Linggo, Nobyembre 6, 2022

Mga Tiyanak at Iba Pang Tula



MGA TIYANAK

Ito ang kanilang teritoryo—

mukhang kay payak lang na mundo

upang di mahalatang laberinto.

 

“Iligaw sa dawag nitong kagubatan

ang mabababang uring nilalang,”

ang atas sa kanila ng punong aswang.

Sapagkat di sila dapat makalabas,

nang di matanglawan ng sikat ng araw.

 

Kay rami nang pinaslang ng punong aswang.

Galak na galak siya sa hindi maubus-ubos

at kay lilinamnam na mga lamanloob.

Salamat sa laksa niyang tiyanak,

pinagpupugayan siya ng lahat.

 

May mangilan-ngilang nakalabas

sa kagubatan, at binalikan ng katinuan.

Itinuturo nila ang daan palabas,

ngunit inuusig at binabato sila ng lahat.

 

 

 

TIYANAK

 

Siya na lang ang nalalabi sa kanilang uri.

At sapagkat wala nang mga gubat,

sapagkat hindi na kasingsukal

ang tinatawag na mga kasukalan,

itong siyudad na ang kanyang pook-laruan.

Laberinto ang sanga-sangang lansangan,

naninindak ang mga gusaling nakapamaywang.

nanlilinlang ang magkakamukhang daan.

Ang buong lungsod ay mapanglitong

dawag ng ugat at mga laman-loob.

Ngunit hindi niya rito inililigaw

ang kawawang mga nilalang.

Hindi lamang lunan ang nagbago,

umangat din ang antas ng panlilito.

Inililigaw niya ang mga tao sa siyudad

sa kani-kanilang saysay at pangarap.

May mga nag-akalang nasa

pagbuo ng sariling pamilya ang saya,

naligaw sa talagang nais na

mabuhay nang binata at dalaga.

May mga nauhaw sa palakpak.

At ngayong kilala ng lahat,

saka nasasaid ang balon ng galak.

 

Walang silbi ngayon sa kanya

ang pagbabaliktad ng kamiseta.

Kung kaya nilang hindi pakinggan

ang mga alingawngaw ng siyudad,

saka lang sila makakaligtas

sa laberinto sa kanilang utak.

Iilan pa lamang ang nakalabas,

silang sa kabila ng ingay ng paligid

ay nagawa pa ring marinig

ang sinasabi ng sariling tinig.

 

 

MANANANGGAL SA LUNGSOD

 

Dalawang beses lamang kada linggo niyang

hinahati ang pagal na katawan.

Iiwan sa kipot ng inuupahan

ang ibabang bahagi, samantalang

lilipad sa lungsod na mas masalimuot

pa sa dawag ng laman-loob

ang itaas na bahaging kadalasa’y

hindi makapaimbulog

dahil sa hatak ng pagod, gutom at antok.

 

Hindi lang naman sinaklot na katawan

ang kailangan para mabuhay.

May kuryente, internet, renta sa bahay,

tubig na kailangang bayaran,

na kada buwan ay nagbabantang mandagit

kung di makatutupad sa mga palugit.

 

 

Dalawang beses lamang kada linggo niyang

hinahati ang pagal na katawan.

Ngunit hindi mabilang kada araw

niyang hinahati ang sarili.


-----

Ang akda ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12




                                                                https://culturalcenter.gov.ph/

                                                         https://www.dmcihomes.com/

                                                https://www.facebook.com/SaranggolaPH

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento