Linggo, Marso 23, 2014

Civil Wedding


Paalis na talaga ako, napaupo lang ako dahil kay Karylle, anak ni Zsa Zsa Padilla. Nagkukuwento siya sa Showtime. Nag-propose na raw sa kanya ang kasintahang si Yael Yuson, vocalist ng Spongecola. Romantic ang tugtog sa noontime show. Tahimik ang mga host, nakikinig lahat kay Karylle. Nasa mga mata ng mga audience ang kilig.

Ngiting-ngiti si Jean, pinsan ko, habang yakap ang throw pillow. “Ang galing, Kuya. Ikakasal na s’ya. Naunahan pa n’ya sina Marian at Dingdong. ‘Yung dal’wa, taun-taon na lang sinasabing ikakasal sila.” Ex ni Karylle si Dingdong Dantes.

Sa totoo lang, wala akong pakealam sa buhay ng mga artista. Pero natutuwa pa rin ako pag may ikakasal na hindi dahil buntis ang babae. Kundi dahil gusto na talaga nila. Iyong kasal na maluwag sa dibdib. Iyong kasal sa simbahan.

Nang magpatalastas, lumakad na ako. 4:00 hanggang 7:00 ang klase ko sa UP Diliman. Masteral. Magla-library pa ako.

Mga alas diyes, nang nasa bahay na ako, nag-text si Andrea. “Mac, pwede k bng tumwag? Kelangn ko lng mkkausp.” Parang alam ko na agad ang problema.

Kababata ko si Andrea, anim na taon kaming magkaklase sa elementarya, sa Nueva Ecija. Nagkahiwalay lang kami nang sa Valenzuela na ako maghayskul.

May naging boyfriend siya, si Alexis. Chinito. Maganda ang kutis. Guwapings. Dalawang taon sila. Nagpabuntis siya, dahil gusto niyang magsama na sila. Pero laking gulat niya, hindi siya pinanagutan. Beynte-uno lang siya noon. Isang taon na ang anak niya, si Alexa, nang magkaroon siya ng textmate. Taga-Taguig. Kaedad lang namin. Naging sila. Isinama siya sa Taguig niyong lalaki. Noong una, ayaw talaga ni Andrea, hindi raw niya alam kung papaano makikisama sa pamilya niyong lalaki. Pero sumama rin siya. Siguro, naisip din niyang kaysa iwanan siya, magtitiis na lang siya. Naisip niya ang sitwasyon niya—na mapalad na siyang may tumanggap pa sa kanya.

Sa Facebook ko lang nakita ang lalaki. Maitim. Malalaki ang mata. Walang-wala kay Alexis.

Lumabas ako ng bahay. Malakas ang huni ng mga kulilig. Tumawag ako. Tatlong ring pa lang, nasagot na niya.

“O, musta?” bati ko. “’No’ng problema?”

“Wala,” halos bulong na lang ang sagot niya. “Gusto ko lang ng makakausap.”

Noong nagpunta ako sa kanila noong birthday niya, at wala ang “asawa” niya, nakita ko ang hirap niya. Nagkukuwentuhan kami, nagpatugtog nang napakalakas ang “biyenan” niya. Hindi magkandatuto si Andrea sa pag-aasikaso sa akin, pero ang mga kasama niya sa bahay, wala. Nanunuod lang ng Eat Bulaga. Kinagabihan, pinatawag niya ako. Umiiyak siya. Malamang, ganoon na naman ang dahilan. Problema sa pakikisama.

“Bakit? Naiinip ka?” pagmamaang-maangan ako.

“Hindi naman,” parang basag ang boses niya. “Hirap na hirap na kasi ‘ko, Mac.”

“Andrea, kung okey lang, a,” huminto ako. Ramdam ko ang lamig ng hangin at tambol sa dibdib ko. “Ba’t di pa kayo pakasal?”

“Saka na, Mac. Pag beynte-singko na ‘ko.” Kabebeynte-kuwatro lang niya.

“One year pa ‘yon.”

“Oo. Pero para kahit wala nang permiso ng magulang, di ba?”

“Ba’t di sa simbahan? Kahit beynte mil, p’wede na. Ipon ka. Kayo.” Naniniwala ako sa basbas ng Diyos. Minsan lang sa buhay ng tao ang kasal.

“Hindi naman na mahalaga ‘yon, Mac. Di ba?” basag nga ang boses niya. “Makasal lang, okey na.”

Hindi ako kumibo.

“Basta makasal lang, Mac. Di ba?”

Bigla kong kinancel ang tawag. Nag-text ako. “Lowbat. Charge muna aq.” Ramdam ko ang lamig ng hangin. At parang inaawitan ako ng mga kuliglig. Ayokong magsinungaling sa isang kaibigan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento