Nagkaroon ako ng titser noon sa mataas na paaralan,
sa Araling Panlipunan, na nagsabi kung anong edad kami mamamatay, sa pagtatanong
lang kung anong taon kami ipinanganak.
“Ikaw?”
“Nineteen eighty-eight, Ma’am.”
“Naku, sixty ka lang.” Itinuro niya
ako, “’kaw?”
“Ninety ninety po,” sagot ko.
“Fifty-five ka lang.”
Hindi manghuhula si Ma’am, hindi
rin nutritionist. Lalong hindi naman siya ganoon kaseriyoso sa sinabi niya. May
pagkabiro pa nga. Pero birong hindi nakatutuwa, kundi may kurot. Nakagigising.
“Kayo, hindi maganda ang panahon
n’yo. Kami, no’ng mga dalaga’t binata pa kami, no’ng kapanahunan namin,
naranasan naming magtanim. Lumulusong kami sa bukid,” inilaki pa niya ang may
kalakihan na nga niyang mga mata. “Malungkot ang panahon n’yo.”
Hindi ako naniniwala sa sinabi
niyang “malungkot ang panahon n’yo.” Nasa tao ang pagiging malungkot ng kanyang
panahon. Pero may punto siya.
Sa madalas kong pakikinig sa
kuwento ng mga lolo’t lola ko, sa kuwento ng matatanda sa probinsiya, at sa
pagbabasa ng mga kuwentong naganap noong 1960, pabalik, “Dugo sa
Bukang-Liwayway” ni Rogelio Sikat at “Ginto ang Kayumangging Lupa” ni Dominador
B. Mirasol, halimbawa, hindi ko maiwasang hindi mainggit.
Dati raw, pag namangka ka sa ilog
nang gabi, katukin mo lang ng sagwan ang gilid ng bangka, magtatalunan na ang
mga isda. ‘Ka ko naman, ngayon, pag kinatok mo ang bangka, baka malansag,
mabutas at lumubog, dahil sa baba ng kalidad ng mga materyales. Bukod pa sa
nanlilisik na katotohanang bibihira na ang isda sa mga sapa at ilog. Madali rin
daw magdulang noon, ‘yong pangunguha ng ginto sa buhanginan sa ilog. Ngayon,
ang mga nagdudulang sa amin, inaabot na ng linggo, wala pa ring nakukuha. At
ang tulya raw noon, sa sansaglit sa ilog, nakakalahating timba na sila.
Walang dudang malabo na nga ang
ganito ngayon, dahil sa pagkasira ng kalikasan. Hindi na gayon kagandang
paliguan ang ilog. At ang unang dapat sisihin dito ay hindi naman ang mga
nakatira sa tabing-ilog, sapagkat ang pagtatapon lang naman ng basura ang
kasalanan nila, na iilan nga lamang ang gumagawa. Ang dapat sisihin dito ay ang
mga kapitalista. Halimbawa, nalulungkot ako pag nakikita ko ang Ilog Peñaranda,
sa amin sa Nueva Ecija, o kung nakikita ko ang litrato namin sa ilog noong mga
bata pa kami. Nakapalaki ng ipinag-iba ng dalawang ilog, ng sa kasalukuyan at
ng sa larawan.
Ang nasa larawan ay mabato, may
ilang palanas, may maliit na isla sa gitna na may luntiang mga damo at pinagtatayuan
ng mga damara kung Sabado de Gloria, malinaw at malaki ang pampang. Habang ang
ilog ngayon, bukod sa malabo, ay puro banlik. Pag naligo ka, halos wala ka nang
matapakang bato o buhangin, puro putik na lamang. Wala na rin ang isla sa
gitna, at kinain na ng ilog ang dalampasigan. At patuloy pa ngang kinakain,
pati ang lupa ng mga nakatira roon.
Malalim na ang ilog. At ‘yon ay
hindi bunga ng pagtaas ng tubig, kundi ng patuloy na paglalim ng lupa, na dulot
ng mga quarry. Hinuhukay ng mga quarry na ito ang lupa ng mga ilog, saka
kumukuha ng mga bato at buhangin para ibenta.
Nalalagay tuloy ang buhay ng marami
tuwing magkakaroon ng bagyo o kahit malakas na ulan lamang. Higit sa lahat, naghihingalo
na ngayon ang mga ilog.
Legal at may papel ang ilan sa nasabing
mga quarry. Ngunit anu’t anuman, legal man o hindi, nakasisira ito ng
kalikasan, ng buhay, ng kultura.
At gaya ng nabanggit ko kangina
tungkol sa bangka, madalas ko ring marinig kay Mama ang gayong mga halimbawa.
Gaya na lamang noong bumili kami ng bagong plantsa, napansin niya agad na magaan
ito. “Iba talaga ‘yong mga plantsa noong araw.” At nang mamlantsa nga ako sa
probinsiya, gamit ang isang matandang plantsa, napansin kong di hamak na mas
mabigat nga ‘yon. Halata ring mas matibay, saka mas mahusay makapamlantsa.
Ganito rin ang sinasabi ni Mama
kung bumibili kami ng mga bagong kubyertos, o kung may nabaluktot na tinidor
dahil sa pagtusok sa matigas na ulam. “Iba talaga’ng mga tinidor noong araw.”
Kaya’t masasabi kong walang duda,
di hamak na mas maganda nga ang kalikasan at kalidad ng mga bagay dati. At sobrang
nakatatakot ito. Ngunit bukod dito, may mas nakatatakot pa… ang pagbabago ng
kultura.
Noong nasa elementarya pa ako,
ibang-iba ang Pasko, hindi lamang sa klima… ‘pagkat noon, Setyembre pa lamang
ay maginaw na, “pagsubok na ang pagligo,” ‘ika nga, habang ngayon, Disyembre 15
na ay napakainit pa. Alas-siyete pa lamang noon ng umaga ay marami nang
namamasko. Puno rin ang mga mesa sa dami ng handa kung Noche Buena, at maraming
nangangaroling kung ika-24 ng gabi.
Hindi na palaisipan kung bakit
kakaunti na lamang ang laman ng mesa kung Noche Buena at kung bakit kakaunti na
lamang ang naa-aginaldo ng mga bata kung Pasko. Sapagkat damang-dama ng mas
malaking bilang ng mga mamamayan ang kahirapan, parang latigong inihagupit ng
kung ilang ulit. Ngunit ano ang sa kaso ng pagdalang ng mga nangangaroling?
Sa hirap ng buhay, masasabing mas
kailangan nila ngayon ng pera. Kaya’t aasahang mas marami ang nangangaroling. O
mas nararamdaman nilang karamihan naman sa mga tao ay sisigaw na ng “Tawad!”
nagsisimula pa lamang silang kumanta, at na kung may magbibigay man ay piso o
dalawang piso lamang? O nahihiya nang mangaroling ang mga bata ngayon, dahil
mas abala na sila sa kulturang handog ng makabagong panahon at bagong
teknolohiya… mag-DoTA (Defense of the Ancient), mag-Facebook, manuod ng mga
bagong episode ng “One Piece” at “Naruto” at kung anu-ano pang anime?
Ayon sa mga sosyolohista, maging sa
mga nakarating na sa iba’t ibang bansa, iba ang saya sa Pilipinas, at natatangi
ang Pasko rito. Ngunit kung ganito na katamlay ang pagdiriwang ng Pasko sa
bansa, paano pa kaya sa ibang bansa, kung saan ikinumpara ang Pilipinas, at
higit, paano pa kaya ang Pasko sa Pilipinas sa mga susunod na henerasyon?
Isa lamang ang Pasko sa
napakaraming tanawing magandang pakatitigan ng bawat Pilipino, upang mas
maunawaan ang pagbabago ng kultura ng bansa.
Sa dati kong pinagtuturuan, madalas
lokohin ng isang batang English teacher, babae, ang matatandang titser na
lalaki, mga lampas 30 gulang lang naman… mga bata pa rin kung tutuusin.
Tinatawag niyang “gurang” ang mga ito.
“Pag nagkaasawa ka, matanda!” sagot
ng isa sa mga tinatawag niyang “gurang.”
“Tatanda ka rin,” ito ang madalas
na pananggol ko sa mga binubuwisit niya.
“Kahit na, mas matanda pa rin sila.
Di pa rin sila makakaganti.”
Totoo, mas matanda na nga sila noon.
Lagi tayong mas bata sa mga mas matanda sa atin, at kahit kailan, hindi tayo
magiging mas matanda kaysa sa kanila, literal… anuman ang gawin natin, anuman
ang kanilang gawin. Ngunit nanlilisik ang mga mata ng katotohanan, mas magandang
mundo ang kanilang inabutan. At malaking bagay na ‘yon para kainggitan.
Madalas ko tuloy maisip, paano kaya
kung noon na lamang ako nabuhay, “noong araw.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento