Sabado, Nobyembre 5, 2022

Pagdama sa mga Saglit

  

“KUNG MAGKAPE KA, isang oras.”

Madalas akong pagsabihan ni Mama tungkol sa tagal ko sa pagkakape. Bakit daw gusto ko ang kay lamig na kape? Retorikal na tanong lang iyon. Hindi ko gusto ang lumamig nang kape. Ang gusto ko ay kape sa bagong kulong tubig. Lumalamig lang ang kape dahil matagal akong magkape, hindi na kainitan kung 1/3 na lang ang laman ng mataas na tasa. Isinasabay ko kasi sa pagkakape ang pagbabasa, pagsusulat, pagmumuni. Maitatanong tuloy, gaano ba dapat kabilis ang pagkakape?

Ilang ulit kong nadaanan noong 2021 ang isang paskil sa Facebook sa shared post ng mga Facebook friend ko, na nagsasabing ang búhay ay ang kasalukuyang saglit. Tuwing umiinom ng kape, namnamin, dahil ang saglit na pag-inom ng kape ang búhay. Damhin ang anumang ginagawa, sapagkat ang saglit na iyon ang búhay.

Sang-ayon ako sa pinupunto ng paskil. Kaya itinutuon ko ang atensyon ko sa isang bagay lamang—sa kasalukuyan kong ginagawa. Tuwing nanunuod ako ng anime, halimbawa, o nagsusulat, nandoon dapat ang buong atensyon ko. Kaya lamang, nahihirapan pa rin akong ituon ang atensyon ko sa kasalukuyan kong ginagawa. Bukod sa nakakagambala ang social media, sinanay kasi tayo ng sistema na pinagsasabay ang mga gawain.

Sa ilalim ng kapitalismo, nagmamadali ang mundo, at pinakaaligaga ang lungsod. Bawal ang babagal-bagal, bawal ang pagtanga, dahil ang usapin ng oras ay usapin ng kíta. Marami dapat natatapos sa kada araw. Si Mama nga, dati, ay paminsan-minsang nakapagsasabi ng “Kaiinam natin, nagsipagtanga.” Bagama’t masaya naman siya tuwing sinasabi ito, pabirong pahayag tuwing may bonding kaming mag-anak sa sála. Ipinaliwanag ko sa kanya na problematiko ang gayong litanya. Sa iba naman ay maririnig ang “Hay, lumipas na naman ang maghapon na walang natapos.”

Napakaproblematiko ng pagpapakahulugan natin sa salitang “produktibo.” Hindi “produktibo” para sa marami ang pagpapahinga, at ang paglalaan ng panahon para sa sarili. Hindi nakikita ng marami na balon tayo na nasasairan ng tubig, at na ang panahon para sa sarili ay paraan natin ng pagpuno muli ng tubig sa ating sarili.

Isang gabi, matapos sitahin ni Mama ang tagal ng pagkakape ko, nakasulat ako ng tula.

“Paglipad Itong Pagkakape”

Kay payak lang nitong hiling:

payapang saglit tuwing nagkakape

nang maibuka ang mga pakpak,

makalipad, at mapagmasdan

mula sa itaas ang lahat.

Sapagkat pagkatapos nito

ay nababawasan ang bigat.

 

Ngunit parati, pinagmamadali sa higop.

Kay ramot ng mundong

kíta at tubò ang nagpapainog.

 

SI GRANT SNIDER, Amerikanong komikero, ay kay husay mamilosopiya sa ilang panel lamang ng komiks. Ilan sa mga sinabi sa comic strip niyang “The Attention Manifesto” na binubuo lamang ng anim na panel ang mga sumusunod: “I will pay attention on what is in front of me,” “I will find beauty in the mundane,” at “I will stay open to wonder.”

Malinaw ang pinupunto sa comic strip ni Grant Snider—ang sumalungat sa agos ng nagmamadaling mundo.

Masasabi kong isinasabuhay ko ang hindi pagmamadali. Ngayong may pandemya, naglalakad ako nang humigit-kumulang limang kilometro kada linggo. Nagbabasa ako ng mga libro, nanunuod ng mga pelikula at dokumentaryong pampelikula. Nakikipaglaro ako kina Dagli at Champ-champ, mga aso namin. Itinatala ko sa dyornal ang karaniwang mga bagay, at sa pagtatalang ito ay nakakausap ko ang aking sarili.

 

MAHALAGA RAW ANG MEDITASYON para maging payapa ang isip, sabi noong Marso 2022 ng kaibigan kong si Lyn, matapos kong ikuwento sa kanya ang mga gumugulo sa isip ko, mga bagay na epekto sa akin ng pandemya, lockdown, malinaw na kabatiran na walang pakealam sa mga mamamayan ang rehimeng Duterte, at takot sa posibleng maging resulta ng halalan 2022. At ipinaliwanag niya ang importansya ng meditasyon.

Agosto 2022 nang magsimula akong mag-meditate, dalawang buwan na ngayon. Naka-earphone ako habang nagme-meditate, pinapakinggan ang tunog ng malakas na ulan sa naka-play na YouTube video. Naka-indian sit ako sa aking kama, at patay ang ilaw sa kuwarto. Tuwing gabi lang ang aking meditasyon, bago matulog, at bihira lang ito—isang beses kada isa hanggang dalawang linggo. Pag tapos na ako sa meditasyon, nalalaman ko kung gaano ito katagal sa pamamagitan ng pagtingin sa YouTube video. Tumatagal lang ito nang 5-12 minuto. Pakiramdam ko ay kay tagal-tagal na ng 12 minuto.

“Nakakabagot.” Ito ang pinakamaikokomento ko sa meditasyon. Nakaupo lamang ako, sinisikap na blangko lamang ang isip, habang humihinga nang malalim. Walang baryasyong gawain.

Ngunit naisip ko kalaunan na hindi ang meditasyon ang problema, kundi ang kinasanayan nating sistema. Sinanay tayo ng nagmamadaling mundo na nag-iisip ng ibang bagay habang may ibang ginagawa para “sulit” ang panahon. Halimbawa, kung maluwag sa tren, nagbabasa ako ng libro o nanonood sa Netflix.

Sa meditasyon, bahagyang umaalis ang sarili ko sa pisikal na lunan, kung papaanong sa akto ng meditasyon, umaalis ako sa aligagang lipunan.

 

SA ARTIKULONG “Why Life is Fast: A Sociology of Time” (2021) ni Jayeel Cornelio sa Rappler, ipinaliwanag niya ang pagbilis ng oras sa lente ng biyolohiya at sosyolohiya, bagama’t sa huli siya nagtuon. Pinupunto sa artikulo na dahil sa kapitalismo, may kompetisyon, at dahil sa kompetisyon, may pagmamadali. Aniya, “The capitalist enterprise teaches us to make the most of our time because it has turned it into a scarce resource. Making time more scarce is competition — who deliver faster wins.”

Hindi nalalayo rito ang paalala sa nobelang Slowness ni Milan Kundera. Aniya, “Why has the pleasure of slowness disappeared? Ah, where have they gone, the ambers of yesteryear? Where have they gone, those vagabonds who roam from one mill to another and bed down under the stars? Have they vanished with footpaths, with grasslands and clearings, with nature? There is a Czech proverb that describe their easy indolence by a metaphor: ‘They are gazing at God’s windows.’ A person gazing at God’s windows is not bored; he is happy. In our world, indolence has turned into having nothing to do, which is a completely different thing: a person with nothing to do is frustrated, bored, is constantly searching for the activity he lacks.”

Kaya ang mungkahi ni Cornelio ay huwag magmadali. Aniya, “[T]o pursue a slow lifestyle is a protest against the commodification of time and dehumanization of people.”

Naisip ko nga na ngayong 2022, ilalagay ko sa dulo ng mga bionote ko ang linyang “Naniniwala siyang anyo ng protesta ang hindi pagmamadali, kaya dinarama niya ang mga saglit.”

Ngunit maraming salik sa pagdama sa saglit. Mas mailap ito para sa mga taong sumasahod ng minimum wage o mas mababa pa, sapagkat ang oras na para sana sa pahinga nila ay nailalaan sa iba pang trabaho, para matugunan ang araw-araw na gastusin. Mas madaling hindi magmadali kung makatuwiran ang lipunan—makatao ang pasahod, mababa ang presyo ng mga bilihin, nireregular ang mga empleyado, at maayos ang batayang serbisyo gaya ng serbisyong pangkalusugan.

Kaya bukod sa pagsisikap na makapaglaan ng panahon para sa sarili, mananatili akong kaisa sa mga kilos-protesta para sa makataong pasahod, mababang buwis, at iba pang bagay na dapat taglayin tungo sa mas maayang lipunan, isang lipunang lahat ay may pagkakataong mas madama ang mga saglit.


-----

Ang akda ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12


https://culturalcenter.gov.ph/

https://www.dmcihomes.com/

                                                      https://www.facebook.com/SaranggolaPH

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento