Sabado, Marso 15, 2014

Lakbay


Papasok na sa NLEX ang ordinary bus na pa-Cubao. Nasa tollgate na. Hindi puwede sa isang tollgate. May kung ano yatang ayaw gumana.

Hindi na iyon pinansin ni Kyle. Nasa tabing-bintana siya, malapit sa driver. Diretso pa rin siya sa pagri-review. Exam nila mamaya sa Rizal. Estudyante sa EARIST si Kyle. Sa Camachile siya bababa. Tapos, lilipat sa bus na pa-Sta. Cruz. Bababa siya sa Dimasalang, sasakay ng dyip na pa-Lardizabal. Minsan, sobrang hirap ng bus na pa-Sta. Cruz, kaya nagku-Cubao muna siya. Pero nanghihinayang din siya sa diperensiyang kuwatro pesos.

“Meron ba?” tanong ng driver. Maitim ito. Kulot. Naka-t-shirt na green, uniporme nila. May hawig ito kay Rez Cortez. Marami nga lang tagyawat.

Sumilip sa pinto ang konduktor. Nakabukas pa ang pinto. “Wala. Wala.”

Mabilis na umatras ang bus. Bag! Malakas ang salpok.

“Puta!” napahilamos ang palad ng driver sa burog-burog na mukha. “Sabi mo, wala e. Tinanong kita. Sabi mo, wala.”

Dumungaw si Kyle. May mga bubog sa kalsada. Nabasag yata ang salamin ng sasakyan.

“Sabi mo, wala e,” nagkakamot na ang driver. “Tinanong kita.” Parang maiiyak na matatawa.

Wala lang kibo ang konduktor. Bakas sa mukha ang kaba.

Nakapagbayad na siya. Sayang ang onse pesos. Muntik na nga siyang di makapasok. Hindi nakabiyahe kahapon ang Papa niya. Coding ng traysikel nila pag Miyerkules. Iniutang lang siya ng mama niya ng P100 sa kapitbahay. Ayaw na nga sana siyang papasukin.

“Long quiz namin ngayon,” pagpipilit niya.

Pinadadagdagan niya sa Mama niya ng beynte. Wala na raw. Pamasaheng-pamasahe lang ang pera niya. Magwa-water therapy na lang siya.

Maaareglo rin iyan, tiwala si Kyle. Babayaran lang ng driver ng bus ang naatrasan, kung ano man iyon. Balik siya sa pagri-review. Pag nakagradweyt siya, mas magiging madali na ang buhay nila. Makaluluwag-luwag na sila. Makabibili na rin siguro sila ng lupa. Makakapapatayo ng bahay.

Tumayo ang katabi niya, pati ang dalawa sa unahan. Nagsibaba. Sumilip siya sa bintana. Marami nang kumukuha ng pamasahe. Bigla niyang isinara ang notebook, at ipinasok sa imitation na Jansport backpack. Siya na lang pala ang pasahero. Bumaba siya.

Puting L300 ang naatrasan. May lamat ang windshield. At basag ang kanang side mirror.

“Problema na naman,” nagkakamot ang driver ng bus. “Sabi mo kasi, wala e. Sabi mo, wala.”

“E pa’no ho ‘yan?” nakapamewang ang driver ng L300.

“Mapapalayas na kami nito,” nagkakamot pa rin ng ulo ang driver ng bus. “Mumurahin na ‘ko ng asawa ko.”

Naisip niyang bigla ang Papa niya pag magsasabi sila ng mga project sa eskuwelahan at kung anu-ano pang mga bayarin. “Pagod na pagod na ‘ko. Pero dapat pala, di muna ‘ko um’wi. Bum’yahe pa ‘ko.” Pero mamaya lang nang kaunti, bagsak na ito. Habang nakasandal sa upuan.

Iniabot niya sa konduktor ang tiket niya. Binigyan siya ng dalawang limang piso. Binilisan niya ang lakad niya. May exam pa siya. Tumawid siya sa kalsada. At ni hindi  lumingon.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento