SA MALAYONG HINAHARAP
Kay tagal itong pinangarap ng sangkatauhan,
at nandirito na tayo ngayon:
kuwentuhan sa kay linaw na hologram;
mga robot ang serbidor
sa mga restoran sa lungsod
maging ang gumagawa ng ulat-
pampinansiyal ng mga kumpanya.
Perya ng abanteng-teknolohiya
ang laberintong mall.
May mga klinika para
permanenteng palitan ang kulay ng mata.
May mabisang pormula
para sa mga napapanot,
kailangan lang bumili agad ulit.
Isang buwan lang ang palugit,
at ang buhok ay muling ninipis.
(Abante na ang mga instrumento,
ngunit narito pa rin ang klasiko
na agham ng pagnenegosyo.)
Kay tagal itong pinangarap ng lahat:
suson-susong kalsada, pagbaha ng liwanag.
Ngunit kay rami ng gaya kong
ang hinahanap ay ang inibig
ng mga lolo’t lola sa tuhod.
Nasaan na ang rikit ng dapithapon?
Nasaan na ang huni ng mga ibon?
IMBENSYON
May gabigas na card sa sentido ang lahat.
Kapalit ng unang mga bakuna,
ikakabit sa sanggol ng doktor ng pulisya.
“Para mairekord sa sistema ang bawat isa,
at nang madaling matukoy
ang mga mapagsamantala.”
May baril na ang bala ay kay gaang bola.
Sa sandaling tamaan ang pinuntirya,
ang bola ay bubuka, sa taas ng boltahe,
ang tinamaan ay bubulagta sa kalsada.
“Para ligtas tayo sa mga terorista.”
Ngunit tuwing may kilos-protesta,
may nagdedeliryong aktibista,
nanginginig, at nanlalaki ang mga mata.
Kay raming naimbento ng mga eksperto.
Kay raming pinondohan ng gobyerno.
Ngunit walang kahit anong inimbento
para may makain ang mga tao.
HOLOGRAM
Madali ritong makapasok, ngunit halos imposibleng makalabas. Itataas lang ang isang kamay, mag-i-scroll sa sentido, at lalabas na sa hologram ang birtuwal na espasyo—laberintong tindahang nagbebenta ng anumang hanapin mo. Nakaprograma ang lahat sa pulso at sentido. Sa sandaling tumigil ang daloy ng dugo, ang sistema ay agad maglalaho. Kaya hindi mananakaw, at ang datos ng may ari ay ligtas. Magbababala ang mga siyentista hinggil sa pag-iksi ng búhay dulot ng mga elemento at mákináng ipapasok sa katawan, ngunit hindi sila pakikinggan. Sa mga pagkikita tuwing Kapaskuhan, sa muling pagtatagpo ng magkakaibigan, sa mga salu-salo tuwing may kamag-anak na ikakasal, magkakaharap ngunit magkakalayo ang lahat—naliligaw sa laberintong birtuwal. Laksa pa rin ang mag-aaway sa birtuwal na daigdig. Hindi hihingi ng paumanhin ang nagkamali, hindi magpapaliwanag ang nakakabatid, hindi magkukusang maging tulay ang nakakaunawa sa magkabilang panig. Isang bata ang magtatanong ngunit hindi siya pakikinggan: "Hindi ba’t ang abanteng teknolohiya ay para mas magkaunawaan?"
----------
Ang akdang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2023.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento