Miyerkules, Marso 26, 2014

Laptop


Punung-puno na naman ang bus na pa-Cubao. Sobrang siksikan. Nagkakabanggaan na ang puwet at hita ng mga pasahero. Talo pa nila ang sardinas. Mas malapit, posporo sila.

Ordinary bus iyon, nasa upuang pangtatluhan si Ed, nasa tabi ng daan. Kandong niya ang backpack niya. Mabigat dahil sa laptop, charger at payong. Nakipag-unahan talaga siya kangina sa upuan. Wala sa kanya ang bigat ng bag. Ang iniisip niya, ang laptop niya. Mabubunggo siya ng konduktor at ng mga bumababa. Matatagalan nga bago siya ulit makabili ng laptop. Pero mas sayang ang sentimental value nito. Regalo pa ito sa kanya ng mommy niya. Family picture nga nila sa Quezon City Circle ang desktop background nito.

Sa pagtingin niya sa papalapit na konduktor, nahagip ng tingin niya ang babaeng naka-pink na t-shirt. Maiksi ang buhok. Nakapusod. Sa tindig at hubog ng katawan, halatang nasa mga kuwarenta na. May isang dipa ang layo sa kanya.

Naalaala niya ang mommy niya. Halos ganoon din ang katawan ng mommy niya. At pink ang paborito nitong kulay. Kaya nga gustung-gusto nito si Patrick Star na kaibigan ni Spongebob.

Magdadalawang taon nang patay ang mommy niya. Colon cancer. Birthday nito noong Sabado, at dinalaw nila itong mag-aama sa Manila North Cemetery. Pag birthday ng isa sa kanilang lima, lalo kung ng mommy at daddy nila, lumalabas talaga sila. Manila Ocean Park. MOA. Eco Park. Hindi rin sila nawawalan ng regalong magkakapatid sa mommy nila (tatlo silang magkakapatid, pangatlo siya, dalawang babae ang nauna). Noong huling kaarawan ng mommy, sapatos ang iniregalo niya. Binili nila sa Divisoria. Napakahilig nito sa sapatos. Kagagradweyt lang niya noon ng kolehiyo, at wala pang trabaho.

Dati, tatlong bagay ang kinaiinggitan niya sa isang tao. Talino. Kaguwapuhan. Pagkamayaman. Lalo na iyong pangalawa. Hindi sila mayaman, petiburges lang. Hindi rin naman siya bobo. May itsura rin. Pero iyong pangalawa talaga ang pinakakinaiinggitan niya. Ang talino at yaman, malalaman lang ng iba pag kakilala ka na nila, o nakakausap. Pero ang kaguwapuhan, kahit ang nakakasalubong sa kalsada, alam.

Pero nang mawala ang mommy niya, sa mga buhay pa ang nanay siya nainggit. Mararanasan pa ng mga ito ang mga bagay na hindi na niya mararanasan. Hindi na siya maihahatid nito sa kasal. Hindi na niya ito mayayakap. Hindi na siya nito maipagluluto. At pag nanay ang pinag-uusapan, alam niyang wala sa bahay ang sa kanya. Nasa aalaala na lang niya.

Tumayo siya. Pinilit kalabitin ang nakatayong babae. “’Nay.”

Lumingon ito. Itinuro ni Ed ang upuan.

Ngumiti ang babae. Nakiraan, umupo. “Salamat.” Nakangiti pa rin ito.

“Gusto mo, kandungin mo na lang ‘yung bag mo?” nakapatong ang dalawang kamay nito sa kandungan.

Nasa harap niya ang bag niya. Nasa NLEX na ang bus.

“’Wag na po, nakakahiya. Mabigat.”

Inilayo ng ale ang likod sa sandalan. Nagkaroon ng espasyo. “Dito na lang?”

“Ay, ‘wag na po.” Naramdaman ni Ed na basag ang boses niya.

May dumaang malaking trak. Napakaitim ng usok. Nagtakip ng ilong ang mga pasahero. Mabilis na nagpunas ng kaliwang mata si Ed.

Linggo, Marso 23, 2014

Civil Wedding


Paalis na talaga ako, napaupo lang ako dahil kay Karylle, anak ni Zsa Zsa Padilla. Nagkukuwento siya sa Showtime. Nag-propose na raw sa kanya ang kasintahang si Yael Yuson, vocalist ng Spongecola. Romantic ang tugtog sa noontime show. Tahimik ang mga host, nakikinig lahat kay Karylle. Nasa mga mata ng mga audience ang kilig.

Ngiting-ngiti si Jean, pinsan ko, habang yakap ang throw pillow. “Ang galing, Kuya. Ikakasal na s’ya. Naunahan pa n’ya sina Marian at Dingdong. ‘Yung dal’wa, taun-taon na lang sinasabing ikakasal sila.” Ex ni Karylle si Dingdong Dantes.

Sa totoo lang, wala akong pakealam sa buhay ng mga artista. Pero natutuwa pa rin ako pag may ikakasal na hindi dahil buntis ang babae. Kundi dahil gusto na talaga nila. Iyong kasal na maluwag sa dibdib. Iyong kasal sa simbahan.

Nang magpatalastas, lumakad na ako. 4:00 hanggang 7:00 ang klase ko sa UP Diliman. Masteral. Magla-library pa ako.

Mga alas diyes, nang nasa bahay na ako, nag-text si Andrea. “Mac, pwede k bng tumwag? Kelangn ko lng mkkausp.” Parang alam ko na agad ang problema.

Kababata ko si Andrea, anim na taon kaming magkaklase sa elementarya, sa Nueva Ecija. Nagkahiwalay lang kami nang sa Valenzuela na ako maghayskul.

May naging boyfriend siya, si Alexis. Chinito. Maganda ang kutis. Guwapings. Dalawang taon sila. Nagpabuntis siya, dahil gusto niyang magsama na sila. Pero laking gulat niya, hindi siya pinanagutan. Beynte-uno lang siya noon. Isang taon na ang anak niya, si Alexa, nang magkaroon siya ng textmate. Taga-Taguig. Kaedad lang namin. Naging sila. Isinama siya sa Taguig niyong lalaki. Noong una, ayaw talaga ni Andrea, hindi raw niya alam kung papaano makikisama sa pamilya niyong lalaki. Pero sumama rin siya. Siguro, naisip din niyang kaysa iwanan siya, magtitiis na lang siya. Naisip niya ang sitwasyon niya—na mapalad na siyang may tumanggap pa sa kanya.

Sa Facebook ko lang nakita ang lalaki. Maitim. Malalaki ang mata. Walang-wala kay Alexis.

Lumabas ako ng bahay. Malakas ang huni ng mga kulilig. Tumawag ako. Tatlong ring pa lang, nasagot na niya.

“O, musta?” bati ko. “’No’ng problema?”

“Wala,” halos bulong na lang ang sagot niya. “Gusto ko lang ng makakausap.”

Noong nagpunta ako sa kanila noong birthday niya, at wala ang “asawa” niya, nakita ko ang hirap niya. Nagkukuwentuhan kami, nagpatugtog nang napakalakas ang “biyenan” niya. Hindi magkandatuto si Andrea sa pag-aasikaso sa akin, pero ang mga kasama niya sa bahay, wala. Nanunuod lang ng Eat Bulaga. Kinagabihan, pinatawag niya ako. Umiiyak siya. Malamang, ganoon na naman ang dahilan. Problema sa pakikisama.

“Bakit? Naiinip ka?” pagmamaang-maangan ako.

“Hindi naman,” parang basag ang boses niya. “Hirap na hirap na kasi ‘ko, Mac.”

“Andrea, kung okey lang, a,” huminto ako. Ramdam ko ang lamig ng hangin at tambol sa dibdib ko. “Ba’t di pa kayo pakasal?”

“Saka na, Mac. Pag beynte-singko na ‘ko.” Kabebeynte-kuwatro lang niya.

“One year pa ‘yon.”

“Oo. Pero para kahit wala nang permiso ng magulang, di ba?”

“Ba’t di sa simbahan? Kahit beynte mil, p’wede na. Ipon ka. Kayo.” Naniniwala ako sa basbas ng Diyos. Minsan lang sa buhay ng tao ang kasal.

“Hindi naman na mahalaga ‘yon, Mac. Di ba?” basag nga ang boses niya. “Makasal lang, okey na.”

Hindi ako kumibo.

“Basta makasal lang, Mac. Di ba?”

Bigla kong kinancel ang tawag. Nag-text ako. “Lowbat. Charge muna aq.” Ramdam ko ang lamig ng hangin. At parang inaawitan ako ng mga kuliglig. Ayokong magsinungaling sa isang kaibigan.

Biyernes, Marso 21, 2014

Tahanan, Si Andrea


“Dlawin mu nman aq.” Text sa akin ni Andrea. Matagal na rin siya sa Taguig. Noong Hunyo pa. Takot na takot nga siya noong lumuwas. Di raw niya alam kung paano pakikisamahan ang pamilya ng “asawa” niya.

Matagal na rin kaming di nagkikita. Noong Mayo pa ang huli, noong pista. Pebrero na ngayon. Naisip ko kaagad, ano na kaya ang itsura niya?

Lampas ala-una nang dumating ako sa Duhat. Sabi ni Andrea, doon daw ako magpababa sa traysikel. Akala ko, lampas isang oras lang mula Valenzuela hanggang Taguig, dahil Sabado naman. Pero higit dalawang oras ang naging biyahe ko. Walang galang ang traffic maski sa Sabado. Alas-dose niya ako pinapupunta. Para tanghalian. Pero lampas ala-una na nga. Gutom na gutom na ako.

Pagtaas ko nang tingin, malapit na si Andrea. Kilik si Alexa, anak niya. Sa malayo pa lang, halatang ang laki nang ipinayat niya. Naka-short na maong siya at puting blouse.

“Parang ang laki nang itinaas mo,” sabi niya nang naglalakad na kami. Nakangiti siya. Iyong ngiting sa labi lang, hindi kasama ang sa mga mata.

“Ewan, hindi ko napansin,” napangiti ako, natutuwang tumangkad ako. Kahit hindi ako makapaniwala dahil magbebeynte-kuwatro na ako.

“Mabuti’t pumunta ka.”

“Pinilit mo ako, e,” tumawa ako. “Joke lang.”

Natawa siya. “Sira-ulo!”

Hindi ko muna siya binati ng happy birthday. Marami sa mga tao ang talagang sinasalubong ang birthday ng mahal sa buhay. Bumabati nang 12:00:00. Maganda ang ganoon. Tanda ng pagmamahal. Pero ako, para maiba, kung di ko nabati nang ganoon, kung umaga ko na lang mababati, gabi ko na lang babatiin. Para hindi man ako ang una, ako naman ang huli. Parang sa sayaw. Last dance.

Lumiko kami sa isang kanto. Tapos, lumiko ulit. May half court na basketbolan. May naglalarong mga teenager. Nangakahubad kahit katirikan ng araw. Huminto si Andrea sa gate ng isang apartment na may tindahan. “Tara.”

May mga tao sa tindahan. Isang babaeng lampas beynte anyos siguro, at isang matandang babae. Nag-magandang tanghali ako. Huhubarin ko sana ang sapatos ko. Pero huwag na raw, sabi ni Andrea.

“Sino ‘yon?” narinig kong sabi ng matanda.

“Bisita yata ni Andrea,” sagot ng babae.

Umupo ako sa silya sa tabing-pinto. Makalat ang sala. May mga tikluping damit pa sa sopa. Pulang linoleum ang sahig. May 33 inches na TV sa divider, may DVD, amplifier at dalawang malaking speaker. Sa isang sulok, may makinang panahi. Halatang hindi ginagamit. Walang malapit na mga tela, ni medida.

“Dito tayo,” kinawayan ako ni Andrea.

Dumiretso ako sa kusina. Nakaupo na si Andrea, kilik-kilik pa rin si Alexa. May dalawang bandehadong pansit at isang bowl na fruit salad sa mesa. Tanaw na tanaw sa kusina ang sala. Maganda ang puwesto ng mesa, makakapanood ang kumakain kung bukas ang TV.

“Bababa ka, Anak?” tanong ni Andrea kay Alexa. Maputi ito, naka-pink na blouse, naka-pony tail. “O, ‘wag magulo, a. May bisita si Mama.”

Ngayong malapitan, napansin kong ang laki nang ipinagbago ni Andrea. Beynte-kuwatro na siya ngayon. Mas matanda siya sa akin ng buwan. Pero parang nasa beynte-otso na siya. Mas maiksi ngayon ang buhok niya. Lampas balikat lang nang kaunti. At parang hindi inaalagaan. Walang kintab. Parang tuyung-tuyo. Walang kislap ang mga mata niya. Di tulad dati na mapupungay.

Anim na taon kaming magkaklase sa elementarya, sa Nueva Ecija. Nagkahiwalay lang kami nang lumipat ako sa Valenzuela, noong hayskul. Ngayon, siya na lang sa mga kaklase namin ang pinakamalapit sa akin. Hindi ko magawang maging malapit sa iba, dahil puro pagpapasosyal ang alam nila. Sa mga kita-kita, pinag-uusapan ang mga mali sa buhay ng isang kaklaseng hindi pumunta.

Inabutan ako ni Andrea ng plato. Sa ibabaw, may platito at kutsara’t tinidor. “Kain na.”

Kumuha ako ng pansit. Gutom na talaga ako. Natuwa ako na walang maraming atay ang pansit niya. Hindi masarap ang pansit pag masyadong maraming atay. Nag-iiba na ang lasa.

“Buti’t pumunta ka. Ikaw lang ang bisita ko, e. Alam mo ba?”

Nahinto ako sa pagkain. Natahimik ako. Sa amin, basta merong may birthday, hanggang hatinggabi ang inuman. Magulo. Masaya. At dapat lang naman talaga, minsan lang sa isang taon ang kaarawan. Pero siya, ako lang ang bisita niya. At parang ang lungkot-lungkot niya.

“Mabuti, wala kang pasok ‘no?”

“Oo,” tininidor ko ang kikiam. Nabanggit ko sa kanya dati na weekdays lang ang klase sa Adamson. Filipino teacher ako roon.

“Hindi ka naiinip dito?”

“Naiinip din. S’yempre.”

Magsasalita na sana ako nang biglang tumugtog sa sala ang ‘Damn Regret’ ng Red Jumpsuit Apparatus. Ang lakas. Nagulat ako. The moon is shining bright! The moon is feeling bright!

Naningkit ang mga mata ni Andrea. Napailing siya. Nakatingin lang ako sa kanya. Lumakas pa ang tugtog. Para na kaming sinisigawan. Damn regret, I’ll try to forget. Don’t worry about me caused I’m real fine.

“Bastos,” mahina lang ang pagkakasabi ni Andrea. Pero malutong.

“Alam mo,” sabi niya, “kaya minsan, gusto ko na lang um’wi kina Nanay. Lagi lang ako sa k’warto, alam mo ba?”

“Alam ba nila?” napatingin ako kay Alexa. Nasa sahig ito, naglalaro ng tablet. Kamukhang-kamukha ito ni Alexis.

Umiling siya.

Dalawang taon din sina Andrea at Alexis. Madalas ngang sabihin noon sa akin ni Andrea na magpapakasal na sila. Halatang mahal na mahal niya si Alexis. Guwapo si Alexis. Medyo matangkad. Maputi. Chinito. Gusto na raw ni Andrea na magkaanak sila. Pero hindi naman daw siya nabubuntis pa. Naikukuwento niya sa akin pag nagkaka-text kami. Naiinis ako. Sa akin, kapag ang isang bagay, nakakahiya, at di mo ikinahiya, mas nakakahiya. Kasi, immune ka na. Normal na lang sa iyo. Naiinis ako noon kay Andrea, hindi na siya nahihiyang ikuwento iyon sa akin.

Pero nang nabuntis siya, hindi siya pinanagutan ni Alexis. Kung bakit, ewan. Sabi raw, kung si Andrea ang makakatuluyan niya, ikamamatay niya. Ni hindi nga raw nito alam kung sa kanya talaga iyong bata. Pero nakabuntis din ito ng iba. At ang masaklap, iyon, pinakasalan. Kay Nanang Kadya ko na ito nalaman, kapitbahay nina Andrea, kumare ni Lola. Hindi rin daw alam ng tatay ni Andrea na nakasal sa iba iyong lalaki. Inilihim daw. Magwawala raw kasi ito. Magkakagulo lang. Hindi alam ni Andrea na alam ko ang mga iyon.

Nang minsan daw, kapapanganak lang noon ni Andrea, doon siya sa bahay ng lalaki umuuwi, kailangan niya ng tubig na mainit, pero ni hindi siya ikinuha niyong lalaki. Nakatingin lang ito sa kanya. Siya pa ang kumuha ng tubig na mainit.

Pagkatapos kong malaman ang mga iyon, naisip ko, bakit, ano ba ang ugali ni Andrea? Bakit ayaw na ayaw ni Alexis? Kasi, sa akin, okey si Andrea. Pero ganoon nga siguro. May distansiya ang tao sa isa’t isa. Iba sila kung titingnan mo mula sa taas at mula sa kanan, kung malayo at kung malapit. Siguro, nasa magkaibang anggulo kami ni Alexis, at nasa magkaibang layo.

Tapos, nalaman ko, kay Nang Kadya pa rin, na textmate na dati ni Andrea ang kinakasama niya ngayon. At kahit noong sila pa ni Alexis, nagkikita na sila.

“Ilang taon na ba ‘yan?”

“Two, and eight months.”

Napangiti ako. Ganoon sigurong maging magulang. Tanda, maging ang bilang ng buwan ng anak. Isang uri ng pagmamahal. Ako, kung tatanungin ako, kung ilang taon na ako, kasama ang buwan, pakakaisipin ko pa ang sagot.

Pumasok sa kusina iyong matanda kangina sa tindahan. May hawak na plato. Kumuha ng pansit. Payat ito. Nakalipistik pa. Maitim. Kulot ang maiksing buhok. Malalaki ang mata. Matandang babaeng bersiyon ng kinakasama ngayon ni Andrea, nang makita ko sa Facebook. Walang-wala sa itsura ni Alexis.

“Be, birthday mo?”

Umiling si Andrea. Yumuko. “Hindi, Nay.” Basag ang boses niya.

Halos mapuno ang plato ng matanda. Mauubos niya kaya iyon?

“Happy birthday, Be,” hinawakan nito si Andrea sa balikat, saka umalis.

Mabilis na pinunasan ng palad ni Andrea ang kaliwang mata.

Nabigatan bigla ang loob ko sa mga kasama niya sa bahay. Naalaala ko iyong nakatambak na damit sa sopa. Kung sa bahay namin iyon, at may darating na bisita, itatabi ang lahat ng kalat na puwedeng itabi. Magdyi-general cleaning pa. Hindi pa man din nila alam na hindi naman anak ng anak nila si Alexa, ganyan na. Papaano pa pag nalaman? Pero hindi rin naman tanga ang mga tao. Siguro, may hinuha na rin sila na anak ni Andrea sa iba si Alexa. Walang hawig sa matanda si Alexa.

“Andrea,” tumigil ako saglit. Malungkot ang anyo ni Andrea. “Ba’t di pa kayo magpakasal?”

“Saka na, Mac.”

Nakuha ko ang “saka na” niya. Marami pa ang kailangang ayusin. Kasama na ang emosyon. Kailangan ding mag-ipon ng tapang at tatag.

‘Give Your Heart A Break’ na ni Demi Lovato ang tumutugtog. Sobrang lakas pa rin. Now here we are, so close yet so far. Haven’t I passed the test?

“E ba’t di na lang kayo lumipat?” hininaan ko ang boses ko.

“Sinasabi ko ‘yan sa kanya, Mac,” parang tinatamad si Andrea sa boses niya. “Pero lagi lang s’yang walang kibo. Nag-aaway na nga kami dahil d’yan, e. Alam mo, kasi, Mac, hirap na hirap ako dito,” pinunasan niya uli ng palad ang mga mata niya. Napayuko na lang ako. “Mas gusto ko pang magkulong sa k’warto, kesa makausap sila. Matutulog na lang kaming mag-ina.”

Tumango ako. Nauunawaan ko siya. Ngayon ko naramdaman ang hirap nang nakikitira. Nanghihinayang kaya siya sa mga araw na nasasayang sa kanya?

“Minsan, alam mo, gusto ko na lang maiyak. Gustung-gusto ko na lang um’wi. Kaya lang, pa’no naman s’ya. E, gusto n’ya, dito kami. Alam mo, Mac, minsan, naiisip ko, pa’no ‘ko tumatagal nang gan’to.”

Ewan. Pero bigla kong naramdaman, na siguro, sising-sisi siya sa mga naging kapangahasan niya sa buhay niya. Sa mga pagpapadalus-dalos niya. Pero kahanga-hanga na ni hindi iyon nasaling ng mga salita niya.

Pinilit kong ibahin ang usapan namin. Kung anu-ano ang napagkuwentuhan namin. Mga kalokohan namin noong elementarya. Kung saan na nagtatrabaho si Ganito at si Ganyan. Na buti’t tinalo ng San Mig Coffee ang Rain or Shine. Crush na crush niya kasi sina Marc Pingris at James Yap. Pero mga labi lang ni Andrea ang ngumingiti. Hindi ang mga mata niya.

Mag-a-alas-tres na nang magpaalam ako. Ayokong magpa-alas-singko. Ayokong abutan ng rush hour. Nagpaalam ako sa matanda nang aalis na ako.

“Sige,” nasa sopa ito, kumakain. Kakaunti na lang ang pansit.

Naalaala ko si Mama. Kung siya siguro ang nasa sitwasyon nitong matanda, ang sasabihin niya, “O, kadarating mo lang, a. Aalis na agad? Di ka man lang magbalot ng pansit?” Itong matandang ito, ni pabalat-bunga, wala.

Nasa kanto na uli kami. Iniwan na ni Andrea si Alexa.

“O, pa’no? Kita-kits na lang sa Mahal na Araw?” sabi ko. “Uuwi ka ba?”

Tumango siya. Nasa mga mata pa rin niya ang lungkot.

Natahimik kaming dalawa. Narinig kong bigla ang ingay ng mga dumaraang traysikel, ng mga naglalakad at ng nagtitinda ng ice cream.

“Happy birthday,” hindi ko na napigilan ang sarili ko na batiin siya. Hinawakan ko siya sa balikat.

“Salamat, Mac.” Napangiti siya. Mas basag ang boses niya.

“Guadalupe?” sabi ng humintong traysikel.

Tumango ako.

“O, pa’no?” sabi ko.

“Sige. Ingat ka, a. Salamat ulit.”

“Wala ‘yon. Happy birthday, a.”

Tumango siya. Sa isip ko, mamayang 11:59, babatiin ko uli siya.

Bumakrayd ako sa traysikel. Palayo, nakatingin pa rin ako kay Andrea. Naglalakad na siya pabalik sa inuuwian niya. Sa inuuwian niyang hindi niya maituring na tahanan. Sa inuuwian niyang siya pang ugat ng kanyang mga paghihirap.

Huwebes, Marso 20, 2014

Kalsada


Isang Dosenang Haiku

1
Ngumisi’ng dilim—
nanlisik, mga mata
ng avenida.

2
Nagmamadali.
Mga ilaw sa enleks
ay Halley’s comet.

3
Nagsuka’ng lasing
sa poste, nagulantang
bahay ng langgam.

4
Tambol ng dibdib…
huminga ka’t… nanghablot…
silver na k’wintas.

5
Bida’y dumating,
matutulis na tsismis,
naging pagbati.

6
Ula’y bumuhos,
namuti ang kalsada,
kotse’y natakot.

7
Mata ng barker,
biglang kumislap, nang may
dyip na dumungaw.

8
Ngumiti’ng dilim.
Papauwing dalaga,
niyakap ang bag.

9
Tulalang kuting,
Kumaripas. Dumaa’y
‘sang dagang kanal.

10
Batang madungis,
sumayaw sa kalsada.
Tugtog, busina.

11
Nilagyan ng tres.
Hubad-barong gusgusin,
tulala pa rin.

12
Damo sa enleks,
kumakaway sa mga
bus na paalis.

Martes, Marso 18, 2014

Reply


Nang sabihin kong GOD BLESS
ang tinanggap niya ay GOD BLESS.
Nang sabihin kong TAKE CARE
ang tinanggap niya ay TAKE CARE.
Nang sabihin kong MERRY CHRISTMAS
ang tinanggap niya ay MERRY CHRISTMAS.

Nang sumagot siya ng LYKWISE
ang tinanggap ko ay HANGIN.


!


hindi kita aambaan
ng itak
o tabak                   
para magulat
magimbal

hindi kita sisigawan

hahayaan ang laman
kalamnan
nitong tula
ang maging sanhi
ng pagkabigla
ng pagkatulala


Sabado, Marso 15, 2014

Kalapati


Tulad siya ng kalapati, sabi mo.
Pinawalan mo, dahil babalik sa iyo.
Ngunit sa kanyang pagronda, may sumamang iba.
Naging sila sa iyong mga mata.
Di mo na muling nakita.


Foreign Student


Hindi ko malimutan ang sabi ni Ma’am Maribel noong unang araw ng klase, history instructor at sampung taon nasa SITE. Mas marami raw ang teaching load dati. “Ngayon kasi, wala nang mga foreigner. Di raw kasi nag-i-English ‘yung ibang instructor. Di nila maintindihan ‘yung lesson. Halimbawa, Math, Sociology, gusto nila, English din ang medium.”

Naitanong ko na naman sa sarili ko, bakit ba tayo ang nag-a-adjust para sa kanila? Sa France nga (kahit di pa ako napupunta, alam ko), hindi ka kakausapin kung di ka marunong ng French. Mag-iiyak ka muna riyan.

Kinabukasan, Martes, tatlo lang ang klase ko. Sa huli kong klase, sa 1 to 2:30 ko, napako ang mga mata ko sa dalawang esudyante sa likod. Pareho silang maitim, bilugan ang mukha, maiksi ang kulot na mga buhok at itim na itim ang mga mata. Mga Bumbay. Naka-turban pa ang isa. Nailang ako. Self expression man iyon o kung ano, ayoko sa mga naka-cap o turban o may hikaw sa dila.

“P’wede bang pakialis ‘yan?” nakatingin ako sa kanila.

Tumahimik bigla sa classroom. Naglingunan ang mga estudyante.

“We don’t ispik Tagalog,” sabi ng isa.

Natahimik ako. Biglang tumambol ang dibdib ko. Natuyuan ako ng laway. Inisip ko ang tamang pangungusap. Nakakaintindi ako ng English, pero hindi ako fluent dito. Baka mamaya, wrong grammar ang sentence ko. Pagtawanan pa ako. Pagtsismisan. Nakakahiya iyon, kahit pa Filipino teacher ako.

“You’re a foreigner?” tanong ko.

Tumango sila.

“Will you please remove your turban?” mukhang tama naman ang English ko.

“No. Part op ar kultyur.”

Bigla kong naalaala ang sabi sa akin kahapon ni Ma’am Jasmine. “Sir, pag may foreigner kang student, papuntahin n’yo po sa’kin. Sa klase ko sila papasok. Filipino for foreigners.”

“Both of you, you go to Room 210, and look for Ma’am Jasmine.”

“Rum tu wan siro?” tanong ng naka-turban.

“Yes,” tumango ako.“Bring your bag.”

Pagkalabas nila, nagtawanan ang mga estudyante. May pumalakpak pa.

“Epic fail!” sabi ng isa.

“’Lang’ya,” sabi ng isang lalaking nasa unahan. “Pupunta-puntang Pilipinas, di marunong ng Filipino.”

Pagkatapos ng klase, umuwi agad ako. Wala akong ganang mag-ayos ng mga teaching material at kung anu-ano pa. Sa LRT, hindi ako umupo sa bakanteng upuan. Tumayo ako sa tabi ng pintong hindi bumubukas, nakatanaw sa labas. Hinahanap ko ang dangal ko bilang Pilipino. Karamihan sa mga billboard, sa English nakasulat. Ganito rin ang araw-araw kong nababasang mga sign sa kalsada. Sabi ni Ma’am Maribel, ang mga titser na hindi naman English ang subject, Rizal, halimbawa, Psychology, pag may foreigner, napipilitang mag-English? Bakit? Saan nanggaling ang tapang ng apog ng mga foreigner na mag-demand? Bakit nasanay silang bastusin ang wika natin? Wala raw alipin kung walang magpapaalipin. Naisip ko, ako, Filipino instructor na, nag-English pa rin para sa kanila.

Maingay na sa LRT. Ang daming nagkukuwentuhan at nagtatawanan. May lumalampas sa earphone ang sounds. Pero parang naririnig ko pa rin ang boses ng Bumbay.

“Will you please remove your turban?”

“No. Part op ar kultyur.”

Lakbay


Papasok na sa NLEX ang ordinary bus na pa-Cubao. Nasa tollgate na. Hindi puwede sa isang tollgate. May kung ano yatang ayaw gumana.

Hindi na iyon pinansin ni Kyle. Nasa tabing-bintana siya, malapit sa driver. Diretso pa rin siya sa pagri-review. Exam nila mamaya sa Rizal. Estudyante sa EARIST si Kyle. Sa Camachile siya bababa. Tapos, lilipat sa bus na pa-Sta. Cruz. Bababa siya sa Dimasalang, sasakay ng dyip na pa-Lardizabal. Minsan, sobrang hirap ng bus na pa-Sta. Cruz, kaya nagku-Cubao muna siya. Pero nanghihinayang din siya sa diperensiyang kuwatro pesos.

“Meron ba?” tanong ng driver. Maitim ito. Kulot. Naka-t-shirt na green, uniporme nila. May hawig ito kay Rez Cortez. Marami nga lang tagyawat.

Sumilip sa pinto ang konduktor. Nakabukas pa ang pinto. “Wala. Wala.”

Mabilis na umatras ang bus. Bag! Malakas ang salpok.

“Puta!” napahilamos ang palad ng driver sa burog-burog na mukha. “Sabi mo, wala e. Tinanong kita. Sabi mo, wala.”

Dumungaw si Kyle. May mga bubog sa kalsada. Nabasag yata ang salamin ng sasakyan.

“Sabi mo, wala e,” nagkakamot na ang driver. “Tinanong kita.” Parang maiiyak na matatawa.

Wala lang kibo ang konduktor. Bakas sa mukha ang kaba.

Nakapagbayad na siya. Sayang ang onse pesos. Muntik na nga siyang di makapasok. Hindi nakabiyahe kahapon ang Papa niya. Coding ng traysikel nila pag Miyerkules. Iniutang lang siya ng mama niya ng P100 sa kapitbahay. Ayaw na nga sana siyang papasukin.

“Long quiz namin ngayon,” pagpipilit niya.

Pinadadagdagan niya sa Mama niya ng beynte. Wala na raw. Pamasaheng-pamasahe lang ang pera niya. Magwa-water therapy na lang siya.

Maaareglo rin iyan, tiwala si Kyle. Babayaran lang ng driver ng bus ang naatrasan, kung ano man iyon. Balik siya sa pagri-review. Pag nakagradweyt siya, mas magiging madali na ang buhay nila. Makaluluwag-luwag na sila. Makabibili na rin siguro sila ng lupa. Makakapapatayo ng bahay.

Tumayo ang katabi niya, pati ang dalawa sa unahan. Nagsibaba. Sumilip siya sa bintana. Marami nang kumukuha ng pamasahe. Bigla niyang isinara ang notebook, at ipinasok sa imitation na Jansport backpack. Siya na lang pala ang pasahero. Bumaba siya.

Puting L300 ang naatrasan. May lamat ang windshield. At basag ang kanang side mirror.

“Problema na naman,” nagkakamot ang driver ng bus. “Sabi mo kasi, wala e. Sabi mo, wala.”

“E pa’no ho ‘yan?” nakapamewang ang driver ng L300.

“Mapapalayas na kami nito,” nagkakamot pa rin ng ulo ang driver ng bus. “Mumurahin na ‘ko ng asawa ko.”

Naisip niyang bigla ang Papa niya pag magsasabi sila ng mga project sa eskuwelahan at kung anu-ano pang mga bayarin. “Pagod na pagod na ‘ko. Pero dapat pala, di muna ‘ko um’wi. Bum’yahe pa ‘ko.” Pero mamaya lang nang kaunti, bagsak na ito. Habang nakasandal sa upuan.

Iniabot niya sa konduktor ang tiket niya. Binigyan siya ng dalawang limang piso. Binilisan niya ang lakad niya. May exam pa siya. Tumawid siya sa kalsada. At ni hindi  lumingon.


Pebrero 1


Gising ka
nang magsagutan ng tilaok
ang mga manok
nasa tabing-pinto
mainit ang yakap ng tasa
sa mga palad
hinahanap ang sarili
sa mabagal na paglalayag
ng mga ulap.
Ayaw kang patahimikin
ng prusisyon ng mga gunita
ramdam na ramdam mo ang hiwa
ng ipinukol niyang mga salita.

Unang araw ng Pebrero.
Malamig.
Malakas ang paniniwala mong
totoo ang langit.
May bukas na darating.