inabutan ako ni Andrea ng plato. Sa ibabaw, may platito at
kutsara’t tinidor. “Kain na.”
Kumuha ako ng pansit. Gutom na talaga ako. Natuwa ako na
walang maraming atay ang pansit niya. Hindi masarap ang pansit pag masyadong
maraming atay. Nag-iiba na ang lasa.
“Buti’t pumunta ka. Ikaw lang ang bisita ko, e. Alam mo
ba?”
Nahinto ako sa pagkain. Natahimik ako. Sa amin, basta
merong may birthday, hanggang hatinggabi ang inuman. Magulo. Masaya. At dapat
lang naman talaga, minsan lang sa isang taon ang kaarawan. Pero siya, ako lang
ang bisita niya. At parang ang lungkot-lungkot niya.
“Mabuti, wala kang pasok ‘no?”
“Oo,” tininidor ko ang kikiam. Nabanggit ko sa kanya dati
na weekdays lang ang klase sa Adamson. Filipino teacher ako roon.
“Hindi ka naiinip dito?”
“Naiinip din. S’yempre.”
Magsasalita na sana ako nang biglang tumugtog sa sala ang
‘Damn Regret’ ng Red Jumpsuit Apparatus. Ang lakas. Nagulat ako. The
moon is shining bright! The moon is feeling bright!
Naningkit ang mga mata ni Andrea. Napailing siya. Nakatingin
lang ako sa kanya. Lumakas pa ang tugtog. Para na kaming sinisigawan. Damn
regret, I’ll try to forget. Don’t worry about me caused I’m real fine.
“Bastos,” mahina lang ang pagkakasabi ni Andrea. Pero
malutong.
“Alam mo,” sabi niya, “kaya minsan, gusto ko na lang um’wi
kina Nanay. Lagi lang ako sa k’warto, alam mo ba?”
“Alam ba nila?” napatingin ako kay Alexa. Nasa sahig ito,
naglalaro ng tablet. Kamukhang-kamukha ito ni Alexis.
Umiling siya.
Dalawang taon din sina Andrea at Alexis. Madalas ngang sabihin
noon sa akin ni Andrea na magpapakasal na sila. Halatang mahal na mahal niya si
Alexis. Guwapo si Alexis. Medyo matangkad. Maputi. Chinito. Gusto na raw ni
Andrea na magkaanak sila. Pero hindi naman daw siya nabubuntis pa. Naikukuwento
niya sa akin pag nagkaka-text kami. Naiinis ako. Sa akin, kapag ang isang
bagay, nakakahiya, at di mo ikinahiya, mas nakakahiya. Kasi, immune ka na.
Normal na lang sa iyo. Naiinis ako noon kay Andrea, hindi na siya nahihiyang
ikuwento iyon sa akin.
Pero nang nabuntis siya, hindi siya pinanagutan ni Alexis.
Kung bakit, ewan. Sabi raw, kung si Andrea ang makakatuluyan niya, ikamamatay
niya. Ni hindi nga raw nito alam kung sa kanya talaga iyong bata. Pero
nakabuntis din ito ng iba. At ang masaklap, iyon, pinakasalan. Kay Nanang Kadya
ko na ito nalaman, kapitbahay nina Andrea, kumare ni Lola. Hindi rin daw alam
ng tatay ni Andrea na nakasal sa iba iyong lalaki. Inilihim daw. Magwawala raw
kasi ito. Magkakagulo lang. Hindi alam ni Andrea na alam ko ang mga iyon.
Nang minsan daw, kapapanganak lang noon ni Andrea, doon
siya sa bahay ng lalaki umuuwi, kailangan niya ng tubig na mainit, pero ni
hindi siya ikinuha niyong lalaki. Nakatingin lang ito sa kanya. Siya pa ang
kumuha ng tubig na mainit.
Pagkatapos kong malaman ang mga iyon, naisip ko, bakit, ano
ba ang ugali ni Andrea? Bakit ayaw na ayaw ni Alexis? Kasi, sa akin, okey si
Andrea. Pero ganoon nga siguro. May distansiya ang tao sa isa’t isa. Iba sila
kung titingnan mo mula sa taas at mula sa kanan, kung malayo at kung malapit. Siguro,
nasa magkaibang anggulo kami ni Alexis, at nasa magkaibang layo.
Tapos, nalaman ko, kay Nang Kadya pa rin, na textmate na
dati ni Andrea ang kinakasama niya ngayon. At kahit noong sila pa ni Alexis,
nagkikita na sila.
“Ilang taon na ba ‘yan?”
“Two, and eight months.”
Napangiti ako. Ganoon sigurong maging magulang. Tanda,
maging ang bilang ng buwan ng anak. Isang uri ng pagmamahal. Ako, kung
tatanungin ako, kung ilang taon na ako, kasama ang buwan, pakakaisipin ko pa
ang sagot.
Pumasok sa kusina iyong matanda kangina sa tindahan. May
hawak na plato. Kumuha ng pansit. Payat ito. Nakalipistik pa. Maitim. Kulot ang
maiksing buhok. Malalaki ang mata. Matandang babaeng bersiyon ng kinakasama
ngayon ni Andrea, nang makita ko sa Facebook. Walang-wala sa itsura ni Alexis.
“Be, birthday mo?”
Umiling si Andrea. Yumuko. “Hindi, Nay.” Basag ang boses
niya.
Halos mapuno ang plato ng matanda. Mauubos niya kaya iyon?
“Happy birthday, Be,” hinawakan nito si Andrea sa balikat,
saka umalis.
Mabilis na pinunasan ng palad ni Andrea ang kaliwang mata.
Nabigatan bigla ang loob ko sa mga kasama niya sa bahay.
Naalaala ko iyong nakatambak na damit sa sopa. Kung sa bahay namin iyon, at may
darating na bisita, itatabi ang lahat ng kalat na puwedeng itabi.
Magdyi-general cleaning pa. Hindi pa man din nila alam na hindi naman anak ng
anak nila si Alexa, ganyan na. Papaano pa pag nalaman? Pero hindi rin naman
tanga ang mga tao. Siguro, may hinuha na rin sila na anak ni Andrea sa iba si
Alexa. Walang hawig sa matanda si Alexa.
“Andrea,” tumigil ako saglit. Malungkot ang anyo ni Andrea.
“Ba’t di pa kayo magpakasal?”
“Saka na, Mac.”
Nakuha ko ang “saka na” niya. Marami pa ang kailangang
ayusin. Kasama na ang emosyon. Kailangan ding mag-ipon ng tapang at tatag.
‘Give Your Heart A Break’ na ni Demi Lovato ang tumutugtog.
Sobrang lakas pa rin. Now here we are, so close yet so far. Haven’t I
passed the test?
“E ba’t di na lang kayo lumipat?” hininaan ko ang boses ko.
“Sinasabi ko ‘yan sa kanya, Mac,” parang tinatamad si
Andrea sa boses niya. “Pero lagi lang s’yang walang kibo. Nag-aaway na nga kami
dahil d’yan, e. Alam mo, kasi, Mac, hirap na hirap ako dito,” pinunasan niya
uli ng palad ang mga mata niya. Napayuko na lang ako. “Mas gusto ko pang
magkulong sa k’warto, kesa makausap sila. Matutulog na lang kaming mag-ina.”
Tumango ako. Nauunawaan ko siya. Ngayon ko naramdaman ang
hirap nang nakikitira. Nanghihinayang kaya siya sa mga araw na nasasayang sa
kanya?
“Minsan, alam mo, gusto ko na lang maiyak. Gustung-gusto ko
na lang um’wi. Kaya lang, pa’no naman s’ya. E, gusto n’ya, dito kami. Alam mo,
Mac, minsan, naiisip ko, pa’no ‘ko tumatagal nang gan’to.”
Ewan. Pero bigla kong naramdaman, na siguro, sising-sisi
siya sa mga naging kapangahasan niya sa buhay niya. Sa mga pagpapadalus-dalos
niya. Pero kahanga-hanga na ni hindi iyon nasaling ng mga salita niya.
Pinilit kong ibahin ang usapan namin. Kung anu-ano ang
napagkuwentuhan namin. Mga kalokohan namin noong elementarya. Kung saan na
nagtatrabaho si Ganito at si Ganyan. Na buti’t tinalo ng San Mig Coffee ang
Rain or Shine. Crush na crush niya kasi sina Marc Pingris at James Yap. Pero
mga labi lang ni Andrea ang ngumingiti. Hindi ang mga mata niya.
Mag-a-alas-tres na nang magpaalam ako. Ayokong
magpa-alas-singko. Ayokong abutan ng rush hour. Nagpaalam ako sa matanda nang
aalis na ako.
“Sige,” nasa sopa ito, kumakain. Kakaunti na lang ang
pansit.
Naalaala ko si Mama. Kung siya siguro ang nasa sitwasyon
nitong matanda, ang sasabihin niya, “O, kadarating mo lang, a. Aalis na agad?
Di ka man lang magbalot ng pansit?” Itong matandang ito, ni pabalat-bunga,
wala.
Nasa kanto na uli kami. Iniwan na ni Andrea si Alexa.
“O, pa’no? Kita-kits na lang sa Mahal na Araw?” sabi ko.
“Uuwi ka ba?”
Tumango siya. Nasa mga mata pa rin niya ang lungkot.
Natahimik kaming dalawa. Narinig kong bigla ang ingay ng
mga dumaraang traysikel, ng mga naglalakad at ng nagtitinda ng ice cream.
“Happy birthday,” hindi ko na napigilan ang sarili ko na
batiin siya. Hinawakan ko siya sa balikat.
“Salamat, Mac.” Napangiti siya. Mas basag ang boses niya.
“Guadalupe?” sabi ng humintong traysikel.
Tumango ako.
“O, pa’no?” sabi ko.
“Sige. Ingat ka, a. Salamat ulit.”
“Wala ‘yon. Happy birthday, a.”
Tumango siya. Sa isip ko, mamayang 11:59, babatiin ko uli
siya.
Bumakrayd ako sa traysikel. Palayo, nakatingin pa rin ako
kay Andrea. Naglalakad na siya pabalik sa inuuwian niya. Sa inuuwian niyang
hindi niya maituring na tahanan. Sa inuuwian niyang siya pang ugat ng kanyang
mga paghihirap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento