Nagkaroon ako ng
kaibigang diwata noong bata pa ako. Wala na siya, pero kasama ko pa rin siya.
Magulo ba? Heto, ikukuwento ko sa iyo.
May
diwata raw na nangangalaga sa kada bundok. Si Maria Cacao ang diwata ng Bundok
Lantoy sa Cebu, si Maria Makiling ang sa Bundok Makiling sa Laguna, si Maria
Sinukuan ang sa Bundok Arayat sa Pampanga. Sa mga bata lang daw nagpapakita ang
mga diwata ng bundok. Ang mga ito ay ikinuwento sa akin ni Idyanale, ang diwata
ng bulubunduking Sierra Madre.
Katatapos
lang noon ng tatlong araw na pananalasa ng bagyo. Nagpunta sa bukid si Tatay
para tingnan ang aming mga tanim. Bumaba sa patag si Nanay para bumili ng
asukal at kape. Nakarinig ako ng alingawngaw ng mga hikbi. Kay lamig ng tinig,
parang lagaslgas ng agos sa ilog. Hinanap ko ang pinagmumulan ng hikbi. Nagulat
ako sa nakita ko. Nakatayo sa harap ng nakatumbang punong mangga ang napakagandang
babae. Mahaba ang itim na itim niyang buhok. Kayumanggi ang kanyang balat. Kay
aliwalas ng kanyang damit.
Nang
makita niya ako, umihip siya sa kanyang palad. Lumipad ang mga dahon patungo sa
aking mukha. Bigla, nawala ang aking pangingilabot.
“Huwag
kang matakot, batang anak ng bundok.”
Itinapat
niya sa nakatumbang puno ang kanyang palad. May umangat na bolang liwanag.
Hinipan niya ito, at naging libong maliliit na liwanag. Parang mga bulaklak ng
kapok. Lumipad ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng bundok.
“Iyon
ang kaluluwa nitong yumaong puno. Muli siyang isisilang sa kay raming anyo.”
Mula
noon, naging magkaibigan kami ni Idyanale.
Hindi
pa ako nag-aaral. Dati, mag-isa akong naglalaro sa palibot ng aming kubo. Nakikipaghabulan
ako sa mga alaga naming kambing. Mag-isa akong namimitas ng bunga ng bayabas,
duhat, saresa, sinegwealas at mangga. Pero nang makilala ko si Idyanale, lagi
na akong may kalaro. Kinukuwentuhan niya ako palagi. Kay sarap makinig sa
kanyang malamig na tinig.
Aniya,
madali lang dating alagaan ang Sierra Madre. Kaunting ihip lang, tumutubo na
ang mga halaman. Kaunting ihip ulit, dumadami na ang mga usa, bayawak at matsing.
Ngunit tumitindi raw ang problema ng Sierra Madre, at tumatanda na rin daw
siya. Nahihirapan na raw siyang paghilumin ang mga sugat nito.
Isang
beses, hindi ko makita si Idyanale. May bubog sa kanyang mga mata nang bumalik
siya. “Laksa-laksa ang itinumbang puno sa Quirino. Ang bahaging iyon ay
mistulan nang sementeryo.”
Isang
hapon, pinutol niya ang kanyang kuwento nang may matanggap siyang balita mula
sa isang kuwago. Nang bumalik siya, basag ang tinig niya. “Ang isang bahagi ng
bundok sa Bulakan ay sinunog ng kaingin. Para na itong balat na galisin.”
Isang
umaga, narinig ko ang alingngaw ng hikbi niya. “Sa Rizal, may dam na planong
itayo. Libu-libo ang itutumbang puno. Ang mga hayop ay mawawalan ng
santuwaryo.”
“Alagaan
mo ang bundok pag wala na ako,” sabi niya minsan sa akin.
“Saan
ka pupunta?”
Ngumiti
siya at nagsimulang magpaliwanag. Aniya, 150 taon lang sa kalendaryo ng mga tao
ang buhay ng diwata. At habang tumatagal, humihina ang kanilang kapangyarihan. Kung
dati raw, maaaring sugurin ng laksang uwak ang mga naninira sa bundok, hindi na
niya ito kaya ngayon. Isang taon na lang daw ang natitira sa kanila ng iba pang
diwata. Pagkawala nila, magtatalaga raw si Bathala ng ibang mga tagapangalaga
ng bundok.
Nag-init
ang mga mata ko. Parang may nakabara sa lalamunan ko nang magsalita ako. “Ibang
diwata rin?”
“Hindi
ko rin alam,” sagot ni Idyanale. “Iba-iba ang suliranin ng kada panahon. Iba-iba
kailangang tagapagtanggol.”
Araw-araw,
hindi na lang ako basta kinukuwentuhan ni Idyanale. Ipinaliliwanag niya sa akin
ang mga banta sa bundok.
“Sistemang
bulok ang sumisira sa mga bundok. Ang iilan na sobrang yaman, hindi nasisiyahan.
At pinahihintulutan sila ng inyong pamahalaan. Kinukuha nila ang lahat sa
kabundukan. Puno, hayop, mineral, buhangin, bato. Hindi sila marunong
makuntento.”
Itinuturo
din niya sa akin ang mga dapat gawin.
“Mahalaga
ang magtanim ng mga puno’t halaman. Ngunit ito ay kulang na kulang. Kailangang
may mga pumuna sa sumisira sa mga kabundukan. Kailangang may mga magpaunawa
kung bakit dapat tutulan ang pagtatayo ng dam. Kailangang may mga magsulat kung
bakit dapat ihinto ang mga illegal na minahan. Ang kailangan ng bundok ay hindi
lamang paisa-isang tanim, kundi bigkis ng nagkakaisang tinig.”
Lumipas
ang isang maghapon, hindi ko nakita si Idyanale. Nang gabing iyon, nanaginip
ako. Ang linaw-linaw ng panaginip ko.
“Marami
kayong mangangalaga sa bulubundukin,” sabi niya. At naging isa siyang bolang
liwanag, na agad naging libong maliliit na liwanag. Lumipad ang bawat liwanag.
At ewan kung papaano, nakita ko kung saan pumunta ang mga ito. Ang bawat
liwanag ay pumasok sa noo ng nahihimbing na mga batang kaedaran ko. Ang huling
liwanag ay pumasok sa aking noo.
Mula
noon, hindi ko na nakita si Idyanale.
Ngayon
ay 27 taong gulang na ako. Nagtuturo ako sa mataas na paaralan, at ipinauunawa
sa mga estudyante ang halaga ng mga bundok. Halimbawa, ang Sierra Madre ang
pananggalang ng Luzon laban sa bagyo. Ngayon, isa ako sa mga masigasig na
lumalaban para pigilan ang pagtatayo ng Kaliwa Dam sa Tanay, Rizal.
-----
Ang akda ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12
https://www.facebook.com/SaranggolaPH
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento