Punung-puno na naman ang bus na pa-Cubao. Sobrang siksikan. Nagkakabanggaan na ang puwet at hita ng mga pasahero. Talo pa nila ang sardinas. Mas malapit, posporo sila.
Ordinary bus iyon, nasa upuang
pangtatluhan si Ed, nasa tabi ng daan. Kandong niya ang backpack niya. Mabigat
dahil sa laptop, charger at payong. Nakipag-unahan talaga siya kangina sa
upuan. Wala sa kanya ang bigat ng bag. Ang iniisip niya, ang laptop niya. Mabubunggo
siya ng konduktor at ng mga bumababa. Matatagalan nga bago siya ulit makabili
ng laptop. Pero mas sayang ang sentimental value nito. Regalo pa ito sa kanya
ng mommy niya. Family picture nga nila sa Quezon City Circle ang desktop
background nito.
Sa pagtingin niya sa papalapit na
konduktor, nahagip ng tingin niya ang babaeng naka-pink na t-shirt. Maiksi ang
buhok. Nakapusod. Sa tindig at hubog ng katawan, halatang nasa mga kuwarenta na.
May isang dipa ang layo sa kanya.
Naalaala niya ang mommy niya. Halos
ganoon din ang katawan ng mommy niya. At pink ang paborito nitong kulay. Kaya
nga gustung-gusto nito si Patrick Star na kaibigan ni Spongebob.
Magdadalawang taon nang patay ang
mommy niya. Colon cancer. Birthday nito noong Sabado, at dinalaw nila itong
mag-aama sa Manila North Cemetery. Pag birthday ng isa sa kanilang lima, lalo
kung ng mommy at daddy nila, lumalabas talaga sila. Manila Ocean Park. MOA. Eco
Park. Hindi rin sila nawawalan ng regalong magkakapatid sa mommy nila (tatlo
silang magkakapatid, pangatlo siya, dalawang babae ang nauna). Noong huling kaarawan
ng mommy, sapatos ang iniregalo niya. Binili nila sa Divisoria. Napakahilig
nito sa sapatos. Kagagradweyt lang niya noon ng kolehiyo, at wala pang trabaho.
Dati, tatlong bagay ang
kinaiinggitan niya sa isang tao. Talino. Kaguwapuhan. Pagkamayaman. Lalo na
iyong pangalawa. Hindi sila mayaman, petiburges lang. Hindi rin naman siya
bobo. May itsura rin. Pero iyong pangalawa talaga ang pinakakinaiinggitan niya.
Ang talino at yaman, malalaman lang ng iba pag kakilala ka na nila, o
nakakausap. Pero ang kaguwapuhan, kahit ang nakakasalubong sa kalsada, alam.
Pero nang mawala ang mommy niya,
sa mga buhay pa ang nanay siya nainggit. Mararanasan pa ng mga ito ang mga
bagay na hindi na niya mararanasan. Hindi na siya maihahatid nito sa kasal.
Hindi na niya ito mayayakap. Hindi na siya nito maipagluluto. At pag nanay ang
pinag-uusapan, alam niyang wala sa bahay ang sa kanya. Nasa aalaala na lang
niya.
Tumayo siya. Pinilit kalabitin
ang nakatayong babae. “’Nay.”
Lumingon ito. Itinuro ni Ed ang
upuan.
Ngumiti ang babae. Nakiraan,
umupo. “Salamat.” Nakangiti pa rin ito.
“Gusto mo, kandungin mo na lang
‘yung bag mo?” nakapatong ang dalawang kamay nito sa kandungan.
Nasa harap niya ang bag niya.
Nasa NLEX na ang bus.
“’Wag na po, nakakahiya.
Mabigat.”
Inilayo ng ale ang likod sa sandalan.
Nagkaroon ng espasyo. “Dito na lang?”
“Ay, ‘wag na po.” Naramdaman ni
Ed na basag ang boses niya.
May dumaang malaking trak.
Napakaitim ng usok. Nagtakip ng ilong ang mga pasahero. Mabilis na nagpunas ng kaliwang
mata si Ed.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento