“Ang
dami na palang nag-aasawa rito, ‘no?” sinalinan ko ng Red Horse ang baso.
“Kundi nabuntis, nakabuntis.”
“Oo nga e,” sagot niya, sumasabay sa boses niya ang awitan
ng mga kuliglig.
“’Kaw ba, kelan lalakad?”
“Ay, pag nagpakasal ako, di p’wedeng di ka uuwi. At
magbi-bestman at magbi-bestman ka.”
Natawa ako, at natuwa.
‘Yon ang pinakanatatandaan kong pag-uusap namin ni Kuya
Ayan, kababata ko at matalik na kaibigan. Mga tatlong taon na rin ‘yon, gabi ng
Pasko. Namasko siya sa amin noon, at hindi ko pinalampas ang pagkakataon na magkainuman
kami. Huling taon ko na noon sa kolehiyo, siya naman ay bagger sa NE Pacific
Mall, sa Cabanatuan. Nakaisang semestre lang siya sa computer science, tinamad
nang mag-aral.
“Kuya” lang ang tawag ko sa kanya, pero hindi namin sila
kaanu-ano, kapitbahay lang. Magkaharap ang bahay namin, sa gitna, ang kalsada.
At katabi lang ng bahay nila ang paaralang elementarya ng baryo namin.
Hindi “Ryan” ang tunay na pangalan ni Kuya Ayan, kundi “Jojo.”
“Ayan” lang ang naging palayaw niya, dahil sa akin. Matangkad kasi siya at
payat. At sabi ng mga matanda sa amin, mukha siyang kawayan. Bulol pa ako noon,
at hindi pa masabi ang “kawayan,” “yayan” lang. Hanggang sa maging “Kuya Ayan”
nga ang tawag ko sa kanya, at mahawa ang mga taga-amin.
Anim na buwan pa lang ako nang iwan ako nina Mama at Papa
sa Nueva Ecija, dahil walang makuhang yaya. Titser sa elementarya si Mama, at
operator naman ng makina sa pabrika si Papa. Sa Valenzuela sila nakatira. Sa
inang at tatang ni Mama ako iniwan, na tinawag ko nang “Nanay” at “Tatay.”
Panganay si Mama sa kanilang magkakapatid, at panganay
naman akong apo. Kaya wala akong kalaro sa bahay namin, at kaya sunud na sunod
ang layaw ko.
Si Kuya Ayan ang naging pinakakalaro ko sa lahat ng bata sa
may amin. Sa kanila kasi pinakamalapit ang loob namin sa lahat ng kapitbahay
namin. Magkumpare ang tatay niya at si Tatay, at magkumare ang nanay niya at si
Nanay. Inaanak din siya ni Dikong, tito ko, na kasama namin sa bahay.
Bunso si Kuya Ayan sa kanilang apat na magkakapatid, at
malaki ang agwat sa kanya ng sinundan niya, kaya wala rin siyang kalaro sa
kanila. Kaedad lang din nina Nanay at Tatay ang nanay at tatay niya.
Matanda siya nang dalawang taon sa akin. Nasa grade 1 pa
lang ako ay nasa grade 3 na siya. Kaya para ko na siyang kuya, dahilan upang hindi
ako mainggit sa mga kalaro ko na maraming kuya o pinsang lalaking mas matatanda
sa kanila—‘yong mahihingian nila ng trumpo, ng mga teks, bala ng pellet gun, at
mapagsusumbungan.
Lagi kaming magkasama ni Kuya Ayan. Napakadalas niya sa
amin, at maya’t maya naman ako sa kanila. “Tatay Mario” at “Nanay Angela” na
nga ang tawag ko sa tatay at nanay niya, at “bunso” naman ang tawag sa akin ng
mga kapatid niya.
Pero kahit lagi kaming magkasama, walang nagkamaling magsabing
magkapatid kami. Maitim kasi siya at maputi naman ako. At bagama’t hindi ako
maliit ay hindi hamak namang mas matangkad siya kaysa sa akin. Hindi hamak ding
mas payat. Medyo malaki ang mga mata niya, singkit naman ang sa akin. At may
pagkamalaki rin ang mga tenga niya, may pagka-parang sa daga.
At dahil nga matangkad siya, sa laro namin, nasa labinglima
rin kami, siya ang laging panalo—kalabit-bata man, itlog-bayawak, luksung-baka,
o harangang-taga—na nalaman kong ang tawag pala sa Valenzuela, nang minsang
kuhanin ako nina Mama at Papa para magbakasyon, ay “patintero.” At siyempre,
gusto ko, lagi kong kakampi si Kuya Ayan. Pag di ko siya kakampi, pakiramdam ko
na agad, talo kami.
Pag paani nila ng palay, kasama ako, “panggulo,” sabi nga
sa akin ni Tatay. Maging pag mag-aanak sa kasal si Tatay Mario o si Nanay
Angela. Service nilang lagi ang dyip nila. Kung si Tatay o si Nanay naman ang
mag-aanak, siya naman ang kasama sa amin. At ang owner naman namin ang service.
Kaya pakiramdam ko, bahagi na ng pamilya namin si Kuya
Ayan, at bahagi na ako ng pamilya nila.
Habang nasa simbahan at may kasal, nasa labas kami ni Kuya
Ayan, bumibili ng fishball o kaya, nanghuhuli ng tutubi, o nagsi-seesaw at
barass sa plasa sa harap ng simbahan.
Tinutulungan ko rin siyang magbilad sa eskuwelahan ng mga palay
nila. At nakikigulo ako sa kanila pag biglang bumuhos ang ulan, at kailangan
nang isilong ang mga palay. Winawalis ko ng walis-tingting papunta sa isang
bunton ang natirang mga palay, nang madaling masuro.
Pag uso ang teks o holen, madalas na talo ako, sa mga mas
matanda man sa akin o kahit sa mga kaedad ko lang. Si Kuya Ayan ang bumabawi ng
mga naipatalo ko, tapos, ibinabalik niya sa akin.
Nang mauso ang teks na Ghost Fighter, nasa grade 2 na ako
noon, nanalo ako sa mga nakalaban ko. Ang pamato ko pa nga ay si Vincent, ‘yong
naka-black dragon spirit technique. Naging dalawang dangkal ang teks ko noon,
hindi na maitali ng lastiko, kaya inilagay ko na lang sa damitan ko.
Kinabukasan, may dumayo sa amin, tagaluwasan, dulo na ng
baryo namin. Kaklase ni Kuya Ayan, kasingtangkad din. Nilabanan niya ang lahat
ng may teks sa amin. Tapos, itinuro ako ng ibang bata. Hinamon ako.
Wala noon si Kuya Ayan, nasa bukid nila, naghatid ng
tanghalian.
“Dadayain ka lang n’yan,” bulong sa akin ni Jun-jun,
kababata ko.
Pero nilabanan ko pa rin, isang dangkal lang muna ang
dinala ko. Gusto kong manalo nang wala si Kuya Ayan. Gusto kong matuwa siya
pagdating niya, na nananalo na ako kahit akong mag-isa lang. Gusto ko ring
magyabang sa mga kalaro ko, na ako ang pinakamatibay sa amin. Para palagi na
rin akong ‘singgaling ni Kuya Ayan.
Sa kasasakang bukid sa tabi ng eskuwelahan kami naglaban.
Noong una, laging matao ‘yung pamato kong Vincent. Nakailang palit nga ng
pamato ‘yong kaklase ni Kuya Ayan, Dennis, Jeremiah, Karasu, Jericho, Mr.
Valdez, pero hindi pa rin manalo. Pero nang gamitin niya ‘yong Charlene na nakasakay
sa sagwan, lagi nang ‘yong kanya ang matao. Numipis nang numipis ‘yong teks ko.
Nang maubos ‘yong isang dangkal kong teks, umuwi agad ako
sa amin. Kinuha ko ‘yong natitira pang isang dangkal. Kailangang mabawi ko
‘yong mga naipatalo ko. Bumalik agad ako.
Kaso, natalo na naman ako niyong Charlene na nakasakay sa
sagwan.
“Ogan, balato!” sabi sa kanya ng mga kababata ko.
Hinabol pa siya ng ibang bata. Nagpaagaw na lang siya ng
mga teks, saka tumakbo.
Hindi ako nakipulot, tumakbo ako sa amin, nagkulong sa
kuwarto namin ni Dikong. Magsusumbong ako bukas kay Kuya Ayan.
“’Wag ka na kasing lumalaban sa malalaki. Natatalo ka lang
tuloy,” kinuha ni Kuya Ayan sa platera nila ang isang kahon ng sapatos. “Di na
natin mababawi ‘yon, malayo’ng bahay n’on. Tagatabing-sapa pa ‘yon.”
Walang takip ang kahon, puro teks ang laman. Si Kuya Ayan
ang laging may pinakamaraming teks sa amin, umaabot minsan ng tatlong kahon ng
sapatos. Doon din siya nakakakuha ng pangmeriyenda minsan, pag may bumibili o
lumalaban ng hanap-pato. “’Lan ba’ng na’patalo mo?”
“Gan’to,” nakasalampak ako sa sahig, pinagdugtong ko ang
dalawang dangkal ko. Yari lang sa kahoy ang bahay nila, pero sementado ang
sahig, di gaya ng sa amin na semento ang dingding at sahig.
Pinagpatung-patong ni Kuya Ayan ang mga teks, ipinadangkal
sa akin. Saka ibinigay ang naabot ng dalawang dangkal ko.
“Dagdagan mo, Kuya Ayan,” inilagay ko sa magkabilang bulsa
ng salawal ko ang mga teks, sa laylayan ng damit ko ang mga sobra.
“Si Maki naman pala, e wala nang natira sa’ken,” nagkamot
siya ng tenga, kumuha nang konting teks, saka isiniksik sa bulsa ko. “Tama na
‘yan.”
“Salamat, Kuya Ayan,” nakangiti akong tumakbo sa amin.
Ikinalat ko sa papag sa kuwarto ang mga teks, pero wala
niyong Vincent na naka-black dragon spirit technique.
“’Alang kamuk’a ng pamato ko,” pumunta ako sa kanila
kinabukasan, nasa likod-bahay si Kuya Ayan, may tangang planggana, nagpapakain
ng mga pabo.
“Ano ba’ng pamato mo?” inihagis niya ang huling balat ng
pakwan, nag-agawan ang mga pabo.
“Vincent, naka-black dragon spirit technique.”
“Tara,” pumasok na siya sa kanila, “hahanap tayo.”
Humanap kami, pero wala talagang kamukha. Maraming Vincent
na naka-black dragon spirit technique, pero iba ang itsura.
“Wala namang kamuk’a e.”
“E wala,” isinilid niya sa pangatlong kahon ang mga teks,
saka ibinalik sa platera. “Paano kaya’ng gagawin, e si Maki naman pala.”
Nangingilid na ang luha ko.
Napakamot ng tenga si Kuya Ayan. “’Bigyan na lang kita ng
ibang pamato.” Binuksan niya ang isa pang kahon, inabutan ako ng Sensui na
nakapamulsa. “O, pamato ko pa ‘yan a.”
At nakangiti uli akong nagtatakbo sa amin.
Kung Mayo, bago magpasukan, nangyuyugyog kami ng salagubang
sa tumana nila. Nasa likod lang ‘yon ng eskuwelahan, malapit sa ilog. May dala
kaming tigdalawang bote ng Gin. Pagkatapos manguha ng salagubang, nangunguha
naman kami ng sinegwelas.
Pag-uwi namin, puno na ng salagubang ang mga bote, puno na ng
sinegwelas ang mga bulsa at mga laylayan ng damit namin, at nanlilimahid na rin
kami dahil sa ulan. Maputik ang tumana at madulas ang mga punong sinegwelas.
May mga gasgas din kami sa mga binti at braso.
Si Kuya Ayan din ang nagturo sa aking magyoyo, magtrumpo, umakyat
ng puno, lumangoy. Sa lahat, pinakanaaalaala ko ‘yong pagtuturo niya sa aking
magbisikleta. Kung hapon ‘yon, pagkatapos ng klase, at pag umaga at hapon naman
pag Sabado.
“Sa malayo kasi’ng tingin,” hawak niya ang manibela, saka
ang dulo ng upuan ng bisikleta, at nakasakay naman ako at mabagal na nagpipidal.
“E ba’t kelangang malayo?”
“Para di mabangga. Para kita agad pag me malapit nang
sasakyan.”
“O, tingnan mo ‘yon,” inginuso niya ang babaeng nagtitinda
ng burong mustasa, na naka-bike na may sidecar. “Gano’ng gawin mo.”
Hindi ko ginaya ‘yong malayong tingin na sinasabi niya. Ang
ginaya ko ay ‘yong diretsong katawan niyong nagtitinda. Tapos, binilisan ko
nang konti ang pagpidal.
“Maki, dahan-dahan ka a! Dahan-dahan ka!” sigaw ni Kuya
Ayan. “Di na kita hawak a! Di na kita hawak!”
Parang gumaan ang pakiramdam ko, parang medyo lumulutang
ako. Napangiti ako. Dumulas sa mabuhanging parte ng kalsada ang gulong ng bisikleta.
Nabuwal ako sa gilid ng kalsada!
“Maki!” itinayo ni Kuya Ayan ang bisikleta na dumagan sa
akin. “Sinabi nang dahan-dahan, dahan-dahan.”
Natuklap ang tuhod ko. Hindi muna ako pinagbisikleta ni
Nanay.
“Gagaling ka na n’yan, nagkasugat ka na e,” si Kuya Ayan,
nang nilalanggas ni Nanay ng dahon ng bayabas ang sugat ko.
Nabigo ako. Gusto ko sanang matutong magbisikleta nang
hindi nagkakasugat. Kasi, ibig sabihin niyon, magaling ako.
Nang marunong na akong magbisikleta, kung sasaan na kami nakararating
ni Kuya Ayan. Mountain bike ang gamit niya, ‘yong mababa lang ang sa akin.
Minsan, pumapahulo kami, sumisilay sa mga crush namin. Gusto niya ‘yong kaklase
niya, at gusto ko naman ‘yong kaklase ko. Magkapatid ang mga kaklase namin.
Parehas na maputi at mahaba ang buhok.
Nalilibot di namin halos ang sementadong kalsada ng baryo
namin, sa pamumulot lang ng bala ng pellet gun. Inilalagay namin ‘yon sa
lalagyan ng Eskinol o Maxipeel o kung ano pa, na napupulot lang namin sa
basurahan o sa tabing-kalsada.
Parehas din kami palagi ng pellet gun, pag ‘yon na ang uso.
Una siyang magkakaroon ng baril, at kung ano ang sa kanya, ganoon din ang
ipabibili ko. Beretta ang naging unang baril namin, sunod, uzi. Sa pangatlo
lang kami nagkaiba. Shotgun ang sa kanya, armalite naman ang sa akin.
“E naubusan na ng katulad ng sa Kuya ayan mo we,” sabi ni
Tatay.
Nang minsan namang awayin ako ni Lloyd, ‘yong repeater sa
amin, na dapat ay kaklase na ni Kuya Ayan, nasa grade 3 na ako noon, sinugod
siya ni Kuya Ayan.
“’Wag mo nang bubu’sitin ‘yan!” sabi sa kanya ni Kuya Ayan.
Nang nasa grade 4 na ako, lumipat na ng bahay sina Kuya
Ayan. Kinuha na kasi ng kapatid ni Tatay Mario ang lupang tinitirhan nila, patira
lang pala ‘yon sa kanila. Dito na raw sa Nueva Ecija titira.
Pinilit kong hindi ako umiyak noon. At nagawa ko naman.
Nakabili sina Kuya Ayan ng bahay at lupa sa luwasan, bandang
dulo na ng baryo namin.
Nagkikita pa rin kami ni Kuya Ayan sa eskuwelahan. Saka
minsan, pag recess, o pag bago magsimula ang klase pag hapon o pag umaga,
isinasali niya ako ng harangang-taga sa kanilang magkakaklase. At pag Lunes at
Biyernes, sa amin siya nanananghalian. Bilin ‘yon sa akin ni Tatay, yayain ko
raw si Kuya Ayan, nang hindi na nahihirapang umuwi pag tanghali.
Pero iba na rin ang mga hapon, malayo na sa dati. Kami-kami
na lang nina Jun-jun at ng ibang bata ang magkakalaro. Parang may mali. Parang
may kulang.
Nang maghayskul si Kuya Ayan, pag Sabado na lang siya nasa
amin. Pero buong araw. Darating siyang nakabisikleta, at manunuod kami ng
cartoons pag umaga, doon na siya manananghalian, maglalaro kami ng baraha kina
Jun-jun kung minsan, pag tanghali, at magbibisekleta pag hapon.
Isang Sabado, nagbutingting kami ng kung anu-anong gamit sa
bodega namin—spring ng kama, mga lata ng gatas, tela, pako, kahoy, tubo, at
kung anu-ano pa. Gumawa kami ng kung anu-ano mula sa mga ‘yon, nagaya namin sa napanuod
namin sa TV.
Itinali namin ng leteng ang mga barbecue stick, saka
ipinasok sa butas ng lagayan ng lotion. Binalutan namin ng pad paper ang lalagyan,
saka dinrowingan ni Kuya Ayan ng mata, ilong at bibig. Tatsulok pa nga ang
naging ilong. Sa likod, isinulat ni Kuya Ayan—“Maki & Ayan, FRIENDS
FOREVER.”
Tapos, naisip kong kahit kailan pala, hindi pa kami
nagkaaway ni Kuya Ayan. Itinago ko ‘yon, pero hindi ko na alam kung saan na napunta.
Nang magtapos ako ng elementarya, kinuha na ako nina Mama,
kinahapunan pa lamang. Umalis ng bahay si Tatay, di raw kayang makita akong
umalis. Panay ang iyak ko noon, hanggang sa biyahe.
Undas na nang mauwi ako. At sabi sa akin ni Nanay, mula raw
noong mag-aral ako sa Valenzuela, hindi na pumupunta sa amin si Kuya Ayan. Sa
mga sumunod pang taon, bihira na rin akong nauuwi ng Nueva Ecija. Pag Pasko,
Mahal na Araw, Undas, Bagong Taon at bakasyon na lang. Noong una,
pumupunta-punta pa ako sa kanila. Pero kalaunan, nasa kolehiyo na yata ako
noon, hindi na. Nakahiyaan ko na.
Kagabi, nagka-chat kami ni Jun-jun, sa Facebook. Ibinalita
niya sa aking ikinasal na si Kuya Ayan, noong isang linggo. Dalawang buwan na
raw na buntis ‘yong babae. Sa simbahan sa Laguna raw ang kasal, dahil tagaroon
ang napangasawa.
At kakaunti lang daw ang imbitado.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento