Huwebes, Enero 31, 2013

Damit


Ni gasinulid, hindi ko batid,
kung paano ako pabobobohin
ng kupas na jeans at ordinaryong t-shirt;
ni kung paano patatalinuhin
ng kurbata, ng magandang longsleeve,
ng makintab na sapatos na itim;
kung paano aayusin ng malinis na gupit
ang mga klase at mga quiz;
kung paano guguluhin ng mahabang patilya
ang mga panuto’t paliwanag.

Hindi ko batid, hindi ko alam.
Hindi ko naiintindihan.
Wala akong nauunawaan.

Subalit ito ang malinaw sa akin:
nilikha ng tao ang damit
upang ikubli ang kanyang katawan,
ngunit ngayon, utak niya ang natatakpan.

Gitna


“Sa gitna lang po, Ateng naka-blue, sa gitna lang po! ‘Wag kayong humarang d’yan sa pinto!”

Inirapan ni Abby ang konduktor. Kangina pa siya napipikon dito. Pausod nang pausod sa gitna, e mas siksikan nga roon.

“Pausod lang po sa gitna, pausod lang!” parang masama na rin ang tingin nito sa kanya.

Huminto ang bus. Sauyo na. Bumaba ang dalawang lalaki sa magkabilang gilid niya.

Pagkalakad ng bus, napatili siya. Nawawala ang cell phone niya.

“’Yan, pinauusod kasi kayo, ayaw n’yong makinig!” nanunumbat ang mga mata ng konduktor. “Mga mandurukot ‘yon e. Kilala na namin ‘yong mukha ng mga ‘yon.”

Nakatingin sa kanya ang mga pasahero.

“Sabi ko nga kangina, pagkakita ko, ‘Patay.’ ‘Ayan na naman,” gatong ng tsuper.

Hindi alam ni Abby ang sasabihin. Para siyang naipit sa gitna ng kahihiyan.

Eunoia


“Olang Google” ang bansag kay Roland ng mga tambay.

“Akala mo e alam n’ya’ng lahat,” angal sa kanya ni Bogs, pinakamahusay sa kanilang magbilyar.

“Mali-mali nama’ng sinasabe mo,” laging saway sa kanya ni Hogan, pinamalakas sa kanilang uminom.

“Pagkayabang,” malimit na banat ng pinakamalakas sa kanilang manigarilyo, si Greg.

“Talo mo pa si Kuya Kim e,” sabi minsan ni Alvin, pinakamahusay sa kanilang magbasketbol.  “Dapat itawag sa’yo, ‘Google.’”

Nakatambay na uli ang lahat sa tapat ng tindahan ni Nanay Myla, nang lumabas ng dilim si Roland.

“O, si Katalinuhan,” nahinto sa paggigitara si Aries, musikero nila.

“Rhythm lang,” kumumpas-kumpas pa si Roland, bago naupo. “Alam mo bang ‘yung ‘rhythm’ ang pinakamahabang English word na puro consonant lang?”

“Oo, alam namin!” malakas ang boses ni Gilbert, pinakamahusay sa kanilang mag-DotA. “Ikaw? Alam mo bang ‘eunoia’ ang shortest English word na kumpleto’ng vowel?”

Ngumiti si Roland, hanga kunwari. “Oo nga pala ‘no? Ano na nga’ng meaning n’on?”

“Alamin mo! Gago, wala ka no’n!”

Nagtawanan ang mga tambay.

Pagkadating niya sa bahay, sumama ang loob niya sa nalamang kahulugan.

Linggo, Enero 27, 2013

Kasing-Sinta-Tahan


Ha? “Sinta” ang salitang-ugat ng “kasintahan?”                  Di ba’t “tahan?”
E ano ang “tahan?”
“Pag-ibig.”                   “Pagmamahal.”
Ang “kasin?”
“Kasing.”                  Parehas.                            Gaya.                                          Tulad.
“Kasingguwapo,”
                                  parehas ng lebel ng kaguwapuhan.
“Kasimputi,”
                                  parehas ng kulay ng balat.
“Kasingtangkad,”
                                  parehas ng taas.

Paano naman ang “tahanan?”

Iba ang “bahay” sa “tahanan,”                 ang “tahanan” sa “tirahan.”
May tumira o wala,                  “bahay.”
Pag tinirhan,                  “tirahan.”

Pag nagmamahalan ang nananahan,                 “tahanan.”

“Tahan,”         pagmamahal.
Panlaping “-an,”         lugar.
“Tahanan,”                 lugar ng pagmamahalan.

E di ano ang “kasintahan?”

“Nagmamahalan.”
Mahal mo siya, mahal ka niya.                 Mahal ka niya, mahal mo siya.

Ha? E di may magnobyang di magkasintahan?

Oo, dahil hindi basta nakalilikha ng pagmamahal
                 ang relasyon                 ang pagsasama.

At may magkasintahang hindi magnobya?

Oo, dahil ang pag-ibig ay nagmumula kahit saan
                 at may ilang hindi ito ipinapahayag                 hindi ipinaglalaban.

Huwebes, Enero 17, 2013

Kababata


“Ang dami na palang nag-aasawa rito, ‘no?” sinalinan ko ng Red Horse ang baso. “Kundi nabuntis, nakabuntis.”

“Oo nga e,” sagot niya, sumasabay sa boses niya ang awitan ng mga kuliglig.

“’Kaw ba, kelan lalakad?”

“Ay, pag nagpakasal ako, di p’wedeng di ka uuwi. At magbi-bestman at magbi-bestman ka.”

Natawa ako, at natuwa.

‘Yon ang pinakanatatandaan kong pag-uusap namin ni Kuya Ayan, kababata ko at matalik na kaibigan. Mga tatlong taon na rin ‘yon, gabi ng Pasko. Namasko siya sa amin noon, at hindi ko pinalampas ang pagkakataon na magkainuman kami. Huling taon ko na noon sa kolehiyo, siya naman ay bagger sa NE Pacific Mall, sa Cabanatuan. Nakaisang semestre lang siya sa computer science, tinamad nang mag-aral.

“Kuya” lang ang tawag ko sa kanya, pero hindi namin sila kaanu-ano, kapitbahay lang. Magkaharap ang bahay namin, sa gitna, ang kalsada. At katabi lang ng bahay nila ang paaralang elementarya ng baryo namin.

Hindi “Ryan” ang tunay na pangalan ni Kuya Ayan, kundi “Jojo.” “Ayan” lang ang naging palayaw niya, dahil sa akin. Matangkad kasi siya at payat. At sabi ng mga matanda sa amin, mukha siyang kawayan. Bulol pa ako noon, at hindi pa masabi ang “kawayan,” “yayan” lang. Hanggang sa maging “Kuya Ayan” nga ang tawag ko sa kanya, at mahawa ang mga taga-amin.

Anim na buwan pa lang ako nang iwan ako nina Mama at Papa sa Nueva Ecija, dahil walang makuhang yaya. Titser sa elementarya si Mama, at operator naman ng makina sa pabrika si Papa. Sa Valenzuela sila nakatira. Sa inang at tatang ni Mama ako iniwan, na tinawag ko nang “Nanay” at “Tatay.”

Panganay si Mama sa kanilang magkakapatid, at panganay naman akong apo. Kaya wala akong kalaro sa bahay namin, at kaya sunud na sunod ang layaw ko.

Si Kuya Ayan ang naging pinakakalaro ko sa lahat ng bata sa may amin. Sa kanila kasi pinakamalapit ang loob namin sa lahat ng kapitbahay namin. Magkumpare ang tatay niya at si Tatay, at magkumare ang nanay niya at si Nanay. Inaanak din siya ni Dikong, tito ko, na kasama namin sa bahay.

Bunso si Kuya Ayan sa kanilang apat na magkakapatid, at malaki ang agwat sa kanya ng sinundan niya, kaya wala rin siyang kalaro sa kanila. Kaedad lang din nina Nanay at Tatay ang nanay at tatay niya.

Matanda siya nang dalawang taon sa akin. Nasa grade 1 pa lang ako ay nasa grade 3 na siya. Kaya para ko na siyang kuya, dahilan upang hindi ako mainggit sa mga kalaro ko na maraming kuya o pinsang lalaking mas matatanda sa kanila—‘yong mahihingian nila ng trumpo, ng mga teks, bala ng pellet gun, at mapagsusumbungan.

Lagi kaming magkasama ni Kuya Ayan. Napakadalas niya sa amin, at maya’t maya naman ako sa kanila. “Tatay Mario” at “Nanay Angela” na nga ang tawag ko sa tatay at nanay niya, at “bunso” naman ang tawag sa akin ng mga kapatid niya.

Pero kahit lagi kaming magkasama, walang nagkamaling magsabing magkapatid kami. Maitim kasi siya at maputi naman ako. At bagama’t hindi ako maliit ay hindi hamak namang mas matangkad siya kaysa sa akin. Hindi hamak ding mas payat. Medyo malaki ang mga mata niya, singkit naman ang sa akin. At may pagkamalaki rin ang mga tenga niya, may pagka-parang sa daga.

At dahil nga matangkad siya, sa laro namin, nasa labinglima rin kami, siya ang laging panalo—kalabit-bata man, itlog-bayawak, luksung-baka, o harangang-taga—na nalaman kong ang tawag pala sa Valenzuela, nang minsang kuhanin ako nina Mama at Papa para magbakasyon, ay “patintero.” At siyempre, gusto ko, lagi kong kakampi si Kuya Ayan. Pag di ko siya kakampi, pakiramdam ko na agad, talo kami.

Pag paani nila ng palay, kasama ako, “panggulo,” sabi nga sa akin ni Tatay. Maging pag mag-aanak sa kasal si Tatay Mario o si Nanay Angela. Service nilang lagi ang dyip nila. Kung si Tatay o si Nanay naman ang mag-aanak, siya naman ang kasama sa amin. At ang owner naman namin ang service.

Kaya pakiramdam ko, bahagi na ng pamilya namin si Kuya Ayan, at bahagi na ako ng pamilya nila.

Habang nasa simbahan at may kasal, nasa labas kami ni Kuya Ayan, bumibili ng fishball o kaya, nanghuhuli ng tutubi, o nagsi-seesaw at barass sa plasa sa harap ng simbahan.

Tinutulungan ko rin siyang magbilad sa eskuwelahan ng mga palay nila. At nakikigulo ako sa kanila pag biglang bumuhos ang ulan, at kailangan nang isilong ang mga palay. Winawalis ko ng walis-tingting papunta sa isang bunton ang natirang mga palay, nang madaling masuro.

Pag uso ang teks o holen, madalas na talo ako, sa mga mas matanda man sa akin o kahit sa mga kaedad ko lang. Si Kuya Ayan ang bumabawi ng mga naipatalo ko, tapos, ibinabalik niya sa akin.

Nang mauso ang teks na Ghost Fighter, nasa grade 2 na ako noon, nanalo ako sa mga nakalaban ko. Ang pamato ko pa nga ay si Vincent, ‘yong naka-black dragon spirit technique. Naging dalawang dangkal ang teks ko noon, hindi na maitali ng lastiko, kaya inilagay ko na lang sa damitan ko.

Kinabukasan, may dumayo sa amin, tagaluwasan, dulo na ng baryo namin. Kaklase ni Kuya Ayan, kasingtangkad din. Nilabanan niya ang lahat ng may teks sa amin. Tapos, itinuro ako ng ibang bata. Hinamon ako.

Wala noon si Kuya Ayan, nasa bukid nila, naghatid ng tanghalian.

“Dadayain ka lang n’yan,” bulong sa akin ni Jun-jun, kababata ko.

Pero nilabanan ko pa rin, isang dangkal lang muna ang dinala ko. Gusto kong manalo nang wala si Kuya Ayan. Gusto kong matuwa siya pagdating niya, na nananalo na ako kahit akong mag-isa lang. Gusto ko ring magyabang sa mga kalaro ko, na ako ang pinakamatibay sa amin. Para palagi na rin akong ‘singgaling ni Kuya Ayan.

Sa kasasakang bukid sa tabi ng eskuwelahan kami naglaban. Noong una, laging matao ‘yung pamato kong Vincent. Nakailang palit nga ng pamato ‘yong kaklase ni Kuya Ayan, Dennis, Jeremiah, Karasu, Jericho, Mr. Valdez, pero hindi pa rin manalo. Pero nang gamitin niya ‘yong Charlene na nakasakay sa sagwan, lagi nang ‘yong kanya ang matao. Numipis nang numipis ‘yong teks ko.

Nang maubos ‘yong isang dangkal kong teks, umuwi agad ako sa amin. Kinuha ko ‘yong natitira pang isang dangkal. Kailangang mabawi ko ‘yong mga naipatalo ko. Bumalik agad ako.

Kaso, natalo na naman ako niyong Charlene na nakasakay sa sagwan.

“Ogan, balato!” sabi sa kanya ng mga kababata ko.

Hinabol pa siya ng ibang bata. Nagpaagaw na lang siya ng mga teks, saka tumakbo.

Hindi ako nakipulot, tumakbo ako sa amin, nagkulong sa kuwarto namin ni Dikong. Magsusumbong ako bukas kay Kuya Ayan.

“’Wag ka na kasing lumalaban sa malalaki. Natatalo ka lang tuloy,” kinuha ni Kuya Ayan sa platera nila ang isang kahon ng sapatos. “Di na natin mababawi ‘yon, malayo’ng bahay n’on. Tagatabing-sapa pa ‘yon.”

Walang takip ang kahon, puro teks ang laman. Si Kuya Ayan ang laging may pinakamaraming teks sa amin, umaabot minsan ng tatlong kahon ng sapatos. Doon din siya nakakakuha ng pangmeriyenda minsan, pag may bumibili o lumalaban ng hanap-pato. “’Lan ba’ng na’patalo mo?”

“Gan’to,” nakasalampak ako sa sahig, pinagdugtong ko ang dalawang dangkal ko. Yari lang sa kahoy ang bahay nila, pero sementado ang sahig, di gaya ng sa amin na semento ang dingding at sahig.

Pinagpatung-patong ni Kuya Ayan ang mga teks, ipinadangkal sa akin. Saka ibinigay ang naabot ng dalawang dangkal ko.

“Dagdagan mo, Kuya Ayan,” inilagay ko sa magkabilang bulsa ng salawal ko ang mga teks, sa laylayan ng damit ko ang mga sobra.

“Si Maki naman pala, e wala nang natira sa’ken,” nagkamot siya ng tenga, kumuha nang konting teks, saka isiniksik sa bulsa ko. “Tama na ‘yan.”

“Salamat, Kuya Ayan,” nakangiti akong tumakbo sa amin.

Ikinalat ko sa papag sa kuwarto ang mga teks, pero wala niyong Vincent na naka-black dragon spirit technique.

“’Alang kamuk’a ng pamato ko,” pumunta ako sa kanila kinabukasan, nasa likod-bahay si Kuya Ayan, may tangang planggana, nagpapakain ng mga pabo.

“Ano ba’ng pamato mo?” inihagis niya ang huling balat ng pakwan, nag-agawan ang mga pabo.

“Vincent, naka-black dragon spirit technique.”

“Tara,” pumasok na siya sa kanila, “hahanap tayo.”

Humanap kami, pero wala talagang kamukha. Maraming Vincent na naka-black dragon spirit technique, pero iba ang itsura.

“Wala namang kamuk’a e.”

“E wala,” isinilid niya sa pangatlong kahon ang mga teks, saka ibinalik sa platera. “Paano kaya’ng gagawin, e si Maki naman pala.”

Nangingilid na ang luha ko.

Napakamot ng tenga si Kuya Ayan. “’Bigyan na lang kita ng ibang pamato.” Binuksan niya ang isa pang kahon, inabutan ako ng Sensui na nakapamulsa. “O, pamato ko pa ‘yan a.”

At nakangiti uli akong nagtatakbo sa amin.

Kung Mayo, bago magpasukan, nangyuyugyog kami ng salagubang sa tumana nila. Nasa likod lang ‘yon ng eskuwelahan, malapit sa ilog. May dala kaming tigdalawang bote ng Gin. Pagkatapos manguha ng salagubang, nangunguha naman kami ng sinegwelas.

Pag-uwi namin, puno na ng salagubang ang mga bote, puno na ng sinegwelas ang mga bulsa at mga laylayan ng damit namin, at nanlilimahid na rin kami dahil sa ulan. Maputik ang tumana at madulas ang mga punong sinegwelas. May mga gasgas din kami sa mga binti at braso.

Si Kuya Ayan din ang nagturo sa aking magyoyo, magtrumpo, umakyat ng puno, lumangoy. Sa lahat, pinakanaaalaala ko ‘yong pagtuturo niya sa aking magbisikleta. Kung hapon ‘yon, pagkatapos ng klase, at pag umaga at hapon naman pag Sabado.

“Sa malayo kasi’ng tingin,” hawak niya ang manibela, saka ang dulo ng upuan ng bisikleta, at nakasakay naman ako at mabagal na nagpipidal.

“E ba’t kelangang malayo?”

“Para di mabangga. Para kita agad pag me malapit nang sasakyan.”

“O, tingnan mo ‘yon,” inginuso niya ang babaeng nagtitinda ng burong mustasa, na naka-bike na may sidecar. “Gano’ng gawin mo.”

Hindi ko ginaya ‘yong malayong tingin na sinasabi niya. Ang ginaya ko ay ‘yong diretsong katawan niyong nagtitinda. Tapos, binilisan ko nang konti ang pagpidal.

“Maki, dahan-dahan ka a! Dahan-dahan ka!” sigaw ni Kuya Ayan. “Di na kita hawak a! Di na kita hawak!”

Parang gumaan ang pakiramdam ko, parang medyo lumulutang ako. Napangiti ako. Dumulas sa mabuhanging parte ng kalsada ang gulong ng bisikleta. Nabuwal ako sa gilid ng kalsada!

“Maki!” itinayo ni Kuya Ayan ang bisikleta na dumagan sa akin. “Sinabi nang dahan-dahan, dahan-dahan.”

Natuklap ang tuhod ko. Hindi muna ako pinagbisikleta ni Nanay.

“Gagaling ka na n’yan, nagkasugat ka na e,” si Kuya Ayan, nang nilalanggas ni Nanay ng dahon ng bayabas ang sugat ko.

Nabigo ako. Gusto ko sanang matutong magbisikleta nang hindi nagkakasugat. Kasi, ibig sabihin niyon, magaling ako.

Nang marunong na akong magbisikleta, kung sasaan na kami nakararating ni Kuya Ayan. Mountain bike ang gamit niya, ‘yong mababa lang ang sa akin. Minsan, pumapahulo kami, sumisilay sa mga crush namin. Gusto niya ‘yong kaklase niya, at gusto ko naman ‘yong kaklase ko. Magkapatid ang mga kaklase namin. Parehas na maputi at mahaba ang buhok.

Nalilibot di namin halos ang sementadong kalsada ng baryo namin, sa pamumulot lang ng bala ng pellet gun. Inilalagay namin ‘yon sa lalagyan ng Eskinol o Maxipeel o kung ano pa, na napupulot lang namin sa basurahan o sa tabing-kalsada.

Parehas din kami palagi ng pellet gun, pag ‘yon na ang uso. Una siyang magkakaroon ng baril, at kung ano ang sa kanya, ganoon din ang ipabibili ko. Beretta ang naging unang baril namin, sunod, uzi. Sa pangatlo lang kami nagkaiba. Shotgun ang sa kanya, armalite naman ang sa akin.

“E naubusan na ng katulad ng sa Kuya ayan mo we,” sabi ni Tatay.

Nang minsan namang awayin ako ni Lloyd, ‘yong repeater sa amin, na dapat ay kaklase na ni Kuya Ayan, nasa grade 3 na ako noon, sinugod siya ni Kuya Ayan.

“’Wag mo nang bubu’sitin ‘yan!” sabi sa kanya ni Kuya Ayan.

Nang nasa grade 4 na ako, lumipat na ng bahay sina Kuya Ayan. Kinuha na kasi ng kapatid ni Tatay Mario ang lupang tinitirhan nila, patira lang pala ‘yon sa kanila. Dito na raw sa Nueva Ecija titira.

Pinilit kong hindi ako umiyak noon. At nagawa ko naman.

Nakabili sina Kuya Ayan ng bahay at lupa sa luwasan, bandang dulo na ng baryo namin.

Nagkikita pa rin kami ni Kuya Ayan sa eskuwelahan. Saka minsan, pag recess, o pag bago magsimula ang klase pag hapon o pag umaga, isinasali niya ako ng harangang-taga sa kanilang magkakaklase. At pag Lunes at Biyernes, sa amin siya nanananghalian. Bilin ‘yon sa akin ni Tatay, yayain ko raw si Kuya Ayan, nang hindi na nahihirapang umuwi pag tanghali.

Pero iba na rin ang mga hapon, malayo na sa dati. Kami-kami na lang nina Jun-jun at ng ibang bata ang magkakalaro. Parang may mali. Parang may kulang.

Nang maghayskul si Kuya Ayan, pag Sabado na lang siya nasa amin. Pero buong araw. Darating siyang nakabisikleta, at manunuod kami ng cartoons pag umaga, doon na siya manananghalian, maglalaro kami ng baraha kina Jun-jun kung minsan, pag tanghali, at magbibisekleta pag hapon.

Isang Sabado, nagbutingting kami ng kung anu-anong gamit sa bodega namin—spring ng kama, mga lata ng gatas, tela, pako, kahoy, tubo, at kung anu-ano pa. Gumawa kami ng kung anu-ano mula sa mga ‘yon, nagaya namin sa napanuod namin sa TV.

Itinali namin ng leteng ang mga barbecue stick, saka ipinasok sa butas ng lagayan ng lotion. Binalutan namin ng pad paper ang lalagyan, saka dinrowingan ni Kuya Ayan ng mata, ilong at bibig. Tatsulok pa nga ang naging ilong. Sa likod, isinulat ni Kuya Ayan—“Maki & Ayan, FRIENDS FOREVER.”

Tapos, naisip kong kahit kailan pala, hindi pa kami nagkaaway ni Kuya Ayan. Itinago ko ‘yon, pero hindi ko na alam kung saan na napunta.

Nang magtapos ako ng elementarya, kinuha na ako nina Mama, kinahapunan pa lamang. Umalis ng bahay si Tatay, di raw kayang makita akong umalis. Panay ang iyak ko noon, hanggang sa biyahe.

Undas na nang mauwi ako. At sabi sa akin ni Nanay, mula raw noong mag-aral ako sa Valenzuela, hindi na pumupunta sa amin si Kuya Ayan. Sa mga sumunod pang taon, bihira na rin akong nauuwi ng Nueva Ecija. Pag Pasko, Mahal na Araw, Undas, Bagong Taon at bakasyon na lang. Noong una, pumupunta-punta pa ako sa kanila. Pero kalaunan, nasa kolehiyo na yata ako noon, hindi na. Nakahiyaan ko na.

Kagabi, nagka-chat kami ni Jun-jun, sa Facebook. Ibinalita niya sa aking ikinasal na si Kuya Ayan, noong isang linggo. Dalawang buwan na raw na buntis ‘yong babae. Sa simbahan sa Laguna raw ang kasal, dahil tagaroon ang napangasawa.

At kakaunti lang daw ang imbitado.

Linggo, Enero 13, 2013

“Noong Araw,” Habang Tumatagal


Nagkaroon ako ng titser noon sa mataas na paaralan, sa Araling Panlipunan, na nagsabi kung anong edad kami mamamatay, sa pagtatanong lang kung anong taon kami ipinanganak.

“Ikaw?”

“Nineteen eighty-eight, Ma’am.”

“Naku, sixty ka lang.” Itinuro niya ako, “’kaw?”

“Ninety ninety po,” sagot ko.

“Fifty-five ka lang.”

Hindi manghuhula si Ma’am, hindi rin nutritionist. Lalong hindi naman siya ganoon kaseriyoso sa sinabi niya. May pagkabiro pa nga. Pero birong hindi nakatutuwa, kundi may kurot. Nakagigising.

“Kayo, hindi maganda ang panahon n’yo. Kami, no’ng mga dalaga’t binata pa kami, no’ng kapanahunan namin, naranasan naming magtanim. Lumulusong kami sa bukid,” inilaki pa niya ang may kalakihan na nga niyang mga mata. “Malungkot ang panahon n’yo.”

Hindi ako naniniwala sa sinabi niyang “malungkot ang panahon n’yo.” Nasa tao ang pagiging malungkot ng kanyang panahon. Pero may punto siya.

Sa madalas kong pakikinig sa kuwento ng mga lolo’t lola ko, sa kuwento ng matatanda sa probinsiya, at sa pagbabasa ng mga kuwentong naganap noong 1960, pabalik, “Dugo sa Bukang-Liwayway” ni Rogelio Sikat at “Ginto ang Kayumangging Lupa” ni Dominador B. Mirasol, halimbawa, hindi ko maiwasang hindi mainggit.

Dati raw, pag namangka ka sa ilog nang gabi, katukin mo lang ng sagwan ang gilid ng bangka, magtatalunan na ang mga isda. ‘Ka ko naman, ngayon, pag kinatok mo ang bangka, baka malansag, mabutas at lumubog, dahil sa baba ng kalidad ng mga materyales. Bukod pa sa nanlilisik na katotohanang bibihira na ang isda sa mga sapa at ilog. Madali rin daw magdulang noon, ‘yong pangunguha ng ginto sa buhanginan sa ilog. Ngayon, ang mga nagdudulang sa amin, inaabot na ng linggo, wala pa ring nakukuha. At ang tulya raw noon, sa sansaglit sa ilog, nakakalahating timba na sila.

Walang dudang malabo na nga ang ganito ngayon, dahil sa pagkasira ng kalikasan. Hindi na gayon kagandang paliguan ang ilog. At ang unang dapat sisihin dito ay hindi naman ang mga nakatira sa tabing-ilog, sapagkat ang pagtatapon lang naman ng basura ang kasalanan nila, na iilan nga lamang ang gumagawa. Ang dapat sisihin dito ay ang mga kapitalista. Halimbawa, nalulungkot ako pag nakikita ko ang Ilog Peñaranda, sa amin sa Nueva Ecija, o kung nakikita ko ang litrato namin sa ilog noong mga bata pa kami. Nakapalaki ng ipinag-iba ng dalawang ilog, ng sa kasalukuyan at ng sa larawan.

Ang nasa larawan ay mabato, may ilang palanas, may maliit na isla sa gitna na may luntiang mga damo at pinagtatayuan ng mga damara kung Sabado de Gloria, malinaw at malaki ang pampang. Habang ang ilog ngayon, bukod sa malabo, ay puro banlik. Pag naligo ka, halos wala ka nang matapakang bato o buhangin, puro putik na lamang. Wala na rin ang isla sa gitna, at kinain na ng ilog ang dalampasigan. At patuloy pa ngang kinakain, pati ang lupa ng mga nakatira roon.

Malalim na ang ilog. At ‘yon ay hindi bunga ng pagtaas ng tubig, kundi ng patuloy na paglalim ng lupa, na dulot ng mga quarry. Hinuhukay ng mga quarry na ito ang lupa ng mga ilog, saka kumukuha ng mga bato at buhangin para ibenta.

Nalalagay tuloy ang buhay ng marami tuwing magkakaroon ng bagyo o kahit malakas na ulan lamang. Higit sa lahat, naghihingalo na ngayon ang mga ilog.

Legal at may papel ang ilan sa nasabing mga quarry. Ngunit anu’t anuman, legal man o hindi, nakasisira ito ng kalikasan, ng buhay, ng kultura.

At gaya ng nabanggit ko kangina tungkol sa bangka, madalas ko ring marinig kay Mama ang gayong mga halimbawa. Gaya na lamang noong bumili kami ng bagong plantsa, napansin niya agad na magaan ito. “Iba talaga ‘yong mga plantsa noong araw.” At nang mamlantsa nga ako sa probinsiya, gamit ang isang matandang plantsa, napansin kong di hamak na mas mabigat nga ‘yon. Halata ring mas matibay, saka mas mahusay makapamlantsa.

Ganito rin ang sinasabi ni Mama kung bumibili kami ng mga bagong kubyertos, o kung may nabaluktot na tinidor dahil sa pagtusok sa matigas na ulam. “Iba talaga’ng mga tinidor noong araw.”

Kaya’t masasabi kong walang duda, di hamak na mas maganda nga ang kalikasan at kalidad ng mga bagay dati. At sobrang nakatatakot ito. Ngunit bukod dito, may mas nakatatakot pa… ang pagbabago ng kultura.

Noong nasa elementarya pa ako, ibang-iba ang Pasko, hindi lamang sa klima… ‘pagkat noon, Setyembre pa lamang ay maginaw na, “pagsubok na ang pagligo,” ‘ika nga, habang ngayon, Disyembre 15 na ay napakainit pa. Alas-siyete pa lamang noon ng umaga ay marami nang namamasko. Puno rin ang mga mesa sa dami ng handa kung Noche Buena, at maraming nangangaroling kung ika-24 ng gabi.

Hindi na palaisipan kung bakit kakaunti na lamang ang laman ng mesa kung Noche Buena at kung bakit kakaunti na lamang ang naa-aginaldo ng mga bata kung Pasko. Sapagkat damang-dama ng mas malaking bilang ng mga mamamayan ang kahirapan, parang latigong inihagupit ng kung ilang ulit. Ngunit ano ang sa kaso ng pagdalang ng mga nangangaroling?

Sa hirap ng buhay, masasabing mas kailangan nila ngayon ng pera. Kaya’t aasahang mas marami ang nangangaroling. O mas nararamdaman nilang karamihan naman sa mga tao ay sisigaw na ng “Tawad!” nagsisimula pa lamang silang kumanta, at na kung may magbibigay man ay piso o dalawang piso lamang? O nahihiya nang mangaroling ang mga bata ngayon, dahil mas abala na sila sa kulturang handog ng makabagong panahon at bagong teknolohiya… mag-DoTA (Defense of the Ancient), mag-Facebook, manuod ng mga bagong episode ng “One Piece” at “Naruto” at kung anu-ano pang anime?

Ayon sa mga sosyolohista, maging sa mga nakarating na sa iba’t ibang bansa, iba ang saya sa Pilipinas, at natatangi ang Pasko rito. Ngunit kung ganito na katamlay ang pagdiriwang ng Pasko sa bansa, paano pa kaya sa ibang bansa, kung saan ikinumpara ang Pilipinas, at higit, paano pa kaya ang Pasko sa Pilipinas sa mga susunod na henerasyon?

Isa lamang ang Pasko sa napakaraming tanawing magandang pakatitigan ng bawat Pilipino, upang mas maunawaan ang pagbabago ng kultura ng bansa.

Sa dati kong pinagtuturuan, madalas lokohin ng isang batang English teacher, babae, ang matatandang titser na lalaki, mga lampas 30 gulang lang naman… mga bata pa rin kung tutuusin. Tinatawag niyang “gurang” ang mga ito.

“Pag nagkaasawa ka, matanda!” sagot ng isa sa mga tinatawag niyang “gurang.”

“Tatanda ka rin,” ito ang madalas na pananggol ko sa mga binubuwisit niya.

“Kahit na, mas matanda pa rin sila. Di pa rin sila makakaganti.”

Totoo, mas matanda na nga sila noon. Lagi tayong mas bata sa mga mas matanda sa atin, at kahit kailan, hindi tayo magiging mas matanda kaysa sa kanila, literal… anuman ang gawin natin, anuman ang kanilang gawin. Ngunit nanlilisik ang mga mata ng katotohanan, mas magandang mundo ang kanilang inabutan. At malaking bagay na ‘yon para kainggitan.

Madalas ko tuloy maisip, paano kaya kung noon na lamang ako nabuhay, “noong araw.”

Miyerkules, Enero 2, 2013

Hilik


Sa mga gabing tahimik,
ito’y mas maririnig,
kung yakap-yakap ng dilim,
kasabay ng paminsan-minsang
ugong ng sasakyan,
kulitan ng mga butiki,
kuwentuhan, yabag ng mga dumaraan,
paghinga ng refrigerator,
tik-tak ng orasan.

Sa mga gabing tahimik,
ito’y mas maririnig,
at kung mahal sa buhay ang lumilikha,
kung sa lugar na kilalang-kilala,
magiging musika sa kaluluwa,
maghihilom ang sarili,
madarama ang tunay na tahanan,
ang kaligtasan,
pagkatapos, mararamdamang nasasalinan
ng bagong katatagan.

Martes, Enero 1, 2013

Ulan


Musika sa bubungan,
pakadamhin ‘tong ulan,
kung gustong masalinan
ng bagong katatagan.

Kuliglig


Napakagandang himig
ng awit ng kuliglig,
anong lamig na tinig,
‘sang halik ng pag-ibig.

Buwan


Balot ng kagandahan,
pakapagmasdan ang b’wan,
at ang ‘yong mga pasan,
dahan-dahang gagaan.